ShareThis

  ESTADO

Clockwise Theater ng Waukegan



by Fermin Salvador.
March 1, 2012
Napag-alaman ko ang pagbubukas ng Teatro Clockwise sa Waukegan down town dahil sa mga paskil (post) sa Facebook tungkol dito ng mga prominenteng residente ng siyudad partikular si Gng. Joan Takamoto-Sabonjian na walang pagod sa walang humpay na kapo-promote ng mga ebento at planong pangsining at pangkultura sa siyudad na siya ang Unang Ginang.
Kuwento ng Dalawang Teatro
Nasa Kalye Genesee sa pagitan ng mga Kalye Washington at Avenida Grand sa Waukegan downtown ang Teatro Clockwise. Kahilera at ilang hakbang lang ang layo sa elegante at ‘Lake County landmark’ na Teatro Genesee. Nasa anino, sa madaling-salita, ang TC ng multi-milyong gusali ng TG. Ngunit ang teatro ay teatro. Ang ibig sabihin, sa labas ng salik ng pisikal na aspeto ang bawat teatro ay may sariling tatak/identidad. May sariling anyo at pagkakakilanlan bilang lunan ng sining ng pagtatanghal. Dinadala nito ang personalidad ng mga tao na nasa likod nito.
Isang ‘understatement’ kung sasabihin kong pabor ako at nalulugod sa pagdagdag at pagdami ng mga teatro at grupong teatro sa itinuturing kong siyudad na tahanan ngayon, ang Waukegan. Wala sa reputasyon ng Waukegan na isa sa mga ‘best medium-size city’ sa US o sa pagiging sentro ng sining at kultura. Pero birthplace at hometown ito ng primera-klaseng manunulat ng sci-fi na si Ray Bradbury, alas-komedyanteng si Jack Benny, at bayani-sa-komiks na si Johnny Blaze. Sa eryang downtown nito’y matatagpuan ang mga antigo (isang siglo o mahigit ang edad) na gusali at parkeng pantalan na batbat ng mga yate sa Lawa ng Michigan. Isang ideyal na lugar para sa hanap na kontradiksiyon ng isang alagad-sining na katiwasayan para sa pagdidili-dili at aktibidad para sa interaksiyon.
Magkalapit ang dalawang sentro ng pagtatanghal sa Waukegan downtown, ang Teatro Genesee at Teatro Clockwise. Kung ang TG ay mistulang korte ng hari ang TC ay parang baraks ng mga sundalo. Maikukumpara sa isang bodega na nilagyan ng dibisyon sa gitna na ang harapan ay ang lobby/reception area at sa kabila/likuran ng inilagay na harang ay ang tanghalan. Maliban sa hapag ng isang front desk clerk, sala set, buletinbord, at ilang lamesita ay halos hubad ang paligid ng Teatro Clockwise. Nakakuwadro sa dingding ang napablis na artikulo tungkol sa teatro at rebyu ng dula. Payak, level sa lupa ang tanghalan – tipikal na/sa ‘teatrong bodega’. Ang perpormans ng mga aktor at produksiyon ang nagbibigay dito ng mahikal na transpormasyon kaugnay ng ‘willing suspension of disbelief’ ng manonood.
Panunuyo sa mga Bampira
Pangalawa sa huling araw ng pagtatanghal ng dulang “Panunuyo sa mga Bampira” (“Courting Vampires”) ang inabot kong nasa marquee o, mas eksakto, sa poster na nakadikit sa dingding na salamin ng teatro. Ito’y dulang may dalawang oras na haba at tatlo lang na karakter. Mula sa panulat ni Laura Schellhardt at direksiyon ni Alexandra Main. Sa cast ay sina Norma Serna at Christina Thodos bilang magkapatid na Nina at Rill Archer at si David Thomases sa iba’t ibang papel mula sa colleague hanggang sa mangingibig hanggang sa ama ng magkapatid.
Ang tagpuan ng dula ay sa loob ng isang korte na umiiral sa loob ng isip ni Rill Archer. Depende sa dinidiskusyon ng mga karakter, nag-iiba-iba ang tagpuan na ang background ay napapalit-palitan sa pamamagitan ng paggamit ng projector kaalinsabay ng pagpapalit-palit ng panahon, eksena, at papel na ginagampanan ni Thomases. Ang sementeryo ay prominenteng tagpuan ng mga eksena na marapat kaugnay ng gotiko (gothic) na tema ng dula.
Sentral na reperensiya sa dula ang isang lumang librong ninakaw ni Nina sa aklatang-bayan, malaking makapal na aklat na naninilaw na ang mga pahina, at may kaugnayan sa ‘figurative’ na transpormasyon nila sa pagiging bampira.
Ang lumang libro ay may pamagat na “Mga Nilalang ng Takipsilim” (“Creatures of Twilight”). Ang twaylayt (twilight) na tinatawag ding ‘dapithapon’ at/o ‘takipsilim’ ay ang bahagi ng maghapon na tradisyunal na iniuugnay sa kaisipang mahikal/mistikal. Pansinin ang mga sinaunang salitang Tagalog na ‘dapithapon’ at ‘takipsilim’. Bagaman kumakatawan ang dalawang salita sa isang tiyak na yugto ng maghapon/panahon ay may pagkakaiba ang gamit nila ayon sa konteksto. Ang salitang ‘dapithapon’ ay nagbabadya o nagpapahiwatig ng kapanglawang hatid ng pagsapit ng karimlan bunga ng paglubog ng araw. Na winawakasan nito ang kaliwanagan/aliwalas ng maghapon at mga konotasyon nitong positibong bagay. Sa isang banda, ang salitang ‘takipsilim’ ay di ganap na kalungkutan ang ipinadarama bagkus ay may halong pagkabahala na tila ba ang pagtatapos ng liwanag ay pagsisimula ng kadiliman at mga kaakibat nitong misteryong waring likas na tuwing sasapit ang gabi. Kaya minarapat ko ang ‘takipsilim’ sa halip na ‘dapithapon’ sa ginawa kong pagsasalin upang magbigay-diin sa tono/tema ng kalagimang ipinahihiwatig ng titulo, at istorya na rin, ng dula.
Hindi naman talaga katatakutan ang “Panunuyo sa mga Bampira” sa paghahambing nito sa tradisyon ng mga ‘mababaw’ na horror film kabilang/partikular ang serye ng aklat/pelikula na “Twilight” bagaman mahahaka na ang kontemporaryong popularidad/meme ay sinakyan ng dula.
Clockwise Theater at Waukegan
Nasa isandaang tao ang nakaupo (sitting) na kapasidad ng Teatro Clockwise. Humigit-kumulang sa pitumpung tao ang kasama kong nanood – ito’y bilang na malayo sa inakala kong hindi aabot sa kalahati ng kapasidad ang magiging odyens. Puro lahing Puti sila, disente ang mga kasuotan at demeanor. Kung ito ang tipikal na bilang ng mga manonood tuwing tanghal ay masasabing di na masama at senyales na masusustena ng benta ng tiket (15 dolyar-US + service charge) ang operasyon ng teatro bukod sa pagkalap nito ng mga donasyon at tulong-pinansiyal mula sa gobyerno at pribadong institusyon. Pang-adulto ang dulang “Panunuyo sa mga Bampira” na ang marami sa odyens ay 40-taon pataas. Di ko alam ang educational at economic background ng odyens pero ang mga patron ng dula ay laging isang tiyak na hanay saanmang lipunan at estado kung alam ninyo ang ibig kong sabihin.
Ang ikinahanga ko sa Teatro Clockwise ay ang bisyon at misyon nito na nakaugnay sa pagsusulong ng Waukegan bilang sentrong pangsining at pangkultura. Na ito bilang teatro at ang Lungsod-Waukegan ay magkakabit-pusod. Layunin nito na maghandog ng mga dula kabilang na ang mga ‘world premiere’ bilang alternatibang libangan na may empasis sa mga mandudula (playwright) sa Midwest, sa mga naiiba at small-scale na musical, at sa mga adolesenteng odyens. Ang Waukegan, ayon sa websayt ng Teatro Clockwise, ay isang masigla (vibrant) at sari-lahi (diverse) na kumunidad na nagtataglay ng maraming makasaysayang gusali at ‘storefront’ na naghihintay ng renobasyon upang maging teatro, mga bukstor, art galleries, abot-kayang pabahay, at marikit na aktibong pantalan. Kaya di kataka-takang naakit ang mga propesyunal na bumubuo ng board of directors ng teatro sa potensiyal na madebelop ito sa isang “funky, urban, creative vibe similar to SoHo in the 50s and 60s but through the lens of the 21st century”. Isinaad din ng Teatro Clockwise ang sumusunod: “A perfect storm of events is coming together, including soaring gas prices, a shaky economy, and the urgency to create a greener world, to make this the time to seize the day. Clockwise Theater hopes to play a vital role in this renaissance.” Pangsining na direktor ng teatro si Madelyn Sergel at tagapamahalang direktor si Rebecca Adler.




Archives