ShareThis

  ESTADO

Sa Aparador



by Fermin Salvador.
February 16, 2012
Naging bigtaym na isyu ang hiwalayang KC Concepcion at Piolo Pascual. Umugong ang bulungan na di ganap na lalaki si Piolo. Nalikha ang mga ‘Piolo is gay’ joke. Ang mas malalim na aspetong pununtahan nito’y ang pagkamarapat o hindi ng pagiging closet queen yaman din lang na ang konsensus ay ganito nga si G. (o Bb.) Pascual. Kumbaga, paano ba idedepina ang pagiging ‘homophobic’ para matukoy din ang mga dapat lapatan nito.
Ipokrisyang Pangkasarian, Atbpa.
Hindi lang ang ipokrisyang pangkasarian at/o pagtatago ng tunay na kasarian ang talagang pampakati ng tuktok ngayon. Maraming magiging sanga ang isyu ng ipokrisya at ang nakatagong motibasyon mula sa galaw ng mga pulitiko hanggang sa mga alagad-sining.
Kung may isang buting nagawa ang eksibit na “Politeismo” ni Mideo Cruz sa Cultural Center of the Philippines (CCP) ito’y ang ibinunsod na kapasyahang magladlad, o patuloy na magkubli sa dilim, ng mga regular na maaangas sa mga balitaktakang pangkultura.
Sa ubod ang tanghal ni Mideo ay, gaya ng saad sa pamagat nito, atake sa kahinaan ng mga Filipino bilang isang lahi na mapaniwala ng iba’t ibang relihiyon. Pinakamalaking relihiyon sa Pilipinas siyempre pa’y ang Katolisismo. Binusabos ng mga Kastila ang Pilipinas nang mahigit tatlong daang taon gamit ang Simbahang Katoliko. Nakalaya man sa pisikal na kolonisasyon ay nanatili ang Katolisismo bilang primerang relihiyon sa Pilipinas. Walumpu hanggang siyamnapung porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ay mga Katoliko. Ang mga nalalabing porsiyento ay nababasag sa Islam, Paganismo, Aglipayan, Protestante, Iglesia ni Cristo, Budismo, at kung anu-ano pa.
Hindi lang primerang relihiyon, ang Katolisismo ay masasabing relihiyon ng masa. Samantala, para sa mga intelektuwal at makaagham sa Pilipinas at saanmang bansa ang tendensiya ng paniniwala ay patungong ateismo at pumanig sa tindig na walang diyos o Paglalang o intelligent design bagkus ang lahat ay bunga ng ebolusyon mula sa kaguluhan. Fairy tale ang relihiyon, ayon kay Stephen Hawking, at mga paslit lang ang nangangarap ng pam-fairy tale na katapusan ng bawat kuwento. Ikinumpara pa ni Hawking ang tao at alinmang may buhay sa isang kompyuter na ang pagtigil ng lahat ng piyesa’y payak na katapusan. Anya, walang langit para sa mga wasak na kompyuter. Dagdag pa niya, ang tao’y hindi dapat matakot sa karimlan (kamatayan) na sa perspektiba ng materyalismo ay permanenteng wakas ng pag-iral mo.
Pero hindi monopolyo ng mga ateista ang katalinuhang-utak at ang hanay ng matatalino. Kumunidad man ng mga siyentista o alagad-sining ay di siyento-porsiyentong binubuo ng mga taong walang relihiyon at lumilibak sa relihiyon.
Popular na Pagtuligsa
Sa mga lahing biktima ng matagalan, malawakan at sistematikong pang-aabuso ng Simbahang Katoliko, mauunawaan ang popularidad ng gawaing pagtuligsa sa nasabing simbahan. Si Dr. Jose Rizal, opisyal na pambansang bayani ng lahing Filipino, ang unang kumakatawan sa kadakilaan sa likod ng gawaing ito. Pero kalahating siglo man sa ilalim ng mga Amerikano na nagturo ng prinsipyong paghiwalayin ang relihiyon at estado kasabay pa ang pagpapairal ng makaagham na edukasyon at pag-iisip ay di bumaklas sa yakap sa Katolisismo ng (masang) Filipino.
Sa konteksto ng paghihiwalay ng relihiyon at estado at walang espesyal na istatus ng alinmang relihiyon maliban sa puwersa ng bilang, hindi marahil mahirap unawain na nirerespeto at kailangang irespeto ang Katolisismo hindi bilang isang hubad na kapangyarihan o isang doktrinang opyo-ng-taumbayan bagkus pagkat ito ang relihiyon ng nakararaming (masang) Filipino. Ang inirerespeto ay ang masa/tao bilang Katoliko at hindi ang Katolisismo bilang relihiyon ng tao/masa.
Hindi lahat ng masa ay kayang ipaliwanag bakit siya/sila naging kasapi ng isang relihiyon. Ni hindi niya/nila kayang ipagtanggol ang paniniwala sa nasabing relihiyon at ipagdiinan ang karapatang magkaroon ng relihiyon sa mga mas ‘edukado’ na kukuwestiyon/babatikos sa nasabing paniniwala. Pero gaya nang nabanggit, hindi lahat ng may relihiyon ay walang kakayahang ipaliwanag ba’t siya may relihiyon. May mga intelektuwal at alagad-sining na may relihiyon. Kaya nilang magpahayag pabor sa kalayaan at karapatan sa relihiyon.
Nahati ba ang mga intelektuwal sa pagharap sa Politeismo?
Pag-iwas sa Isyu
Sinu-sino ang harap-harapan at walang kundisyong nagpahayag ng pagsuporta kay Mideo? Sinu-sino ang mga biglang parang naputulan ng dila? Ang pag-iwas sumangkot sa isyu ay walang ipinag-iba sa pagsiksik sa ilalim ng kama o pagtago sa aparador sapagkat ‘nabakla’ na kumprontahin ang multo ng kanilang relihiyon sa harap ng waring popular na pagdurog dito ng hanay/sektor o grupo na hindi naiiba o marahil ay kinabibilangan din nila.
May mga pumabor sa eksibit ni Mideo na mga alagad-sining, ilan sa mga kasapi ng Concerned Artists of the Philippines at mga katulad na organisasyon, at mga taga-akademya.
May mga prominente na harapang kumontra at kumundena sa sining ni Mideo. Isa na rito ang manunulat sa Ingles na si F. Sionil Jose. Kilala si Jose sa pagiging Filipinong may kultura (cultured). Laganap ang mga nobela niya sa buong mundo at kabilang siya sa mangilan-ngilang manunulat sa Pilipinas na pamilyar ang mga banyaga. Kung idadagdag pang may gawad pambansang alagad-sining siya’y cliché na ‘least of qualifications’ na ito.
Ang masaya, hindi pinintasan ni Jose si Mideo sa paksa ng relihiyon kundi sa (unibersal na) depinisyon ng sining. Bagsak, sa paniniwala ni Jose, ang mga obra ni Mideo sa criteria ng pagiging sining. Paniniwala pa rin ang punto.
Relihiyon, Sining, at Balimbing
Di nga ba dalawang bagay ang nakapaloob sa usapin. Relihiyon at sining. Pareho, pasado sa mga pro-Mideo ang Politeismo. Sa mga anti-Mideo ay lagpak si Mideo kung hindi sa kawalan ng toleransiya sa relihiyon ay sa absensiya ng estetika ek-ek na pangsining. Sa pagitan ng dalawang grupong pro at anti ay kapansin-pansin ang mga personalidad na nanahimik.
Bakit kaya may mga nanahimik sa bruhaha? Dahil kaya ayaw nilang banggain ang mga pro-Mideo na ang marami’y kumrad din nila habang sa isang banda’y di maatim na birahin ang Katolisismo na marahil ay relihiyon nila sa loob ng aparador? Maisisisi kaya sa laro nila sa ‘clout’ pareho ng Simbahang Katoliko at mga kontra rito sa establisimyento? Balik tayo kay Piolo. FS




Archives