by Fermin Salvador.
February 1, 2012
Noong araw kapag nagpapalit ang taon, lahat ng bahay ay nagpapalit ng nakasabit na kalendaryo sa dingding. Ang mga may hapag ay nagpapalit ng kalendaryong nakalagay sa kanilang mesa. May pinapalitan ang munting kalendaryong nakalagay sa walet. Pero dahil halos lahat ay may selpon na, hindi na ginagawa ng marami ang rutinang ito sa tuwing simula ng bagong taon. May isang rutina na maski hindi pa uso ang selpon ay kaunti na ang ang gumagawa. Ito ay ang pagpalit ng gamit na talaarawan (diary) sa tuwing tutungtong ang buwan ng Enero.
Dating Popular na Kultura
Pagtatalaarawan. Dating popular na kultura. Kabilang ako sa henerasyon na saksi sa transisyon mula sa tradisyunal na paggamit ng papel sa pagsusulat/paglilimbag patungo sa ‘paperless’ na kalakaran na pinasimulan ng paglaganap ng kompyuter/internet. Libong taon ang nasa likod ng tradisyon na ang mga akda ay nakasaad sa papel. Daantaon ang binilang na ang pinakamodernong gamit sa pagsusulat ay makinilya. Sa loob lang ng ilang taon, binuwag ang sistemang ito ng pagdating ng kompyuter/internet. Inabot ko pa na ang pagtatalaarawan ay bahagi ng popular na kultura. May sikat na kantang “Diary” ang Bread at komiks na “My Diary”. May mga pelikula at dramang pangtelebisyon na nakasentro ang kuwento sa talaarawan ng bidang karakter.
Naging magtatalaarawan (diarist) din ako. Kulang isang dekada na kada pagpalit ng taon ay nagpapanibagong-talaarawan ako. Nasa mga talaarawang ito unang-una’y ang mga naging aktibidad ko buong maghapon. May panahong naging mabusisi ako sa pagtatala; pati ang eksaktong bilang ng bote ng serbesang naiinom ko sa bawat araw ay itinatala ko. Pagkatapos ng isang taon ay naisuma ko ang kabuuang bilang ng mga serbesang nainom. Iyon din ang panahong aktibo akong manunulat sa komiks at inilalagay ko ang bilang ng mga iskrip, may apat-na-pahinang kuwento atbpa., na natatapos ko kada araw. Pati ang mga romansang nobeletang pampaketbuk na isinusulat ko’y itinatala ko ang naidadagdag kong pahina sa bawat araw habang ito’y ‘work in progress’. Kapag Disyembre’y pumipili na ako sa bukstor ng magiging aklat-talaarawan ko para sa darating na taon.
Huminto ako sa pagtatalaarawan at makalipas ang ilang taon ay sinubok kong ibalik ang gawaing ito. Hindi nagtagal ay huminto uli ako. Hanggang ngayo’y naniniwala akong makabuluhang personal na aktibidad ang magtalaarawan at may mga kongkretong pakinabang ang pagkakaroon nito.
Pagtatalaarawan. May panahong ito’y kasingkaraniwan ng pagpapalitang-liham sa papel. Iyo’y panahong bago lumaganap ang telepono, ang liham-elektroniko, at lalong-lalo na ang selpon. Maraming detalye sa kasaysayan na utang sa mga talaarawan ang naging pagtiyak o beripikasyon. Talaarawan ng mga selebridad at mga ordinaryong tao, pare-parehong mahahalagang balon ng kaganapan at pananaw para sa mga historyador. Sino pa ang nagtatalaarawan sa panahon ngayon? Ano ang pumalit dito na mapagkukunan ng mga historyador sa hinaharap ng mga kuntil-butil ng emosyon at reaksiyon sa mga nagaganap sa kasalukuyang panahon?
Internet Age
Sa huling dekada ng nakalipas na siglo ay nauso sa hanay ng mga gumagamit ng internet ang pagkakaroon ng blog. Ito’y maihahalintulad sa pitak sa tradisyunal na pahayagan. Ang may blog o ‘blogger’ ay di kailangang may bakgrawnd ng pagiging propesyunal – ilimita natin ang katuturan ng ‘propesyunal’ sa suwelduhan – na manunulat at/o mamamahayag. Kahit nasa elementarya pa lang ay maaaring magkaroon ng blog bagaman hindi natin ibig ipahiwatig na mas kabasa-basa ang mga sulatin ng isang propesyunal sa mga sulatin ng isang nasa gredpayb, bilang halimbawa. Ang isang may blog na magtataho ay malayang dumiskurso sa blog niya tungkol sa itim na guwang sa uniberso. Eksaherasyon lang. Pero gaya nang nabanggit ay pitak-pitakan ang blog para sa kasiyahan ng tagasubaybay nito, hindi man sa panlahatang mambabasa. Ang karamihan ng mga regular na pitak, samantala, ay kalahating talaarawan at kalahating pananaw na kadalasa’y nakabase pa rin sa mga sariling karanasan.
Hindi ako nagbukas ng blog at lalong wala akong planong magkaroon nito ngayon pang nasa dapithapon na ang kausuhan nito. Ang blog ay isang boluntaryong paghahain sa mundo ng iyong mga sulatin. Ang pagkakaroon nito ay nangangailangan ng seryosong motibasyon. May ibig ka talagang iparating kahit na nga, gaya nang nasabi, di ito gaya ng palimbag na babasahin na malawak ang maaaring patunguhan sa halip na humigit-kumulang ay may depinidong odyens/mambabasa na pawang mga kakilala rin. Maaaring may mga estrangherong napapagawi sa blog mo pero eksepsiyon lang ito sa panuntunan. Batay sa mga nababasa kong blog, nagsisilbi itong jornal o tipong ‘journalese’. Sa blog, isinasalaysay ng blogger ang mga bago at/o kakaibang karanasan. Minsan ay talakay sa isang paksa na madalas ay bunga rin ng engkuwentro sa tinatalakay sa personal man o ‘vicarious’ sa pamamagitan ng masmidya. Importanteng may libreng oras sa regular na pag-apdeyt sa iyong blog habang wala itong editor na kakalampag sa iyo na dedlayn na. Ikaw lang ang magtutulak sa sarili.
Nakaaapekto sa kausuhan ng mga blog at maging grupong pang-internet ang paglukso ng kasikatan ng mga social networking site (SWS) na nangunguna ang Facebook (FB). Utang marahil sa FB ang pagkakaroon ng interes sa paggamit ng kompyuter at internet ng mga taong sa una’y naghakang hindi nila kailanman kakailanganin ito. Tinutukoy ko, lalo sa mga bansang atrasado o nasa ikatlong daigdig, ang mga mamamayan na walang kaugnayan sa pagsusulat/pagbabasa ang hanapbuhay at pamumuhay; mga mamamayan na di hirati at di handa sa walang patid na abante ng mga makabagong teknolohiya; mga walang hilig at di pinalaki/hinubog upang magkahilig sa pagbabasa at sa pasulat na pagpapahayag; mga may-edad na itinuturing na limitasyon ang edad upang matuto ng mga bagong gamit; at marami pa.
Ang FB, kung ulam, ay kumpletos-rekados. Maaaring ito na ang magsilbing pang-internet na grupo. Ito na rin ang iyong blog. Bukod siyempre sa ito’y instrumento upang makaugnayan ang mga kaanak, kaibigan, mga luma at bagong kakilala, at mga makikilala pa lamang. Noong araw, sikretong proseso ang pagmementina ng talaarawan kaya mahirap malaman kung sino/sinu-sino ang tatahi-tahimik ngunit nagmementina ng talaarawan. Ang blog, samantala, ay pampubliko at katunaya’y ipino-promote pa ito para mas maraming makabasa.
Reperensiya ng mga Historyador
Makakakita pa rin sa mga bukstor at tindahan ng mga gamit-opisina ng mga panindang aklat-talaarawan sa tuwing magpapalit ang taon. Mataas pa rin ang presyo ng mga ito, depende sa kalidad at elegansiya ng disenyo. Hindi na popular na kultura, parang naging eksklusibo sa mga may kung anong supistikasyon ang pagtatalaarawan sa papel sa halip na sa internet. Sa tingin ko’y nananatili ang orihinal na pakinabang ng pagkakaroon nito kahit sa panahong mas madaling tumipa sa teklado.
Naiulat na kinakalap at pinepreserba ng isang ahensiya sa gobyerno ng US ang lahat ng bagay/ideya na naisusulat/nailalagay sa mga account sa FB, Twitter, at lahat ng SWS sa internet. Reperensiya raw kasi ito sa mga kulay, hibla, at tekstura ng kulturang ginagalawan natin sa kasalukuyan. Kaya nasagot kung ano ang humalili sa mga talaarawan bilang gamit (tool) sa paghabi ng mga historyador at siyentistang panlipunan sa hinaharap ng kapani-paniwala (credible) na kasaysayan ng sangkatauhan sa isang partikular na panahon – ang kasalukuyan. Maaaring paghambingin sa aspeto ng kalidad bilang akdang pampanitikan ang nilalaman ng mga tradisyunal na talaarawan noong araw at ang mga apdeyt sa blog at mga istatus sa FB. Isama na ang pagiging awtentikong saloobin ng mga nagtala. Di na siguro kailangang sabihing iba ang ipinapahayag para sa sarili lang at iba ang sinadyang isapubliko sa simula’t simula pa lang.