by Fermin Salvador.
December 16, 2011
Ang napipintong detensiyon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay nagpapagunita sa akin sa panahong isa pang dating pangulo ng bansa, si Joseph Ejercito Estrada na mas kilala bilang si “Erap”, ang nakatakdang arestuhin. Eksaktong isang dekada ang nakalipas, taon 2001, nang maganap ang pag-aresto kay Erap sa asuntong di nalalayo ang uri sa haharapin ni GMA.
Noong panahong takdang arestuhin si Erap, wala pa sa US bagkus ay isang junior officer ako sa Byuro ng Pamamahala sa Piitan at Penolohiya o Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Pilipinas. Depyuti-tsip ako ng serbisyong legal sa Tanggapang Sentral (Central Office) nito na noon ay nasa isang gusali sa Avenida Kalayaan ilang kanto mula sa Bulwagang Panglungsod ng Quezon.
Bunso na Byuro
Kapos na kapos ang dating lokasyon ng CO ng BJMP sa Avenida Kalayaan para sa mabilis na paglaki nito bilang organisasyong saklaw ng pambansang pamahalaan. Isang katamtamang gusaling may apat na palapag. Kabilang sa mga bunsong organisasyon sa pambansang pamahalaan ang BJMP na itinatag noong 1991 sa bisa ng Republic Act 6975 na may layuning magreorganisa sa Kagawaran sa Interyor at Lokal na Pamahalaan o Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga nasa ilalim nito kabilang ang bagong tatag ding Pambansang Pulisya ng Pilipinas (Philippine National Police). Imbis na mga kampo gaya ng Kampo Crame at Kampo Bagong Diwa sa PNP ay tanging watak-watak at karamiha’y maliliit at antigong mga piitang panglungsod at munisipal ang may hurisdiksiyon ang BJMP.
Gaya nang nabanggit, may sampung taon pa lang sa mundo ang BJMP nang maganap ang kontrobersiya sa noo’y Pangulong Erap. Sinundan ito ng pag-alis niya sa puwesto at pagsampa ng kasong pandarambong laban sa kanya ng administrasyong Arroyo. Kung may arrest warrant, dapat itong ipatupad. Kung dapat ikulong, ilagay sa bilangguan. Kung may bilangguan siyempre may BJMP. Kung maligamgam na paksa ngayon ang napipintong pag-aresto kay GMA, lampas pa sa punto ng pagkulo ang kay Erap nang mga panahong iyon pagkat waring ‘déjà vu’ man ang nagaganap ngayon kay GMA ay may pagkakaiba sila ni Erap. Walang santambak na ‘die hard’ na mga suporter si GMA.
Kustodiya kay Erap
Sinusubaybayan ng pamunuan ng BJMP ang mga debelopment sa ulat-balita na kipkip ang agam-agam. Kapag sumailalim sa kustodiya nito si Erap, makakaya ba nitong makontrol ang libo-libo, o daan-libo, na suporter nito na posibleng hindi titigil hangga’t nasa likod ng rehas ang idolo? Sa aling piitan na may hurisdiksiyon ang BJMP siya ilalagay? Hindi ito simpleng usapin ngunit malinaw ang posibilidad na haharapin ito ng BJMP – magiging ‘sitwasyon’ di sa malayo kundi sa malapit na hinaharap.
Pangunahing adbayser ni Heneral Arturo Alit, hepe ng BJMP, si Koronel Ramon Abenir na hepe ng serbisyong legal at bosing ko noon. Bilang depyuti niya’y ako naman ang isa sa mga unang kinokonsulta ni Sir Abenir sa bawat problema. “Ano sa palagay mo?” Tanong ni Sir Abenir sa akin. “Kaya natin ito, kahit wala si FVR.” ang may halong birong sagot ko. Ang ekspresyon na ‘Kaya natin ito!” ay bukambibig ni dating pangulong Ramos na ang personal na kaugnayan kay Sir Abenir ay malalim bagaman wala sa mga opisyal na talaan. Ironiya rin ang sagot ko sa kundisyon ng bansa sa mga panahong iyon na napunta sa bise-presidente ang pagkapangulo na ang pinalitang pangulo ay nahalal nang ‘landslide’ sa terminong ni di pa nangalahati. Walang paghahambingan ang tinawag na “EDSA 2” sa “EDSA 1986” na ang pinagprotestahan ng milyong taumbayan ay isang awtentikong diktador at rehimeng diktadura na tumagal nang dalawampung taon. Bago “EDSA 2” ay kasalukuyang isinasagawa ang proseso ng ‘impeachment’ laban kay Erap na ang mga nakaluklok na senador ang tumatayong mga hukom na malayang magbaba ng hatol ayon sa sari-sarili nilang paninindigan.
Sinabi ko kay Sir Abenir na sa mga sandaling iyon ay dapat na may nakahanda nang ‘oplan’ ang BJMP para sa pagkustodiya kay Erap gaya rin na may operation plan para sa bawat mabigat at/o kumplikadong sitwasyon na takdang harapin ng Byuro. Nagsuhestiyon na rin ako na ito’y tatawaging “Oplan: Erap”. Natigilan si Sir Abenir pero alam kong dumikit sa isip niya ang mungkahi ko. Ang mga sumunod kong sinabi ay pagpapayabong na lang, kumbaga sa halaman, sa ideyang umusbong na. Sinabi kong anuman ang limitasyon ng BJMP sa bilang ng tauhan, gamit, at pasilidad ay taas-noo nitong gagampanan ang tungkulin na magkustodiya sa lahat nang may pananagutan sa batas pati na, kung kinakailangan, ang dating pinakamakapangyarihang tao sa bansa. Ito ang magsisilbing ‘finest hour’ para sa BJMP!
“Oplan: Erap”
Sinabi sa akin ni Sir Abenir na isulat ko ang balangkas ng “Oplan: Erap” at ipepresenta niya ito sa top management. Mula sa limang pahinang burador ay unti-unting nagkahugis at kumapal ang magiging opisyal na oplan matapos mailagay dito ang dagdag mula sa mga utak sa iba’t ibang dibisyon ng Byuro hinggil sa lahat ng aspetong magiging sangkot sa operasyon.
Matapos ang pag-uusap naming iyon ni Sir Abenir at pagbuo ng “Oplan: Erap” ay nagkaroon ng malinaw na tindig ang BJMP sa posibilidad ng pagkustodiya nito kay Erap. Bago iyon ay tila bagong-lutong kamote na iniiwasan ang isyu. Waring ang konsensus ng pamunuan sa una, kahit na hindi pa opisyal na ipinapahayag, ay ang magpaumanhin sa Malakanyang na wala sa kapabilidad nito na ikustodiya si Erap. Sa halip, naging positibo ang dulog ng BJMP. Handa itong ikustodiya ang dating pangulo, bagaman kailangang bigyan ito ng sapat na suporta. Napiling kulungan ang noo’y tinatawag na Metro Manila Rehabilitation Center (MMRC) na nasa loob ng Kampo Bagong Diwa/Ricardo Papa sa Bicutan matapos ikunsidera ang Manila City Jail at Quezon City Jail na parehong nasa sentro ng siyudad ngunit pareho ring umaapaw sa dami ng detenido.
Sa tuwing naiinterbiyu ng midya ang pamunuan ng BJMP sa CO, at maging ang mga warden, may nagkakaisa nang tugon na may nakahanda nang “Oplan: Erap” ang Byuro na ipatutupad na lang sa sandaling kailangang ikustodiya nito ang dating pangulo.
Nang sadyang araw na lang ang bibilangin at isasagawa na ang pag-aresto kay Erap ay ipinatawag ng Korte Suprema ang top management ng BJMP, PNP, DOJ, at ibang ahensiyang kasangkot sa tinatawag na ‘criminal justice system’ ng bansa. Sa isang ‘closed door’ na pulong ay ipinahayag ng Korte Suprema na ang usapin ng pagkustodiya sa isang dating punong ehekutibo ay di responsabilidad lang ng BJMP bagkus pati PNP at maging militar. Nagsagawa na sila ng pag-aaral at base rito’y kailangang PNP ang magkustodiya kay Erap; kung maaari’y sa punong himpilan nito sa Kampo Crame. Pero ito’y sikreto hanggang sa huling sandali bago ang pag-aresto. Walang ibang dapat makaalam nito pati sa loob ng organisasyon maliban sa mga naroon. Anuman ang kasalukuyang pahayag sa publiko ay ipagpatuloy lang para mailihis ang atensiyon ng mga elementong nagbabalak laban sa hakbang ng gobyerno.
Si Erap Noon, “Oplan: Gloria” Ngayon
Marahil may naitabi akong kopya ng “Oplan: Erap” sa bundok ng mga abubot ko. Ito’y isang salansan ng mga papel na nagsasaad ng kumpletong planong-hakbang na di nakatakdang isakatuparan bagkus ay nagsilbing ‘decoy’ para ‘madenggoy’ ang publiko. Panglihis sa tunay na balak ng Malakanyang na ang nagrereyna sa mga panahong iyon ang siya ring ngayo’y napipintong arestuhin.