ShareThis

  ESTADO

Pestibal ng Pelikulang Fil-Am sa Chicago



by Fermin Salvador.
December 1, 2011
Dalawang pelikula ang napanood ko sa idinaos na 2011 Fil-Am Film Festival sa Portage Theater sa Chicago noong Nobyembre 4 – 6. Ang una ay “Bakal Boys” at sumunod ang “Left by the Ship”. Di ko sadyang pinili ang dalawang pelikulang ito mula sa wala pang sampung pelikulang may buong haba (full length) na kasali sa pestibal bagkus ay batay sa panahong puwede akong makasaglit sa Chicago at kahit paano’y makasuporta sa ebentong pangkultura na inisyatiba ng mga kababayan o, mas eksakto, “ka-Filipino” kung alangang tawaging “kababayan” ang iba na mga US citizen na at ang US na ang itinuturing na bayan.
 
Ebento sa Chicago
Nabanggit ang mga pangkulturang ebento, karaniwan nang maliliit na pangkat lang ang makikitang sumasali tuwing nag-oorganisa sa estado ng Ilinoy na halos lahat ay sa lungsod ng Chicago idinaraos para higit na makaengganyo ng mga partisipantes. Hindi kasama ang Ilinoy sa mga erya sa US na may pinakamalalaking populasyon ng ka-Filipino. Kagaya’y barangay lang kumpara sa bilang ng mga nasa California, Haway, at Nuyork. Pero isa na rin ang Ilinoy sa mga pinipiling puntahan sa kasalukuyan dahil sa pagiging dinamiko at progresibo hindi lang Chicago kundi pati ibang lungsod sa estado.
 
 Gaya sa erya ng sining partikular ang filmmaking, masigasig na isinusulong ng pamahalaang pang-estado ng Ilinoy ang mga hakbangin upang maging isa sa mga nangungunang sentro ng sining at industriya ng pelikula sa US at buong mundo ang Chicago. Malaking rebenyu (revenue) ang natatanggap ng lokal na gobyerno sa mga malakihang badyet na pelikulang napiling lokasyon ang estado. Nagbibigay din ito ng hanapbuhay mula sa daan-daang ekstra hanggang sa iba’t ibang trabahador at teknisyan. Kumikita ang mga hotel, restawran, pamilihan, at ibang negosyo. Nagkakaroon ng tsansa ang mga mag-aaral ng akting at filmmaking na makapagmasid at/o makapagboluntir upang ang antas at kalidad ng karanasan, kaalaman, at kasanayan sa sining at industriyang ito ay lalo pang umunlad.
 
 Teatro Portage
 Sa Chicago Fil-Am Film Festival, napili ang Portage Theater para pagtanghalan ng mga pelikulang kasali. Ang Teatro Portage na matatagpuan sa Avenida Milwaukee malapit sa kalsada ng Irving Park sa hilagang-kanlurang bahagi ng Chicago ay itinuturing na isa sa pinakamatandang sinehan sa Chicago. Pinasinayaan ito noong 1920 na sinadya para sa pagtatanghal ng mga pelikula at di tulad ng ibang teatro na tanghalan din noon ng mga bodabil. Ito ang nagsisilbing tahanan ngayon ng Silent Film Society of Chicago at venue ng taunang Chicago Silent Film Festival. Makikita ang kalumaan ng sinehan sa disenyo nito at sa mga iskultura sa dingding at atip. Luma man ay nasa maayos na kundisyon ito. Gaya nang ibang lumang gusali, laos na ito para sa marami maliban sa mga kumikilala sa elegansiyang hatid ng panahon sa alinmang bagay.
 
Maikakategoryang independiyente o ‘indie’, sa maluwag nitong katuturan, ang mga pelikulang kasali sa pestibal. Pinakamalaki ang promosyon ng pelikulang “Dance of My Life” na base sa buhay ng supermodelong si Bessie Badilla. Nasa pestibal din ang “The Learning”, “Rakenrol”, “Up Dharma Down” at ibang mga documentary at short film.
 
 Ipinasya kong huwag dumalo sa gabi ng pagbubukas noong Biyernes na may ‘cocktail at beso-beso’ para sa mga nais dadalo. Nagpunta ako noong Sabado at muli noong Linggo para manood ng isang pelikula kada araw. Sa lobby, may inilagay sa dingding sa gawing kanan pagpasok na malaking watawat ng Pilipinas ngunit medyo sulok kaya hindi pansinin. May dalawang hapag na naglalaman nang ilang babasahing Fil-Am at mga tarheta o business card. May hapag na may dalawa o tatlong Ka-Filipino na laging naroon para mag-promote ng isang korporasyong multi-national na waring patron sa kabuuan ng pestibal. Walang bakas ng tradisyunal na ‘fiesta atmosphere’ ng mga Pinoy na ‘world famous’. Bagaman hindi ko rin alam kung mas ‘festive’ noong gabi ng pagbubukas o sa naging gabi ng sara na di ko rin dinaluhan.
  
Sa dalawang napanood ko, mahigit limampu ang manonood at dahil malaki ang sinehan na kasya ang isang libong tao ay kapansin-pansin ang luwag nito. May mga Puti ring nanood. May talakayan bago at pagkatapos ng pagtatanghal ng pelikula na may modereytor sa harapan at mga panauhing tagapagsalita o ‘resource person’. Madilim kaya halos hindi mo sila mapagsino at di mo rin masyadong marinig ang sinasabi. Masasabing limitado ang naging paraan ng talastasan kaya parang hindi naging mabunga. Umaalis na lang din ako makalipas ang ilang sandali.
 
 Pilipinas ang Tagpuan
 Parehong sa Pilipinas ang tagpuan ng dalawang pelikulang napanood ko. Ang “Bakal Boys” ay sa Baseco sa Tundo sa Maynila habang ang “Left by the Ship” ay sa Olongapo City at Subic Free Port na dating lokasyon ng pinakamalaking Amerikanong baseng-militar sa labas ng US. Ang “Bakal Boys” ay istorya ng mga batang sumisisid ng mga bakal sa ilalim ng dagat at saka ibinebenta nang por-kilo para makatulong sa panggastos ng kanilang pamilya. “Ang “Left by the Ship” ay dokumentaryo sa buhay ng mga tinatawag na “Amerasian” o mga batang produkto ng pag-aasawahan ng Filipino at Amerikano. Ang mga Filipino ay kadalasang prostityut sa Olongapo habang ang mga Kano ay mga dating neybi o ‘servicemen’ na nadestino sa Subic.
 
 
Bagaman tinatawag na pestibal ng mga pelikulang Fil-Am kadalasang ang ginagamit na tagpuan at kontekstong pangkultura ng mga kalahok ay ang Pilipinas. Isang ‘minahan’ kung ituring ang Pilipinas ng mga indie filmmaker na nakabase sa US at ibang bansa. Tila hindi mauubos ang mga salaysayin hinggil sa iba’t ibang anggulo at tekstura sa buhay at bayang Filipino. Kung nasa ibang bansa ka at nais mong gumuhit ng larawan na naiiba at/o bago sa pangmalas ng mga dayuhang kasalamuha ay ‘sureball’ kumbaga ang kaligiran at lipunang Pinoy. Kadalasa’y binibigyang-diin ang matinding kahirapan, umiiral na sukdulang kasamaan at kabulukan, kawalang-pag-asa, barbarismo, mga sistema at nilalang na peste, salot, o may kanser na terminong ginamit ni Dr. Jose Rizal sa pagbibigay-larawan niya di sa pamamagitan ng pelikula kundi sa mga librong Noli at Fili. Ganito rin ang mga kapaksaang preperensiya ng mga indie filmmaker na nasa Pilipinas na target ang mga internasyunal na pestibal pampelikula.
 
***
 
 




Archives