by Fermin Salvador.
November 16, 2011
Kahiya-hiya kung iisipin ang bidyong ipinalabas sa telebisyon na sa loob ng isang sikat na mol ay may naghihingalong nakahandusay sa sahig matapos mabaril habang pinanonood lang ng mga pulis at sikyo (security guard). Napanood ko sa US sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) at naipakalat na rin ito sa you tube at mga social networking site. Di malayong maraming dayuhan na rin ang nakapanood nito. Nasabi kong kahiya-hiya sapagkat ang Pilipinas ay kilala sa pagiging eksporter ng mga tinatawag na medical care provider. Sinusuplayan natin ng mga doktor, nars, PT, OT, nursing aide, chiropractor, medical technician, at mga kagayang may kasanayang manggagawa (skilled worker) ang mga ospital sa halos lahat ng siyudad sa mundo. Pagkatapos ay makikita ng buong mundo na malalagutang-hininga ka nang walang kalaban-laban sa Pilipinas sa sandali ng medikal na emerhensiya pagkat walang magbibigay sa iyo ng pang-unang lunas (first aid).
Medikal na Emerhensiya
Malamang ang mabilis na kahatulan na sa dami ng ipinadadala ng Pilipinas na may kasanayang manggagawa sa linya ng medikal na emerhensiya ay wala nang natira sa bansa na marunong man lang magbigay ng pang-unang lunas. Siyempre pa’y sasabihing bunga ito ng pambansang pagkagahaman sa remitans. Pero batid nating hindi ito totoo. Isa pa’y may sapat na kapasidad ang mga paaralan at sentrong-pagsasanay sa atin para hasain sa pagbibigay ng pang-unang lunas ang maraming mamamayan. Depende lang sa tuon ng polisiya at prayoridad ng pamahalaan.
Namatay ang nasabing sugatan dahil nasaklolohan man ito’y pinalipas muna ang mahahalagang sandali na nagamit sana sa pagbibigay dito ng pang-unang lunas. Sana’y may naging aksiyon sa halip na pinanood lang ng mga tao sa paligid ang paghihirap niya. Kinundena siyempre pa ng mga kaanak ng nasawi ang lahat ng puwedeng kundenahin habang ang mga sinisi ay kani-kanyang ‘ika nga’y ‘palusot’.
Dalawa ang sangkot na problema sa nasabing nakababagabag na insidente. Una, gaya nang nabanggit, ang kawalan ng kasanayan sa first aid ng mga taong naroroon sa tagpo ng emerhensiya. Pangalawa, walang nais humipo sa taong nangangailangan ng first aid at may dalawang pangunahing dahilan: (1) Ito ang turo sa kanila; (2) Para umiwas masangkot sa pangyayari. Kapag sinabing pag-iwas masangkot o madamay ay tinutukoy natin ang mga abalang posibleng maging kunsekuwensiya ng pagtulong gaya nang masali sa imbestigasyon, mandatoryong pagtestigo sa magiging pagdinig sa korte, at posible ring ikaw pa ang makasuhan sa paratang na pagbibigay ng hindi wastong asistansiya.
Seryosong bagay ang kawalan ng mga sanay na tagapagbigay ng pang-unang lunas lalo at nasa loob ka lang ng isang malaki at tanyag na syapingmol na nasa isang malaking siyudad. Paano pa kaya kung nasa ilang na lugar ka?
Malawakang Pagsasanay
Kailangan ang agaran at malawakang pagsasanay sa lahat ng kagawad ng pamahalaan na ang gawain ay mangalaga sa kaligtasang pangmadla (public safety). Kabilang dito ang mga pulis, bumbero, tanod-piitan, at lahat-lahat nang nasa linya ng serbisyo ng Kagawaran ng Interyor at Lokal na Pamahalaan. Kasama rin dito ang mga ispesipikong kawani ng Kagawaran sa Kalusugan, Kagawaran sa Tanggulang Pambansa, atbpa. Kasabay nito’y magkaroon ng malawakang panghihikayat sa mga mamamayan na sumailalim sa pagsasanay sa pagbibigay ng pang-unang lunas at lumikha ng sistema ng pagbibigay-akreditasyon sa mga boluntaryong magsasanay. Kailangan na ang kasanayan ay nirerepaso nang hindi lalampas sa isang taon.
Kailangan din ang pagtiyak na may sapat na gamit sa bawat mataong pasilidad gaya ng syapingmol para sa sandali ng anumang emerhensiya bagaman paulit-ulit nang tuligsa ang kahandaan, o kawalan nito, sa tuwing may nagaganap na trahedya na maaari sanang naiwasan. Lumang paksa na sa kongreso at ehekutibo, at lahat-lahat nang may responsabilidad sa gobyerno ang modernisasyon ng kahandaan sa emerhensiya sa alinmang lugar sa bansa. Susi rin ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor at mga karaniwang mamamayan.
Ang boluntaryong pag-asiste sa isang taong nasa emerhensiyang medikal ay isang maselan at peligrosong bagay. Lalo pa itong ginawang maselan at peligroso ng pangkalahatang atityud sa lipunan. Ang Pilipinas ay nananatiling kabilang sa mga bayang mababa ang antas ng paghikayat at pagbibigay-halaga sa diwa ng bolunterismo. Kapag may mga kaguluhan ang nakalakihang turo ay huwag makialam. Kapag may nakahandusay na duguan ay pabayaan ito at hayaang ang mga awtoridad ang lumapit dito. Kapag tapos na ang kaguluhan at/o nariyan na ang mga sasaklolo ay saka maglalapitan ang lahat at maglalahad ng kaalaman at kahusayan.
Pabayaan at Bayanihan
May matatawag na “kultura nang sinadyang di pagsaklolo” na kakambal ang “kultura ng pag-iwas makialam”. Ang mga ito, kung tutuusin, ay di kultura ng ating mga ninuno. Nasa ‘genes’ ng mga Pinoy ang silakbo ng pagdamay sa kapwang nangangailangan. Hindi ba’t binabalikan kahit man lang sa mga palatuntunan ang gaya ng “bayanihan” na ang mga naninirahan sa isang baryo ay nagkakaisa at nagtutulungan na sinisimbulo ng sama-samang pagbubuhat sa isang bahay-kubo para ipakitang walang mabigat sa pagsasanib ng lakas?
Sa paglipas ng panahon ay itinanim sa kaisipan ang pragmatismo na humahantong sa pagkakanya-kanya. Isipin muna ang sarili na baka mapahamak sa halip na tumulong sa kapwang sadyang nasa panganib na. Samantala’y umiiral din ang tinatawag na “Genovese Syndrome” na mas maraming tao ay mas walang nais tuminag para tumulong sa isang nasa panganib ang buhay. Nilulunasan ang panlipunang ‘sindrom’ na ito ng mga progresibong bansa sa pagtuturo sa mga mamamayan ng kahalagahan ng pagsaklolo sa kapwa.
Nararapat magkaroon na rin ng pinalakas na batas na nagbibigay-proteksiyon at paghikayat sa ‘Mabubuting Samaritano’ ng ating panahon. Sa US at ibang bansa ay may tinatawag na ‘Good Samaritan Act’ na ang mga kusang-loob na dumaramay sa kapwang nasa emerhensiya ay di makararanas ng mga negatibong reperkusyon dahil sa ginawang pagdamay.
Masasabing suntok sa imahe ng Pilipinas ang naganap na ‘kapabayaan’. Negatibong puntos ito sa layunin ng bansa, halimbawa, na makaakit ng mga turista. Dapat ay batid natin na di nahihikayat ang mga turista sa pamamagitan ng mga patalastas lang kundi sa mga nababalitaang episyensiya ng isang bansa sa pagharap sa lahat ng uri ng emerhensiya. Ngunit higit sa kapakanan ng turismo, bigyang-prayoridad natin ang buhay at kaligtasan bilang repleksiyon ng ating kaluluwa bilang isang lahi.