ShareThis

  PHILIPPINE ADVENTURES

Mga Babasahing Ipinagbawal (‘At ang Naked Girls Reading’) – Part 1 of 2 Parts



by Fermin Salvador.
October 16, 2011
Taun-taon mula Setyembre 24 hanggang Oktubre 1 ay idinaraos ang tinaguriang “Linggo ng mga Librong Ipinagbawal” (“Banned Books Week”) bilang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng kalayaang magbasa at kaugnay nito’y maglimbag ng anumang pananaw sa alinmang paksa. May iba’t ibang palatuntunan sa mga siyudad, county, at estado kaugnay nito.

Unang Amyenda
Ang okasyon na ito ay isang pagdiriwang sa kapangyarihan ng Unang Amyenda ng Saligang-Batas ng US na ang buod ay pagbibigay-proteksiyon sa kalayaang maghayag (freedom of expression) na saklaw ang mga obrang-literatura. Nagbibigay-babala rin ang okasyong ito sa panganib na maaaring idulot sa isang estado at lipunan ng pagsikil ng mga kaalaman sa mga mamamayan. Ginagamit din ang salitang “hinamon” (“challenged”) sa mga aklat na ipinagbawal o nais ipagbawal bilang pagtukoy sa reaksiyon ng mga kontra na maipalaganap ito sa publiko.

Ginawang tema ng Naked Girls Reading (NGR) sa isa sa mga pagtatanghal ang “Banned Books”. Ang NGR ay isang konsepto sa pagtatanghal na may mga babaeng edukado, ismarte, at seksi na magsasagawa nang patanghal na pagbabasa (public reading) habang nangakaupo sa sofa at walang anumang saplot sa katawan.

Hindi dapat hatulang tahasan at bukod-tanging manggising sa makamundong damdamin ang layunin ng pagtatanghal ng NGR. Gaya nang nabanggit, ang mga tagapagbasa ay may mataas na pinag-aralan at di payak na kalakal ang trato sa katawan. Maaaring maibilang ang programa ng NGR sa mga genre nang kung tawagin ay perpormans-art (performance art).

Sa Pilipinas laluna, sa iisang direksiyon kadalasan ang persepsiyon at/o interpretasyon sa tanawin ng kahubaran. Sa US, bagaman nagiging komersiyal din ang kahubaran ay nagagamit ito sa ibang silbi gaya ng pagbibigay-tindig (statement) o alang-alang sa sining. Ang NGR ay kumbinasyon ng lahat nang ito.
 
Ibang Programa
Ang pook-tanghalan at hedkuwarter ng NGR ay may pangalang Everleigh Social Club na matatagpuan sa Kalye Randolph sa eryang downtown Chicago.
May limitadong odyens ang NGR sa pagtatanghal. Sapat lang sa humigit-kumulang tatlumpung manonood ang tanghalan na isang sala na mistulang-sa-Yuropa ang ambiyans. Nasa ikatlong palapag ito ng lumang gusali na ilang hakbangan lang ang layo sa Harpo Studios.

Iba ang programa ng NGR sa mga tipikal na ‘bold show’ gaya sa mga beerhouse sa Pilipinas. Sinasadya ang NGR ng mga magkadeyt bukod sa mga solong lalaki at babae. Ang mga diskusyon pagkatapos ng ‘reading’ sa pagitan ng mga tagapagbasa at odyens ay maiinit at maiigting na nagpapamalas ng lalim at lawak ng kaalaman sa paksa. Sa madaling-salita ito’y nagiging isang nakapagtuturong karanasan sa lahat.
 
Tatlong Segment
Sa programang “Banned Books” ng NGR, may tatlong segment na bawat segment ay may tatlong babaeng nasa sofa na bawat isa’y magbabasa ng bahagi ng isang librong ipinagbawal na sila mismo ang pumili. Tatlong libro sa tatlong segment kaya siyam na libro ang binasa at natalakay nang gabing iyon. Sa bawat segment ay kasama ang mga NGR regular na sina Michelle L’Amour at Greta Layne. Sa dalawang segment ay kasama ang babaeng nag-alyas na The Naughty Professor dahil sa totoong buhay siya’y aktibong guro sa Wisconsin. Sa isang segment ay kasama ang isang nagpakilalang Ginny Fizz na alyas “The Naked Librarian”. Bago gawin ang pagbasa sa napiling bahagi ng napiling aklat ay nagbibigay ang bawat tagapagbasa ng maikling introduksiyon at ang pinagdaanang laban ng libro at awtor nito.
  
Ang mga sumusunod ang napili, binasa, at tinalakay na aklat:
UNANG SEGMENT
Michelle – “Fahrenheit” 451 ni Ray Bradbury
Greta – “Catcher in the Rye” ni J. D. Salinger
The Naughty Professor – “The Absolute True Diary of a Part-Time Indian” ni Sherman Alexie
IKALAWANG SEGMENT
Michelle – “Peril” ni Toni Morrison sa aklat-koleksiyon ng mga sanaysay na may pamagat na “Burn This Book”
Greta – “Slaughterhouse Five” ni Kurt Vonnegut
Ginny – “To Kill a Mockingbird” ni Harper Lee
PANGHULING SEGMENT
The Naughty Professor – “Tropic of Cancer” ni Henry Miller
Michelle – “The Awakening” ni Kate Chopin
Greta – “And Tango Makes Three” nina Peter Parnell at Justin Richardson at dibuho ni Henry Cole
Pamilyar sa marami ang karamihan sa mga aklat na ito at ang awtor. Sino ang di alam ang Catcher in the Rye? O ang To Kill a Mockingbird? O ang Fahrenheit 451? O ang mga akda ni Henry Miller? Kung di mo nabasa ang mga akda ni Henry Miller noong tinedyer ka pa ay bawal nang basahin ito sa edad mo ngayon. Espesyal si Ray Bradbury dahil siya’y taga-Waukegan sa Ilinoy. Town mate, kumbaga. Ang Catcher in the Rye ay klasiko tungkol sa ‘teenage angst’. Ang And Tango Makes Three ay isang aklat-pambata na may dibuho na tumatalakay sa pagsasama ng dalawang pengwin (penguin) na pareho ang kasarian.
 
Pagbawal at Poder
Lahat nang librong nabanggit ay ipinagbawal o na-challenge. Sino ang nagba(ba)wal o tsuma-challenge? Una’y ang ‘awtoridad’ sa estado. Ang mga ‘may poder’ sa estado sa isang banda ay binubuo ng lipon ng mga tao na may mga pinagsasaluhan at magkakahiwalay na interes. Ang pinagsasaluhang interes ay ang manipestasyon sa isang banda at preserbasyon sa kabilang banda ng taglay na poder. Sa labas ng poder na de jure/de facto ay may iba’t ibang hanay at indibidwal sa lipunan na may magkakaibang antas ng katayuan/kalagayan at siyempre pa’y interes sa dispensasyon gaya ng mga grupong pangrelihiyon, pang-akademya, atbpa.

Bukod sa mga librong binasa/tinalakay ay nasali sa diskusyon ang ibang akda. Binanggit ni Michelle ang artikulong “Take Action” ng American Library Association (ALA) kaugnay ng pagkilatis sa paglabag sa karapatang magbasa. Naging reperensiya naman ni The Naughty Professor ang librong “Switching Time” na dokumentasyon ng isang saykayatris na may pasyenteng babae na nagtataglay ng 17 katauhan. Ayon sa host, si Frankie Vivid, may nasensor na bersiyon ang klasikong Huckleberry Finn sa rebelasyon ng isang iskolar ni Mark Twain. Itinuwid siya ng isang nasa odyens na di iyon ‘iskolar’ kundi ‘titser’ sa aralin (subject) kay Twain. Nabanggit din ni The Naughty Professor ang awtor na si Milan Kundera at ang tinatawag na demokrasyang ‘think for yourself’.

Kagulat-gulat, ayon kay Michelle, kung gaano karami ang taong hindi mahilig magbasa sa kabila ng mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran na naghihintay na maibahagi ng mga aklat, ibinawal man ito o hindi. Kaya naman, bilang patalastas, isang misyon ng NGR na makapag-ambag sa pagkahilig sa pagbabasa ng mga mamamayan, lalaki man o hindi.




Archives