by Fermin Salvador.
October 1, 2011
May sulok ng pananaw o ‘school of thought’ na parang erport o paliparan daw ang mga gawad (award). Mas may dating kapag nakapangalan sa isang tao na humigit-kumulang ay may relebansiya ang naging buhay sa nasabing lugar. Halimbawa, ang dating Payak na Pandaigdigang Paliparan ng Maynila o Manila International Airport (MIA) ay napalitan ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA nang maluklok na presidente si Pang. Cory Aquino na maybahay ng napaslang na senador. Sa mga ‘post-Marcos babies’ o mga Pinoy na di na inabot ang rehimen ni Pang. Marcos, si Sen. Ninoy Aquino na ama ni P-Noy ay naging adbokeyt ng mga karapatang pulitikal at sibil na nayurakan ng represibong pamamahala ni Marcos sa bansa. Nang bumalik si Ninoy sa Pilipinas mula sa US siya’y napaslang sa tarmac ng tinatawag noong MIA. Kakampi man o hindi ni Pang. Cory ay di tumutol na NAIA ang ipalit na pangalan sa pangunahing pandaigdigang paliparan ng bansa dahil sa historikal na kaugnayan nito kay Sen. Ninoy.
Ang NAIA at ang Alaala ni Ninoy
Sa pamamagitan ng paglalagay ng pangalan ni Sen. Ninoy sa nasabing paliparan, naipapaalala ang naging buhay, mga paniniwala, mga pakikibaka, at higit sa lahat ay ang pagpapakasakit niya para sa Pilipinas. Ang buong erport ay waring simbulo ng dugong itinigis niya sa lupa nito para malakbay ng mga Filipino ang rurok ng kalangitan ng kalayaan.
Sa simpleng anekdotang nabanggit ay mahihiwatigan ang pangunahing kapaliwanagan kaya kadalasang binibigyan ng pangalan ng isang tao, sa halip na payak na salita, ang mga gusali, lansangan, tulay, at kung anu-ano pa.
Mas may ‘sipa’ rin kapag naikakambal ang isang pagbibigay-gawad sa isang partikular na tao. Sa ganito’y may tiyak na buhay, aralin, at pakikipagsapalaran na isinisimbulo ang gawad. Hindi isang bagay na abstrakto, batbat-ispekulasyon, at bihag ng magkakaibang interpretasyon ang saysay nito.
Sa US, may pangalan ang mga award: Oscar, Emmy, Tony, Grammy, etc. Sa pamamahayag at literatura/sining ay may Pulitzer, Guggenheim, etc. Sa pandaigdigan, siyempre pa’y pinakamalaki ang Gawad Nobel, na wala pang Pinoy na nakakakopo sa alinmang kategorya.
Gawad “National Artist”
Sa Pilipinas, may Gawad Palanca, Gawad Balagtas, atbpa. Para sa sining, ang pinakarurok na gawad na itinuturing ng marami ay ang Gawad Pambansang Alagad ng Sining na may kaakibat na pinakamahilab na ganansiya sa lahat ng gawad na ipinagkakaloob ng pamahalaan ng Pilipinas. Ang Gawad Magsaysay ay may kaakibat ding malaking halagang pakimkim ngunit ito’y nakasuso sa fundasyon na pinopondohan ng ibang bansa.
Hindi lang sa kalakip na materyal, ang magawaran ng titulo na “national artist” ang marahil ay higit na lumilikha ng pagkaulol sa maraming manunulat at artista. Kahit ang titulong ito, maliwanag pa sa sikat ng araw, ay isang malaking kaululan.
Balikan natin si Marcos. Si Marcos ay naging pangulo ng Pilipinas sa loob ng dalawampung taon, labingdalawang taon nito ay diktaduryal.
Pinakamahabang termino sa historya ng bansa. Sa ibang nasyon, kadalasang dinarakila ang mga pinunong namuno nang mas mahabang panahon.
Simulan kay Pres. Franklin D. Roosevelt ng US na nahalal nang apat na beses bago nilagyan ng taning ang termino ng presidente. Di ba’t mas matagal sa poder ng estado ay mas marami dapat ang akomplisment ng lider? Maraming nagawa si Marcos sa panahon ng pamumuno niya sa Pilipinas bagaman paksa ng debate ang merito ng mga ito para sa kabutihan ng bayan. Ito rin ay kung titimbangin ang mga nagawa per se at walang kunsiderasyon sa isyu ng basihang moral, o kawalan nito, ng rehimen niya paglampas nang walong taon sa poder. Pagkatapos ng di naresolbang isyu na ito’y umusbong ang panibagong debate kung ililibing ba si Marcos o hindi sa Libingan ng mga Bayani.
Libingan o ‘Billing’ Lang
Masyadong subhetibo ang salitang “bayani” na nakadepende sa iba’t ibang pakahulugan. Sa mga loyalista ng mga Marcos, halimbawa, ay isang ganap na bayani si Pang. Marcos. Taliwas naman dito ang paniniwala ng higit na nakararaming Filipino.
Kaya para mas eksakto, bakit hindi na lang palitan ang pangalan ng Libingan ng mga Bayani sa “Libingan ng mga Mayaman, Pamoso, Heneral, May Medalya, may Gawad, Mataas na Opisyal ng Gobyerno”? Mahirap tawaging ‘bayani’ ang isang tao maliban kung malaking porsiyento o ‘unanimous’ ang mga mamamayan ng bansa sa pagsasabing bayani nga ang ililibing.
Sakit na ng Pinoy ang pag-ihip ng hangin sa condom. Pinamamanas ang relebansiya ng bawat nagawa. Halimbawa, naparami lang ang naitae ay tatawagin na ang sarili na “Ama ng LBM”. Kung ililista ang lahat ng halimbawa nito, baka mabigla pa tayo na mahigit sa kalahati pala ng pinakamagagaling at pinakahenyong tao sa mundo ay nasa kapuluan ng Pilipinas. Ang problema ay nagiging barya na lang ang istiker (sticker) ng kadakilaan dahil sobrang-sobra tayo sa suplay nito.
Kultura ng Delikadesa
Sa ibang bansa, mapapansin na matipid silang gumamit ng superlatibo (lalo na ang ’self-serving’) na katawagan. Sa US, ang libingan ng mga sundalo o sinumang nagbuwis/nag-alay ng buhay sa bayan ay may payak na pangalang “Arlington Cemetery”. Sa Inglatera ay may Westminster Abbey. Walang mabubulaklak na salita. Hinahayaan na ang kasagraduhan ng lugar ang lumikha ng reputasyon nito. Sa ibang lahi, atas marahil ito ng kultura ng delikadesa. Sa Pilipinas, mas nananangan sa katawagan kesa sa kabuluhan; sa ‘label’ kesa sa ‘content’; sa ‘form’ kesa sa ‘substance’. Nag-iilusyong habampanahong magagarantiyahan ang sariling saysay at halaga ng ipinaglalagay sa ‘curriculum vitae’.
Na magpapabalik din sa atin sa ‘ideya’ sa likod ng katawagang ‘pambansang alagad ng sining’. Di ba masyadong naaabuso ang terminong ‘pambansa’ sa gawad na ito? Di ba nahihiya ang mga gumagamit ng terminong ito gayong batid nilang iilan lang silang nagsasapakatan para sa bigayan, madalas pa nga’y sagpangan, sa ngalan ng titulong ito?
Isa sa di matatawarang akomplisment na ipinagmamalaki ng rehimeng Marcos ay ang pagtangkilik diumano sa sining at kultura na si Unang Ginang Imelda ang pangunahing patron. Hindi isyu sa kanila noon ang halaga sa mga proyektong kaugnay sa sining at kultura. Kasama na ang dakilang ideya ng paggawad ng nasabing rehimen ng titulong ‘national artist’. Bonus (o bonanza) para sa mga brilyo na alagad ng sining sa milyu na lumalala ang karalitaan at kayraming nayuyurakang karapatang pantao. Ang interesante, hindi pa rin naman nagbabago ang mga kundisyon at kontradiksiyon na ito hanggang ngayon.
Gawad Marcos sa Kultura
Bilang paggunita sa kasaysayan sa likod ng pagkakatatag ng tinatawag ngayong Gawad Pambansang Alagad ng Sining, marapat marahil na palitan ang pangalan nito ng “Gawad Pangulong Ferdinand Marcos Para sa Sining”. Kilalanin natin at ilagay sa tamang perspektiba (at pangalan) ang pamanang gawad ni G. Marcos na seryosong-seryoso ang dating bilang gawad hindi lang sa mga nagawaran na kundi sa mga naglalaway pa lang dito.