ShareThis

  ESTADO

Epikong Lakbay ng mga Toro


Mabibilang sa mga daliri ng isang kamay ang mga koponan sa National Basketball Association (NBA) na lumukob sa guniguni ng mga Pinoy at isa na rito ang Chicago Bulls. Noong dekada nubenta, ang mga Toro (Bulls) sa pangunguna ni Michael Jordan ang mistulang Manny Pacquiao sa ebentong pang-isports. Pag may larong pangkampeonato ang mga Toro ay tumitigil din ang ibang gawain sa Pilipinas at nakatutok ang lahat sa laban. Walang ipinag-iba sa nagaganap tuwing may laban si Pacman. Sa NBA finals noon ng mga Toro laban sa Utah Jazz, imbis na magtrabaho ang mga empleyado ay nasa harap ng telebisyon. Napilitang maglabas ng direktiba ang mga tanggapan sa gobyerno na nagbabawal sa panonood sa laro ng NBA sa tv sa oras ng trabaho. Sa US ay sa gabi ang laro ng NBA kaya hindi apektado ang trabahong opisina kung nais itong mapanood. Sa Pilipinas ay sa umaga ito napapanood nang ‘live’. Kagaya rin sa mga laban ni Pacman. Sa US karamihan ay mga nasa bahay na habang sa Pilipinas ay sa araw mapapanood at kasalukuyang nasa trabaho ang marami.
 
Michael Jordan 
Bago napabilang si Michael Jordan sa mga Toro ay insignipikant, ‘ika nga, ang koponang ito. Kulelat. Ang mga tanyag na koponan sa NBA noong dekada otsenta ay ang Los Angeles Lakers na manlalarong-alas sina Magic Johnson at Kareem Abdul-Jabbar. Kalaban nito sa kampeyonato ang Boston Celtics ni Larry Bird. Bago nagretiro ay superstar na manlalaro si Julius “Dr. J” Erving ng Philadelphia 76rs. Maliban sa mga ito, ang masusugid na tagahanga lang ng NBA sa Pilipinas ang sumusubaybay sa mga laro rito at hindi ang nakararaming Pinoy. Para sa milyon-milyong masa sa Pilipinas, kapag sinabing basketbol ang tinutukoy ay ang Philippine Basketball Association (PBA).

Noong hindi pa laganap ang keybol (cable) na ‘live’ napapanood ang laro sa NBA mas kuntento ang mga Pinoy sa PBA kasi ito ang ‘live’ sa mga lokal na istasyon. Maaari ring panoorin sa Araneta Coliseum sa Kyusi; o sa ULTRA sa Pasig noong dekada otsenta hanggang sa simula ng dekada unbent. Sa mga Amerikanong manlalaro, bukambibig ang mga tinaguriang ‘import’ gaya nina Billy Ray Bates, Norman Black, Bobby Parks, Sean Chambers, atbpa. Mas kilala pa ang mga ‘import’ kesa sa mga superstar ng NBA gayong kadalasang mga ‘reject’ ang mga ito o natanggal sa roster nang naging koponan sa NBA. Pero para sa mga Pinoy ay sila ang mga ‘superstar’. Popular sa mga manlalarong lokal sa PBA noong dekada sitenta sina Robert Jaworski, Ramon Fernandez, Atoy Co, Philip Cesar, Abet Guidaben, Bogs Adornado, Bernie Fabiosa, at Renato Lobo. Sumunod sa mga bakas nila noong dekada otsenta sina Samboy Lim, Allan Caidic, Alvin Patrimonio, Benjie Paras, atbpa.

Pagsapit ng bagong milenyo ay tumuon ang PBA sa mga tinatawag na ‘Fil-Am’ na manlalarong maaaring may halong ibang lahi (mixed race) o parehong dugong-Pinoy ang mga magulang ngunit sa US lumaki, natuto, at nahasa sa fundamental ng larong basketbol. Kabilang sa mga ‘Fil-Am player’ sina Asi Taulava, Erik Menk, Danny Siegel, at marami pa.

 Ang isports ay para sa kampeyon. Isa lang ang panalo, ‘ika nga. Naging pinakasikat na isports ang basketbol sa Pilipinas mula nang manguna ang Pinoy sa larong ito sa buong Asya. Dumausdos ang popularidad ng basketbol nang mabigo ang Pilipinas na muling magkampeyon sa Asya. Noong 1990 ay pinamunuan ni Jaworski bilang coach ang pambansang koponan na binubuo ng mga manlalaro sa PBA na lalaban sa Asian Games sa Beijing sa Tsina. Inilampaso ng koponan ng Tsina ang Pilipinas na tanging medalyang pilak ang natanggap. Ilang ulit pa na nagtangka ang bansa na makamit ang medalyang ginto ngunit laging nabibigo. Nang marating ni Pacquiao ang tugatog ng kasikatan sa boksing sa daigdig ay tuluyan nang nadaig ng boksing ang basketbol bilang panooring laro o ‘spectator sport’.
  
Hari ng Basketbol
Sa US, may panahong talunan ang koponan nito sa olimpiks. Dati’y bawal sumali ang mga tinatawag na manlalarong propesyunal gaya nang mga nasa NBA. Nang aprobahan ang ‘open basketball’ ay maaari nang makapaglaro sa mga pandaigdigang kumpetisyon gaya ng olimpiks ang mga nasa NBA. Binuo ng US ang unang tinawag na ‘Dream Team’ na kabilang sina Jordan, Magic Johnson, Larry Bird, Charles Barkley, Scottie Pippen, at ibang superstar ng NBA. Nakuha ng US ang gintong medalya sa basketbol sa Olimpiks sa Barcelona. Bawat nakalabang koponan ng ibang bansa ay tinambakan ng unang Dream Team nang di bababa sa tatlumpung puntos.

Nang ilampaso ng US ang lahat ng ibang bansa sa larong basketbol sa olimpiks ay wala nang dudang ito ang hari sa nasabing isports. Ang NBA, sa isang banda, ay sukatan sa hari ng mga hari sa basketbol. At isa lang ang itinanghal na hari ng NBA noong dekada nubenta matapos magtala nang anim na kampeyonato — ang mga Toro ng Chicago.

Maraming umidolo kay Michael Jordan at nilampasan niya ang kasikatan ng mga manlalaro sa PBA. Kagila-gilalas ang kakayahan niyang lumundag at gumawa ng dakdak (dunk) na tinularan nina Samboy Lim, Paul Alvarez, Vergel Meneses, at ibang taga-PBA. Naging pamilyar sa mga Pinoy ang ibang miyembro ng mga Toro gaya nina Pippen, Luc Longley at Dennis Rodman. Ang ama ni Dennis Rodman, si Philander Rodman, ay nakapag-asawa ng Pinay at namumuhay ngayon kasama ang mga anak nila sa Pilipinas.

Matapos ang ‘season’ ng 1998 ay nabuwag ang pangkampeyon na kalidad ng koponan ng mga Toro. Nagkahiwa-hiwalay ng landas sina Jordan, Pippen, Rodman, at pati ang coach nilang si Phil Jackson. Napunta sa ilalim ng puwesto sa NBA ang mga Toro habang ang manedsment nito’y nagsisikap na makabuo ng bagong koponang kumpetitibo. Sa loob ng mahigit isang dekada ay naging ‘punasang-paa’ ng ibang koponan sa NBAang mga Toro.

Pagbangon ng Chicago Bulls
Hindi mabuo ng Chicago Bulls ang ideyal na layn-ap (lineup) ng mga manlalaro nito. Nagpatuloy ang pagpapalit-palit ng mga miyembro ng koponan. Ang ‘ideyal na layn-ap’ ay tila nabuo nang hindi sinasadya. Napunta sa koponan si Derick Rose, tubong-Chicago. Gaya ni Jordan noon, hindi kayang dalhing mag-isa ni Rose ang mga Toro sa kampeyonato. Nang nag-anunsiyo ang MVP na si Lebron James ng Cleveland Cavaliers na nais lumipat sa ibang koponan ay isa ang mga Toro sa mga nagpahayag ng interes na kunin ang serbisyo niya. Nag-text si Rose kay James para sabihin ditong nais niya itong makasama sa koponan. Pahiwatig na payag si Rose na maging back-up lang ni James. Isa pang manlalarong nais makuha ng mga Toro si Dwayne Wade na lumaki rin sa Chicago. Pinili ni James ang Miami Heat at doon ay kasama niya si Wade. Gaya ng mga Toro, ang Heat ay kabilang sa Pangsilangang Kumperensiya (Eastern Conference) ng NBA.

Nabigong makuha sina James at Wade, bumaling ang mga Toro sa dalawang di gaanong kilalang manlalarong sina Carlos Boozer at Ronnie Brewer na parehong mula sa Utah Jazz. Nakuha rin nila ang baguhang sentro na si Joakim Noah. Ang ibang kasama sa team ay sina Luol Deng, Taj Gibson, Omer Asik, Kyle Korver, Keith Bogans, Kurt Thomas, at CJ Watson. Hindi ito ang nasa planong layn-ap ng manedsment para sa koponan. Pero sa ilalim ng ‘ika nga’y ‘second choice’ na hanay ng mga manlalaro ay nakapagtala ang mga Toro ng pinakamaraming panalo sa NBA sa kasalukuyang ‘season’. Si Rose ay itinanghal na MVP na pinakabata sa kasaysayan. Napasama rin siya sa ‘all-star game’. Nakapasok sa play-off ang mga Toro. Walang dudang ang mga Toro ay tumatahak muli patungo sa tugatog ng NBA. Muling nagising ang paghanga ng mga Pinoy sa koponan sa basketbol ng Chicago at ngayo’y masugid na nakasubaybay sa paglalakbay ng mga Toro patungo sa tagumpay.




Archives