by Fermin Salvador.
May 16, 2011
Kung lilimiin ang paraan ng paggalaw ng alinmang establisimyentong militar sa daigdig kabilang na ang US sa istratehiyang pamprayoridad sa halimbawa’y gera laban sa terorismo partikular ang Al-Kayda at si Osama Bin Laden tanging kuntil-butil ng katotohanan sa likod ng kamatayan ni Bin Laden ang masasagap ng publiko. Maraming dekada pa sa hinaharap ang hihintayin, kapag na-declassify ang mga impormasyon, saka pa lang mababatid ng madla ang kabuuan ng kuwento sa likod nito.
Halimbawa na lang ang pagkamatay ni Adolf Hitler ng Nazi Alemanya. Animnapu’t anim na taon matapos ang opisyal na pahayag na patay na ito, na ito at ang asawa ay nagpatiwakal sa underground bunker saka sinunog ng mga tauhan ang mga bangkay nila, ay patuloy ang iba’t ibang ispekulasyon sa tunay na naganap. Sa kabila rin ng mahabang panahong lumipas, maaaring hindi pa siyento-porsiyento nade-declassify ang lahat nang umiiral na dokumentong may kaugnayan sa pangyayaring ito.
Mga Kontrobersiyal na Kamatayan
Sa huli’y panahon ang magiging susi upang maging irelebante ang anumang naganap sa bunker ni Hitler bago ito nakubkob ng mga sundalong Ruso. Makalipas ang mahigit sa anim na dekada ay imposibleng buhay pa si Hitler at nagtatago sa kung saan. Nag-move on na ang mundo, ‘ika nga, mula sa seryosong impluwensiya ng doktrinang Nazismo at ni Hitler bilang iconic figure.
Matapos mapatay si Sen. Ninoy Aquino noong 1983 ay may kumalat ding teorya na buhay ang tunay na Ninoy at ‘dummy’ lang ang nabaril sa tarmac sa paliparan sa Maynila. Na, ayon sa mga hula, susulpot si Ninoy sa takdang panahon mula sa ‘safe house’ nito sa US upang mamuno sa bansa. Makalipas ang dalawampu’t pitong taon ay sumulpot si ‘Noynoy’ at naging pangulo ng Pilipinas. Bagaman magkatugma, nagkamali sa ispeling ng pangalan ang mga nanghula.
Kahit kay Dr. Jose Rizal, sobra sa isang siglo nang namamayapa ay may ganito pa ring mga haka-haka bunga ng maraming ‘patlang ng misteryo’ sa sirkumstansiya ng kanyang pagkamatay.
Sa Pilipinas, isa sa mga pinakanotoryosong lider ng bandidong Abu Sayaf ang tinatawag na si Abu Sabaya. Naging makulay na karakter si Abu Sabaya para sa mga Filipino dahil sa pagkahambog. Mahilig magbanta nang kung anu-ano at animo’y sandatahan ng isang superpower ang Abu Sayaf kung maglahad ng mga makakaya nitong gawin. Isang gabi’y nakaengkuwentro ang grupo ni Sabaya ng pinagsamang tropang Pinoy at Amerikano. Sa tulong ng mga modernong kagamitan ay napatay si Sabaya. Marami ang iskeptikal sa umpisa. Nagpahayag naman ang tropang US na di nila maaaring ibigay ang buong detalye ng pagkamatay ni Sabaya sapagkat mae-expose ang mga instrumentong panggera na isinisikreto pa nila sa mundo. Ginawang limitado sa ilang matataas na lider ng bansa ang detalye, at sila ang nagkumpirmang napatay nga si Sabaya sa engkuwentro. Di na muling nakita si Sabaya at tinanggap ng lahat na napatay nga ito bagaman ang buong detalye ng pagkamatay ay malabo pa sa publiko hanggang ngayon.
Magandang Balita, Ano ang Implikasyon?
Sa US, ang pagkakapatay kay Bin Laden sa Pakistan ay welkam na balita para sa maraming Amerikano. Mabilis ang mga pag-organisa ng pagdiriwang sa iba’t ibang siyudad. Kahit padaskol o ‘sketchy’ pa ang ulat sa sirkumstansiya ng pagkakapatay sa supremo ng Taliban at Al-Kayda ay hindi na mahalaga. Sa ngayo’y sapat na ang isang pangungusap na pagsisiwalat: Patay na si Osama Bin Laden! Ito’y isang bagay na hindi maaaring imbento lang. Di na relebante kung saan o paano ito napatay, ang importante’y patay na.
Maraming implikasyon sa US at iba pang bansa gaya ng Pilipinas ang pagkakapatay sa pinakanotoryosong terorista sa mundo na sa loob nang isang dekada ay numero uno sa mga ‘most wanted’ ng CIA at may patong na milyong dolyar sa ulo.
Hindi maaaring maliitin ang naging ‘impact’ sa pandaigdigang kaganapan ni Bin Laden. Sa loob ng isang dekada magmula noong Setyembre 11, 2001 nang salakayin ang Kambal na Tore sa Nuyork hanggang sa taong kasalukuyan bago siya napatay ay walang mamamayan sa mundo na di alam ang pangalan niya. Dahil sa kanya ay naglunsad ng ‘all out war’ ang nag-iisang superpower laban sa terorismo na, di gaya ng Alemanya at Hapon noong WW II at Biyetnam noong dekada sisenta-sitenta, isang kaaway na walang tiyak na lokasyong heyograpikal o etnisidad. Naging salik ang mga gera ng US sa Iraq at Afganistan sa pagdanas ng resesyon sa kalagitnaan ng dekada na lumatay sa ekonomiya ng iba/maliliit na bansa. Kabilang na rito ang Pilipinas.
Ipinaaalala ng pamahalaang US ang reyalidad na di nagtatapos sa pagkamatay ni Bin Laden ang banta ng terorismo bagaman ang pag-alis sa eksena ng isang ‘evil genius’ na gaya ni OBL ay isang akomplisment na di matatawaran. Tiyak na magkakaroon ng mga drastikong hakbang ang Taliban at Al-Kayda upang makapag-adjust sa bakyum (vacuum) ng pagkamatay ng mahalagang lider. Inaasahan ang pagre-regroup ng mga nalalabing puwersa.
Buwelta?
Ano, o gaano, ang posibleng idulot na panganib sa mga mamamayan ng Amerika at mga kaalyadong bansa nito ang pagkakapatay kay Bin Laden? Tinataya ang pagkakaroon ng mga ‘reprisal’. Samantala, ang antas ng pagiging mabisa ng ‘buwelta’ ay laging nakadepende sa lakas (strength) ng ‘central command’ ng organisasyon saanman ito nakabase at kaugnay nito’y sa taglay na resorses. Sa aspetong ito’y higit na madarama ang epekto ng pagkawala ng liderato ni Bin Laden.
Si Bin Laden ay isang rebolusyonaryo sa digmaan sa ika-21 siglo. Pinasulong niya ang potensiyal ng isang organisasyong pang-armadong tunggalian sa ‘full scale’ na digmaan kahit na wala itong tiyak na bansa o populasyon. Ipinakita niya ang mga bentaha ng kawalan ng tiyak na teritoryo na parang naghahanap ng karayom sa dayami ang kaaway. Ngunit sa huli’y mas nakita ang mga disadbanteyds ng ganitong sitwasyon na walang tiyak na resorses at panlahing identidad (maliban sa radikal na pananaw sa Islam) upang mgsilbing ‘mass base’.
Tinatayang pangatlo sa pinakamalaki at pinakamagastos na gerang sinuong ng US ang gera laban sa terorismo. Una’y ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II (WW II), pangalawa ang gera sa Biyetnam. Sa tatlo, ang gera sa terorismo lang ang walang tiyak na bansang kaaway at dahil hindi ito bansa ay wala ring tiyak na pook-labanan o mga battlefield. Ang kaaway ay isang pangterorismong organisasyon na may operasyon sa buong mundo ngunit walang tiyak na lugar. Ito ay ang Al-Kayda (Al Qaeda) na itinatag at pinamunuan ni Bin Laden noong nabubuhay. Tinatayang may mga selda (cell) ang Al-Kayda sa maraming bansa laluna sa mga bansang Islamiko o nagtataglay ng signipikanteng populasyon ng mga Muslim tulad ng Pilipinas. Ang Al-Kayda ay maaaring nakasandig sa kulto ng personalidad at pakikipaglaban ni Bin Laden. Iniuugnay ni Bin Laden at Al-Kayda ang laban na ito sa laban ng pananampalatayang Islamiko sa pangkalahatan. Ngunit ang Al-Kayda bilang organisasyon at ang Islam bilang relihiyon ay hindi iisa. Maraming tagasunod ang Islam na mas pumapabor sa mapayapang paraan sa halip na gumamit ng terorismo.