ShareThis

  ESTADO

Katiwalian at Pagpatiwakal



by Fermin Salvador.
May 2, 2011
Tratong angkop sa ganap na bayani ang ibinigay sa burol at paglilibing ng dating tsip-op-istap ng tanggulang pambansa at naging kalihim ng iba’t ibang kagawaran na si Angelo Tomas Reyes. May kumpletong parangal-militar.

Dinalaw ang burol niya ng halos lahat ng pinakaprominenteng tao ngayon sa lipunang Filipino kabilang na ang mga kasalukuyan at dating pinakamatataas na lider ng bansa. May prusisyon, parada, at saludong paputok ng kanyon (gun salute) sa huling parangal. May laang puntod siya sa Libingan ng mga Bayani.

Habang May Usapin
Matatandaang gumimbal sa Pilipinas at saanman may Filipino ang naiulat na pagpapatiwakal ni Reyes sa pamamagitan ng pagbaril sa sariling dibdib habang nasa harap ng puntod ng yumaong ina. Nasa kalagitnaan ng pagharap si Reyes sa imbestigasyong may kaugnayan sa mga katiwalian sa Ey-Ep-Pi (Armed Forces of the Philippines o AFP) na pinaglaanan ng malaking bahagi ng kanyang buhay magbuhat sa pagiging kadete ng Philippine Military Academy (PMA), junior officer, heneral, tsip-op-istap, hanggang sa pagiging kalihim ng tanggulang pambansa.

Isang magandang debelopment, kung tutuusin, ang nagaganap na pagbusisi sa mga pinagmumulan ng alingasaw sa organisasyong militar ng bansa na sa mahabang panahon ay di masasabing ganap na kasiya-siya ang integridad habang sa kabilang banda’y kabilang sa mga kagawarang pinaglalaanan ng malaking bahagi ng badyet. Overdue, sa ibang sabi, ang imbestigasyon ng senado sa isyu ng katiwalian sa kagawaran.

Kabilang sa mga senador na nakapagbitiw ng pinakamahahayap na salita kay Reyes ang dating junior officer na si Antonio Trillanes at ang beteranong lehislador na si Miriam Defensor-Santiago na tinawag diumano si Reyes na amiba (amoeba).

Trillanes, Miriam, at Maaanghang na Salita
Bilang dating tenyente, lupa at langit ang pagitan nina Trillanes at Reyes noong araw na pareho silang aktibo sa militari. Heneral si Reyes habang si Trillanes ay di lang isang mababang subordineyt ayon sa herarkiya kundi insignipikante sa organisasyon. Sa pulong ng senado, bilang isang mambabatas na halal ng bayan ay naging ‘diyos’ si Trillanes habang si Reyes ay mistulang mababa pa sa kabo na dinuduru-duro.

Wala tayong dapat sisihin. Kahit si Senador Enrile, pangulo ng senado at dating kalihim ng depens, ay nagsabing walang mali sa aktuwasyon ni Sen. Santiago. Personalidad na niya iyon, kilala siya sa maaanghang na salita. Pribilehiyo niyang magngitngit at ipakita ang pagngingitngit (sinsero man o hindi) sa katiwaliang nagaganap sa militari na dapat sana ay maaasahang pinakadisiplinadong institusyon sa estado. Kumbaga, isinasalarawan niya ang kolektibong pagngingitngit ng sambayanan sa katiwaliang gumugutay sa Pilipinas.

Si Trillanes naman ay may tinatawag na “ax to grind” sa dating superyor niya. Bumulaga si Trillanes sa pambansang tanghalan bilang isa, at pinakamadaldal, sa mga junior officer na nagmyutini sa Oak Wood may isang dekada na ang nakaraan. Nabigo man ang myutini ay nagtagumpay ang mga myutinir na maipaabot sa kamalayan ng taumbayan ang litanya ng mga karumal-dumal na gawain o praktis sa militari partikular ang pagpapayaman ng matataas at mga nasa puwesto. Naging tungtungan ni Trillanes ang insidente sa Oak Wood at isyu ng pagkakaroon ng mga anomalya sa loob ng organisasyong militar upang mahalal sa senado.

Kulturang Militar
Nasabi kong ‘pinakamadaldal’ si Trillanes sa mga batang sundalong nag-aklas noon kaya naman dapat asahan na rin marahil ang buga ng maaanghang na salita sa tradisyon ni Sen. Santiago. Masasabi siguro na siya ang lalaki at nakababatang bersiyon ni Miriam na nagsabing siya ang pinakaguwapo sa mga nakaupong senador.

Tiyak kong gaya ng marami ay malayo sa hinagap ni Sen. Trillanes na magpapatiwakal ang ‘upper class’ sa PMA nang dahil sa pagbulsiyet niya rito na ‘lower class’ nito. Sa harap ng malalim at malalang isyu ng katiwalian, hindi dapat umasam si Reyes ng ibang trato sa kanya sa ngalan ng pinagsamahan sa akademi sapagkat bayan pa rin ang mas mahalaga sa alinmang institusyon.

Napag-usapan ang mga sundalo at dating sundalo. Masasabing bahagi ng kultura ng mga nasa establisimyentong militar ang pagpapatiwakal. Waring isa ito sa mga taktikang mapagpipiliang gamitin sa sandali ng krisis o kagipitan. Si Heneral Walther Model, huling supremo ng Nazi ‘wehrmacht’ (sandatahang lakas), ay nagtanong kung ano ang dapat gawin ng isang field marshall na lupig na ang hukbo. Sinagot niya ito sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili. Si Heneral Erwin Rommel na popular at karismatiko, kilala sa bansag na “Desert Fox”, at idolo ng sambayanang Aleman, ay nakipagkasundo sa pamunuang Nazi na magpatiwakal na lang sa halip na sumailalim sa paglilitis matapos masangkot sa planong asasinasyon kay Hitler. Siyempre pa, si Hitler mismo ay nagpatiwakal sa halip na pabihag sa mga Rusong kumubkob sa Berlin sa mga huling yugto ng ikalawang gera mundiyal sa Yuropa. Sinundan ang pagpapatiwakal ni Hitler ng mga kapanalig niya sa poder ng Nazi: Goebbels, Himmler, atbpa. Si Goering ay nakahabol pang makapagpatiwakal sa pamamagitan ng naipuslit na lason habang nasa selda sa Nuremberg at nakatakdang bitayin.

Iba-Ibang Interpretasyon
Nabibigyang-kahulugan o interpretasyon ang pagpapatiwakal sa magkakaibang paraan. Depende ito sa kilos-pampublisidad ng mga suporter ng nagpatiwakal, kultura ng lahing kinabibilangan, bigat ng kasalanan o paratang na kasalanan, atbpa. Si Hudas Iskaryote, halimbawa, ay nananatiling kontrabida kahit na nagbigti sapagkat ang kasalanan niya ay ang ipagkanulo si Hesu Kristo. 

Nauna sa pagpapatiwakal ni Iskaryote ang pagpapatiwakal ni Cleopatra ng Antigong Ehipto, na ngayo’y isang bansang laman ng mga pahayagan dahil sa mapayapang rebolusyon ng taumbayan laban sa lider nilang si Hosni Mubarak. Glamorosa ang tingin sa pagpapakamatay ni Cleopatra na bunsod ng nabigong ambisyon na makapagtamo ng higit na poder. Sino naman ang makalilimot sa sapilitang pagpapatiwakal ni Socrates matapos hatulan ng pamahalaang Griyego sa salang pagsira sa isipan ng mga kabataan sa pagtuturo sa mga ito ng pilosopiya niya? Si Senador Miriam mismo ay may anak na napabalitang nagsuwisayd ilang taon ang nakararaan.

Sa ibang kultura gaya sa Hapon partikular sa panahon ng Shogun, ang harakiri at/o sepuku ay pangkaraniwan lang na ginagawa bilang paraan ng pagbalik sa dangal na nasira. Ang kamikaze na isang anyo ng pagpapatiwakal ng mga sundalo sa labanan ay kagulat-gulat sa ibang kultura ngunit hindi sa mga Hapones na ang dedikasyon sa emperador at bayan ay batas na hindi mababali.

Huwag Palilihis
Huwag sanang mauwi na naman ito, ang pagpapatiwakal ni Reyes at ang sumunod na halos gloripikasyon sa ginawa niyang iyon, sa isang maling ‘trend’ at paglihis ng tingin sa sinuman sa mga sumusunod: militar, dating militar, at hindi militar na mataas na opisyal o may posisyon sa gobyerno, o dating opisyal o dating may posisyon sa gobyerno, at mga kakutsaba nila na nahaharap sa usaping kaugnay ng paratang ng katiwalian. Huwag hayaang mabaluktot ang perspektiba ng mga simpatya at retorika.

Gaya nang nabanggit ko, hindi alinmang institusyon o sinumang personalidad ang makapapalit sa kapakanan ng bayan. Kung sadyang may basihan ang paratang ng katiwalian sa tanggulang pambansa at saanmang kagawaran, ahensiya, tanggapan, o byuro ay kinakailangang ipagpatuloy ang imbestigasyon at pagtugis sa mga gilti kahit na ilan pa ang magpakamatay sa kanila.




Archives