by Fermin Salvador.
April 17, 2011
Pinirmahan ni Gob. Pat Quinn noong Marso 9, 2010 ang Panukalang Batas ng Senado ng Estado Blg. 3539 na nag-aabolisa sa parusang bitay sa Ilinoy. Naging pang-15 ang Ilinoy sa mga estado sa US na nagpatigil sa pagpapairal ng parusang bitay. Sa buong mundo, isa ang Pilipinas sa mga bansang wala nang ‘capital punishment’ sa kasalukuyan.
Depektibo ang Parusang Bitay
Payak ang paliwanag ni Gob. Quinn sa pagpirma niya sa panukalang batas na nag-aalis ng parusang bitay sa Ilinoy. Depektibo, anya, ang proseso ng paggawad ng parusang bitay. Tinimbang-timbang niya ang pananaw ng mga prosekyutor, hukom, at ibang eksperto sa tinatawag na sistema ng katarungang pangkrimen o ‘criminal justice system’. Pinakinggan din niya ang mga biktima at pamilya ng mga ito, mga bilanggong nasa ‘death row’, mga karaniwang mamamayan, mga lider-relihiyon, at iba’t ibang lider ng kumunidad sa Ilinoy at sa ibang bansa.
Mahirap ang sistema, ani Gob. Quinn, na hindi mababahiran ng diskriminasyon sa antas ng kabuhayan at lugar sa lipunan na di hahantong sa hindi parehas na paghatol. Sa pagkawala ng parusang bitay, ang mga nahatulan na ng bitay ay mabibilanggo nang habambuhay.
Nangangahulugan bang tumayo bilang hukom si Gob. Quinn sa usaping sino ang higit na dapat tumanggap ng katarungan: mga biktima o mga bilanggo? Ngunit ang isyu kaya nasabing ‘depektibo’ ang sistemang paggawad ng parusang bitay ay walang siyento-porsiyentong kasiguruhan na ang bibitayin ang tunay na salarin. Hindi nakakamit ng mga biktima ang tunay na hustisya kapag walang sala ang di sinasadyang nabitay. Ganunpama’y kapansin-pansin na maliban sa labinglimang estado, kasama na ang Ilinoy, ay patuloy na pinaiiral ang parusang bitay sa US.
Sikolohikal na Panakot
Sa mga pabor sa parusang bitay, madalas banggiting ‘deterrent’ ito o sikolohikal na panakot sa mga nagbabalak gumawa ng karumal-dumal na krimen. May nagsasabi ring kailangang pakainin pa ang mga ito hangga’t nabubuhay. Ganunpama’y hindi natutugunan ng mga premisang ito ang tanong na: Paano kung ang mahatulan ng bitay ay walang sala?
Patuloy ang mga mananaliksik sa pagtuklas at pagbuo ng mga bagong pamamaraan upang maging perpekto ang paghatol sa mga kasong kriminal. Sa ngayon ay may basihang sabihing nagaganap at posibleng maganap pa ang mga di wastong paghatol. Kung ang Ilinoy ay aminadong nagkakamali sa paghatol sa mga akusado, paano pa kaya ang ibang bansa tulad ng Pilipinas na mas marami ang walang pagkakataon sa parehas na paglilitis?
Parusang Parang Lagari
Sa Pilipinas, ang pagpapataw ng parusang bitay ay mistulang lagari na pabalik-balik. Nang maupo si Pangulong Cory ay tinanggal ang parusang bitay bagaman may probisyon sa Konstitusyon ng 1987 na maaaring magkaroon ng lehislasyon sa kongreso na pairalin ito bilang kaparusahan sa mga tinatawag na karumal-dumal (heinous) na krimen. Lahat nang kumbikted na napatawan ng parusang bitay sa ilalim ng administrasyong Marcos ay napababa ang parusa sa habambuhay na pagkakulong.
Di nagtagal ay ipinasa ng kongreso ang batas na nagbabalik sa parusang bitay para sa mga napatunayang gumawa ng karumal-dumal na krimen. Ito ang Republic Act 7659. Nagsimulang ipataw ng mga hukom sa mga korteng litisan (trial court) ang parusang bitay sa mga nahatulang gilti ng ‘heinous crime’. Marami sa mga desisyong ito’y nakumpirma ng Korte Suprema. Nagsimulang maipon ang mga
bilanggong nakatakdang bitayin sa New Bilibid Prison (NBP) sa Siyudad ng Muntinlupa na opisyal na lugar na maaaring isagawa ang eksekyusyon.
New Bilibid Prison
Sa mahabang panaho’y sa pamamagitan ng silya-elektrika isinasagawa ang pagbitay. Pinalitan ito ng ‘lethal injection’. Matagal na natiwangwang ang silya-elektrika matapos di magamit sa mahabang panahon. May birong baka matetano ang kundenado pag iniupo rito. May isang munting museo sa NBP para sa kasaysayan ng parusang bitay sa Pilipinas. Naroroon ang silya-elektrika na ginamit mismo sa mga binitay. Simple at maliit na upuan lang ito.Nakahilera ang litrato ng mga binitay na ang marami’y pamilyar sa publiko sapagkat naisapelikula ang buhay nila. Kung pagmamasdan ang mga mukha nila, maghahalo ang iyong maiisip at madarama. Maaaring pagkaawa; ngunit sa isang banda’y hindi marapat ang pagromantisa. Ang mga karumal-dumal na krimen ay isang reyalidad sa lipunan.
Noong opisyal pa ako sa BJMP at nakadestino sa Rehiyon 11 ay namuno ako sa ilang pangkat (team) ng mga operatiba ng Byuro na naghatid sa NBP ng mga bilanggong nahatulan ng bitay. Noong may parusang bitay, isang pagkakataon ang paghahatid ng kumbikted sa NBP para ang isang taga-Maynila na nakadestino sa malayong lugar ay makauwi nang walang gastos sa pasahe. Lahat nang nahatulan ng bitay saanmang rehiyon ng Pilipinas ay kailangang ibiyahe sa NBP. Ang paghahatid ng preso sa NBP ay opisyal na misyon kaya may badyet sa pasahe. Nang muling alisin ang parusang bitay ay hindi na kailangang ibiyahe pa ang kondenado sa NBP. Kung taga-Davao ang nahatulan, sa Davao Penal Colony o Dapecol na lang ito dadalhin.
Sino ang Dapat Sisihin?
Minsa’y nadalaw ko pa sa selda ang mga nakatakdang bitayin matapos dumalo sa isang pulong sa noo’y direktor ng Kagawaran ng Koreksiyon (Bureau of Correction o BuCor) na si dating heneral Dionisio Santiago. Nakita ko rin si Hubert Webb na naglilibang sa paglalaro ng bilyar at si dating kongresman Jalosjos. Parehong malaya na ngayon ang dalawang haypropayl (high profile) na bilanggong ito. Isang bagay pa na nagkakapareho sila ay sa pagkakasakdal sa krimeng bitay sa halip na habambuhay na pagkabilanggo ang naging hatol kung nangyari ang krimen sa panahong naibalik na ang nasabing parusa, na muli ring inalis.
Gaya nang nabanggit, muling tinanggal ang parusang bitay. Kamakailan,matapos ang ulat nang sunod-sunod na karumal-dumal na krimen ay may nagpapasimula na naman ng clamor na ibalik ang parusang bitay. Ano ba talaga ang gusto ng Pinoy? Ano ba ang kailangan ng bansa? Sino ba ang dapat sisihin sa pagbabago-bago ng isip at tindig sa parusang bitay? Inkumpitensiya ba ng mga tagapanatili ng kaayusan? Inkumpitensiya sa paglilitis? Mga biktima ba na humihingi ng ganting ngipin-sa-ngipin? Simbahang Katoliko? Sensasyunal na pagbabalita ng krimen sa mga pahayagan at telebisyon? Ningas-kugon na reaksiyon ng mga pulitiko?
Sa kaso ng Pilipinas, kapos sa tiyak na pag-aaral sa adbanteyds at disadbanteyds ng pagkakaroon ng parusang bitay upang mabatid nang minsanan kung opsiyon ba ito o tuluyan nang ibabasura. Sa ngayon, ang usapin dito’y nagsisilbing laruan na pana-panahon o uso-uso bilang sentro ng balitaktakan na lagi’y walang pinupuntahan. Gumastos nang milyong piso ang gobyerno sa pagtatayo ng lethal injection chamber na, gaya ng silya-elektrika,natiwangwang matapos muling alisin ang parusang bitay. Pag ibinalik na naman ang parusang bitay malamang na milyong piso na naman ang magugugol para ma-upgrade ito o para palitan nang tuluyan.