ShareThis

  ESTADO

‘Good’ na Badyet



by Fermin Salvador.
March 20, 2011
Ang deficit sa badyet at mga obligasyong pinansiyal ay bahagi ng pag-iral ng isang estado na di eksklusibo sa mga tinatawag na atrasado o mahihirap na bansa lamang. Kahit ang mga pinakaprogresibo at pinakamayayaman ay humaharap sa mga suliranin at mabibigat na kapasyahang may kaugnayan sa pagbabadyet.

IBA Para sa Pag-asenso
Ipinahayag noong Pebrero 16, 2011 ni Gob. Pat Quinn sa IBA (Illinois Budget Address) sa pang-estadong kapulungan ang mga panukala (proposal) niya na aniya’y may layuning magkaroon ng istabilidad (stability) ang badyet, lumikha ng mga trabaho, at lumago ang ekonomiya.

Mainam na suriin ang mga panukalang hakbang ni Gob. Quinn hinggil sa badyet ng Ilinoy. Ang pag-alam sa planong badyet para sa isang estado o bansa ay tungkulin ng bawat mamamayan o maging residente nito. Karapatang ipahayag ninuman ang saloobin hinggil sa mga nilalaman nito ayon sa sari-sariling partikular na kalagayan.

Ang Pilipinas ay isang bansa na di rin tinatantanan ng mga problemang may kaugnayan sa pambansang badyet nito na batbat ng deficit at pagharap sa mga obligasyong pinansiyal sa bawat taon o fiscal year. May kaibahan, samantala, ang mga pananagutang pampinansiya ng Ilinoy bilang estado ng US sa Pilipinas na isang independiyenteng bansa.

Sa mga Pinoy, ang IBA ni Gob. Quinn ay maaaring suriin upang ihambing sa sariling paraan ng pagharap sa mga pambansang bayarin at gastusin sa isang banda, at mga reporma at/o hakbanging paghihigpit-sinturon sa isa pa. Baka rin makapulot ng ideya sa “Illinois way”. Bagaman hindi natin ibig ipahiwatig na ang nasabing panukalang badyet ay pinakamahusay sa lahat dahil marami itong naging batikos mula sa hanay ng ilang mambabatas sa lapiang Republican.

Buod ng Badyet 
Narito ang buod ng ilan sa mga hakbang na isasagawa ng pamahalaang pang-estado ng Ilinoy: Paghihigpit-sinturon. – Pagtanggal sa mga di importanteng pinagkakagastusan. Bawasan ang mga gastusin. Makatipid sa loob ng isang henerasyon (o humigit-kumulang 20 taon) ng 220 bilyong dolyar. Kaugnay nito’y naipasa ang batas sa reporma sa pensiyon.

Reporma. – Mapaunlad ang mga serbisyong inihahatid ng pamahalaan na mas maliit ang halagang magugugol. Kaugnay nito’y naipasa ang kumprehensibong reporma sa Medicaid na nagbibigay-diin sa ‘preventive care’ sa halip na hintaying umabot sa emerhensiya. Ipagpatuloy at paunlarin ang mga serbisyong kinakailangan at ihinto ang mga programang walang silbi. Ang lapit (approach) na ito ay tinatawag na “budgeting for results.”

Konsolidasyon ng mga distritong paaralan. – Sa kasalukuyan ay may 868 distritong paaralan (school district) sa Ilinoy. Mapapababa ang gastusing administratibo kung magkakaroon ng konsolidasyon. Sa mas episyenteng pamamahala ng mga paaralan ay makatitipid ng 100 milyon dolyar.

Pagrestruktura ng mga utang. – Umaabot sa 8.7 bilyong dolyar ang bayarin ng Ilinoy. Kailangang tuparin ang obligasyon sa mga pinagkakautangan at makabalik sa siklo ng maagap na pagbabayad. Sa kasalukuyan ay huli nang anim hanggang walong buwan sa pagbabayad ng utang ang estado. Bunga ng pagkaantalang ito ay nawawalan ang Ilinoy nang 700 milyong dolyar kada taon dahil sa patong ng mga kontratista.

Insentibo sa pagnenegosyo. – Ang Ilinoy ay pang-18 sa pinakamalalaking ekonomiya sa mundo na may produktong domestiko (domestic product) na nagkakahalaga ng 2/3 trilyong dolyar. Mas malaki pa ang ekonomiya at produktong domestiko ng Ilinoy sa Pilipinas na doble ang sukat ng lupain at halos pitong doble ang populasyon kumpara rito. Isang mabisang paraan upang makalikha ng empleyo ay sa pagtulong sa pribadong sektor na lumago at umangat. Binanggit ni Gob. Quinn ang mga kumpanyang nagrelokeyt at/o nagpalawak ng operasyon sa Ilinoy dahil sa pinagsamang publiko-pribadong imbesment na nagbunga ng pagiging pang-apat ng estado sa buong US sa paglago ng trabaho (job growth).

Makabagong teknolohiya. – Isa sa mga nangunguna sa buong US ang Ilinoy sa mga industriyang pangteknolohiya. Nilagdaan noong nakaraang taon ang lehislasyong humihikayat sa pamumuhunan sa ‘wireless’ at ‘broadband’ na nagbubunsod ng “tech boom” sa estado.

Inobasyon. – May 150 taon na ngayon na ang Ilinoy ay ‘world leader’ sa entreprenyursip (entrepreneurship), teknolohiya, at inobasyon. Dito itinayo ang unang saylo (silo) para sa mga aning butil at ang unang skyscraper. Dito nalikha ang unang selpon, ilaw na LED, at dito rin matatagpuan ang pinakamatuling superkompyuter sa mundo. Hindi sapat ang dakilang ideya lang. Kailangan ang kapital sa bawat bisyon. Nararapat suportahan ang kulturang entreprenyuryal sa Ilinoy na nasusuhayan ng mga sumusunod: matatag na etika sa paggawa (strong work ethic), tradisyon ng inobasyon, at pandaigdigang-uring mga unibersidad at institusyong pampananaliksik gaya ng Fermi Lab at Argonne. Kasabay nito’y ipinahayag ang pagtatatag ng Illinois Innovation Council.

Pagluluwas. – Mahigit sa kalahati ng lahat ng trabaho sa Ilinoy ay nasa pagluwas (export). Nitong 2010 ay tumaas ng 20 porsiyento ang luwas ng estado na may halagang halos 50 bilyong dolyar. Bilang eksporter, nangunguna ito sa eryang Midwes at pang-anim sa buong US. Dodoblehin ito sa susunod na limang taon. 

Reporma sa pagbuwis. – Regresibo (regressive) at hindi parehas ang pagbubuwis ng estado. Panahon nang ang kodigo sa buwis ng Ilinoy ay umangkop sa ika-21 siglo. Kaugnay nito’y maghihirang ng mga bubuo sa itatatag na Illinois Revenue Reform Commission.

Abante at Batikos
Kabilang pa sa mga hakbangin sa pag-abante ng estado ang pamumuhunan sa pagsasanay ng mga manggagawa dahil ang mga ito ang pinakamahalagang yaman ng estado. Mahalaga ang maayos na imprastruktura upang manatili ang Ilinoy na panloob na pantalan ng Amerika. Nagkaroon ng inisyatibang “Illinois Jobs Now!”

na ang mga kalsada, tulay, sistemang patubig, riles, paliparan, at paaralan ay kinumpuni upang makalikha ng mga hanapbuhay. Pauunlarin din ang imprastrukturang pang-edukasyon.

Ang pangunahing batikos sa bagong badyet ay ang planong muling pangungutang ng estado. Hindi ito “bagong pag-utang” ayon kay Gob. Quinn kundi “pagrestruktura” ng utang (debt restructuring). Ang bilyon-bilyong dolyar na utang na naririyan na ay di mawawala na parang mamadyikin lang. Kailangang mapabalikwas ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagpuno sa mga bayarin nito at pagpasok ng bagong pondo. Titiyaking mababa ang interes sa utang.

Masalimuot ang proseso ng pagbadyet para sa estado at bansa. Ito’y hindi payak na pagbalanse lang ng pondo at bayarin sa loob ng isang taon sapagkat naririyan ang mga ‘minanang obligasyon’ mula sa mga nakaraang administrasyon na kinakailangang saluhin ng kasalukuyang administrasyon para hindi masira ang kredito ng estado/bansa. Indibidwal man, pribadong kumpanya, o estado/bansa ay kumakapit sa patalim, ‘ika nga, kung ito ang magiging susi sa pag-ahon. Kahit ang mga namumuno sa Pilipinas ay humaharap sa ganitong dilema (dilemma). Sa huli, ang sinseridad sa pamamahala ng badyet at pagtuon ng liderato sa tagumpay ng mithiing istabilidad at kaunlaran ang tanging makabubura sa mga pagtuligsa na kakambal na ng poder sa ilalim ng sistemang demokratiko.




Archives