ShareThis

  ESTADO

Ondoy ng Ilinoy



by Fermin Salvador.
February 14, 2011
Marami ang naging bansag gaya nang mga sumusunod: “Jan. 31 – Feb. 2, 2011 North American Winter Storm”, “2011 Groundhog Day Blizzard”, o payak na “2011 Blizzard”. Tinutukoy ko ang blizard na nanalasa sa Hilagang Amerika partikular sa eryang Midwest noong Pebrero 1-2 ngayong 2011. May bansag ako rito na mas malapit sa kamalayan ng mga Filipino: “Ondoy ng Ilinoy”. 

Rekordbreking, walang duda, ang nanalasang blizard noong ika-31 ng Enero hanggang ika-2 ng Pebrero. Sa Internasyunal na Paliparan ng Chicago-O’Hare, ang bumuhos na 20.2 pulgada o halos dalawang talampakan ng niyebe ay itinuturing na pangatlo sa pinakamataas na ’snowfall’ sa kasaysayan ng Chicago. Lunes pa lang ay nakaliligalig ang mga isinasaad na taya ng panahon (weather forecast) para sa Martes at Miyerkules. Mararanasan ang isang uri ng blizard na dumarating lang kada 25 taon. Magkakaroon ng tinatawag na ‘puti lahat’ (‘white-out’). 

Blizard at ‘Puti Lahat’
Ang blizard ay isang kundisyon ng panahon na kaparis ng malakas na bagyo, may malalakas na paghangin, at nagdudulot ng pagkabawas ng visibilidad. Upang matawag na blizard, kinakailangan na lampas sa 56 kilometro kada oras ang lakas o bilis ng hangin na may kasamang mga niyebe na nagdudulot ng kawalan ng visibilidad sa layong 400 metro o mas malapit na tumatagal nang maraming oras. 

Ang ’puti lahat’ o ‘white-out’ ay isang kundisyon na nawawala ang visibilidad dulot ng pagbugso ng niyebe. Bunga nito ang isang taong nasa labas ay nagkakaroon ng disoryentasyon sapagkat naglalaho ang anumang palatandaan o reference point niya sa kinaroroonang lugar. May mga pangyayari na naliligaw ang isang tao kahit na ilang hakbang lang ang layo niya sa sariling bahay kapag nangyari ang ‘puti lahat’. 

Nagpapaalala ang katatapos na kalamidad na ito sa US sa pananalasa ng bagyong si Ondoy sa Kamaynilaan at ibang dako ng Pilipinas noong 2009. Hindi malilimutan ng mga Filipino ang nasabing pangyayari sa mahaba-habang panahon. Lumubog ang maraming pamayanan sa Kamaynilaan at marami akong kakilala na direktang naapektuhan nito.

Hindi magpapahuli ang Blizard ng 2011 sa US sa Ondoy ng Pilipinas sa sukat bilang anyo ng pagngangalit ng kalikasan. Ngunit malaki ang pagkakaiba ng naging ‘impact’ ng dalawang kalamidad. 

Panic Buying 
Lunes nang hapon ay kapansin-pansin ang mahahabang pila ng mga mamimili sa mga tindahan na ang kariton (shopping cart) ay puno ng mga pagkain, inumin, dayaper (diaper) ng bata, at mga bagay na posibleng kailanganin pag may emerhensiya. Mistulang ‘panic buying’ ang nagaganap sapagkat inaasahang mahirap lumabas ng bahay, o baka tuluyang hindi makalabas, pag dumating na ang blizard. 

Buong araw ng Martes ay nasa opisina pa ako. Bandang ikatatlo nang hapon nang nagsimulang lumakas ang ihip ng hangin at bumuhos ang malalaking piraso ng niyebe. Ikaanim nang hapon ay ganap nang suryal (surreal) ang tanawin sa paligid. Natatabunan ng yelo ang lahat ng bagay. Hangin na may bilis na nasa 50 kilometro kada oras ang bubundol sa katawan mo na, dahil may niyebeng kasama, hihilam sa mga mata mo.

Nakauwi akong maayos. Sa ibang lugar, partikular sa Chicago, iba ang sitwasyon. Nagyelo ang mga swits (switch) sa mga riles ng CTA, isinara ang Interstate 80, sumunod ang Lake Shore Drive. Daan-daang sasakyan ang nasalalak (stranded). Kinailangang abandonahin ng mga motorista ang kanilang kotse upang pansamantalang tumuloy sa mga hotel. Nasira ang isang bahagi ng bubong ng Wrigley Field. May anim na naiulat na namatay resulta ng kalamidad, tatlo ay bunga ng atake sa puso. Mahigit isang libong lipad (flight) ang kinansela nang maaga pa.

Sa kabila ng sama ng panahon na naranasan ng Ilinoy, higit na maliit ang naging banta nito sa kaligtasan ng mga tao at maging sa mga ari-arian. Ito ay bunga ng sapat na paghahanda para sa pinsalang posibleng idulot ng kalamidad. Mabilis ang paanunsiyo na walang pasok magmula elementarya hanggang kolehiyo. Ipinayo na huwag na ring pumasok ang mga empleyado ng estado na ang gawain ay di kabilang sa mga kritikal na kailangan. Kabilang sa mga kritikal na serbisyo ay sa Veteran’s homes, mga sentrong pangkalusugan at indibidwal na may kapansanan sa pag-unlad, youth centers, at mga institusyong koreksiyonal.

 Preparasyon 
Maagap na nagprepara ang mga ahensiya ng gobyernong pang-estado gaya ng Illinois State Police (ISP), Illinois Emergency Management Agency (IEMA), American Red Cross, atbpa. Mahigit sa 500 miyembro ng National Guard ang na-activate para mag-asiste sa mga motorista at maghatid ng pagkain at tubig sa mga nangangailangan. 

Habang nasa bahay noong Martes nang gabi, pinagmamasdan ko ang lansangan sa harapan ng aming bahay na batid na ang sinasaksihan ko ay kasaysayang kasalukuyang nagaganap. Isang petsa na mailalagay sa talaan ng mga notabol (notable) na sama ng panahon (severe weather) na naranasan sa Amerika at mababanggit bilang reperensiya sa hinaharap. 

Kakaibang alalahanin na salamin ng bintana lang ang pumapagitan sa init ng loob ng bahay at parang yelong lamig sa labas. Na ang salamin ding iyon ang nagsisilbing proteksiyon laban sa haginit ng malakas na hangin na halos bumali sa mga sanga ng malalaking puno. Wala akong agam-agam ngunit wala ring pagdududang walang laban ang katawan ng sinumang tao sa ganoon kalakas na hampas ng hangin na may kasabay na nakapagpapayelong temperatura at buhos ng niyebe na kayang maglibing nang buhay. 

Sa ganoong pagkakataon, malaki ang posibilidad (at may babala) na maaaring mawalan ng kuryente. Hindi ang pagkawala ng ilaw, kompyuter na magagamit, o telebisyong mapapanood ang dapat pangambahan. Mawawalan ng pampainit (heater) ang bahay. Masisira ang pagkaing nakaimbak sa reprihadora. Inihanda ko ang mga plaslayt. Walang anumang sasakyan sa kalsada. Nasa sabarb (suburb) ako kaya walang masyadong tao. Ngunit hindi ko naiwasang maisip ang mga papauwi pa lang. Makakauwi pa kaya sila? Paano ang mga walang bahay o nakatira sa giray na bahay? 

Pagtutulungan at Pagkamaagap 
Nang manalasa ang bagyong Ondoy sa Pilipinas, hindi problema ang temperatura. Maliban sa mga bata, maysakit, at mahihina, kadalasang kaya ng Pinoy na lumabas nang bahay kahit pa walang saplot at nababasa ng tubig. Naging pangunahing suliranin ang paglikas matapos bumaha nang mataas. Kung sakali namang mataas ang bahay at ligtas sa itaas na palapag nito, o makasampa sa bubong, ang problema ay ang mga pangunahing pangangailangan habang kasalukuyang nakasalalak. Kailangan ng tubig na inumin, pagkain, tuyong damit, at higit pa para sa mga bata, maysakit, at mahihina. 

Isang bagay na mapupuri sa mga Filipino ang pagtutulungan sa panahon ng emerhensiya. May mabilisang mga pag-organisa upang mangalap ng mga donasyon at boluntir, magsupot ng mga pagkain at tubig, at magdistribyut nito sa mga apektadong lugar. Kahanga-hanga man ito, ito’y reaksiyon na lang sa sitwasyon at hindi maituturing na sabstityut sa ganap na kahandaan. 

Mahina sa kultura ng mga Pinoy ang ‘sapat’ na paghahanda para sa pagdating ng kalamidad. Hindi paris ng pagkakaroon ng pila ng mga mamimili sa Wal-Mart bago dumating ang blizard, hindi nakapag-imbak ang maraming taga-Maynila nang nanalasa si Ondoy. Ganunpaman ay nakapaghatid ng aral ang karanasan kay Ondoy sapagkat pagkatapos nito’y naiulat ang maagap na paghahanda ng mga naninirahan sa mga pook na tinatayang tutumbukin ng mga papadating na bagyo. 

Sa punto ng paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at maging mga ari-arian, siyempre pa’y higit itong nakaatang sa balikat ng mga operatiba ng gobyerno magmula sa pinakamababang sangay sa mga barangay hanggang sa pambansang pamahalaan sa ilalim ng pangulo ng bansa.

Mapalad Pa Rin 
Matapos manalasa ang ‘Ondoy ng Ilinoy’ dapat ipagpasalamat na maliban sa mga nabanggit ay walang ibang buhay na nasawi at madaling makababalik sa normal na pamumuhay ang nakararami. Bagaman naririyan pa ang bundok-bundok na yelong sagabal, nagpapakitid sa mga daanan, at patuloy na nadaragdagan ng mga bagong pagbuhos ng niyebe.




Archives