ShareThis

  ESTADO

Isports sa Popular na Kultura, Personal na Karera, at Pagiging Makabayan



by Fermin Salvador.
January 31, 2011
Mahigit sa kalahati ng populasyon marahil, o higit pa, ng mga estado ng Illinois at Wisconsin ang nagsinood sa telebisyon sa labang pangkampeonato ng National Football Championship (NFC) sa pagitan ng Chicago Bears at Green Bay Packers.

Kabilang sa odyens nito ang daan-daanlibong Filipinong migrante anuman ang istatus at may dugong-Filipino sa dalawang nasabing estado. Ginanap ang laro sa Soldiers Field sa Chicago. Sa kabila ng tinatawag na bentaha ng ‘hometown crowd’ ng Bears ay ang koponang Packers ang nagwagi sa pinal na iskor na 21-14 at naging kampeon ng NFC.

Sa National Football League (NFL) ay nagsagupa ang New York Jets at Pittsburg Steelers. Nanalo ang Steelers kaya ito ang makakaharap ng Packers sa Superbowl ilang araw mula ngayon.
NFC? NFL? Superbowl? Ito’y mga akronim at termino na waring walang katuturan para sa mga nasa Pilipinas at sa maraming bansa sa mundo ngunit napakaimportante para sa mga mamamayan ng US. Nakahedlayn sa mga peryodiko at may apdeyt (update) maya’t maya sa balitang telebisyon.

Isports, Kulturang Popular sa US
Isa sa napansin kong malaking kaibahan ng US bilang bansa ay ang matinding pagkahumaling ng mga mamamayan sa iba’t ibang paligsahan o isports. Mas malaking obsesyon ang isports sa mga Amerikano kesa sa pulitika, syobis, at ibang bagay. At di sa isang isports lang gaya ng pagkahilig ng mga Pinoy sabasketbol. Bukod sa futbol-Amerikano ng NFC at NFL na iba sa futbol na kilala sa buong mundo na tinatawag ding saker (soccer) ay masugid na nakasubaybay ang mga Amerikano sa besbol, hockey, basketbol (NBA at WNBA), golf, tennis, NASCAR, at kung anu-ano pa. Walang lahi sa mundo na hindi naaaliw sa pangkaibigan (friendly) na tunggalian ngunit ang makataong kalikasan na ito ay naituon ng popular na kultura ng Amerika sa mga paligsahang pang-isports.

Walang hindi saklaw ang isports sa US. Magmula kay Pangulong Obama hanggang sa pinakamaliit na mamamayan (o residente) ay may hinahangaang koponan o indibidwal na atleta. Nagpustahan ang mga gobernador ng Illinois at Wisconsin sa NFC at ang gobernador na matatalo ang koponan ng kanyang estado ay isang araw na magboboluntaryo ng personal na serbisyo sa pasilidad pangkawanggawa sa kabilang estado na suot ang jersey ng koponan nito. Dahil natalo ang Bears, pupunta si Gob. Pat Quinn sa Wisconsin suot ang uniporme ng Packers.

Reklamo ng mga Boksingero
Kamakailan ay naipalabas sa telebisyon (The Filipino Channel o TFC) ang panayam sa ilang boksingerong kinikilalang nakapagbigay ng karangalan sa bansang Pilipinas sa pamamagitan ng medalyang nakamit sa olimpiks. Kabilang dito si Anthony Villanueva na unang Pinoy na nakakuha ng medalyang pilak sa Tokyo Olimpiks noong 1964. Sa kasaysayan ng paglahok ng Pilipinas sa mga larong olimpiks ang pinakamataas na nakamit nito ay medalyang pilak na natamo nang dalawang beses. Sa una’y si Anthony Villanueva at ang pangalawa ay si Mansueto ‘Onyok’ Velasco sa Atlanta Olimpiks noong 1996. Parehong sa boksing.

Bagaman ‘medalya ng pagkatalo’ ang pilak na pangalawa lang sa ginto, isang malaking karangalan nang itinuturing ito ng bansa. Binigyan ng magarbong pagsalubong at naka-motorcade si Villanueva nang bumalik sa Pilipinas mula sa Tokyo. Siya’y biglaang selebridad. Nagkaroon siya ng pelikula. Mahigit tatlong dekada ang lumipas nang sundan ang bakas niya ni Velasco na tumanggap din ng katulad na ‘tratong bayani’ nang magbalik sa bansa mula sa olimpiyadang sinalihan. Nang lumaon ay naging artista si Velasco na mas nakilala bilang si Onyok.

Hindi lahat ng Pinoy na boksingerong may medalya sa olimpiks ay naging katulad ni Onyok na matapos magretiro sa boksing ay nakatagpo ng pagkakakitaan bilang komedyante. May mga sumubok na pumasok sa propesyonal na boksing ngunit hindi nagtagumpay na maging kampeon sa kanilang dibisyon. Waring may ‘jinx’ sa mga matagumpay na amatyur na boksingero ang propesyonal na boksing na ang mga nagkakampeon ay hindi kilala noong amatyur gaya nina Manny Pacquiao, Pancho Villa, Flash Elorde, atbpa. Sa ibang bansa, maging sa US, ang mga boksingerong nagkamedalya sa olimpiks ay nagiging kampeon din sa propesyonal na boksing katulad nina Cassius Clay (Muhammad Ali), George Foreman, Oscar dela Hoya, atbpa.

Nakapagsisising Tagumpay?
Ang hindi magandang eksena ay ang marinig ang mga dating atleta, boksingero at iba pa, na minsang nagwagayway sa watawat ng sariling bansa sa mga pandaigdigang kumpetisyon na nagpapahayag ng pagsisisi sa kanilang pagkakahatid ng karangalan para sa bansa nila. May isang dating boksingero na nagsabi pang ibig daw niyang pagsisihan ang pagbibigay ng karangalan sa Pilipinas at hindi na raw sana niya ginawa iyon kung nalaman niya lang na pababayaan lang pala siya sa bandang huli.

Hindi habag kundi inis ang mararamdaman mo sa mga taong ganito.

Batid natin na obligasyon ng pamahalaan ng isang bansa na suportahan ang bawat nangangailangan ng pagkalinga at batayang pangangailangan na mamamayan anuman ang naging karera nito sa buhay. Hindi ang mga dating atleta lamang. Sa punto-de-bista ng mga atleta, lumalaban ba sila sa mga internasyunal na paligsahang pang-isports sapagkat may karampatang kabayaran ang medalyang maiuuwi nila, kung sakali, mula sa sariling bansa? Kung meron, magkano? Mayroon pa bang matatawag na ‘factor’ na pagkamakabayan sa isports?

Amatyur man o propesyunal, may ‘siksik, liglig, at umaapaw’ na materyal na kalakip ang tagumpay sa isports. Bawat makakopo ng bronsang medalya sa olimpiks ay nakatatanggap ng isang milyong piso mula sa pribadong sektor bukod pa sa mas maliit na pabuyang ‘cash’ mula sa gobyerno. Makatitiyak ng mga alok na pag-eendorso ng mga produkto ayon sa halagang mapagkakasunduan. Maaaring maisapelikula ang buhay o mabili ang istorya ng buhay.

Kabayarang Higit sa Medalya
May sariling kabayaran ang pagtatagumpay sa isports at madalas, maging sa ibang bansa, hindi ang iyong bayan ang nagkakaloob nito bagaman ang tagumpay ay nagkakaloob ng karangalan sa iyong bayan. Nagtatamasa ng yaman ang mga nakakopo ng medalya mula sa mga regalo at isponsorsip ng mga pribadong korporasyon. Na dinila matatamasa kung hindi sila nakapaghatid ng karangalan sa bayan.

Kung sakaling maging matagumpay sila sa propesyonal na liga ay tatanggap din sila ng mataas na bayad. Pero hindi ihinihingi ng kabayaran ang paghahatid ng medalya sa iyong bayan dahil mangangahulugan itong lumaban ka na ang sariling interes ang nasa isip.

Maaaring tapos na ang 2010 Superbowl paglabas ng artikulong ito. Insidentali, ang magpeperporm sa ‘halftime break’ ay ang grupong Black-eyed Peas na ang isa sa apat na kasapi ay may dugong Pinoy. Wala na marahil dadaig sa gig sa halftime break ng Superbowl na ang talent fee ay umaabot sa halos apat na milyong dolyar para sa ilang minutong pagtatanghal.




Archives