by Fermin Salvador.
January 21, 2011
Ang ‘MMK’ ay daglat ng “Maalaala Mo Kaya?” na programang pangtelebisyon ni Charo Santos-Concio na naglalarawan sa tunay na buhay ng mga ordinaryong tao na may makukulay at kakaibang kasaysayan. Marami ang sumusubaybay sa programang ito na tumagal na nang maraming taon. Matapos mapanood ang mga salaysayin ng buhay sa MMK, masasabing walang indibidwal na sadyang walang saysay sa mundo sapagkat ang bawat isa’y may maihahatid na aral sa buhay ayon sa mga naging paniniwala’t pakikibaka habang at hangga’t nabubuhay.
Aung San Suu Kyi
Isang linggo ang nakararaan ay nasa kober ng Time Magasin ang mukha ni Aung San Suu-Kyi ng bansang Burma kalakip ang kapsiyon na “Ang Mandirigma” (“The Fighter”). Si Suu Kyi ay babaeng Burmesa (Burmese) na naging bilanggong pulitikal nang may 15 taon. Siya ay naging lawreyado ng Gawad Nobel sa Kapayapaan sa pagtataguyod ng demokrasya at karapatang-sibil sa Burma na kontrolado ng mga militar sa halos kalahating siglo. Kamakaila’y pinalaya siya ng mga awtoridad sa Burma at sa kasalukuyan ay nagpapatuloy sa mga hakbangin na naghahangad ng reporma sa represibong pamahalaan sa bansa niya.
May mga nagsasabing si Suu Kyi ang pantapat ng Burma, na dating tinawag na Myanmar, sa yumaong si Pangulong Corazon Aquino; bagaman si Pangulong Cory ay hindi nabilanggo kailanman, at di rin nakatanggap ng Gawad Nobel. Nagkahawig ang kanilang personal na buhay nang kapwa ‘itinulak’ ng tadhana patungo sa harapan ng isang mahalagang labanang kinasasangkutan ng sari-sariling bayan. Si Pangulong Cory ay isang payak na maybahay, at ito ang inakala niya na magiging dulo at kabuuan ng buhay niya, bago pinaslang ang asawang si Senador Ninoy Aquino habang nasa gitna ng ‘laban’ nito sa diktaduryal na rehimen ni Pangulong Marcos. Ganito rin, humigit-kumulang, ang buhay ni Suu Kyi. Ang ama niya ay isang bayani ng Burma na kabilang sa mga namuno sa paghihimagsik laban sa mga mananakop na Britis. Mula sa ibang bansa ay umuwi siya sa Rangoon upang kalingain ang maysakit na ina subalit, bilang anak ng isang pinagpipitaganang bayani, ay di naiwasang mapabilang sa libu-libong nanawagan sa pagpapabagsak ng rehimeng mapaniil. Kabilang siya sa mga nagtatag ng partidong Pambansang Liga sa Demokrasya o National League for Democracy (NLD) na nangungunang oposisyon sa pamahalaan.
Si Suu Kyi, gaya ni Cory, ay hindi umatras sa tadhanang waring nakalaan sa kanila kahit buhay at kinabukasan ang nakataya.
Liu Xiaobo
Ang napiling lawreyado sa Gawad Nobel sa Kapayapaan sa 2010 ay ang Tsinong si Liu Xiaobo. Si Xiaobo ay naging bilanggong disidente (dissident) ng gobyernong Tsina na may sentro ng poder sa Beijing. Kabilang siya sa libu-libong nagprotesta nang malawakan sa Tiananmen noong 1989 na winakasan ng sandatahang lakas ng Tsina sa lubos na marahas at madugong paraan. Nabilanggo siya noong 2009 matapos maiugnay sa “Karta 08” (“Charter 08”) na isang manipestong humihingi ng repormang pulitikal at pangkarapatan ng mga mamamayan sa Tsina. Sinampahan siya ng kasong subersiyon at nahatulang mabilanggo nang 11 taon. Dahil dito’y hindi siya nakadalo sa seremonya sa Oslo na kabisera ng Norwey para sa pormal na gawad ng Premyong Nobel. Ni wala siyang naging kinatawan para sa gawad.
Ganunpaman ay naglagay ang pamunuan ng Nobel ng isang bakanteng silya para kay Xiaobo na isang bagay na ipinagngingitngit pa rin ng Beijing matapos maghayag ng mabalasik na protesta sa pagkakaloob ng nasabing karangalan sa isang kaaway ng rehimen nito.
Bago pa sumulpot sina Suu Kyi at Xiaobo, o maging ang mag-asawang Aquino, at bago pa ang panahon na ang mapayapang paglaban sa tiraniya ng isang diktaduryal at represibong pamahalaan ay nabibigyang-pansin ng mga pandaigdigang midya, glamor ng Gawad Nobel, at ibang internasyunal na institusyon ay maaalala si Mohandas Gandhi, na tinawag na ‘Mahatma’ (‘Dakilang Kaluluwa’) na pinamunuan ang paglaban ng mga Indiyan sa mga kolonyador na Britis magmula sa mga unang dekada ng ika-20 siglo.
Sa iba’t ibang panig ng mundo, mula sa hanay ng mga karaniwang mamamayan, ay marami ang naimpluwensiyahan ng pilosopiya, na tinatawag na ‘satyagraha’, ni Mahatma na ang kasamaan ay maaaring labanan nang hindi gumagamit ng karahasan o anumang katulad na pamamaraan na ginagamit ng kalabang nais lupigin.
Araw ni Martin Luther King Jr.
Sa ika-17 ng Enero ngayong 2011 ang opisyal na araw ng paggunita sa buhay ni Martin Luther King Jr. o ‘MLK’ sa buong US. Si MLK ay isang bayaning Amerikano na namuno sa kilusan sa karapatang-sibil ng mga Aprikano-Amerikano sa US at sa buong mundo. Isinilang siya noong Enero 15, 1929, at namatay matapos paslangin noong Abril 4, 1968 sa gulang na 39.
Sa murang edad ay naging aktibista si MLK para sa pantay na karapatang-sibil ng lahat ng mamamayan sa US. Napasama siya sa mga historikal na ebento ng kilusang pangkarapatang-sibil gaya ng “Boykot sa Montgomery Bus” noong 1955 at sa “Martsa sa Washington” noong 1963.
Isang katangian ang nanaig kay MLK hanggang sa huling sandali ng kanyang pakikibaka para sa pagkakapantay-pantay sa karapatan ng mga mamamayan sa US at ito ay ang paniniwala sa paggamit ng mapayapang paraan. Sa isang banda, malay si MLK na ang organisadong mapayapang protesta ay nakapagdudulot ng malawak na ‘media coverage’ upang lalong maging mabisa ang paghahatid ng mensahe niya.
Si MLK ay itinuturing na kabilang sa pinakamahuhusay na orador sa kasaysayan ng US. Bukod tanging ang panulat at talumpati ang instrumento niya upang labanan ang mga kasamaan at kamalian ng mga pinaiiral na patakaran sa US laluna sa aspeto ng di makatarungang pagtrato sa mga tulad niyang Aprikano-Amerikano at ibang nabibilang sa minoridad na lahi. Kabilang na sa mga itinuturing na obra-maestra ang mga talumpati niyang “Ako’y May Pangarap” (“I Have A Dream”) at “Bakit Ko Tinututulan ang Gera sa Biyetnam” (“Why I Oppose the War in Vietnam”).
Si MLK ang pinakabatang tumanggap ng Gawad Nobel sa Kapayapaan nang maging lawreyado noong 1964 na isang bagay na ikinabigla pa niya dahil nakikibaka siya hindi para sa mga kaakibat nitong pagkilala at karangalan. Bukod sa Nobel ay pinagkalooban din siya ng 50 ‘honorary degree’ ng iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa US at ibang bansa. Pero sa buong buhay niya, at kahit nang pumanaw, ay bibihira ang nakaaalam sa mga parangal na ito. Hanggang kamatayan, nais niya na ang mabigyang-diin ay ang mga bagay na ipinaglalaban niya.
Totoo, napakalawak ng saklaw ng pakikibaka ni MLK sa lipunang Amerikano at hanggang sa labas ng US. Magmula sa pagkakapantay-pantay sa mga karapatang pulitikal at sibil hanggang sa katarungang panlipunan (social justice) hanggang sa mga karapatang pantao.
Dr. Jose P. Rizal
Mas madaling mauunawaan ang buhay at pakikipaglaban ni MLK kung ikukumpara siya sa bayaning Filipinong si Dr. Jose P. Rizal na nabuhay at namatay noong ika-19 siglo, bago pa isinilang si Mahatma o nalikha ang Gawad Nobel. Sa panahon na ang Pilipinas ay nasa ilalim ng pananakop ng mga Kastila at ang malaking bahagi ng mga bansa sa mundo ay sakop ng mga lahing Puti. Si Gat Rizal ang tunay na nagpasimula ng prinsipyo ng mapayapang pakikibaka sa paraan niya nang pagharap sa kasamaan ng pamamahala ng mga Kastila. Bilang sakop na tinatawag na ‘Indio’ ay segunda-klase siya na mamamayan sa sariling bansa gaya nang dinanas ng mga Aprikano-Amerikano sa US. Gaya ni MLK ay panulat at talumpati ang ginamit niya upang magkaroon ng pagbabago sa mga palakad sa Pilipinas. Naging martir din siya ng kanyang krusada.
Maalaala mo kaya si Martin Luther King Jr.? Sa tanong na ito, marahil ay “sigurado” ang isasagot nang nakararami Pinoy man at ibang lahi. Sa mga Tsino na naniniwalang karapat-dapat sila sa higit na mga karapatan ay nakikita nila si MLK kay Liu Xiaobo. Ang mga Burmesa kay Aung San Suu Kyi. Bilang mga Pinoy, ipinaaalala siya sa atin ni Gat Rizal, nina Cory at Ninoy, at lahat-lahat na naniniwala na makakamit ang pagbabago sa paraang di gumagamit ng karahasan.