June 25, 2010
Naging matagumpay sa pangkalahatan ang pagdaraos ng halalan-heneral (general election) sa Pilipinas na sangkot ang posisyon magmula sa pangulo at bisepangulo pababa hanggang sa mga konsehal ng bawat yunit ng gobyernong lokal. Naipamalas ng mga Filipino ang pagsulong ng kamulatan sa proseso ng demokrasya sa marubdob na paglahok dito bilang mga botante sa halalan at bilang mga boluntaryo sa bilangan ng mga boto. Ang halalan na dating binabansagang “sirkus” ay naging isang seryosong aktibidad sa bansa.
Palaging may dalawang malaking kunsekuwensiya ang pagwawakas ng halalan. Una, may mga halal na lider na magwawakas ang termino sa isang tiyak na posisyon sa alinmang dalawang dahilan: pagkabigong mahalal muli o limitasyon ng batas sa haba ng panahon na maookupa nila ang posisyon. Sa mababang kapulungan ng kongreso, hanggang tatlong termino lang o kabuuang siyam na taon. Sa senado, dalawang terminong may tig-anim na taon. Sa pangulo, isang terminong may anim na taon.
Limitasyon ng Termino
Sa mga lokal na posisyon katulad ng gobernador, bise-gobernador, alkalde, bise-alkalde, board members, konsehales, at iba pa ay limitado rin sa tatlong sunod-sunod na termino o kabuuang siyam na taon na kagaya rin sa mga kongresista. Bagaman puwede silang kumandidato uli matapos ang tatlong sunod na termino ngunit magpapalipas ng isang termino para may patlang.
Si Gloria Macapagal Arroyo ay naging pangulo sa loob ng mahigit siyam na taon sapagkat naupo siyang pangulo sa nalalabing termino ni Pangulong Estrada matapos nitong iwan ang Malacanang noong 2001. Bukod sa mahigit sa tatlong taong termino ni Erap ay nagkaroon si Arroyo ng isa pang buong termino (6 taon) matapos ang halalan ng 2004.
Sa bawat halalan, bukambibig na ng mga kandidato ng lahat ng puwesto ang salitang “pagtitiwala” na hinihingi nila sa mga botante pagsapit ng araw ng pagboto. Pagkatapos maideklara ang mga nagwagi, ang bawat isa rito’y nagpapahayag ng pasasalamat sa pagtitiwalang ipinagkaloob sa kanila. Madalas din ay nakabuntot ang taospusong pangakong hindi nila sisirain ang tiwalang tinanggap.
Kapwa antigo at di kalaunang kasaysayan ang nagsisiwalat na eksemsiyon sa halip na panuntunan na ang pinagtitiwalaan ng sambayanan ng poder sa gobyerno ay nagiging ganap na tapat at karapat-dapat sa nasabing tiwala. Palagi na lang na may panlulumo sa huli ang mga botante.
Napatutunayan din naman, sa isang banda, ng isang lahi ang tibay ng pagkatig sa demokrasya sa antas ng kolektibong pagbantay at pagkilos sa mga iregularidad na tinatangka o nagaganap na sa pamahalaan. Madalas sabihing kulang pa sa bulas ang kamalayan sa demokrasya ng mga Pinoy. Ganunpaman ay masasabi ring hindi naman lubos ang kapabayaan nito sa puntong makatitiyak ng ganap na impunidad ang abusadong pinuno.
Pang-aabuso ng Administrasyon
Sa kasaysayan ng Pilipinas, si Pangulong Marcos ay nagdeklara ng batas-militar at nagsailalim sa bansa sa aktuwal na diktadura sa loob ng halos labing-apat na taon ng rehimen niyang may kabuuang dalawampung taon. Sa mga panahon ng diktadura’y nagkaroon ng malawakang paglabag sa mga karapatang-pantao. Napilay ang mga karapatang-sibil at naging maskara ang umiiral na demokrasya. Naganap din ang malawakang katiwalian.
Minsan na ring naupong pangulo si Estrada na kumandidatong muli sa nasabing posisyon. Iniwan niya ang Malakanyang nang sumiklab ang malawakan at organisadong protesta sa kanyang administrasyon. Nang mawala sa poder ay sinampahan siya ng kasong pandarambong at ibinilanggo habang nililitis. Nahatulang nagkasala ngunit pinagkalooban ng pardon ni Pangulong Arroyo.
Pagkatapos ng rehimen ni Marcos, tinatayang naging pinakamapagsamantala sa kasaysayan ng Pilipinas ang dispensasyong Arroyo. Katulad ni Marcos, naging matibay na sandigan ni Arroyo ang armor ng poder upang masalag ang mga bato ng pang-uusig ng taumbayan na ipinupukol sa kanya.
Sunod-sunod ang alingasaw ng anomalya na kinasasangkutan niya, asawa niya, mga anak, kaanak, at mga alipores. Isang bato lang ang hindi kayang iwasang harapin at ito ay ang halalan na saligang-batas ang nagtatakda na magbibigay-hudyat na rin ng hindi mapipigilang pagwawakas ng pamumuno niya sa bansa.
Taon 2010 ay nararapat idaos ang halalang pampanguluhan na magbibigay-daan sa pagluklok ng bagong pangulo habang ang termino ni Arroyo ay magtatapos. Walang istratehiya o manipulasyon mula kay Arroyo o sinuman na makapipigil sa pagdaraos ng halalang ito sapagkat walang puknat ang pagmamanman ng taumbayan sa bawat bagong kaganapan. Hindi nawawalan ng mga bagong bagabag una na ang posibleng deklarasyon ng batas-militar bunsod ng mga kaguluhang magaganap. Pero hindi naglubay sa pagbabantay ang maraming Filipino upang hindi maisakatuparan nang palihim at/o pasalisi ang anumang arbitraryong pakanang maglalagay sa balag ng alanganin sa demokrasya sa Pilipinas.
Utang sa mga Mamamayan
Utang sa libu-libo, o umaabot marahil sa milyon-milyon, na mga karaniwang Filipino na naging mapagmasid at naghandog ng pisikal na lakas kaya maayos ang kinahantungan ng pampanguluhang halalan ngayong 2010 sa lahat ng yugto nito. Mission accomplished!
Hindi nagtatapos sa pagsasara ng proseso ng bilangan at pagdedeklara ng mga nagwaging kandidato ang misyon ng bawat Filipinong nag-atang ng tungkulin na maging hanay ng boluntaryong mga mamamayang tagapagtaguyod ng demokrasya sa bansa. Maraming nararapat kumpunihin sa demokrasya sa Pilipinas at palaging nagsisimula ang pagkukumpuni sa malinis na halalan at pagtiyak ng wastong transisyon sa poder sa takdang panahon.
Kabilang na rin dito ang pagpapanagot sa mga dating nasa poder, magmula kay Arroyo, sa bawat kaanak at alipores niya, na may nagawang pagkakasala at paglabag sa tungkulin ayon sa isinasaad ng batas. Sa bawat tanggapan, publiko man o pribado, malaki man o maliit, ay may proseso ng oditing (auditing) upang busisiin ang lahat ng hakbang na ginawa ng sinumang namuno at pinagtiwalaan ng materyal na bagay gaya ng salapi/pondo at/o di materyal gaya ng mga pribilehiyo at prerogatibo.
Anumang bagay na ipinagkatiwala ay kinakailangang ibalik sa nagtiwala nito. Ito’y isang batas ng moralidad na ang paglabag ay may kapalit na karampatang kundenasyon ng lipunan sa maliit at malaki mang pangkatang nasasaklawan nito. Kabilang dito, manapa, ang anumang kapangyarihan at salaping-bayan na tinatamasa sa panahon ng panunungkulan sa tanggapan ng gobyerno ng sinuman magmula sa pangulo hanggang sa pinakamaliit na opisyal at kawani.
Ang pag-odit sa higit siyam na taon na pag-iral ni Pangulong Arroyo at mga katuwang sa kanyang administrasyon ay hindi lamang moral na hakbang kundi sadyang bahagi ng pagsulong ng antas ng demokrasya sa Pilipinas. Ito ang lohikal na misyon ng bawat Filipinong nananalig sa demokrasya matapos ang tagumpay ng paglalapat ng teknolohiya sa katatapos na eleksiyon.