ShareThis

  ESTADO

Bagong Taon Na, Sintang Bayan Ko



by Fermin Salvador.
January 1, 2011
Disyembre na, huling buwan ng taon. Madalas sabihing sa Disyembre ay isinasagawa ang ebaluwasyon (evaluation) sa papatapos na taon. Bagaman di ito nangangahulugang walang sariling tatak ang Disyembre bilang buwan ng taon. Una na rito ang pagpapalit ng panahon (season) mula taglagas patungo sa tagyelo.

Bago pa ang araw na opisyal na simula ng tagyelo o winter sa Disyembre 20 ay nakatikim na ng pagbuhos ng yelo ang Chicago at malaking bahagi ng Illinois. Maraming biyaheng panghimpapawid sa Paliparang O’Hare ang nakansela. Mas malala ang naganap sa ibang estado gaya ng Indiana. Ang Viking Stadium sa Minnesota ay gumuho.

Walang Makapipigil sa Pasko
Madarama ang hikahos na kalagayan ng pamumuhay ng maraming nasa US sa tila mas tamilmil na paraan ng pagsalubong sa Kapaskuhan at Bagong Taon. Marami pa ring mamimili ang dumagsa sa mga ‘sale’ sa iba’t ibang tindahan noong Tengksgibing pero mistulang panandaliang eksaytment lang ito na mabilis ding huminto.

Mataas pa rin ang porsiyento ng populasyon na walang hanapbuhay habang marami pang empleyo ang nanganganib sa US. Pero kasabihan na sa mga Pinoy na ang Pasko ay Pasko. Waring walang makahahadlang upang ipagdiwang ito sa abot ng makakaya.

Sa Pilipinas, walang dadaig sa Pasko sa ‘sukat’ bilang okasyon. Minsan ko nang nabanggit na kaya walang Tengksgibing sa Pilipinas tuwing Nobyembre ay dahil Setyembre pa lang ay Pasko at Kapaskuhan na ang nasa isip ng mas nakararaming Filipino.

Sa mga Filipino, hindi mapapalampas ang Disyembre na hindi ipagdiriwang ang Kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon. Maski nasa US, naiaareglo ng mga samahan o asosasyon ng mga Pinoy ang pagdaraos ng simbang-gabi bagaman madalas isinasagawa ito sa gabi at hindi gaya sa Pilipinas na tuwing madaling-araw na tinatawag ding “misa de gallo” na may orihinal na saysay na misa sa unang tilaok ng manok.

Handaan sa Noche Buena at Media Noche
Kahit nasa US, isinasagawa ng mga Pinoy ang noche buena sa gabi ng ika-24 ng Disyembre. Ganundin ang salusalo sa gabi ng ika-31 ng Disyembre. Mahuhulaan ang handa sa noche buena at media noche o pagsalubong sa bagong taon ng bawat pamilyang Pinoy. Hindi mawawala ang hamon at pilit na maghahanap ng hamon na angkat pa mula sa Pilipinas kahit na mas mataas ang presyo nito.

Maghahanap ng tatak-Pinoy na keso-de-bola kahit sangkaterba ang US-brand. Maiisip din ang litsong baboy. Ito ang pipiliin, kung papipiliin, kesa sa mga ribs, steak, o caviar.

Uso rin ang mga kakaning gawa sa malagkit na bigas. Bibingka, puto-bumbong, putong regular, sapin-sapin, kutsinta, biko, mahablangko, ensaymada, letseplan o halaya ang paboritong panghimagas. Uso rin ang iba’t ibang uring pansit: bihon, canton, lomi, sotanghon, palabok, atbpa. Paborito rin ang menudo, mechado, kare-kare, papaitan, at crispy pata.

Sa mga prutas, ang Pilipinas ay umaangkat ng mansanas mula sa US, Tsina, Hapon, Australya, at ibang bansa. Sa US, halos ang lahat ng Pinoy ay tiyak na nakaranas mamitas ng mansanas (apple-picking) sa mga ‘apple farm’ o minsan ay sa puno ng mansanas na nasa sariling bakuran lang. Nararanasan sa US ang tinatawag na ‘puting Pasko’ (white Christmas) dahil may bumubuhos na yelo. Sa Gitnang Silangan na higit na maraming Pinoy na OFW ay walang disyerto ng yelo kundi disyerto ng buhangin at mararanasan ang ”Kuwait Christmas”.

Ibang Okasyon Tuwing Disyembre
Sa US, bukod sa Pasko at pagsalubong sa bagong taon ay kilala rin ang buwan ng Disyembre sa ibang okasyon: Disyembre 1 – simula ng Hanukkah; Disyembre 7 – Pearl Harbor Day at simula ng Muharram; Disyembre 26 – Boxing Day at simula ng Kwanzaa. Uso rin ang mga tinatawag na ‘snow ball dance’.

Sa Pilipinas, ang buwan ng Disyembre ay nakatuon sa pagdiriwang ng Kapaskuhan at mga tradisyong may kaugnayan sa Kristiyanismo partikular ang Romano-Katoliko gaya ng simbang-gabi. Di ito kataka-taka kung iisiping mahigit sa walumpung porsiyento ng Filipino ay Romano-Katoliko. Sa US ay mas balanse ang pagkilala sa ibang relihiyon kabilang na ang Judaismo at Islam at ibang sangay ng Kristiyanismo. Higit na malawak ang diversidad ng kalahian at kultura ng mga mamamayan sa US.

Sinasabing ang taon ng 2010 ay batbat ng mga delubyo at kalamidad. Pero mas matinding pinsala pa rin ang idinulot ng bagyong Ondoy noong 2009 sa Pilipinas na di naiwasang gunitain ng marami ang anibersaryo ng pananalasa sa Kamaynilaan.

2010: Makasaysayang Taon
Makasaysayan para sa Pilipinas ang 2010 sapagkat sa taon na ito nagkaroon ng pagpapalit ng pangulo ang bansa mula sa poder ni Gloria Macapagal-Arroyo patungo sa poder ni Noynoy Aquino na binansagang P-Noy (Pangulong Noy). Nagbalik ang mataas na tiwala ng maraming Filipino sa pamahalaan matapos mapalitan ang rehimen ni Arroyo na batbat ng paratang ng katiwalian at  pang-aabuso  sa  kapangyarihan.

Sa palakasan, nagkaroon ng dalawang laban sa 2010 ang tinaguriang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao na pareho niyang napagwagian at lalong nagpatibay sa pagiging nangungunang ‘pound-for-pound’ na boksingero sa buong mundo.

Ngayong Disyembre ay maraming bilanggong haypropayl (high profile) ang napawalang-sala at/o napalaya sa iba’t ibang dahilan. Kabilang na rito ang tinawag na “Morong 43” na mga health worker na nadakip at napiit sa panahon ng rehimen ni Pangulong Arroyo sa paratang na sila’y mga rebeldeng kumunista o NPA.

Nakalaya naman si Hubert Webb matapos ang may dalawang dekadang pagkakapiit bilang isa sa mga akusado sa ‘Vizconde Massacre’. Pinagkalooban ni P-Noy ng amnestiya  ang  mga rebeldeng sundalo kasama ang nahalal na senador na si Antonio Trillanes. 

Sa US, idinaos ang halalang ‘mid-term’ o sa kalagitnaan ng termino ni Pangulong Obama. Naungusan ng lapiang Republican ang lapiang Democrat sa mayoridad sa House of Representatives sa kongreso.

Nitong Disyembre, tinanggihan ng mga mambabatas na aprobahan ang tinawag na “Dream Act” na naglalayon na ang mga menor-de-edad na dinala nang di-legal sa US ay mabibigyan ng pagkakataong maging legal ang istatus upang magkaroon ng kapantay na oportunidad sa pag-aaral sa kolehiyo. Ipinasa naman ang batas na nag-aalis sa ban sa mga bakla (gay) na pumasok sa militari na nagbigay-wakas sa polisiyang tinawag na “don’t ask, don’t tell”.

Pinoy, May Kumpiyansa sa 2011
Sa Pilipinas muli, bago natapos ang taon ay naiulat ang pagkasunog ng isang hotel sa Tuguegarao, Cagayan, na ikinamatay ng mahigit sa 10 sa mga kumukuha ng pagsusulit sa pagkanars (nursing board) na okupante nito.  Masaklap na kuwento ng nasirang pangarap ang nasa likod ng bawat buhay na nawala – na marami ay iginapang ng mga magulang ang pagtatapos sa kolehiyo upang maging nars,
makapangibang-bansa, at maiahon ang buhay ng pamilya.

Lumitaw ayon sa sarbey na sa pagtatapos ng 2010 ay mas may kumpiyansa ang mga Pinoy sa pagharap sa mga darating na panahon kumpara sa mga nakalipas na taon. Mahalaga ang kolektibong optimismo ng isang nasyon upang magkaroon ng mas malinaw na tahakin sa hinaharap.

Isang personal na pagbati ng MALIGAYANG KAPASKUHAN AT MANIGONG BAGONG TAON sa lahat ng Pinoy, may dugong Pinoy, at nagmamahal sa Pinoy na nasa US at saanmang panig ng mundo.
    




Archives