ShareThis

  ESTADO

Huwag Si Marquez (Sa Susunod Na Laban Ni Pacman)



by Fermin Salvador.
December 10, 2010
Kahit paano’y lumampas sa isang milyon ang ‘benta’ sa pay-per-view (PPV) ng labang Pacquiao-Margarito. Malayo sa halos 700,000 ng Pacquiao-Clottey. Yamang nagpahayag na si Pacman na handa pang lumaban sa susunod na tatlong taon, takdang-aralin kay Bob Arum ng Top Rank ang haharapin ni Pacman ilang buwan mula ngayon.

Kung sisipatin sa puntong ang interes ni Pacquiao sa halip ni Marquez ang dapat isipin at manaig, malinaw na dambuhala ang magiging pakinabang ng huli kumpara sa duwendeng mapapala ng una. Kahit pa sabihing 70-30 ang porsiyentuhan pabor kay Pacquiao.

Pacman vs. Marquez: Walang Dating
Matatandaang tinalo ni Mayweather si Marquez nang walang aling-aling. Maski kay Pacquiao ay ni hindi nanalo kahit minsan si Marquez. Dalawang beses na silang nagsagupa. Sa unang resulta’y tabla, sa ikalawa’y dikit ngunit panalo si Pacquiao. Hindi gaya kay Erik Morales na sa unang paghaharap nila’y tinalo niya si Pacquiao.

Kung kay Marquez, may isyu pa ba talagang nararapat resolbahin sa kanila? Di kaya magmumukhang desperasyon na lang ang isa pang paghaharap nila sa ring dahil sa kawalan ng mahanap na kalaban para kay Pacquiao?

Palaging maganda ang labang Pacquiao-Marquez. Parang may pagkakontrapelo si Marquez kay Pacquiao. Pero sa talaan, tabla at panalo si Pacquiao. Walang panalo si Marquez.

May mga paratang na mali ang desisyon. Sa ibang sabi’y parang dinaya. Ang ganitong gawain, ang gumawa ng paratang sa desisyon sa naging laban sa boksing ay mistulang sakrilehiyo sapagkat sa alinmang palakasan ay integridad ng namamahala rito ang una sa lahat. Kung galing sa kampo ng isang manlalaro/boksingero ang paratang ay maikukumpara ito sa pagsira sa pundasyon ng sarili mong institusyon na pinagmumulan ng iyong kabuhayan.

Guniguni at Ilusyon ni Marquez
Kahit ang pinakamatitinik na manunulat at komentarista sa isports ay walang sinabi tungkol sa isyu na di parehas ang naging desisyon sa huling labang Pacquiao-Marquez. Tiyak na nakarating sa kanila ang paratang ngunit batay sa sarili nilang pagtitimbang ay wala silang nakitang dahilan upang patulan ito.

Walang sagrado sa mga nasa sports media kung sadyang may naganap na pandaraya sa isang ebentong pang-isports. May mahabang hilera ng mga atletang ibinuwal sa pedestal ng mga mamamahayag bunsod ng maanomalyang gawain mula sa paggamit ng ilegal na droga, game-fixing, at iba pa.

Tanggap ng mundo ng pandaigdigang palakasan na sa dalawang beses na paghaharap nina Pacquiao at Marquez ay walang naipakita ang huli na pahiwatig na mababago ang resulta sa muling paghaharap nila.

Mababa sa inaasahan ang bilang ng benta sa PPV sa labang Pacquiao-Margarito sa kabila ng anggulong higit na mapanganib na kalaban si Margarito kumpara sa gaya ni Marquez. Paano pa kaya ang benta kung ang laban ay Pacquiao-Marquez Part 3?

Nagpamalas si Marquez ng imatyuriti (immaturity) nang magpaka-trying hard na ipag-ingay na siya diumano ang nagwagi sa ikalawang naging laban nila ni Pacquiao. Dumayo pa siya ng Pilipinas para sabihin ito. Dedma lang dito si Pacquiao na kilala sa karakteristikong kinakalimutan na ang laban kapag wala na sa laban. Nang si Mayweather naman ang nagsalita nang hindi tama tungkol sa kanya ay dinedma niya rin. Isa pang karakteristiko ni Pacquiao na dinadala ang laban sa tamang lugar.

Bilang Gantimpala?
Hindi dapat gantimpalaan ang nakahihiyang galaw at pag-iingay ni Marquez sa pamamagitan ng pagpatol dito ng kampo ni Pacquiao at pagbibigay ng pagkakataon na magkasagupa uli ang dalawa na garapalang ipinakikita ni Marquez na gusting mangyari.

Si Marquez ay natalo kay Pacquiao, pagkatapos ay natalo rin kay Mayweather. Si Pacquiao, samantala, ay nakapagtala ng mahigit sampung sunod-sunod na panalo.

Maituturing na si Marquez na lang ang malakas-lakas na maihaharap ng Mexico sa Pambansang Kamao ng Pilipinas pero hindi pa rin dahilan ito upang pagbigyan siya sa gustong mangyari. Dapat ikunsidera ang mga istatus nila at kasalukuyang rekord bilang mga boksingero.

Nakilala si Pacquiao sa malumanay na pagharap sa mga isyu. Pinatunayan niya ito nang di niya pinatulan ang pag-iingay ni Marquez. Ganundin nang si Mayweather ang dumakdak. Imahe siya ng pagiging ‘cool’, may kumpiyansa sa sarili, hindi naaapektuhan ng mga ‘pang-uurot’. Gaya ng gustong mangyari ng kampo ni Marquez.

Sa halip na magpadala sa mga pang-uurot ng kampo ni Marquez, mas mainam sigurong tingnan sa aspeto ng kikitain sakaling maglalaban sila sa ikatlong pagkakataon.

Kalabang Amerikano
Napatunayan nang mahina ang benta sa takilya at PPV sa ebentong boksing na parehong hindi Amerikano ang naglalaban gaya noong Pacquiao-Clottey at sa mababa-sa inaasahang Pacquiao-Margarito.

Ikumpara ito sa bawat laban ni Mayweather na palaging ‘blockbuster’ sa gate receipt at PPV. Si Mayweather, na tinatawag ding “Money”, ay may malaking adbanteyds bilang bagong makakalaban sa pagiging mamamayang Amerikano. Bagaman may mga fan na Amerikano si Pacquiao, mayorya ng mga Amerikano ay maaasahan na papanig kay Mayweather. Magiging interesante sa sambayanang Amerikano ang laban na may kasaling kababayan nila.

Bukod sa tiket, ang tangkilik sa PPV ng bulto ng mga tao sa US ang higit na inaasahan ng mga promoter upang bumenta ang sagupaan.

Ang isports ay arena muna ng mga nasyonalidad bago ng mga indibidwal. Ibig sabihin nito, malaking panghatak sa ebentong isports ang elemento ng pagtutunggalian ng magkakaibang lahi. Gaya ng ibang lahi, malugod na nakasubaybay ang madlang Amerikano sa alinmang ebentong pang-isports na may kalahok na kababayan. Paano kung hindi pa, o hindi talaga, matutupad ang labang Pacquiao-Mayweather?

Si Shane Mosley ay isang nagkakaedad nang boksingero na gaya ni Marquez ay tinalo ni Mayweather. Pero tingnan natin ang kalidad sa pagitan ng labang ipinamalas niya laban kay Mayweather kumpara sa perpormans ni Marquez. Hindi pa pipitsugin si Mosley. Saka mas pang-isports ang atityud niya kumpara kay Marquez. Bilang isang mamamayang Amerikano ay susubaybayan ang laban niya ng sambayanang Amerikano. Mas pabor kay Pacquiao sa punto ng eksposyur (exposure) at mas makaaasam ang publiko ng higit na kapana-panabik na tambalan kesa panibagong ‘boring’ na Mehikano.

Sayang ang Panahon
Walang ‘epikong trilohiya’ sa labang Pacquiao at Marquez. Nasa guniguni lang ni Marquez na karapat-dapat, kaaliw-aliw, at hinihintay ng buong mundo ang pangatlong paghaharap nila sa ring ng nag-iisang Pacman ng boksing. Wala nang dapat patunayan si Pacquiao bilang “Mexecutioner”.

Ang totoo’y magsasayang lang ng panahon sa kagaya ni Marquez si Pacquiao na, bilang isang kongresista, mas makabubuti pang sa mga taga-kongreso na lang makipagbakbakan. Tutal, marami sa mga ito’y kasinghusay ni Marquez sa pagdakdak nang walang katuturan.




Archives