by Fermin Salvador.
December 3, 2010
Maraming ugnayan ang mga bansang Pilipinas at dalawang Koreya na binubuo ng Timog Koreya (South Korea) at Hilagang Koreya (North Korea) sa mga aspetong pulitikal, historikal, kabuhayan, kultural, atbpa. May malalim na pagkakaibigan ang Pilipinas at Timog Koreya bilang tagapagtaguyod ng prinsipyo ng ddmokrasya. Ang mga gobyerno ng Pilipinas at Timog Koreya ay masasabing pinagbubuklod din ng pakikipag-alyansa sa US. Ang Hilagang Koreya, bagaman katunggali ng US, ay maituturing na kaibigan din ng Pilipinas at walang hidwaan sa pagitan ng mga Filipino at Koreyanong Hilaga.
Pagsasanib ng Kasaysayan
Bagaman parehong taga-Asya, ang mga Pinoy at Koreyano ay nasa magkaibang rehiyon ng nasabing lupalop. Ang Pilipinas ay nasa Timog-Silangan (Southeast) habang ang dalawang Koreya ay kabilang sa mga bansang nasa tinaguriang Malayong Silangan (Far East) gaya ng Tsina at Hapon. Malaki rin ang kaibahan sa pinagdaanang kasaysayan ng Pilipinas at dalawang Koreya bagaman may mga yugtong nagsasanib ang mga historya ng tatlong estado tulad noong mga panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na pare-parehong sumailalim sa pananakop ng mga Hapon. Ganundin noong panahon ng Digmaang-Koreya o “Korean War”.
Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay umiral ang kapayapaan sa Pilipinas maliban sa mga internal na tunggalian bunsod ng insurhensiya (insurgency) na inilunsad ng mga grupong armadong makakaliwa na Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB) na napalitan ng New People’s Army (NPA) at mga rebeldeng Islamiko sa Mindanao na Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Umasenso ang Pilipinas pagkatapos ng gera mundiyal at pumangalawa sa Hapon sa naging pinakamaunlad na ekonomiya sa Asya. Bunga ng maraming mga salik na nagsalikop mula sa maling naging mga polisiya at hakbang pang-ekonomiya, insurhensiya, deklarasyon ng batas-militar, paglala ng korapsiyon, pagbaba ng pambansang moral, atbpa. ay unti-unting naungusan sa asenso ang Pilipinas ng mga ibang bansa sa Asya.
Higit na madugo at malagim ang naganap sa Koreya pagkatapos ng gera mundiyal. Nahati ang mga mamamayang Koreyano sa paniniwalaang doktrinang pulitikal na ang mga taga-Hilaga ay nais ang kumunismo kapanalig ang USSR at Tsina habang ang mga nasa Timog ay pinili ang demokrasya sa pagtataguyod ng US. Humantong ang tunggaliang ito ng paniniwala ng iisang bansa sa pagkahati ng Koreya sa dalawang estado na Timog Koreya at Hilagang Koreya. Hindi rin nagwakas ang tunggalian sa pagkakaroon ng dalawang estado ng Koreya.
Ang Hilagang Koreya sa ngayon ay isang diktadurya na may ganap na sentralisadong pamamaraan ang gobyerno. Nananatili itong kaalyado ng Tsina. Ang Timog Koreya ay nakakapit sa prinsipyong demokratiko-kapitalismo, kaalyado ang US, at naging isa sa pinakamarangyang estado sa daigdig.
Ambag ng Pilipinas sa Digmaang-Koreya
Itinuturing na ‘utang na loob’ ng mga Koreyanong Timog ang ambag ng mga Filipino sa panahon ng Digmaang-Koreya. Nagpadala ang Pilipinas ng hukbong sandatahan sa nasabing digmaan na kinabibilangan ng noo’y isang batang opisyal na magiging heneral at pangulo na si Fidel V. Ramos. Ang pelikulang Pinoy na “Koreya” na base sa buhay ni Senador Ninoy Aquino na noo’y war correspondent sa nasabing digmaan ang nagsaimortal sa yugtong iyon ng kasaysayan ng mga bansang Pilipinas at Tmog Koreya.
Hindi mahirap hulaan ang kalagayan ngayon ng mga taga-Timog Koreya kung natalo sila sa Digmaang-Koreya at naging bahagi ng pinag-isang Koreya sa ilalim ng kumunistang pamahalaan. Hindi rin naman naging madali sa hukbong United Nations na may contingent na mga Filipinong sundalo at pinamunuan ni Heneral Douglas MacArthur na harapin ang nasabing labanan.
Masasabing sa digmaang iyon ay nasementuhan ang pagkakaibigan sa pagitan ng mga Filipino at Koreyanong Timog. Pagkakaibigang hindi rin naman nangangahulugan na hindi magkaibigan ang mga Filipino at Koreyanong Hilaga pagkat wala ring hidwaan ang dalawa.
Mapapansing parehong may karanasan sa pag-iral ng represibong rehimen ang dalawang estadong Pilipinas at Timog Koreya na kapwa nagbabando ng pagyakap sa demokrasya. Ang Pilipinas ay sumailalim sa batas-militar sa pamumuno ni Pangulong Marcos habang ang Timog Koreya ay nagkaroon ng serye ng mga lider na gumamit ng ‘kamay na bakal’ sa pagpapatakbo sa pamahalaan. Halos nagkaagapay ang mga rehimen nina Marcos ng Pilipinas at Park Chung Hee ng Timog Koreya. Gaya ni Marcos, si Park Chung Hee ay inulan ng batikos sa malawakang paglabag sa mga karapatang pantao.
Kamakailan ay idinaos sa Timog Koreya ang Nobyembre 2010 ‘summit’ ng Grupo ng 20 (G20) na pagsasama-sama ng mga bansang may adbans at nangungunang ekonomiya na may layuning maistabilisa ang pandaigdigang merkadong pampananalapi. Mula nang maitatag noong 1999 ay may taunang pulong ang mga bansang kasapi ng G20 upang talakayin ang mga hakbangin upang matiyak ang pandaigdigang istabilidad sa pananalapi at maipagpatuloy ang susteynabol (sustainable) na kaunlaran. Sinasabing ang G20, na “balanse” sa kasapiang mga bansa, ay may layuning makapagpatupad ng mga polisiyang makro-ekonomiko kabilang na ang “fiscal expansion” ng 5 trilyong dolyar-US at mga hindi kumbensiyunal na polisiyang monetaryo. Sa pamamagitan nito’y naitatag ang Financial Stability Board (FSB) at naiulat na napalakas ang mga international financial institution (IFIs). Sa ibang sabi, sa pamamagitan ng G20 ay tinatayang mapapabilis ang pagbangon ng pandaigdigang ekonomiya.
G20
Mahirap maintindihan ng mga ordinaryong mamamayan laluna sa mga bansang hindi kasali rito gaya ng Pilipinas ang tunay na agenda ng G20. Hindi maiiwasan ang pagdudahan ito bilang panibagong ‘exclusive club’ ng iilang bansang nagsasapakatan upang mapaglalangan ang mas nakararaming bansa. Sa panig ng G20, balido ang desisyon na pagpili sa Timog Koreya bilang venue ng samit (summit) na may rekord ng episyenteng pagkontrol sa mga rali at protesta katulad nang ginawa nito noong 1988 Seoul Olimpiks sa ilalim ng rehimen ni Heneral Chun Doo-Hwan. Napaulat noon na sa siyudad ng Kwangju ay umabot sa 191 Koreyano ang namatay at umabot sa 850 ang nasugatan habang halos isang milyong residente ng Seoul ang naapektuhan sa naging walang habas na paghawan sa magiging lokasyon ng mga laro.
Sa G20 samit, napaulat ang mabilisan at sapilitang pagdedeport ng mga aktibista at alagad-sining na nais sanang makapagpahayag ng kanilang saloobin sa gaganaping pulungan. Kabilang sa mga ipinadeport ang ilang Filipino kabilang na ang makata at musikerong si Jesus Manuel Santiago na tinatawag ding “Koyang Jess” o “Koyang” ng malalapit na kakilala. Nakasama ko si Koyang sa mga palihan ng Galian sa Arte at Tula (GAT) mahigit dalawang dekada ang nakararaan.
Gumawa ng pahayag si Koyang hinggil sa naging karanasan sa Timog Koreya. Maibubuod iyon sa tanong na ito: Kinakatawan ng G20 ang pinakamayayaman at makapangyarihang bansa sa mundo pero sa mga awit lang ay natakot sila? Tinutukoy niya ang plano sanang pag-awit niya at mga kasama ng mga kantang naghahayag ng saloobin sa G20 samit. Mga saloobin na naglalaman ng kanilang isip at puso bilang mga alagad-sining at mamamayan ng mga bansang hindi kasing-unlad ng maraming kasapi sa nasabing asosasyon ng mga bansa.
Karapatan iyon ng mga Koreyano, ayon kay Senador Juan Ponce-Enrile, tungkol sa pagpapadeport ng mga ‘elyen’ na gaya ni Koyang sapagkat sariling teritoryo nila ang sangkot. May karapatan silang magsabi kung sino o hindi ang ‘persona non grata’, kumbaga. Pero paano naging di katanggap-tanggap sa isang namamaraling estadong demokratiko ang mga dumayong indibidwal o hanay na nais lang magpahatid ng pahayag sa isang pagtitipon na may implikasyon sa buong mundo ang kahihinatnan?
TALA: Matapos isulat ang artikulong ito, naiulat ang (panibagong) pagsiklab ng armadong komprontasyon sa pagitan ng Timog Koreya at Hilagang Koreya.