ShareThis

  ESTADO

Walang Hanggang Salamat



by Fermin Salvador.
November 28, 2010
Panghuling Huwebes ng Nobyembre, ika-25 ng Nobyembre ngayong 2010 ang Araw ng Pasasalamat (Thanksgiving Day). Kadalasang ginagawang pista-opisyal pati ang kasunod nitong araw ng Biyernes.

Medyor na okasyon ng pagdiriwang sa US ang ‘Tengksgibing’. Kinikilala rin ito sa ibang bansa tulad ng Canada, Nederlands, Grenada, at Liberia. Sa Pilipinas?

Pagtungtong pa lang ng Setyembre ay Kapaskuhan na ang nasa isip ng mga Pinoy.

Para bang pinagsama-sama na sa Araw ng Pasko at sa Kapaskuhan ang lahat ng
nalalabing mga pagdiriwang sa taon. Kumbaga sa sugal ay itinodo na rito.

‘Tengksgibing’
(“Thanksgiving”)
Sa US, siyempre pa, ay malaking okasyon din ang Araw ng Pasko at Kapaskuhan.

Pero bago ito ay nariyan ang Tengksgibing. Maiisip na halos pareho lang ang pagdiriwang ng Tengksgibing at Kapaskuhan na isang pagpapahayag ng pasasalamat sa Diyos para sa mga pagpapala (blessings) na ipinagkakaloob Niya sa buong taon.

Sa mas malalim na pagsusuri ay may kaibahan ang dalawa.

Sa Araw ng Pasko tuwing Disyembre 25 na pinaniniwalaang petsa ng kapanganakan ni Hesu Kristo ay namamayani ang pagbati sa pagdating ng Manunubos ng sangkatauhan.

Ang tuon ng pasasalamat ay sa pagsilang ni Hesu Kristo sa lupa. Sa Tengksgibing naman ay ipinagpapasalamat ang lahat ng bagay na magagandang nakakamit araw-araw.

Ang Araw ng Pasko ay isang ‘birthday party’ ng sangkatauhan para sa Diyos na nagkatawang-tao. Sa Tengksgibing ang sentro ng okasyon ay isang bagay na sa sariling kalooban lamang matatagpuan.

Walang pigura, simbulo, porma, hugis, o anyo ang diwa ng pasasalamat bagkus ay basta nadarama lang ito ng bawat taong nakauunawa sa kahulugan nito.

Bakit magpapasalamat? Uso pa ba ang magpasalamat?
Masyado na raw naging lohikal ang tao sa panahon ngayon. Hindi lang lohikal kundi praktikal. Iisiping kaya nagkaroon ng bahay at kotse, halimbawa, dahil naghirap sa pagtatrabaho. Bunga ng pagpapawis at hindi himala ang bawat pag-aari. Kung mag-enjoy man sa mga luhong tinatamasa ay nararapat lang.

Kapag gusto ang isang bagay, bilhin at makakamit iyon. kapag may iniibig na babae, ligawan ito hanggang sa maging nobya. Kung may sakit, ipagamot sa doktor.

Ganoon na lamang kadali ang lahat sa pananaw ngayon. May sukatang materyal ang lahat. Nakakamit ang lahat sa materyal na pamamaraan. Kaya di na dapat magpasalamat.

Pero hindi lahat ay maaaring bilhin ng salapi. May pag-ibig na hindi tumatanggap ng katugunan. May karamdamang di malulunasan ng mga doktor. May mga kaligayahan na hindi lang sa materyal na bagay nakukuha. Sa madaling-salita, hindi lahat ay nasa kontrol natin.

Putaheng Pabo
Mapagmumuni-muni ang kahulugan ng Tengksgibing sa mga bagay na hindi materyal. Hindi kailangang magpalitan ng regalo. Ipinagdiriwang ito sa payak na pagsasalu-salo. Naging tradisyon na ang presensiya ng putaheng pabo. Ipiniprito o niluluto sa hurno (oven) ang buong pabo at sasamahan ng cranberry sauce. Pero kahit ang pabo ay hindi itinuturing na simbulo ng luho sapagkat katutubong ibon ito sa Hilagang Amerika at karaniwang pagkain ng mga katutubong Amerikano (native Americans) na tinatawag ding mga Indiyan-Amerika (American Indians) na naninirahan na sa lupain ng US nang libong taon bago pa dumating ang mga Yuropiyan.

Minsan ay tinatawag ding Araw ng Pabo o “Turkey Day” ang Tengksgibing sa labis na popularidad ng pabo bilang handang-pagkain sa okasyong ito. Isang dakilang Amerikano, si Benjamin Franklin, ang minsang nagmungkahing pabo sa halip na agila ang dapat gawing simbulo at pambansang ibon ng US. Ang agila, ani Franklin, ay malupit na ibon na sumisila sa ibang ibong mas mahina sa kanya. Ang pabo, sa isang banda, ay tahimik na namumuhay. Walang pineperwisyong kapwa-ibon at may pakinabang pa sa tao bilang masarap na pagkain. 

Maaaring hindi ganap na mamahaling pagkain sa US ang pabo. Pero sa Pilipinas ay itinuturing na itong pagkaing-mayaman. Masyadong malaking putahe na ang isang buong pabo para sa karaniwang pamilyang Pinoy. At ang hindi nawawala sa mga Pinoy tuwing may okasyon at malakihang pagdiriwang o salusalo ay ang litsong baboy. Kaya lang, ang karne ng baboy ay mas mataas ang kolesterol kumpara sa pabo. Mas kaunti pa nga raw ang kolesterol sa pabo kumpara sa manok.

Sa bansang ‘superpower’ at ‘super-rich’ (pa rin) paris ng US na umaapaw sa materyal na bagay, medyo kakatwang may okasyon ditong tulad ng Tengksgibing na maituturing marahil na isang abstraktong ideya. Dapat alalahanin na matagal nang ipinagdiriwang sa US ang Tengksgibing. Panahon pa ng mga ninunong tinatawag na payonir (pioneer) ay may okasyon na ng Tengksgibing. Bago pa man narating ng US ang kasalukuyang istatus sa pandaigdigang tanghalan ng mga nasyon.  Noong mga panahong ang US ay bagong-silang na bansa, walang malinaw na direksiyon, walang matatag na gobyerno, atrasado ang ekonomiya, at tinatawanan ng mauunlad na bansa sa Yuropa.

Pasasalamat at Pagmamalaki
Sagana sa likas-yaman ang lupain ng US. Ngunit hindi rito lang utang ang naging pambihirang asenso nito mula sa paghihikahos. Mahalaga rin ang galaw at pag-iisip ng mga mamamayan. Nakasalalay sa mga mamamayan ang patutunguhan ng kanilang bansa. Mahalaga ang pagkakaroon ng ‘pambansang mithiin’  at ‘pambansang atityud’ upang makamit ang ‘pambansang mithiin’.

Nangunguna na sa magagandang atityud ang pagiging mapagpasalamat sa bawat bagay na tinatamasa. Ang lahing may dapat ipagpasalamat ay lahing nakakikilala sa magagandang bagay sa sarili. Lohikal na kasunod ng pagkilala sa taglay na magagandang katangian ang damdamin ng pagmamalaki (pride) sa sarili.

Kahit sa panahon ngayon na may matinding resesyon (recession) ay isa pa rin sa may pinakamasagana at pinakamaluhong pamumuhay sa mundo ang mga Amerikano.

Sobra-sobra ang produksiyon ng halos lahat ng uri ng pagkain sa US para sa konsumo ng mahigit 300 milyong populasyon nito, kabilang na rito ang ilang milyong Pinoy na migrante o Pinoy ang lahi. 

Umaapaw din sa likas-yaman ang Pilipinas, ngunit nakapanlulumong ito’y isang bansang binabansagang nasa ikatlong daigdig (third world) habang ang gobyerno nito’y madalas na nagpapamalas ng pag-aalangan sa mga pandaigdigang tunggalian sa larangan ng ugnayang diplomatiko, kalakalan, pinansiya, militari, at iba pa.

May puntong sabihing si Manny “Pacman” Pacquiao lang ang Pinoy na kinatatakutan ngayong makatunggali o makaharap ng mga ibang lahi. Hindi rin maaaring si Pacquiao na ang maging ‘kabuuan’ o ang lahat-lahat na sa Pilipinas.

Magpasalamat tayo na biniyayaan ang ating lahi ng isang Pacman. Ngunit huwag magtapos kay Pacman ang pasasalamat. Isa lang siya sa mahigit 90 milyon na biyaya ng Diyos sa Pilipinas. Kilalanin natin ang milyon-milyong dapat ipagpasalamat. Saka alagaan at linangin ang mga biyayang ito upang lalo pang  lumago  at yumabong.




Archives