ShareThis

  ESTADO

Taglagas at mga Talulot (Kongklusyon)



by Fermin Salvador.
November 21, 2010

May mga naikuwento si Sir Abenir tungkol sa batas-militar na mahirap paniwalaan ngunit totoo. Bumibiyahe ang bus na sinasakyan niya sa Aklan nang pinahinto ng mga sundalo ang bus at pinababa ang mga pasahero. Ipinahiwalay ang mga babae at inutusang magsipagbaba ng panty. Ang pinakahindi niya nalilimutan ay nang may isang sarhento na pinitsarahan siya at tinutukan ng .45 sa ulo. Sabi sa kanya: “Puwede kitang patayin, atorni, at idedeklara kong si Joma Sison ang napatay ko!” Sabay tawa. May pagkakahawig nga si Sir Abenir kay Joma di lang sa mukha kundi pati sa manipis na pangangatawan. Nang naging opisyal ng PC ay hinanap ni Sir ang sarhentong iyon.

Naging ‘bata-bata’ si Sir Abenir ng noo’y heneral at hepe ng PC-INP na magiging pangulo ng bansa na si Fidel V. Ramos. Siya ang nagsisilbing abogado ni FVR kahit sa mga personal na bagay gaya ng pagpapatitulo nito sa ngayo’y bahay nito sa Alabang. Kasama si Sir Abenir sa mga karaniwang sundalong ‘naipit’ sa Kampo Crame nang mag-EDSA I noong 1986 bilang malapit na tauhan ni FVR. Hanggang sa naging pangulo ng bansa si Cory.

Karanasan sa Pulitika
Maraming kalituhang dapat alisin sa organisasyong militar kasama na ang planong pagbuwag sa PC upang muling gawing sibilyan ang indoktrinasyon ng mga pulis. Napahiwalay na siya kay FVR. Nagretiro si Sir Abenir nang opsiyonal, tumakbong mayor ng Nabas. Mainit ang naging kontes. Pero sa huli’y talo si Sir Abenir. Ganunpaman, sa kabila ng masaklap na karanasan, ay ikinatuwa niyang lubos na nakilala ang pagkatao ng mga kababayan. Humantong ito sa pag-iwas niya sa pulitika hanggang sa huling sandali ng  buhay niya. Na kahit daw ibigay pa sa kanya ang pagkameyor sa bandehadong pilak ay hindi na niya tatanggapin pa.

Sa kabila ng malapit na kaugnayan kay FVR ay wala akong nalamang pagkakataon na lumapit siya rito kahit sa pinakamababang yugto ng buhay niya matapos matalo sa pagkandidato sa pagkaalkalde. Kahit nang naging pangulo si FVR. Sabi ko pa’y baka naging kalihim sana siya.

Simple lang ang kasiyahan ni Sir Abenir. Okey na sa kanya na hepe ng Serbisyong Legal ng BJMP kahit may sapat siyang kuwalipikasyon, at maging kuneksiyon, upang maghangad nang higit pa rito. Sa tingin ko, ang pagpasok niya sa pulitika at naging resulta nito ang pumatay sa hilig niya sa kapangyarihan. Ngunit hindi paris ng ibang nagkaroon ng kagayang ambisyon ay nadakip ni Sir Abenir ang ‘enlightenment’.
Naninindigan si Sir Abenir sa desisyon kung kailangan, subsob-ulo sa pag-aaral sa isyung kinakaharap para may sapat na kahandaan sa magiging desisyon. Larawan siya ng isang pinunong may sapat na kakayahan at kasanayang intelektuwal upang episyenteng manindigan sa depinidong responsabilidad niya sa kinabibilangang sangay ng burukrasya. Ang kontrol at superbisyon sa lahat ng piitang siyudad at munisipalidad sa buong bansa na may kustodiya sa libu-libong bilanggong nakabimbin ang kasong kriminal ay di masasabing di mabigat na responsabilidad.

Subalit di katulad si Sir Abenir ng ibang beteranong byurukrat na tanging teknikal at malalamig na polisiya ang nakaaantig-interes. Tuwing tanghali, makapananghalian ay nagbabasa siya ng diyaryo bago maiidlip (siesta) nang ilang minute sa harap ng mesa niya. Nabanggit niya si Kidlat Tahimik na nasa balita. Napaigtad ako. Ano ang alam niya kay Kidlat Tahimik? Pero marami siyang alam kay KT at sa ibang alagad ng sining. Natahimik ako. Hindi pa niya alam na nagsusulat ako hindi lang mga resolusyon, memoranda, position papers, kundi maging mga tula at kuwento. Ipinaaalam ko ito nang may reserbasyon sa sinumang kasamahan sa BJMP sapagkat malamang na maiba ang personalidad ko sa pananaw nila. Hindi man ipahayag ay di ito mahirap mahalata. Pinapatay ang imahinasyon sa realmo ng mabangis na reyalidad. Siyamnapung porsiyento ng dating ‘quota’ o produksiyon ko ng malikhaing pagsusulat ay naihinto sa mga panahong nasa BJMP ako ngunit hindi ko ito pinagsisisihan pagkat sinabi ko sa sariling di dadayain ang pagsisilbi sa aking bayan. Hindi ako nagsuot ng uniporme o namasukan sa pamahalaan ng hikahos na bansang kagaya ng Pilipinas para maniguro lang na sa tuwing kinsenas at katapusan ng buwan ay may matatanggap na suweldo.

Kultura at KTV 
Interesado rin si Sir Abenir sa kultura kaya ikinatuwa niya ang pagiging malikhaing manunulat ko. Ganunpaman ay bibihira ang diskusyon namin sa panitikan at sining kumpara sa mga usapin sa Byuro. Tinatalakay namin ang iba’t ibang uri ng karakter na nagpapagalaw at nagbibigay-kulay dito. Magmula ikalima hanggang ikasampu ng gabi ay nasa opisina pa rin kami. May malaking bote ng Tanduay na paborito ni Sir at mga serbesa para sa amin. Kasalo ang sinumang nag-oopisina na nasa gusali pa ng CO sa mga oras na iyon. Madalas ay may mga galing ng lalawigan na may pakay sa pagluwas sa Maynila at mas ninais na sa CO magpalipas ng gabi kesa sa kampo o sa kaanak na mas mapapalayo pa sila.

Para kay Sir Abenir ay trabaho pa rin ang pag-iinuman namin paglampas ng ikalima na pawang mga problema pa rin sa Byuro ang dinidiskusyon namin. Di miminsang nakabuo kami ng bagong ideya habang tumatagay. Isa na rito ang paghikayat sa mga boluntaryong paralegal sa hanay ng mga mamamayan. Palaging paratang na napapabayaan ang kaso ng mga detenido, bakit hindi mag-imbita ng mga boluntaryo na tutulong sa pagbusisi at pag-follow up sa mga nakabimbing kaso ng mga bilanggo? Tutal, walang kontrol ang BJMP na tagakustodiya lamang ng detenido sa magiging usad ng paglilitis. Nakasalalay ito sa galaw ng korte, PAO, prosekyutor, at mga pribadong abogado.

Bilang gantimpala ni Sir Abenir sa sinumang hindi aalis hanggang mag-ikasampu, isasama niya ito sa mas masayang ‘kanlungan’ na may magaganda at mababangong kalapating naghihintay. Tinutukoy ko ang mga eleganteng KTV na may mga GRO. Nang una ay okey. Pero hindi namin kaya ang resistensiya ni Sir na gabi-gabi ay pamorningan. Una’y wala kami ng pribilehiyo niya na puwedeng pumasok sa opisina na leyt ilang beses isang linggo. Kaya nag-usap kaming apat na lalaking subordinate niya. Nag-iskedyul kami kung sino ang tokang makasama niya ‘all the way’ kada gabi dahil may protocol na di maaaring iwan ninyo ang hepe na mag-isa.

Sa panahong nakasama ko nang regular si Sir Abenir ay maalwan na ang pamumuhay niya. Prinsipal sa paaralan ang asawa niya at ang kaisa-isang anak na lalaki ay corporate lawyer na kabilang sa isa sa pinakamalaking law firms sa Pilipinas. Halos para sa sarili niya na lang ang sinasahod sa BJMP. Kaya galante si Sir sa mga subordinate niya. Madalas dalhin sa mga sikat na restawran. Bagaman siya mismo’y tamilmil kumain.

Nakasama ko si Sir Abenir sa napakaraming lugar sa Pilipinas magmula sa Cagayan hanggang Cagayan de Oro, mula sa Bacolor hanggang sa Bacolod. Wala pang sampu kami sa Tanggapan ng Serbisyong Legal pero nasa ilalim ng superbisyon naming ang lahat ng hearing officer sa buong Pilipinas at may tungkulin ding magpabatid ng mga bagong polisiya sa mga jail officer sa field. Di hamak na mas matipid kung dalawa o tatlo lamang kaming pupunta sa iba’t ibang rehiyon para magpaseminar/worksiyap sa halip na ang daan-daang partisipantes ang papupuntahin pa namin sa Maynila.

Paghihiwalay
Isa na si Sir Abenir sa pinakamahuhusay magtalumpating tao na nasaksihan ko.
Pulido siyang mag-Ingles pasulat man o pasalita. Nasasaling niya ang emosyon ng mga nakaririnig sa kanya. Mahalaga ito laluna nang magkaroon ng mga imbitasyon ang mga paaralan at unibersidad tungkol sa programa sa boluntaryong paralegal sa mga bilangguan.

Galanteng magbigay ng papuri si Sir Abenir sa mga tauhan niyang nagugustuhan niya ang pagtatrabaho. Sa ganang akin, anuman ang kalidad o ‘work ethics’ ko maski noong nasa ilalim ako ng mga hepe sa rehiyon ay walang nagbago nang maasayn ako kay Sir Abenir. Di ko hinangad subalit sinabi niyang karapat-dapat akong maging “Junior Officer of the Year” ng Byuro. Bilang kasapi ng executive committee ay inirekomenda niya ako na, matapos ang deliberasyon ng bumuo ng board of awards, ay iginawad sa akin.

Minsan ko lang nakitang lasing si Sir Abenir na malungkot, at ito’y nang huling araw na magkasama kami. Pupunta na ako sa US. Inihatid niya ako hanggang sa pintuan ng opisina pagkatapos naming mag-inuman na di na inabot pa ng ikasampu.
Manaka-naka nakakapagpalitan kami ng liham. Naging iregular na rin ang dalaw niya sa gusali ng BJMP matapos ang pagreretiro bilang sibilyan (65 taon) kaya hindi kami nagpapang-abot kahit ilang beses na akong nakapagbalikbayan. Bagaman may bahay sa Antipolo ay madalas siya sa Nabas. Nasabi ko minsan sa isang sulat na dederetso na lang ako sa Nabas para magkita kami. Kalahati ng dahilan sa likod nito’y siyempre pa ang pagpasyal sa Boracay. Pero hindi nap ala mangyayaring magkikita pa kaming muli.

Nadama ko sa kanya ang isa sa mga uri ng ugnayan na gaano kahabang panahon mang di kayo magkita ay may antisipasyon ka na magkakasama kayong muli para sa isang mahaba-habang usapan. Mahirap ipaliwanag ang ‘impact’ ng pagkawala ng isang taong lumikha sa iyo ng impresyon na habampanahon ay makakasama mo, malayo man ay naririyan, na gaya nang naramdaman ko nang mamatay ang tatay ko.

Parang Naging Ama
Si Sir Abenir ay parang naging ama din para sa akin na minsan ay higit pa bagaman minsan din ay kulang. Halimbawa, nakasama ko siya sa mga ‘kalokohan’ na hindi mangyayari kung totoo mong tatay ang kasama mo. Nakadiskusyon ko sa lahat na yata ng paksa na maisip magmula kay Kidlat Tahimik hanggang sa posibilidad ng kabilang-buhay.

Lampas sa sampung makakapal na libro kung isasalaysay ang lahat ng naging buhay at pakikipagsapalaran ko sa BJMP. Siyam nito’y makapigil-hiningang mga araw na ang buhay ko’y nakataya. Isang aklat ay para sa mga gabi ng paglalagalag at pagliliwaliw na si Sir Abenir ang taya.
(Alay sa pagyao ni Col. Ramon A. Abenir Jr.)              




Archives