ShareThis

  ESTADO

Dokumentaryo sa Panulaan sa Pilipinas



by Fermin Salvador.
October 30, 2010

Noong Enero 2010 ay nagkasundo kami nina Randy Valiente at Abet Umil na magtulungan sa pagpapablis ng aklat-antolohiya ng mga akdang pampanitikan, karamiha’y mga tula, na isinulat sa mga wikang katutubo ng mga makatang Filipinong nasa Pilipinas at ibang bansa. Tinawag namin ang antolohiya na “Ipuipo sa Piging” (“Whirlwind to the Feast”). Walang malinaw na paksa o tema ang aklat. Ipinaubaya na namin sa mga interesadong magsumite ng akda ang pagbibigay-interpretasyon sa sinasabi ng pamagat ng bubuuing aklat.

 Ako at si Abet ay kapwa nagsusulat din ng mga tula habang si Randy ay isang manunulat at dibuhista sa komiks. Pare-pareho kaming walang karanasan sa pagpapablis ng antolohiya ng mga tula. Ilang taon ang nakararaan ay nagpablis kami ni Randy ng isang aklat tungkol sa komiks na pinamagatang “Komiks sa Paningin ng mga Tagakomiks” (“Komiks From The Perspective of People in Komiks”) na sinundan naming ng pagpablis ng magasin na Pinoy Komiks Rebyu. Nagawa naming idistribyut at ipagbili ang mga ito sa independiyente at alternatibang paraan na hindi dumaraan sa malalaking bukstor at book outlet.
Para sa bubuuing antolohiya ng mga tula, nahirang namin si Abet para tumayong patnugot nito.

 Ipuipo…
Nagsimula ang pamagat ng antolohiya na “Ipuipo sa Piging” sa isang parirala na isinulat ko sa isang piraso ng papel na nilagyan ko ng tala na: “pamagat ng aklat ng mga tula” ilang taon na ang nakararaan. Iyon ay isang paglalaro sa dalawang magkataliwas na imahe, “ipuipo” at “piging”, at ang maimahinasyong pagsasanib nila – isang puwersa na nagdudulot ng pagkawasak at isang lugar na maayos para sa isang pagtitipon. Naisip kong mainam na titulo ito kung magpapablis ako ng (unang) koleksiyon ng mga tulang gawa ko. Sa halip, minabuti kong gawin itong pamagat ng antolohiya ng mga akda mula sa iba’t ibang manunulat.

 Binigyan namin ng espasyo ang bawat interesadong mag-ambag ng akda na hindi hihigit sa 10 tula gaano man kahaba ang tula. Sa una’y 33 ang makatang mapapasama sa antolohiya. May nagsabmit ng eksaktong 10 tula, ang iba’y mas kaunti. May mga manunulat na nasa 60 pataas na ang edad at naging maalamat na sa larangan ng panitikan sa Pilipinas. Marami ay nasa paga-20 at 30 ang gulang at medyo baguhan.

 Isa sa mga manunulat na ang mga akda ay maipagmamalaki ng alinmang antolohiya ang umatras na mapasama sa “Ipuipo sa Piging” kaya 32 ang nalabing manunulat nito. Ganunpaman ay isinama sa dokumentaryo ang nasabing manunulat.

 Habang isinasagawa ang pagtitipon sa mga manuskrito bilang paghahanda sa paglilimbag nito, naisip namin na maging inobatibo at samahan ang libro ng isang “companion DVD”. Ang DVD ay maglalaman ng mga “poem video” na ang mga manunulat ay bibigkas sa akdang tula sa masining na presentasyon na hindi naiiba sa isang ‘music video’. Bilang pantawag dito, inimbento ni Abet ang salitang “bidyula” na pagkakabit ng mga salitang ‘bidyo’ (video) at ‘tula’ (poem).

 Kokak…
May karanasan si Abet sa paggawa ng mga ‘documentary segment’ sa isang network pangtelebisyon. Sinimulan ang pagsiyut para sa mga magiging eksena sa “companion DVD” ng aklat na “Ipuipo sa Piging”. Isang ideya na naman ang umusbong. Puwede rin kaming bumuo ng isang pelikulang dokumentaryo tungkol sa mga makata at kalagayan ng panulaan sa Pilipinas sa kasalukuyan.

 Ang malaking bahagi ng sinopsis ng magiging dokumentaryo ay nagbuhat kay Abet. Sa pambungad na eksena, makikita ang isang premyadong makata na naghahanda upang pugutan ng ulo ang isang malaking palaka bilang protesta sa aniya’y kasalukuyang lagay ng panulaan at panitikan sa pangkabuuan sa Pilipinas na ang mga manunulat na nagtatamasa ng biyaya sa dispensasyon ay walang ipinag-iba sa mga palakang kumokokak. Ang mga manunulat na palaka, ayon sa kanya, ay panay ang pagkokak sa langit upang lalong bigyan ng ulan na kumakatawan sa ‘biyaya ng langit’ na salapi, kapangyarihan at rekognisyon galing sa mga pulitiko at maiimpluwensiyang tao sa bulok na lipunan. Ang mga manunulat na palaka, sa ibang sabi, ay mga nagkompromiso sa kanilang pagiging manunulat at/o nagsipagbenta ng prinsipyo.

Pero paano nga ba mailalarawan ang kontemporaryong senaryo ng panulaan sa Pilipinas? Paano mabibigyang-katangian ang literatura, kultura, at sining ng mga Filipino sa konteksto ng malayong kasaysayan (distant past) at mga bagong pulitikal at sosyal na kaganapan?

 Tinatangka ng dokumentaryo na harapin ang mga katanungang ito sa sari-saring perspektiba. Malalantad sa mga manonood ang pinaghalu-halong pananaw mula sa mga ordinaryong mamamayan, mga ‘cultural worker’, mga eksperto sa kultura, at maging sa mga ehekutibo ng mga nangungunang kumpanya sa pagtitinda at pamamahagi ng mga produktong-limbag. Isang lalaki ang nagsasabing mahalaga ang pagtula dahil sa kababaihan. Si Chito Gascon, Director-General ng Partido Liberal, ay nagbigay-diskurso sa papel na ginagampanan ng mga makata sa kolektibong aspirasyon ng mga Filipino para sa pangkabuhayang pag-unlad at ‘moral transformation’. Higit sa lahat, ito’y tungkol sa mga makata na nagsasalita tungkol sa isang bagay na bukodtanging ang hanay nila ang higit na nagpapahalaga at ito’y ang panulaan.

 Mahaba-habang Usapan…
Maraming interesanteng ekstrang tala ang dokumentaryo. Isang halimbawa, matatagpuan dito ang mga opinyon ni Alexander Martin Remollino tungkol sa istatus ng progresibong panitikan sa Pilipinas. Prominenteng makata at mamamahayag si Remollino sa hanay ng mga kabataang progresibo ang pananaw. Namatay siya kamakailan sa edad na 33 at malamang na ito ang huling dokumentaryong siya’y napasama.

 Naririto rin ang mga salaysayin ni Rogelio Ordonez na itinuturing na isa sa mga payonir (pioneer) ng makabagong maikling katha o fiction sa Pilipinas at kabilang sa makasaysayang “Agos sa Disyerto”. Ikinukuwento niya ang mga pangyayari sa likod ng reyalisasyon ng “Agos sa Disyerto”.

Nasa dokumentaryong ito rin ang paglalahad ni Reuel Aguila sa ‘tunay na istorya’ sa likod ng Galian sa Arte at Tula (GAT) na isa sa pinakamahalaga, kundi pinakamahalaga, na samahan ng mga makatang Filipino sa ikalawang bahagi ng nakalipas na siglo.

Ang mga paksang tinalakay sa dokumentaryo ay masasabing may pagkamasalimuot na hindi namin maiwasan na mabahalang baka tanging ang mga may sapat na panimulang kabatiran sa panulaan at/o may ‘acquired taste’ sa salimuot ng kultura ang magtitiyagang tumuklas sa ibinabahagi ng panooring ito. Ganunpama’y naniniwala kaming nagtagumpay na makapaghatid sa pamamagitan ng dokumentaryong ito ng isang pagtatanghal, na may sapat na detalye, tungkol sa mga makata at panulaan sa Pilipinas sa kasalukuyan.

 Alternatiba at Progresibo
Mayaman sa biswal ang dokumentaryo. May mga eksena sa mga convention hall, eryang-iskuwater, hardin, estero, likas na kapaligiran, kabulukan ng siyudad, magagarang opisina, mga giray na dampa, dibuhong komiks, higanteng maskara ng Angono, mga nakabihis na formal, mga gulanit ang kasuotan, mga nagpoprotesta, mga bilanggo, mga trabahador, Mendiola, UP, bukstor, carinderia, at napakarami pang mga lokasyon sa lipunang Pinoy.

 Nabuo namin ang antolohiyang “Ipuipo sa Piging” sa pamamagitan ng lakas ng loob at gabay ang hangarin na makapagsimula ng isang alternatibang aklat para sa mga sulating pampanitikan. Nagkaroon ang inisyatibang ito ng sariling reputasyon sa mga sirkulo ng mga manunulat na ‘underground’ at/o hiwalay sa punong-daloy (mainstream) ng tahakin ng panitikan sa Pilipinas. Masugid ang pagsuporta rito laluna sa hanay ng mga progresibong kabataang manunulat na piniling manatili sa labas ng mga itinuturing na ‘dominant literary circle’.

Ang dokumentaryo na pinamagatang “Ipuipo, Kokak, at Isang Mahaba-habang Usapan (A Documentary on Poets and Poetry in the Philippines)” ay may habang humigit-kumulang sa dalawang oras.            




Archives