ShareThis

  ESTADO

Nagkakaisang mga Bansa, Nagkakaisang mga Estado


by Fermin Salvador.

October 22, 2010

Bago pa nagkaroon ng Organisasyon ng mga Nagkakaisang Nasyon o United Nations Organization ang maraming bansa na mas nakilala bilang United Nations (UN) pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang US ay umiiral na at binubuo ng nagkaisa at pinag-isa na mga estado.

Pansinin muna natin ang mga konsepto ng ‘nasyon’ at ‘estado’ na kadalasang itinuturing na iisa lang ang katuturan at maaaring pagpalit-palitin. Ngunit may pagkakaiba ang dalawang ito. Magkaiba rin, sa isang banda, ang ‘bansa’ at ‘bayan’. Ang ‘bansa’ na mas malapit na katumbas ng ‘nasyon’ (nation, sa Ingles) ay isang abstraktong konseptong tumutukoy sa pagpapangkatan ayon sa pisikal at/o di pisikal na salik gaya ng kalahian (race), relihiyon, etnisidad (ethnicity), etc. Ang ‘bayan’ naman ay mas kumakatawan sa isang tiyak na lokasyon. Kaya may mga ‘bansang walang bayan’ gaya ng mga Hudyo sa maraming siglo bago nagkaroon ng Israel sa Palestina. Ang lokasyon ng Israel, samantala, ay itinuturing din na lupain o bayan ng mga Palestinong Arabo na naghahangad na mabawi ito mula sa mga Hudyo.

Bansa, Bayan, at Estado
Madalas ay magkaugnay ang ‘bansa’ at ‘bayan’ bilang kambal na buklod ng pagpapangkatan sa adhikang magtatag ng isang tinatawag na nga na ‘estado’ sa moderno nitong saysay. Layunin ng mga makabayang lider at makabayang kilusan (nationalist movement) na mapag-isang puwersa ang mga kapanalig sa ‘nasyonalidad’ , ayon sa mga salik na nabanggit, upang maangkin o mapalaya ang itinuturing na bayan o teritoryong pag-aari ng kanilang nasyon.

Ang ‘estado’ ay isang entidad na may tiyak na teritoryo na may lehitimo at umiiral na pamahalaan at mga institusyong administratibo na ang mga mamamayan ay maaaring kabilang sa iisang nasyon at maaari ring hindi. Kaya ang Unyong Sobyet o Yugoslavia noon o maging ang US ngayon ay pare-parehong itinuturing na isang estado bagaman binubuo ng mga taong magkakaiba ang kalahian, kalinangan, at pati na sa mahabang kasaysayan.

Halimbawa, obyus na ang mga katutubong Amerikanong-Hawayano (Hawaiian) ay iba ang lahi sa mga Amerikanong-Hudyo sa Nuyork o sa mga Amerikanong-Itim sa Georgia. Magkakaiba rin ang kanilang kasaysayan at pre-historya at kultura pero pare-parehong mamamayan ng iisang estado (US) na resulta ng pagbubuklod ng magkakaibang lahi/bansa at estado na rin. Bago pa ang kasalukuyang anyo ng US, ang Hilagang Amerika ay lupain ng mga katutubong Amerikano na tinatawag ding mga ‘Indiyan’ na magkakaiba ang ‘nasyon’ at may sari-sariling teritoryo sa lupalop na ito bago pa dumating ang mga Puti.
Maging sila ay naging bahagi na ng US na umiiral ngayon.

Araw ng UN
Tuwing ika-24 ng Oktubre ay ipinagdiriwang ang “Araw ng UN”. Ang UN ay isinilang sa papatapos na bahagi ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na pinakamatinding digmaang naranasan ng sangkatauhan. Sumiklab ang digmaang ito matapos mabuwag ang isang kagayang organisasyon na Liga ng mga Nasyon o League of Nations na itinatag naman bunga ng Unang Digmaang Pandaigdig. Nabigo ang League of Nations na mapigilang mangyari ang panibagong gera mundiyal sa iba’t ibang kadahilanan.

Una na rito ang diumano’y kawalang-aksiyon bunsod ng polisiya ng ‘appeasement’ ng mga tagapagtaguyod ng patakaran nito sa inisyal na paglabag at agresyon sa maliliit na bansa ng Alemanya, Italya, at Hapon.

Ang UN ay isinilang na dalawang higanteng tagapagtatag, ang US at Unyong Sobyet, ay may ideyolohiyang magkasalungat bagaman sila’y magkaalyado laban sa puwersa ng Axis noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matapos ang nasabing digmaan, naganap ang tinawag na ‘Cold War’ sa pagitan ng dalawang higanteng estado at mga estadong kapanalig nila. Laging alerto ang dalawang magkatunggaling ideyolohiya sa bawat krisis sa alinmang parte ng mundo na nagbunsod naman sa tinawag na ‘arms race’. Ito’y isang kontes sa pag-imbak ng mga armas kabilang na ang mga nukleyar. Nagkaroon ng ilang malalaking krisis gaya sa Hilagang Koreya at Cuba.

Bagaman mas batay sa pasya ng mga lider ng US at Unyong Sobyet ang mapayapang resolusyon sa mga nasabing krisis, maituturing na may bahagi rin ang UN sa pagpapanatili ng kapayapaan sa mundo sa pangkalahatan.

Sa kasalukuyan ay may mga paratang na inepisensiya laban sa UN. Pinabababa ang papel na ginagampanan ng UN sa pagpapanatili ng kapayapaan sa mundo. May mga puna sa inherent na depekto at/o kahinaan nito bilang samahan ng mga bansa at estado. Isa na rito ang pagiging ‘elitista’ diumano ng limang permanenteng miyembro ng Security Council na US, Rusya, Tsina, UK, at Pransiya at sila rin lang ang may kapangyarihang mag-veto. Di ba dapat ay pantay-pantay ang lahat ng estadong miyembro ng UN?

Isa pang paratang sa UN ang diumano’y paboritismo sa mga internasyunal na isyung binibigyang-prayoridad. Halimbawa, mas maraming oras ang inilalaan nito sa tunggaliang Arabo-Israeli. Sa puna ng mga kritiko ng UN, kung mahalaga ang isyu ng ‘national liberation’ bakit mas binibigyang-pansin ang kalagayan ng mga Palestino kesa sa mga Tibetan sa Tsina o mga Kurd sa Iraq na nakikipaglaban din na magkaroon ng sariling lupain.

Akomplisment ng Sangkatauhan
Sa kabila ng mga pag-atake sa saysay ng UN, maituturing na isang akomplisment ng sangkatauhan ang pagsasama-sama ng mga bansa at estado sa ilalim ng isang organisasyon sa halos pitong dekada. Hindi na ito makakatkat na bahagi ng kasaysayan ng sangkatauhan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng lahi at kinaroroonang lugar. Marapat lang na ipagdiwang ang araw nito.

Ang mga nag-aaral sa elementarya ay pinagagawa ng mga watawat ng iba’t ibang bansa ayon sa mapipili o nais gawin. Tinatalakay ang pagkakaiba-iba ng mga bansa sa daigdig magmula sa aspetong heyograpikal hanggang sa kasaysayan at kalinangan.

Nakatutuwa rin ang mga programa. Dadalhin ng bawat mag-aaral ang munting watawat na ginawa sa regular na kuponband na nakakabit sa isang patpat. Madali lang gawin ang bandila ng Pilipinas. Pero hindi puwedeng lahat ay sa Pilipinas ang gagawin. Kailangang may gumawa sa bandila ng US, Tsina, Rusya, at iba pa.

Pambansang Kasuotan
May palatuntunan din sa pagsusuot ng nasyunal na kasuotan ng iba’t ibang bansa. Saka ipaparada sa mga kalsada ang makukulay at magkakaibang disenyong damit na suot ng mga batang pare-parehong kayumanggi ang balat at pango ang ilong.

Hanggang ngayon ay ginagawa pa rin ang mga nasabing palatuntunan. Nakatutuwang pagmasdan ang mga batang nakasuot ng ternong-Amerikana, sari ng mga Indiyan, sarong ng mga Indones, at siyempre ang pambato ng mga Pinoy na barong-Tagalog para sa lalaki at baro-saya para sa babae. May isang bata na gustong magsuot ng istilong ‘jejemon’ pero pinagpaliwanagan siyang walang nasyon na pambansang kasuotan ang jejemon o maski na ang hip-hop.




Archives