October 15, 2010
(National Boss Day)
Kung may araw para sa mga karaniwang empleyado at trabahador, may araw din para sa mga amo. Isa na marahil ang mga Filipino sa lahing may pinakamaraming ginagamit na katawagan sa ‘boss’. Amo, boss, bosing, tsip, hepe, at manedyer ay ilan lang sa mga ito.
Tawag Ayon sa Edad at Gawain
Mahilig ang mga Filipino sa paggamit ng “sir” kapag lalaki at “madam” o “ma’m” kapag babae bilang tanda ng paggalang. Kapag payak na nakatatanda ay nilalagyan ng “mang” ang pangalan ng lalaki at “aling” kapag babae. Kapag medyo malapit (close) sa isang nakatatandang lalaki ay tinatawag na itong “tatay”; “nanay” kapag babae. Kapag naman mga ‘sinyorsitisen’ na ay tinatawag na “lolo” o “lola”.
Sa US ay ‘first name’ at/o ‘nickname’ o palayaw ang tawagan sa isa’t isa anuman ang agwat na namamagitan sa kanila sa isang kumpanya. Kahit bisor mo ay tinatawag mo lang sa palayaw nito. Kahit ang chief executive officer (CEO) ay tinatawag sa pangalan na wala nang anumang idinadagdag pa.
Ganundin pagdating sa propesyon. Manggagamot, inhinyero, abogado, o anuman ang propesyon ay tinatawag sa palayaw ng mga asosyeyt at malalapit na kaibigan. Ang paggamit ng ‘dok’ o ‘eng.’ o ‘atorni’ ay tanda ng distansiyang namamagitan sa gumagamit at ginagamitan ng pangalan. Naglalaho ang formalidad sa sandaling lumawig ang ugnayan sa pagitan nila. Kung pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan ang pag-uusapan, dapat ay tawagin ang sinuman ayon sa trabaho at anuman ang uri ng trabaho. Halimbawa: “Basurero Isko”, “Karpintero Jose”, “Danser Delilah”, “GRO Jane”, atbpa. Ganito dapat sa demokrasya. Ang karapatan ni Juan ay karapatan din ni Pedro.
Sa Pilipinas, ang pagkakadikit ng iyong propesyon ay nasa lahat ng oras at lugar. Na parang ang iyong propesyon ay isang bakod na permanenteng naghihiwalay sa iyo sa ibang mamamayan. Kaya naman lalo nang mataas ang ‘bakod’ mo pag ikaw ay isang amo.
Halos isang sakrilehiyo sa Pilipinas kapag ang may-ari ng kumpanya na pinapasukan ay tinawag sa palayaw nito ng kanyang mga empleyado. Subukin ng janitor ng opisina na batiin ang amo niya nang paganito: “Okey ba tayo ngayon, Bitoy?” halimbawang ‘Jovito’ ang pangalan ng amo niya. Baka nasisante siyang wala sa oras. Dapat ay: “Magandang umaga po, sir!” Naroroon at malinaw ang agwat sa pagitan nilang dalawa.
Katutubong Kultura at Kolonisasyon
Bunga ng mahigit tatlong daang taon ng pananakop ng mga Kastila ay nadagdag pa ang mga tawag na “don” at “donya” at “senyor” at “senyora”, na may pahabol pang “senyorito” at “senyorita” para sa mga amo ng mga kasambahay o sinumang naninilbihan sa bahay ng isang pamilya kaparis ng tsuper, kusinero, hardinero, at kung ano-ano pa.
Mapapansin na sa katutubong kulturang Pinoy, ang “mang” sa lalaki at “aling” sa babae ay ginagamit bilang tanda ng paggalang sa lalaki at babae sa payak na salik ng edad at wala nang iba. Ginagamitan ng dugtong sa pangalan ang isang tao dahil sa siya ay nakatatanda at hindi dahil sa siya ay mayaman o may mataas na pinag-aralan.
May sari-sarili ring identidad ang ibang bansa at kultura. Sa Inglatera, ang “sir” ay hindi basta idinurugtong sa pangalan bagkus ay bunga ng antigong tradisyon na ginagawaran ng “knighthood” ng Hari o Reyna ang isang mamamayan bunga ng naiambag sa pag-unlad ng kaharian ito man ay sa larangan ng pakikidigma, ekonomiya, agham, o sining.
Sa establisimyentong militar, may naiibang gamit ang “sir” at ma’m”. Esensiyal sa organisasyon ng mga sundalo ang pagkilala at paggalang sa herarkiya kaya ang identidad ay nakasalalay sa ranggo ng bawat kasapi. Sinasaluduhan mo ang nakatataas na ranggo sa iyo at sumasaludo sa iyo ang may mas mababang ranggo. Bahagi na ito ng istriktong disiplinang pinaiiral.
Caste System
Sa hanay ng mga payak na mamamayan, sa Pilipinas laluna, parang anomalya ang palasak at kabi-kabilang paggamit ng ‘sir’. Sa magkakaibigan naman, isang pagtuya ang pagtawag ng ‘boss’ at di sa tunay na katuturan nito. Ito’y bunga ng ‘subliminal’ na pagkahirati ng mga Filipino sa pag-iral ng magkakaibang ‘caste’ bago pa man dumating ang mga Kastila. Sa pre-kolonyal na lipunang Filipino ay may kahatian magmula sa angkan ng mga naghaharing uri (lakan, raha, datu, atbpa.) pababa sa mga aliping sagigilid at aliping namamahay.
Gaya sa Roma at ibang imperyo sa antigong panahon hanggang sa panahon ng US, nabuwag ang mga sibilisasyon at sosyedad na may naghaharing uri at mga alipin. Humantong sa diwa ng demokrasya na ang lahat ng mamamayan ay pantay-pantay sa lahat ng karapatan at dignidad. Kabilang ang mga Filipino sa mga unang Asyano na maagang nakaunawa sa demokrasya na pinatutunayan ng mga sulatin ng mga bayaning sina Rizal, Bonifacio, Jacinto, at marami pa.
Ang Pilipinas sa ngayon, sa pananaw ng mga progresibong tagapagmasid, ay nananatiling isang lipunang iniiralan ng sistemang piyudal na pinatutunayan ng pagkakaroon ng mga pamilyang asendero o haciendero na ang malalawak na lupain ay sinasaka ng mga pamilyang magbubukid na nakatali sa buhay-alipin. Ilang henerasyon na ang dumaan at daraan pa na ang angkan ng mga maylupa ay ‘panginoon’ ng mga pamilyang walang sariling lupa at mananatiling tagapagbungkal ng lupain nila. Maliban kung magaganap ang tunay na pagbabago. Hindi man sa madugong rebolusyon na gaya nang inilunsad ng mga Pranses o Ruso bagkus ay sa mapayapa subalit sinserong repormang agraryo na ang mga magsasaka ay magiging ‘boss’ sa halip na alipin ng lupang sila ang nagsasaka.
Ang paksa natin ay ‘Araw ng mga Amo’ kaya dapat ay pabor sa mga amo sa halip na kontra sa kanila ang maging tono ng ating artikulo. May kasabihan na ang marami sa mga amo ngayon ay mga dati ring karaniwang manggagawa na naging amo dahil nagtrabaho nang doble kesa sa mga kasamahang manggagawa. May basihan din naman ito. Marami ang halimbawa ng mga ‘self-made’ na tao.
Sa US ay napakahaba ang listahan ng mga tao na may totoong kuwento na ‘dating basahan na naging mayaman’ dahil sa pagsisikap. Bahagi ito ng mito ng ‘American dream’ na nabubuhay pa rin sa puso ng nakararami. Pero bakit hindi pausuhin ang katumbas nitong “Pangarap-Pinoy” (“Filipino dream”) na imbis na sa Amerika ay sa Pilipinas magkakaroon ng katuparan? Mahaba rin ang listahan ng mga nasa Pilipinas na mula sa pagiging trabahador ay naging ‘boss’.
Pagiging Amo
Maganda ring linawin natin ang mas malalim na saysay ng pag-abot sa lebel ng isang ‘amo’. Ang pagiging ‘amo’ ay hindi isang payak na paghimas sa sariling bumbunan. May katapat itong ambag sa naging asenso ng bayan at lipunang kinabibilangan. Hindi pagiging ‘boss’ sa pamamagitan ng pagsakay sa kultura ng korapsiyon at mga maling gawi. Huwag kalilimutang kahit mga Mafioso ay may tinatawag na ‘boss’.
Maaalala na noong inagurasyon ni Pangulong Noynoy o ‘P-Noy’ ay tinawag niyang ‘boss’ ang mga mamamayan. Iyo’y isang payak na retorika sapagkat alam nating sa demokrasya’y talagang nasa taumbayan ang kapasyahan sa tatahakin ng bansa na ‘prerogatibo’ ng isang amo. Ang kamalayan dito ng mga mamamayan ang higit na dapat paangatin ng mga lingkod-bayan na tulad ni P-Noy.