October 8, 2010
Hindi pa man daw nahahalal si Pangulong Noynoy o ‘P-Noy’ ay nakapagpahayag na siya sa di iilang pagkakataon na sinusuportahan niya ang mga hakbanging naglalayon na malunasan ang lumolobong populasyon ng Pilipinas. Sa panahon pa ng kampanya ay naisaad na niya ang pagpanig maging sa kontrasepsiyon (contraception) at/o artipisyal na pamamaraang makapipigil sa pagbubuntis. Na bilang polisiya ay kontra sa doktrina ng Simbahang Katoliko.
Sa kabila ng nasabing pananaw, masugid na sinuportahan ng Simbahan ang kandidatura ni P-Noy. Na inaasahan na rin naman. Magmula pa sa ama niyang si Senador Ninoy hanggang sa inang si Pangulong Cory, ang Simbahan ay malapit nilang kakampi. Ipinagmamalaki rin ng Simbahan na naging tapat na tagasunod nito ang mga magulang ni P-Noy.
Ang pagbibigay-diin ni P-Noy kamakailan sa paninindigan niya sa isyu ng oberpopulasyon ay anupa’t isang kumpirmasyon lamang ng mga nasabi na niya sa panahon ng kampanya.
Excomunicacion
Kaugnay nito’y nagsalita si Obispo Nereo Odchimar ng Tandag, Surigao del Sur, at pangulo ng Kumperensiya ng mga Obispong Katoliko ng Pilipinas o Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na maaaring maging excomunicado si P-Noy ng Simbahan kapag itinuloy ng administrasyon niya ang pamamahagi ng mga kontraseptibo bilang bahagi ng programa nito.
Ang ‘excomunicacion’ (excommunication) ay isang sinauna subalit pinaiiral pa ring pamamaraan ng Simbahang Katoliko bilang pagharap sa isang kasapi sa relihiyon na lumabag o may ginawang taliwas sa ipinag-uutos ng nasabing Simbahan. Magbababa ng proklamasyon ang Simbahan na ang lumabag na miyembro ay hiwalay na o wala nang kaugnayan sa Simbahan at bunga nito’y hindi na maaaring sumali sa alinmang seremonya gaya ng pangungumunyon. Dalawa ang uri ng excomunicacion. Ang una ay ‘ferendae sententiae’ na hatol ayon sa paglilitis ng hukumang eklesiyastikal (ecclesiastical court) at ‘latae sententiae’ na iglap na ibinababa pag may nagawang paglapastangan sa Simbahan sa mismong oras na iyon.
Sa panahong medival ay kalagim-lagim ang maideklarang excomunicado. Idinudupikal ang mga kampana na tila may namatay, itinitiklop ang Ebanghelyo, at inaalisan ng sindi ang mga kandila. Isinisimbulo na ang kaluluwa nito’y wala nang kaligtasan at nakatadhana na sa walang hanggang apoy ng impiyerno. Tanging paraan upang bawiin ang excomunicacion ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng taos na pagsisisi (repentance). May mga hari noon na matapos maging excomunicado ay handing lumakad nang paluhod tanggapin lang muli ng Simbahan. Bukod sa usapin ng kaluluwa, salik ang pulitikal na impluwensiya ng Simbahan sa mga nasasakupan ng isang pulitikal na pinuno kagaya ng sitwasyon sa Pilipinas sa panahon ng mga prayle.
“Bawat isa sa atin ay pinapatnubayan ng sariling budhi,” ito ang sagot ni P-Noy sa banta ng excomunicacion. “Tungkulin ng estado na bigyang-edukasyon ang bawat mag-asawa sa kanilang responsabilidad. Dapat silang bigyan ng asistansiya ng pamahalaan kung kapos sa pamamaraan/resorses at interesado sa mga usapin ng tamang pag-aanak.”
“Sa halip na pagkontrol sa populasyon ng bansa, nararapat tumuon si P-Noy sa suliranin sa korapsiyon at jueteng. Sabay-sabay ang problemang gusto niyang harapin. Dapat matuto siyang magprayoridad,” dagdag na puna ng CBCP.
Reproductive Health Bill
Kaugnay nito, malamang na matuloy na ang ikatlong pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas sa ‘Reproductive Health Bill’. Waring isang mitsa ang pahayag ni P-Noy ng suporta sa pagpapalaganap ng pamahalaan ng impormasyon sa pagpaplano ng pamilya. Pero mahirap mahulaan ang magiging resulta ng botohan, ayon kay Ispiker Feliciano Belmonte.
Pang-12 ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming populasyon. Sa huling bilang ay 94 milyon mahigit na ang mga Filipino at patuloy sa mabilis na pagdami. Nangunguna ang Tsina sa 1.3 bilyon, sunod ang Indiya na 1.1 bilyon, US na 310 milyon, at pang-apat ang Indonesiya na 237 milyon.
Magandang suriin ang istatistika. Ang Espanya na dating kolonyador ng Pilipinas at iba pang bansa ay 46 milyon lang ngayon. Nilampasan na ng Pilipinas ang Biyetnam na ngayon ay 85 milyon na lang. Narito pa ang populasyon ng mga dating ‘superpower’: UK = 62 milyon; Pransiya = 65 milyon; Italya = 60 milyon; Alemanya = 81 milyon. Bawat isa sa mga ito ay lubhang malaki ang populasyon sa Pilipinas ilang dekada lang ang nakararaan at wala pang 20 milyon ang mga Filipino sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Kapansin-pansin ang kaugnayan sa sukat ng bansa at bilang ng populasyon sa kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayan nito. Ang Tsina at US ay halos magsinglaki subalit nasa 1.3 bilyon ang populasyon ng mga Tsino habang 310 milyon lang ang mga Amerikano. Ang Pilipinas, sa sukat ng upain nito kumpara sa bilang ng mga Pinoy ay matuturingang bansang sobra sa populasyon.
Ano ba ang oberpopulasyon? Sa isang pananaw, dapat suriin ang oberpopulasyon hindi sa bilang per se kundi sa kondisyon diumano na ang bilang ng naninirahan sa isang lugar ay lampas sa kakayahan ng nasabing lugar na tustusan nang sapat ang pangangailangan nila.
Isyu sa Oberpopulasyon
Ang mga isyung nararapat harapin sa oberpopulasyon ay kakulangan sa tubig, gatong (fuel), at ibang likas na yaman, pagtaas ng lebel ng polusyon, pagkasira ng kapaligiran, paglalaho ng mga flora at fauna epekto ng pagkawala ng kagubatan, pagkakaroon ng dikit-dikit na mga pabrika na pagmumulan ng mga baktirya, banta ng mga bagong epidemya at pandemya (pandemic), pagkagutom, kahirapan, pagbaba ng life expectancy, paglala ng kriminalidad, masikip na ginagalawan, at hindi malinis na pamayanan.
Ang mga problemang dulot ng oberpopulasyon ay nararamdaman na ng Pilipinas.
Matagal na dapat itong hinarap ng pamahalaan sa halip na pinagpasa-pasahan sa pag-iwas ng mga pulitiko sa mga reperkusyong makaaapekto sa kanilang popularidad. Di maaaring patuloy na pabayaan ang bilis ng paglobo ng populasyon ng Pilipinas. Ito’y isang reyalidad na reyalistikong solusyon lang ang makalilikha ng ‘impact’.
May mga kautusan ang mga pari at ang Simbahang Katoliko na di na pagtatalunan.
Gaya ang aborsiyon na sadyang hindi katanggap-tanggap at lilikha ng lamat sa pundasyong moral ng isang lipunang katulad ng umiiral sa Pilipinas kung gagawing polisiya. Ang binibigyang-diin ni P-Noy ay ang pagpapalaganap ng kaalaman sa ‘pagkontrol’ sa bilang ng magiging anak sa pamamagitan ng pagbibigay ng pamahalaan ng suportang kailangan ng mga mamamayan. Naniniwala tayong hindi mapapasama sa mga opsiyon na ito ang aborsiyon.
Sa pag-aaral, ang oberpopulasyon na dinaranas ng mahihirap na bansa ay lalong lumalala sapagkat walang kamulatan ang mga nasabing bansang tanggapin ang ganitong reyalidad at kumilos upang lutasin. Bilang isang lahi, may sapat na talino ang mga Filipino upang mabatid ang sariling kalagayan. Hindi pa huli para lunasan ang oberpopulasyon nitong bunga ng sagarang pag-aanak ng mga parehang ang karamiha’y naninirahan sa mga pinakamalunos na erya ng bansa.