October 1, 2010
Gitna ng dekada nubenta ang mga panahong mistulang pasyalan lang sa akin ang lalawigan ng Maguindanao. Iyon ang mga panahon na, sa maniwala kayo’t hindi, naging administrative hearing officer ako ng tatlo at kung minsa’y apat na rehiyonal na hurisdiksiyon sa Mindanao ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP na namamahala sa mga piitang panglungsod at munisipalidad sa buong
Pilipinas.
Bagong Hirang na Opisyal
Itinatag ang BJMP noong 1991 sa bisa ng Republic Act 6975 na naglalagay sa mga unipormadong kagawad ng gobyerno na Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at BJMP mula sa ilalim ng Department of National Defense noong panahon ni Marcos patungo sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa panahon ni Cory. Nasa panahon ng transisyon ang mga nasabing unipormadong tanggapan ng gobyerno. Ganunpaman ay hindi maipagpapaliban ang pagpapairal ng tinatawag na makinarya ng administratibong pagdidisiplina. Sa unipormadong serbisyo laluna, ang mga abusado, iskalawag, at pabaya sa tungkulin ay hindi maaaring nawawala Kaya kinakilangan ang mga hearing officer sa BJMP.
Isang dosena kaming naging bagong hirang na mga opisyal, marami’y nasa 20s ang edad, na naitalaga sa Serbisyong Legal ng BJMP. Nagpalabunutan kami kung sino ang idedestino sa bawat rehiyon. Nabunot ko ang Rehiyon 10.
Mula 1994 hanggang 1995 nang naging hearing officer ako ng BJMP sa Rehiyon 10 na may punong tanggapan sa Cagayan de Oro na binabansagang ‘Lungsod ng Ginintuang Pagkakaibigan’. Nang sumunod na taon ay inilagay naman ako sa Rehiyon 11 na may punong tanggapan sa Davao City. Bukod sa Rehiyon 11 ay naidagdag nang lumaon sa hurisdiksiyon ko bilang hearing officer ang Rehiyon 12 na nasa General Santos City (dating Dadiangas) at Autonomous Region for Muslim Mindanao o ARMM na nasa Cotabato City. Sa ilang panahon ay naisali pa sa hurisdiksiyon ko ang Rehiyon 13 na tinatawag na Rehiyon ng Caraga na binubuo ng mga lalawigang Surigao del Norte at del Sur at Agusan del Norte at del Sur.
Tumagal ako nang ilang taon sa pagiging hearing officer na posisyong kailangang-kailangang mapunuan ng aming Byuro sa erya ng Mindanao. Nang lumaon, karamihan sa mga nakasama kong hearing officer ay nagsipagrekwes na ng ibang asayment na itinuturing na mas ‘mahilab’ kesa bilang hearing officer. Sa ganang akin, ikinatuwa ko na rin ang manatili sa Mindanao sapagkat nabighani ako ng kapaligiran nito. Bilang batang Maynila, kaaya-ayang karanasan para sa akin ang paninirahan sa lugar na nangingibabaw pa ang likas na kapaligiran. Sa kabila ng mga panganib at manaka-nakang pangamba, masasabing naging enjoyabol at edukasyunal ang pamamalagi ko sa tinatawag na Lupang Pangako.
Ang mga panahong sinasabi ko, kalagitnaan ng dekada nubenta, ay panahon ng pamumuno sa bansa ni Fidel V. Ramos na bilang dating heneral ay kilala sa pagiging kalmante sa pagharap sa mga seryosong isyung pangseguridad. Si Ramos na binansagang ‘Steady Eddie’ ay nagpairal ng polisiya ng tolerasyon. Iniwasan ng gobyerno hangga’t maaari ang madudugong komprontasyon sa mga armadong pangkat at organisasyon, separatista man o hindi, sa Kamindanawan. Ito ang dahilan kaya sa mga panahong iyon, kumpara sa termino ng ibang mga naging presidente, ay masasabing mapayapa at walang masyadong kaguluhan sa Mindanao.
Abu Sayyaf, NPA, At Iba Pa
Sinabi kong “walang masyadong kaguluhan” sapagkat may manaka-nakang engkuwentro rin sa pagitan ng militar at mga kasapi ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF). Sa mga panahong ito nahedlayn ang mga bandidong Abu Sayyaf matapos nilang salakayin ang Ipil at mula noon ay naging bukambibig na sa pagiging brutal.
Malaking siyudad ang Davao na ipinagmamalaki ng mga Davaoeno na kung sakop na lupa ang pagbabasihan ay pinakamalaking lungsod sa buong mundo. Nang mga panahong iyon ay wala pang isang milyon ang populasyon ng Davao City. Wala pang paliparang pandaigdigan. Pinakamalaking shopping mall ang Victoria Plaza sa Bajada. Marami nang unibersidad at pagamutan noon pa man.
Walang kaugnayan sa anumang usaping Islamiko o kilusang separatista ng mga armadong organisasyong Muslim ang higit na seryosong problemang madalas isalaysay ng matatandang taga-Davao. Banta ng kumunismo ang may matinding ‘impact’ sa kaayusan ng Davao sa panahon ng rehimen ni Marcos hanggang sa mga unang taon ng panunungkulan ni Cory. Sariwa pa ang mga alaala sa mga taga-BJMP na mga dating PC (Philippine Constabulary) at/o napabilang sa mga operasyon ng field force sa tinatawag noon na unified command sa ilalim ng DND. Ligtas lang daw hangga’t nasa loob ng Camp Catitip-an. Parang ang hirap paniwalaan na may panahong kailangan pa ang armored personnel carrier upang ligtas na makapaglakbay ang isang opisyal kahit sa loob mismo ng lungsod. Na ang distrito ng Agdao ay pinalitan na ang pangalan sa ‘Nicar-Agdao’ bilang balbal sa “Nicaragua”.
Mula sa pagiging mayoryang puwersang katunggali ng gobyerno sa Davao ay naging insignipikante ang New People’s Army bunga ng malawakang paghina ng impluwensiya ng kumunismo sa buong mundo matapos mabuwal ang Unyong Sobyet noong 1989 at pagtutulungan na rin ng mga taga-Davao na makamit ang kapayapaan sa kanilang siyudad. Naging mabangis na alkalde si Rodrigo Duterte laban sa kriminalidad.
Nasa Ma-a ang Davao City Jail na kasama sa mahigit isang ektaryang compound ang tanggapang rehiyonal ng BJMP sa Rehiyon 11. Dito ako palaging nakabase. Nawawala lamang sa loob ng isang linggo kapag nagtutungo sa General Santos City o sa Cotabato City o sa Maynila.
Gensan
Hindi kalayuan ang General Santos City sa Davao City. Humigit-kumulang sa apat na oras ang biyahe. Kilala ang Davao sa mga restawran na may putaheng tuna ngunit ang tuna ay sa Gensan galing. Kumpara sa siyudad ng Davao ay napakaliit ng Gensan na ipinangalan mula kay Heneral Paulino Santos ng Tarlac. Pero maraming pasilidad pang-isports. Taong 1996 nang maging venue ito ng Palarong Pambansa.
Nilalakad ko ang kabuuan ng siyudad. Minsan, nakita ko ang isang binatilyo, siguro ay 12-taong gulang, na nagdya-jogging sa oval. “Ang sipag mo!” Nasabi ko. “Kailangan po sa resistensiya,” anang binatilyong may maamong mukha at likas na ang pagngiti. Magbubuhat pa raw siya ng paninda sa palengke maya-maya. ‘Kako’y ba’t nagpapagod pa siya’y magtatrabaho pa pala siya. Gusto niya raw kasing maging isang boksingero.
Isang naging obserbasyon ko na boksing ang pinakapopular na isports sa Mindanao. Hindi ang basketbol na gaya sa Luzon. Kahit sa Cagayan de Oro, Agusan, o Surigao ay umaapaw sa mga tao ang arena kapag may boksing. Boksing lang bukod sa sabong ang nakapupuno sa arena. Kaya kabilang sa pinupuntahan namin noon ang mga arena tuwing may boksing tuwing may hinahanap na mga puganteng bilanggo. Sa maraming binatilyong taga-Mindanao, isang susi ang boksing upang matakasan ang kahirapan.
Tinanong ko ang pangalan ng 12-taong gulang na lalaking taga-Gensan na gustong maging boksingero na bagaman mababakas sa kaanyuan ang hirap na pinagdadaanan sa buhay ay likas na maamo ang mukha.
“Manny, sir.” Tugon ng binatilyo.
Nasanay na akong alamin ang buong pangalan ng bawat taong nakikilala kaya itinanong ko pati ang apelido niya.
“Nakakahiya, sir,” napakamot-ulo ang binatilyo. “Parang sa palengke kasi ang apelido ko. “Parang…’yun bang kinukuha na ang lahat-lahat nang paninda…”
“Okey lang, Manny. Ano ang apelido mo?” Giit ko.
“Bulto po. Manny Bulto.”