ShareThis

  ESTADO

Pribilehiyo at Kolehiyo


by Fermin Salvador.

Sept 24, 2010
Kinilala ng ika-108 Kongreso ng Estados Unidos noong 2003 ang Setyembre bilang “Buwan ng Pag-iimpok para sa Kolehiyo” (“College Savings Month”). Bago ito, sinimulan ng College Savings Plan Network ang pagsasagawa ng mga palatuntunan na humihikayat sa lahat laluna sa mga magulang na maghanda para sa pag-aaral sa kolehiyo ng kanilang anak. Ang inisyatiba ng nasabing network ay sinundan ng pagdedeklara ng mahigit 40 estado sa kani-kanyang hurisdiksiyon na ang Setyembre ay tatanghaling “College Savings Month”.

Makapagtapos ng kolehiyo ang anak, ito ang pangarap ng sinumang magulang. Sa pagtatapos ng kolehiyo ng anak ay nadarama ng bawat ina at ama ang tugatog ng tagumpay ng kanilang kakayahan na maipagkaloob ang pinakamalaki at pinakamahalagang bagay na maipamamana sa anak at ito ay ang edukasyon.

Edukasyon Bilang Susi sa Pag-unlad

Edukasyon ang karaniwang susi sa pag-unlad ng buhay ng isang tao. Sa mga dukha, edukasyon ang inaasahang mag-aahon sa kahirapan. Sa mayaman, sinusukat sa pamamagitan ng natamong edukasyon ang pagkalubos ng kaangatan ng istatus nila sa lipunan. Isang bagay na hindi nakikita, di naisusuot o nakakain, di naibebenta o naisasangla, pero ‘big deal’ sa alinnmang bansa ang edukasyon.

Sa Pilipinas, maraming magulang ang literal na ginagawang araw ang gabi para mapag-aral lang ang anak sa kolehiyo. May mga nagbebenta ng lupain. May magulang na nagiging OFW para tiyaking magkakaroon ng magandang edukasyon ang anak. Bukod sa ang diploma sa kolehiyo ay itinuturing na isang ‘yaman’ na maipamamana ng magulang sa anak, ang pagtatapos ng kurso ay isa ring imbesment (investment) ng isang pamilya.

May bentaha sa isang pamilya ang pagkakaroon ng miyembro na halimbawa’y isang manggagamot, manananggol, kontador (accountant), inhinyero, arkitekto, nars, guro, o anumang propesyon. Ang halagang nagugol sa pagpapaaral ay isang imbesment na sa maraming paraan ay makapagbabalik-puhunan.

Kung may accountant sa pamilya ay may libreng masasanggunian sa mga usaping kaugnay ng pagbubukas o pagpapatakbo ng negosyo. Ganundin kung may manggagamot o manananggol. O isang eksperto sa pagpoprograma ng computer. Bawat ekspertisya ng miyembro ay pakikinabangan ng lahat ng kamag-anak sa isang angkang buo at nagtutulungan.

Dumako naman tayo sa kahalagahan ng mga propesyonal sa isang estado o bansa. Ang hanay ng mga mamamayang nakapagtapos ng pangmataas na kaalaman (higher learning) ay mahalagang salik sa pag-asenso ng isang nasyon. Nananangan sa prinsipyong ito ang US kaya binibigyang-prayoridad ang mga polisiya na humihikayat sa mga kabataan na magpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo makatapos ng hayskul. Hindi sapat ang hayskul lamang bagaman natututuhan dito ang mga batayang kaalaman sa agham at sining. Mahalaga ang pagkakaroon ng espesyalidad sa isang tiyak na larangan na makakamit sa kolehiyo.

ISAC at MAP

“Karapat-dapat ang ating mga anak sa pinakamagandang kinabukasang maaari nating maibigay,” pahayag ni Andrew Davis na Executive Director ng Illinois Student Assistance Commission (ISAC). “Kinakailangang simulan ng bawat pamilya ang pag-iimpok para sa pagkokolehiyo ng kanilang mga anak. Matutulungan sila ng mga programa ng estado tulad ng ‘College Illinois 529 Prepaid Tuition Program’. Hindi gaya ng ibang college savings plan, ito’y isang kontrata sa pagitan ng mga mamamayan at sa estado ng Illinois.”

Ang college savings plan ay isang paraan ng pagseguro ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay may halagang magagamit pagdating ng panahong kailangang tumungtong na sila sa kolehiyo. Sa Pilipinas ay napaulat noon ang balita tungkol sa pagkabigo ng College Assurance Plan o CAP na isang pribadong kumpanya na maibigay ang halagang pangmatrikula ng mga estudyante ayon sa kontrata o ‘college plan’ ng binayaran ng magulang ng mga ito. Kinapos diumano ang pondo ng

CAP na matugunan ang mga obligasyon. Sa madaling-salita ay nalagay sa alanganin ang pag-aaral ng maraming kabataang nagkokolehiyo o magkokolehiyo pa lang. Para sa mga magulang na naapektuhan, wala nang mas masaklap kundi ang makitang hindi makapag-aaral ang mga anak sa kabila ng pagseguro sa matrikula nila. Hindi lamang salapi ang sangkot sa nangyari kundi ang katuparan ng mga pangarap para sa anak nila.

Malaking bagay din ang asistansiya ng gobyerno sa pagkakaroon ng mataas na edukasyon ng kabataan sa hurisdiksiyong nasasakupan. Nabanggit na natin na ang edukasyon laluna ang adbans (advance) na uri ay isa ring imbesment sa pag-asenso ng bayan sa hinaharap. Kaya may Monetary Award Program (MAP) ang estado ng Illinois na naglalayong mapataas ang bilang ng mga Ilinoyan (Illinoian) na may ‘post-secondary credential’ o ‘degree’ na makatutulong sa pagkakaroon ng higit na oportunidad sa personal na pag-unlad, makadagdag sa ‘work force’ na kinakailangan sa hinaharap, at makatulong sa pagpapalago ng ekonomiya.

Natutulungan taun-taon ng MAP ang umaabot sa mahigit sa isandaan libong mag-aaral na matupad ang pangarap na makapagkolehiyo. Samantala, batid ng lahat ang malaking suliraning pambadyet ng estado ng Illinois kaya napipilitan ang MAP na tanggihan ang libo-libong aplikasyon sa kakapusan ng pondo.

Hindi man matutulungan nang pinansiyal ang lahat ng aplikante, ipinapayo ng ISAC sa mga estudyante na kumpletuhin ang FAFSA (Free Application for Federal Student Aid) para sa 2010 – 2011 upang maging kuwalipikado sa ‘federal grants’ at ‘subsidized loans’.

Makatutulong din ang College Illinois 529 Prepaid Tuition Program upang matiyak ng mga magulang ngayon pa lang ang pondo sa edukasyon sa kolehiyo ng mga anak sa darating na panahon. Responsable ang ISAC sa pangkalahatang pamamahala ng programang ito ng estado ng Illinois.

‘Ugaling Manana’ at Payo ni Gat Rizal

Sa Pilipinas ay hindi kinikilala ang Setyembre bilang ‘College Savings Month’. Iba ang paraan ng mga magulang na Pinoy sa pagtiyak sa edukasyong pangkolehiyo ng mga anak. Hindi ganap na nakabaon sa kultura natin ang pag-iimpok nang maaga.

May tinatawag daw ang mga Pinoy na “ugaling manana” na ipinagpapabukas ang maraming bagay sa halip na gawin na ito o paghandaan na ito ngayon pa lamang. Saka na iisipin ang pagpasok sa kolehiyo ng anak pag magtatapos na sa hayskul na parang ang gastusin sa kolehiyo ay maliit na halaga na maipupundar sa isang iglap lang. Hindi rin nakatulong upang mabago ang ugaling ito sa naging karanasan sa mga kumpanyang gaya ng CAP na kahit may isinuksok ay walang nadudukot sa bandang huli. Samantala, walang patid sa pagtaas ang halaga ng matrikula sa mga unibersidad.

Hindi mababale-wala ang kahalagahan ng edukasyon sa kabataan upang matiyak ang magandang kinabukasan hindi lang sa personal na buhay nila bilang bagong henerasyon kundi sa magiging kalagayan ng lipunang ginagalawan at bansang kinabibilangan. Sinabi ni Gat Jose Rizal na ang kabataan ang ‘pag-asa ng bayan’.

Totoo lang ito kung sila’y mapagkakalooban ng hustong edukasyon na magagamit hindi lang sa pag-asenso ng sarili kundi sa pagpapaunlad ng bayan. Sa huli, ang edukasyon ay hindi isang pribilehiyo para sa iilan kundi isang karapatan para sa lahat sapagkat ang tungkuling mapaunlad ang bayan ay nakaatang sa lahat ng mamamayan nito na may pantay-pantay na oportunidad na matuto.




Archives