ShareThis

  ESTADO

Bisikleta ang Kailangan


by Fermin Salvador.

Sept 12, 2010

May isang ‘urban legend’ sa Pilipinas noong kapanahunan ng batasmilitar na may isang komedyante diumano na tinudyo ang islogan ng pamahalaan na ganito ang isinasaad: “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.” Ganito raw ang sinabi ng komedyante: “Sa ikauunlad ng bayan, BISIKLETA ang kailangan.” Nagngitngit ang mga operatiba ng rehimeng Marcos at ipinadakip ang nasabing komedyante at pinagbisikleta maghapon sa loob ng Kampo Crame (o kung saang kampo) bilang parusa.

Sa ilalim ng pinaiiral na diktadura, ang ibig sabihin ng ‘disiplina’ ay bulag na pagsunod sa anumang sabihin ng pamahalaan. Napakalawak ng depinisyon ng salitang ‘disiplina’ at sa sobrang lawak ay saklaw nito ang lahat ng paggalaw at pag-iisip ng isang tao, o buong lipunan, o buong estado. Sa sobrang lawak din ng ibig sabihin nito’y naging malabo kung ano ba talaga ang ibig tukuyin.

May Disiplina sa Bisikleta

Mas simple pang di hamak ang ibig sabihin ng ‘bisikleta’ kesa sa ‘disiplina’ at kung bakit kailangan ito (bisikleta) para sa “ikauunlad ng bayan”. Bagaman hindi natin ibig i-demote ang saysay ng ‘disiplina’ sa asal at gawi ng mga mamamayan bilang salik sa pag-asenso ng isang bansa.

Isa na ang bisikleta sa pinakamahalagang imbensiyon na bumago sa sibilisasyon ng sangkatauhan. Sa unang tingin ay parang napakasimple lang nito: dalawang gulong na pinagdurugtong ng kadena, pedal, manibela, batalya (tawag sa katawan), upuan, preno, at presto: isang sasakyang kayang ikutin ang isang lupalop nang higit na mabilis sa paglalakad, walang inaabusong hayop, at walang ginagamit na gas.

Ganap na nasapawan ang paggamit ng bisikleta matapos simulan ni Henry Ford ang inobatibong asemblilayn ng mga kotse na nagbunga ng maramihang produksiyon nito na humantong naman sa pagbaba ng presyo ng bawat yunit. Maraming mamamayan ang nagkaroon ng sariling kotse na naging pangunahing pamamaraan ng transportasyong panglupa pangalawa sa perokaril.

Nang lumaon, ang bisikleta ay itinuring na parang laruang angkop lamang sa mga bata at sa paglilibang sa halip na importanteng pamamaraan ng mobilidad sa lupa. Nabale-wala ang tunay na kahalagahan nito. Saanmang bansa sa mundo, ang tuon ng paningin ay sa mga kotseng magara. Sukatan ng kaunlaran at pagiging progresibo ng isang bansa ang kakayahang magluwas ng kotse. Dati ay sa US, Hapon, at mga bansa sa Yuropa lang nanggagaling ang mga maaangkat na kotse. Sumunod ang Timog Koreya, Indiya, Malaysiya, atbpa. Lahat ng bansa ay nais maging tagagawa ng kotse. Samantala, ang petrolyo na pinagmumulan ng gatong na pangunahing nagpapatakbo sa mga behikulo ay hindi gaya ng tubig na hindi nauubos. May tiyak na deposito lang nito sa ilalim ng lupa na kapag nasimot na ay wala nang susunod pa.

Epekto ng Gamit ng Petrolyo

Hindi pa man nauubos ang deposito ng petrolyo sa ilalim ng lupa ay natuklasan na rin ang masamang dulot ng walang habas na pagbubuga ng usok ng sinusunog na karbon at ibang gatong sa atmospera. Binabalutan nito ng maitim na lambong ang atmospera na dahilan upang ang init mula sa araw na tinatanggap ng planeta natin ay hindi makaalpas at manatili rito na prosesong tinatawag na “global warming”. Epekto ng global na paginit sa isang banda ay ang pagkalusaw ng milya-milyang kapal ng yelo sa North at South Pole na magpapataas sa tubig sa karagatan at magpapalubog sa maraming isla na gaya ng bumubuo sa Pilipinas.

Milyon-milyong bariles ng petrolyo ang kinokonsumo ng sangkatauhan kada araw. Marami rito ay ginagamit bilang panggatong sa mga planta at behikulo. Daandaang milyon ang bilang ng mga behikulo sa buong mundo na ang bawat isa ay nagbubuga ng carbon monoxide na isa sa mga “greenhouse gas”.

Hindi maipapayong paatrasin ang sibilisasyon ng sangkatauhan at itakwil ang modernong teknolohiya, isa na ang tinatawag na “internal combustion” na prinsipyo sa pagpapatakbo ng mga sasakyang panlupa. Subalit aminin ding naaabuso ng tao ang pagdepende sa mga makina na ang paggamit ay kadalasang sumisira sa kalikasan.

Maisisisi rin ang kasalukuyang pagkamihasa sa pagsandal sa mga makina gaya ng kotse sa pagsilang ng kultura ng pagiging materyalista na sinusukat ang pagkatao sa mga materyal na bagay na tinataglay gaya ng malaki/magarang bahay, mamahaling kasangkapan, dami ng alahas, at siyempre pa sa uri ng kotseng ginagamit.

Kapakanan ng Nesesidad

Umimbento ang mga ninuno natin noong araw para sa kapakanan ng nesesidad. Nitong huli, ang layunin sa pag-imbento ng mga bagay ay nauwi sa pagbibigay-diin sa kaibahan ng ‘lifestyle’ ng may pera at wala. Sa madaling salita’y punto-de-bista ng komersiyalismo ang naging pangunahing motibasyon.

Libo-libo, o maaaring milyong tao, ang may kakayahan upang bisikleta ang gamitin sa halip na sasakyang de-motor para sa malapitang paglalakbay. Ilang milyong bariles ng petrolyo ang matitipid kung gagawin ito ng milyon-milyong tao sa buong mundo? Maigi rin sa kalusugan ang pagbibisikleta. Isinisisi sa sagarang pagdepende sa kotse ang lumalalang problema ng pagtaba (obesity) kakambal ng pagkahumaling sa maling uri ng pagkain. Reyalidad ito laluna sa US.

May ilang siyudad sa US na itinuturing na kabilang sa mga nangungunang ‘biker-friendly’ sa mundo sa pagkakaroon ng kumpletong daanan para sa mga nagbibisikleta. Napasama sa talaan ang Chicago. Sa mga metropolis na milyones ang populasyon, karaniwan nang nalalagay sa peligro ang mga nagbibisikleta sa sobrang siksikan ng mga behikulo lalo at

walang sapat na daanan para sa mga bisikleta. Maraming motorista ang madalas silang pagbalingan at sila ang ginigitgit para lang makaabante. Kaya nararapat ding magkaroon ng mga lehislasyong nagpoprotekta sa mga nagbibisikleta laban sa mga abusadong motorista sa mga abalang lansangan. Nararapat ipakita na ang paggamit ng bisikleta ay binibigyang-pabor sa halip na hayaang mawalan ng gana ang mga taong gumagamit nito.

Proteksiyon sa mga Siklista

Pinirmahan kamakailan ni Gobernador Pat Quinn ng Illinois ang Panukalang Batas ng Senado Bilang 2951 na nagbabawal sa mga drayber ng behikulo na gitgitin ang mga nagbibisikleta sa alinmang kalsada sa estado ng Illinois. Sa ilalim ng batas na ito, isang ilegal na gawain ang paggitgit ng mga kotse sa sinumang nagbibisikleta. Layunin ng batas na ito na tiyakin ang kaligtasan ng mga taong pinili ang pamamaraan ng pagbibisikleta o bisikleta ang tanging paraan ng pagbiyahe at paglalakbay sa mga daanan sa estado.

Sa ilalim din ng batas na ito ay dinagdagan ang parusa sa sinumang magtatangkang manakit o magbanta sa mga nagbibisikleta. Ipinagbabawal ang manggitgit, manakot, magbanta, mambato o mga katulad na opensa sa mga nagbibisikleta. Ang drayber ng behikulo na mapatutunayang lumabag dito ay sasampahan ng “class A misdemeanor” na may kaparusahang hanggang isang taong pagkabilanggo at/o pagmumulta ng $2,500.




Archives