ShareThis

  ESTADO

Mensahe sa Paglulunsad ng “Ipuipo sa Piging”


by Fermin Salvador.

Sept 3, 2010

(TALA: Nagkaroon ng matagumpay na pormal na paglulunsad ang aklat-antolohiya ng mga tula na pinamagatang “Ipuipo sa Piging” (“Whirlwind to the Feast”) noong gabi ng ika-23 ng Agosto sa 70s Bistro sa Quezon City. Bukod sa mga kontributor sa aklat na dumalo, dumagsa ang mga tao sa paglulunsad sa kabila ng masamang panahon. Bilang isa sa mga pabliser at may orihinal na ideya sa konsepto ng nasabing libro, nagpahatid ako ng pahayag na binasa sa programa ni Noel Sto. Domingo na isang aktor sa mga ‘indie’ movies. Narito ang aking pahayag sa okasyong iyon.)

Ikinahig-manok ko ang pariralang “ipuipo sa piging” sa blangkong papel na itinupi nang hanggang kasya sa bulsa sa bandang likuran ng pantalon ko. Nakagawian ko na iyon sapul pa noong nag-aaral sa kolehiyo at hanggang sa naging isang propesyonal o bayarang manunulat ako sa isang pasulatan na ang may-ari ay nabibilang sa isa sa mga tinatawag na ‘old rich’ sa negosyo ng paglilimbag sa Pilipinas at naging ‘iconic’ matapos makatulong nang malaki sa pag-akyat ni Pangulong Cory sa Palasyo ng Malakanyang. Nagdadala ako, o kailangang magdala ako, ng pirasong papel sa bulsa para maging iglap na talaan ng anumang maiisip na kakaiba sa buhay ko noon na wala namang kakaiba maliban sa pagiging batang manunulat.

Kapirasong Papel

Kung pagbabalikan ang mga panahong iyon, bakit ko nakaugaliang magdala ng kapirasong papel sa bulsa, masasabing masuwerte na at sa pamamagitan ng ‘malikhaing pagsusulat’ ay napanatili kong magkasama ang katawan at kaluluwa sa isang banda at kamalayan at edukasyon sa isa pa.

Nanggaling ako sa maralitang pamilya. Isinilang ako sa Ospital ng Fabella sa Maynila na ang bawat ina ay may ilang minutong taning lamang upang magluwal ng anak. Talikuran ang gusaling ito at ang Manila City Jail. Parang pahiwatig na mula sa Fabella ay tutuloy na sa piitan ang sanggol paglaki nito.

Nag-aral ako sa mga pinakabulok na paaralang pampubliko sa Maynila. Ang Mataas na Paaralan ng Manuel Luis Quezon ay dating binubuo ng tatlong magkakahiwalay na lumang apartment compound sa Manuguit sa bituka ng Tundo, Maynila. Ngayo’y nasa isang gusali na ito sa Blumentritt na ang silong ay isang ‘public market’.

Walang pagkakataong makatungtong ako sa kolehiyo kung hindi ako naging iskolar ng lungsod ng Maynila. Nagtapos ako ng Bachelor of Science in Education major in Communication Arts in English and Pilipino sa PLM at, bilang lisensiyadong guro, kuwalipikadong magturo sa elementarya man o sa hayskul. Nagtapos din ako ng Abogasya sa Lyceum of the Philippines at halos nakumpleto na ang mga pang-akademikong yunit sa Master of Arts in Teaching sa Emilio Aguinaldo College ngunit hindi ako nakagawa ng disertasyon dahil tinamad akong magsulat.

Magsala-salansan man ang mga diploma mula sa mga unibersidad ay parang isang kakaibang pangitain na humahalo rito ang isang tinupi-tuping blangkong papel na pinaglalagyan ko ng mga naiisip na kakaiba. Tinutukoy kong ‘kakaiba’ ay mahikal na mga parirala, pagtatambalan ng mga salita na sa haka ko’y hindi pa nagawa, mga iskets na galing sa kaibuturan ng kawalang-kawawaan, at/o buod ng mga gagawing kuwento o sanaysay.

Diploma at Pagkatao

May napala ba ako sa mga diploma? Upang maging matinong tao? Upang maging payak na tao? Upang maging parehas na tao? Doon sa mga kabataang hindi na naniniwala pa sa saysay ng formal na edukasyon, nagkakamali kayo. Edukasyon pa rin ang nagbibigay ng malaking porsiyento ng kasiguruhan, sa anumang panahon, na mapanatiling magkasama ang katawan at kaluluwa. Bagaman alam ko, na ipamumukha ninyo, na maraming edukadong nasunod ang layaw ng katawan at naging marangya ang buhay, subalit wala na ring kaluluwa. Edukasyon din ang magtuturo sa inyo na hindi palaging salik ang kaluluwa sa mga pagtutunggalian sa mundong ito.

Nabanggit ko ang pagtutunggalian. Isang bagay na hindi nararapat alisang-saysay ng edukasyon ang ningning ng pakikipagtunggalian. Kung ibinigay sa iyo ng edukasyon ang oryentasyon at/o pananaw na ang pamumuhay nang panatag ang lohikal na hantungan mo mula sa campus, natutuhan mo ang maraming bagay sa klasrum, na hindi alam ng nakararami subalit ipinagpalit mo ang iyong katauhan, ang iyong kalayaan, at higit sa lahat ay ang kaluluwa mo.

Walang kabuluhan ang edukasyon na hindi naglalapat sa kamalayan ng kahalagahan ng pakikipaglaban para sa mga bagay na lampas sa sariling interes at kasiyahan. Magmula sa mga akdang isinasali sa mga primerang patimpalak hanggang sa pinakasimpleng iskrip sa komiks ay may tunggalian. Kahit walang pasalitang linya, may tunggalian pa rin. Puwedeng puro dibuho lamang ngunit kinakailangang lumitaw ang tunggalian sa serye ng mga larawan.

Tunggalian sa Loob at Labas ng Paaralan

Nakita ko ang mga tunggalian sa loob at labas ng paaralan. Tunggalian sa pagitan ng mga uri sa lipunan. Tunggalian sa mga panlasa. Tunggalian sa pagitan ng diploma at papel na iskrats. Tunggalian sa pananalig.

Mula sa pagiging freelance na manunulat sa komiks na nakapaglathala ng daan-daang aapating pahinang kuwento ay naging legislative staff officer ako sa konsehong panglungsod ng Maynila. Mula sa pakikipag-inuman sa mga sulok ng mga pinakabulok na restawran o birhaws kasama ang mga kagayang kuwentista ng masa na marami ang ni hindi nakatapos ng hayskul ay napasama ako sa mga piging sa mansiyon ng mga patron ng sining kahalubilo ang mga maestro sa kani-kanyang genre at minamani lamang ang pangangalap ng titulong doktorado.

Ito ay sa panahon ng aking kabataan na winakasan ko nang umanib at mapabilang ako sa armado at unipormadong organisasyon sa pamahalaan ng Pilipinas. Naging kumisyunadong opisyal ako. Dumaan sa mid-level na treyning sa mga kampong pangsandatahan na marami sa mga nakasama ay karaniwan na ang pagpatay habang ang mga baguhan ay mga nakahandang pumatay pa lamang.

Nadestino ako sa mga pinakaiiwasang lugar sa tinubuang bayan. Sa lahat nang panahong ito’y hindi ako nawawalan ng kapirasong blangkong papel sa bulsa maong man o fatigue ang suot kong pantalon.

Hindi ko natagpuan ang hanggahan ng tunggalian sa pagsadya sa bawat pugad ng rurok ng karahasan. Sampung taon akong naging manunulat ng masa. Sampung taon akong naging kawal ng bayan. Walang humpay na pag-aaral sa loob at labas ng paaralan. Walang maliw na pagmumunimuni. Walang sawang pagtatala. Palagi, naroroon ang tunggalian.

Agos sa Disyerto

Bakit ko naisip ito? Ipuipo sa Piging. Malinaw ang tunggalian. Ilarawan sa isip ang isang piging. Sa bulwagan, maayos ang paligid. Nasa tamang lugar ang mga palamuti. May puting mantel ang hapag-kainan. Nagsasaya ang mga aninong naririto, manaka-naka’y malalakas ang halakhakan. Nasa anyo nila ang ganap na kapanatagan. May laman ang mga tiyan. May hawak na kopita ng inumin. Bigla, mula kung saan, may ipuipo.

Naalala ko ang librong Agos sa Disyerto na kalipunan ng maiikling kuwento ng noon ay mga kasibulan ding manunulat. Disyerto ang nakita nila sa paligid na ginagalawan noon. Tiwangwang na lupain, tuyot. Nasagimsim nila ang tubig na nagbibigay-buhay at nagpapaluntian. Dalisay na tubig na nararapat umagos sa naging baog na lunan.

Nag-iiba ang panahon at ang anyo ng paligid. O marahil ay ang pagsipat dito at katawagang iuukol. Ang ‘disyerto’ ay maaari ring ‘bangkete’. Piging ng mga ilusyon. Piging ng kasakiman.Piging ng paglimot. Piging ng pagpikit-mata.

Piging ng kababawan. Piging ng manipulasyon.

Marahil, kagaya ko, ang mga nag-ambag ng akda sa kalipunan na ito ay nasaksihan ang isang kamuhi-muhing piging na nagaganap araw-araw na nararapat gambalain, bulabugin, wakasan. Ipuipo ang nababagay sa piging na paris ng mga nabanggit na paraang biglaan at marahas. Itataob ang mga hapag na nagtatanghal ng kanilang kasibaan, sisirain ang mga huwad at walang saysay na palamuti, hahaplit sa balat nilang mga nagpasasa ang bangis ng nag-aalimpuyong hangin, galing sa labas ng bulwagan.

Kapag nagiba na ang magarang bulwagan na tanghalan ng lahat ng bagay na paimbabaw at ang hungkag na eskaparate ng kagalingan ay masasaksihan ng mga aninong nagkakasayahan na punitpunit na ang kanina lamang ay mga eleganteng saplot. Pagkalipas ng ipuipo, mawawasak na rin ang mga dingding na nagsisilbing birang upang masilayan ang katotohanan. Masisilayan nila, silang mga nagpiging, ang sanlaksang hubo’t hubad, nagugutom, na kapreho nila ang anyo, kapareho ng kulay, kapareho sa hubog ng katawan. Patungo sa kanila. Hindi nila alam ang iisipin . Masisindak sila. Saka sila mabibigla. Lalampasan lamang sila ng mga ito na patuloy sa magiging paglalakbay.




Archives