ShareThis

  ESTADO

Tag-Araw at Pistang Amerikano


Aug 27, 2010

Sa Pilipinas, ang pagsapit ng Hunyo ay nagpapahiwatig ng pagwawakas ng tag-araw.

Balik-Bahay, Balik-Bukid Nagsisimula nang umulan na hudyat ng simula ng pagwawakas ng tagtuyot lalo kung may el nino na lubos na iniiinda ng mga magsasaka at pahirap sa bawat Pinoy saanmang dako ng kapuluan. Kung ang Mayo ay panahon ng mga santakrusan, pistahan, at iba’t ibang anyo ng pagtitipon sa labas-bahay, ang Hunyo ay pagbalik sa normal ng buhay matapos ang bakasyon. Ang mga bata ay nagpapatala sa eskuwelahan na sa buwan ng Hunyo nagbubukas.

Sa mga magbubukid, ihinuhudyat ng tag-ulan ang pagbabalik sa pagbubungkal sa lupa. Sa Gitnang Luzon na binansagang ‘rice granary’ ng bansa ay makikita ang samasamang pagpupunla ng uhay ng mga lalaki, babae, matanda, at bata.

Nagaganap din ito sa lahat ng lalawigang may mga palayan sa buong Pilipinas. Sa simula ay mahihinang pag-ulan hanggang sa isa-isa’y magsisimulang dumating ang serye ng mga bagyo.
Kasunod ng malakas na buhos ng ulan ang pagbaha. Patuloy ang buhay ng mga Pinoy. Ang mga may trabaho ay patuloy sa pagpasok sa trabaho nila. Papasok sa eskuwelahan ang mga estudyante sa kabila ng paglubog ng mga kalye. Sa panahong ito madalas mauso ang iba’t ibang karamdaman. Kabaligtaran ang nagaganap sa US at ibang bansa sa hilagang hemispera. Papataas ang temperatura. Magsisimula pa lamang ang tag-araw (summer) at bakasyong pangtag-araw o ‘summer vacation’. Parang nakawala sa kural ang lahat, paslit at gurang, sa dami ng nais gawin sa labas ng bahay. Magpapahuli ba ang mga organisador ng iba’t ibang ebento?

Panahon ng Tag-araw sa Amerika Opisyal na nagsimula ang tagaraw sa US noong ika-21 ng Hunyo.
Panahon ng ‘Tag-araw’ hanggang ika-22 ng Setyembre. Tatlong buwan na temperatura’y hindi nalalayo sa Pilipinas. Panahon ng pagbibilad sa araw o natural na pagpapa-tan ng mga maputi ang balat. Pawang maiikli ang saplot ng mga tao. Kayhaba ng maghapon. Mula ikalima ng umaga anggang ikasiyam ng gabi o 16 oras na tuloytuloy na maliwanag sa labas ng bahay. Kaya napakaraming puwedeng gawin sa mga lansangan at pasyalan. Waring walang katapusan ang mga kaganapan sa mga lansangan ng Chicago at maging sa mga ‘suburb’ o karatig-siyudad nito. May mga ‘county fair’ at sarisaring pestibal sa publiko at pribadong mga party. Iba-iba ang tema: pagkain, books, blues, bikes, jazz, etc. Ang Sabado ng Hunyo 12, 2010 na nagkataong Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ang marahil ay isa sa pinakamasaya at pinakaabalang araw sa siyudad ng Chicago. Ito ang araw ng pagbubukas ng taunang 2- araw na “Printer’s Row Lit Fest” na itinuturing na pinakamalaking ‘literary event’ sa eryang Midwest ng US.

Ikalawang araw din ito ng pagdaraos ng “Chicago Blues Festival” na pinakamalaking pagtitipon ng mga ‘blues musician’ sa buong mundo. May hang-over sa kampeonato ng Black Hawks. May laro ang Chicago Cubs. Petsa ng turno ng Chicago sa World Naked Bike Ride na isinasagawa taun-taon sa iba’t ibang siyudad sa US at sa buong mundo. Sari-Sari, Sabay-Sabay Nagkasabay-sabay ang mga ebento sa iba’t ibang panig ng Chicago ngunit ang bawat isa sa mga ito ay pinutakte ng mga tao. Kanyakanyang interes at paborito. Ang mahihilig sa isports, nasa mga ‘ball park’. Ang mahihilig sa musika, nasa Chicago Blues Festival. Nasa erya ng Printers Row Lit Fest ang mahihilig sa babasahin.

Akala ko noon ay ‘number one’ na ang Pilipinas sa buong mundo sa paramihan ng idinaraos na pista. Hindi pala magpahuhuli ang ibang bansa gaya ng US at maging ang bawat estado gaya ng Illinois na may ginaganap na mga ‘county fair’ tauntaon.

May kaibahan ang ‘fiesta’ ng mga Pinoy sa ‘festival’ o ‘fair’ ng mga Kano. Sa Pilipinas, ang pista ay may kaugnayan sa parangal sa santo o santa na patron ng isang bayan. Madalas ay may temang panrelihiyon o ritwal ang pista batay sa naging buhay ng patron na ipinagbubunyi. Sinong Pinoy ang di nakaaalam sa Pista ni Santo Nino na ipinagdiriwang sa Tundo, Cebu, Iloilo, at iba pang lugar sa kapuluan? O sa Pista ng Quiapo para sa Banal na Itim na Nazareno? Pamoso rin ang pista ni San Jose tuwing Mayo at San Juan Bautista tuwing Hunyo. Hindi maaaring hindi mapasama sa talaan ang Pista ng Imaculada Concepcion.

Di Relihiyosong Pestibal Sa US, ang mga idinaraos ay mga ‘non-religious festival’. Kadalasang nakaugnay sa isang pangyayaring historikal o kultural na walang panrelihiyong konotasyon bagaman hindi naman ipinagbabawal ang mga may temang relihiyoso kagaya ng pagdiriwang ng araw ni San Patricio na isang Romano-Katolikong santo. Mahirap igawa ng kumpletong talaan ang mga pestibal, pista, at perya maski na sa lungsod lamang ng Chicago na halos linggo-linggo sa buong panahon ng Tag-araw ay may idinaraos na pagdiriwang at pagtitipon-tipon. Bawat tao ay may kanya-kanyang preperensiya. Sumusubaybay ako sa mga interesante sa akin gaya ng literatura, musika, at mga popular na kultura. May ebento rin para sa ibang hilig halimbawa’y aso, pusa, ibon, kabayo, pagsulsi o quilting, paghahalaman, pamamansing, at napakarami pang iba.Ang pista ay kinasasalaminan ng kultura ng isang estado o bayan.

Sa Pilipinas ay nakatuon ito sa panrelihiyong saysay habang sa Amerika ay nakalalamang ang payak na kasiyahang idinudulot ng pagsasama-sama at pagmamasid ng sari-saring mga produkto at pagtatanghal., Para sa mahihilig sa ‘food trip’ ay may “A Taste of Chicago” na santambak ang puwesto (stall) ng iba’t ibang pagkain na ang kakaiba ay maaaring tikman at subukin habang ang mga pamilyar gaya ng hotdog, burger, pizza, at iba pa ay ikumpara ang lasa sa karaniwang nabibili sa mga fastfood.

Randolph Street Festival, Lollapalooza, At Iba Pa May “Randolph Street Festival” na tinatawag ding “A Taste of Randolph” sa Kalye Randolph sa Chicago na naging tanyag sapagkat naririto ang istudyo ni Oprah Winfrey. Naging mistulang ‘tourist spot’ ang harapan ng gusali ng Harpo Studio na may malaking letrang ‘O’ na maraming turista ang nagpapalitrato. Naririto rin ang gusaling boutique ni Oprah. Ngunit bukod sa Harpo Studio, matatagpuan sa Kalye Randolph ang hilera ng mga bar at restawran para sa ‘fine dining’ na ang marami ay espesyalidad ang mga putaheng Griyego at Mediterranean. Tuwing Randolph Street Festival ay isinasara ang malapad na kalsada na pagsapit ng hapon ay umaapaw sa mga ‘partygoer’ na ang malaking porsiyento ay mga lahing Caucasian. Naka-gown ang kababaihan at nakaterno ang kalalakihan na nagsisipagsayawan at nagsisipaginuman sa gitna ng isinarang lansangan na pinalamutian at napuno ng mga puwesto ng mabibiling pagkain, alak, at kung anu-ano pang paninda. May mga bandang tumutugtog. May mga fire dancer, at sari-sari pang palabas.

Ika-6, 7, at 8 ng Agosto ang Lolapalusa” (“Lollapalooza”) sa Grant Park na naging ‘main event’ang nangungunang mang-aawit ngayon na si Lady Gaga at ang bandang Green Day. Tinatayang umaabot sa halos kalahating milyon ang nagpupunta sa Grant Park ng Chicago taun-taon para sa tatlong araw na ‘music festival’ na kinikilalang isa sa pinakapopular, pinakamalaki, at pinakaglamoroso sa buong mundo. Hindi magpapahuli rito ang “Ravinia Festival” sa siyudad ng Ravinia ilang milya lang ang layo sa Chicago sa paramihan ng mga imbitadong musikero/performer at sa bilang ng mga taong nagpupunta tauntaon tuwing Tag-araw.




Archives