ShareThis

  ESTADO

‘Interyor’ ng Estado


by Fermin Salvador.

July 30, 2010

Isa ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal o Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga kagawaran sa pambansang pamahalaan (national government) na hindi maiiwasang maging batbat ng kontrobersiya dahil sa mahalagang papel na ginagampanan ng tanggapang ito sa estado. Nabalitang sa pagka-kalihim ng DILG interesadong maupo si Bise-Presidente Jejomar ‘Jojo’ Binay. Hindi naman kataka-taka ito sapagkat bilang dating alkalde ng lungsod ng Makati ay sa usapin ng pamahalaang lokal ang ekspertisya ni VP Binay.

Sa kabila ng taglay na kuwalipikasyon ay hindi naitalaga si VP Binay na kalihim ng DILG. Naipahayag na ni P-Noy (Pangulong Noynoy) ang magiging gabinete at wala roon si VP Binay.

Puwesto Para sa Bise-Presidente

Di kapartido ni P-Noy si VP Binay. Naging tradisyon nang bigyan ng pangulo ng puwesto sa kanyang gabinete ang nahalal na bise-presidente maski hindi niya ito kapartido katulad ng ginawa ni Pangulong Ramos kay VP Estrada (Presidential Anti-Crime Commission o PACC) at ni Pangulong Estrada kay VP Arroyo (DSWD). Pero ang pamumuno sa DILG ay waring ang uri ng posisyon na hindi basta ipagkakatiwala ng pangulo sa isang tao kung hindi nagtataglay ng buong kumpiyansa niya.

Prayoridad sa pagtatalagang kalihim ng DILG ay mga dating lider ng isang local government unit. Kabilang sa mga dating namuno rito sina Alfredo Lim na naging alkalde ng Maynila at Joey Lina na naging gobernador ng Laguna. Nang naluklok sa Malacanang si Pangulong Estrada ay siya muna ang pansamantalang tumayo bilang ‘concurrent’ DILG secretary na ang undersecretary ay si Ronaldo Puno na naging DILG secretary din nang lumaon sa administrasyon ni Pangulong Arroyo. Hindi ko alam kung ano ang personal na rason ni Erap sa desisyong personal na hawakan ang DILG. O sinuman ang nagpayo nito sa kanya.

Hindi nagtagal ay natuklasan niyang hindi basta-basta ang pamamahala sa isang malaking kagawaran na kaparis ng DILG sa tulad niyang nakaluklok din bilang pangulo ng bansa. Nararapat alalahanin na ang DILG ay hindi tumatalakay lamang sa mga usapin sa mga pamahalaang lokal bagkus ay sa internal din na kaayusan ng bansa. Dalawang malaking responsabilidad ang saklaw ng DILG sa nasyunal na gobyerno. Ang isa ay Pambansang Lokal at ang isa pa ay ang ‘Interyor’.

Kontrol sa Kapulisan

Bilang Kagawaran ng Interyor, nasa ilalim ng DILG ang kontrol sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine Public Safety College (PPSC). Sa madaling-salita ay saklaw nito ang tinatawag na sistema ng katarungang pangkrimen o ‘criminal justice system’ o CJS. Sa pamamagitan ng CJS ay napananatili ng pamahalaan ang kaayusan sa loob ng estado sa pamamagitan ng pagtiyak na ang sinumang lumabag sa batas ay isasailalim sa proseso ng paglilitis. Pangalawa sa mga dating lokal na lider tulad ng mga meyor at gobernador, prayoridad na mamuno sa DILG ang mga may malawak na karanasan at kasanayan sa pagpapanatili ng kaayusan o ‘public safety’. Nahirang din sa DILG sina Robert Z. Barbers na dating pulis-opisyal sa Western Police District (WPD) at Epimaco Velasco na naging direktor ng National Bureau of Investigation (NBI).

Kung ikaw ang kalihim ng DILG, may kontrol ka na sa mga lokal na lider magmula gobernador pababa sa mga konsehal ay may kontrol ka pa sa kapulisan sa buong bansa. Pangalawa lang marahil ang DILG sa Department of National Defense (DND) sa pagiging makapangyarihang kagawaran sa pagkakaroon ng kontrol sa mga sandatahan. Maaaring daig pa ng DILG ang DND sapagkat maging ang mga lokal na lider ay saklaw din.
Kapansin-pansin na noong panahon ng rehimen ni Pangulong Marcos ay walang umiiral na Kagawaran ng Interyor. Sa pagpapairal ng batas-militar, ang lahat ng kagawad ng gobyerno na pinahihintulutang humawak ng sandata kaugnay ng pagtupad sa opisyal na tungkulin ay isinailalim sa Ministri (noo’y “ministri” ang tawag sa mga kagawaran sapagkat parlamentari ang pamahalaan) ng Tanggulang Pambansa o National Defense. Kaya kahit ang kapulisan na tagapagmentina ng kaayusan sa loob ng bansa ay walang ipinag-iba sa mga sundalo na pang-militar ang oryentasyon at pagsasanay.

Pang-aabuso Noong Batas-Militar

Sa mga nasa edad na noong panahon ng batas-militar sa Pilipinas, isa sa mga naaalala nila ang naging pangkaraniwan nang paglabag sa karapatang pantao na ginagawa ng sinumang inarmasan ng gobyerno magmula sa mga sundalong regular at paramilitari hanggang sa mga pulis at pulispulisan.

Sa demokrasya, nararapat na hindi ‘utak-militar’ ang tagapagpanatili ng internal na kaayusan. Subalit paano maiiwasang maging ‘utak-militar’ maging ang mga pulis kung nasa ilalim sila ng Tanggulang Pambansa? Binago ito, o itinuwid, nang maluklok si Pangulong Cory sa presidensiya matapos magiba ang diktadura ni Pangulong Marcos. Nagkaroon ng Republic Act 6975 (An Act Establishing the Philippine National Police Under a Reorganized Department of the Interior and Local Government). Noong panahon ni Marcos, may Ministri ng Pamahalaang Lokal. Nang dumating sa panahon ni Cory, sa halip na lumikha ng bukod na kagawaran para sa Interyor ay pinag-isa na lang ito at ang Kagawaran ng Pamahalaang Lokal ayon na nga sa itinakda ng R.A. 6975. Nakasaad sa R.A. 6975, hango na rin sa probisyon ng saligang-batas, na ang puwersang kapulisan ay gaganap ng tungkulin bilang mga pulis na ang organisasyon at kasanayan ay sibilyan ang karakter at pambansa ang saklaw. Sa ibang sabi, bukod sa paglalagay ng nasabing serbisyo sa tamang lugar nito’y hangarin din ang kanilang propesyonalisasyon sa pagtupad sa tungkulin.

Gat Andres Bonifacio

Batay sa kasaysayan, ang bayaning si Gat Andres Bonifacio ang unang nahalal na maging hepe ng Kagawaran ng Interyor sa rebolusyonaryong gobyerno ng Pilipinas sa ilalim ni Heneral Emilio Aguinaldo bilang pangulo. Nahalal, sapagkat sa ginanap na Kumbensiyon sa Tejeros, Cavite, ay nagpasya sa pamamagitan ng botohan ang mga kasapi ng Katipunan na naroroon nang araw na iyon sa magiging liderato ng itatatag nilang rebolusyonaryong pamahalaan. Batid na natin ang sumunod na naganap. May kumontra na isang maka-Magdalo (suporter ni Aguinaldo) na pamunuan ni Bonifacio ang Interyor. Humantong sa alitan ng dalawang pangkat na maka-Magdalo at maka-Magdiwang (panig kay Bonifacio). Nagwakas ito sa pagpatay kay Bonifacio ng mga maka-Magdalo. Sa pagkuwestiyon ng maka-Magdalo sa pagkahalal ni Bonifacio upang mamuno sa Interyor ng pamahalaang rebolusyonaryo ay luminaw ang paksiyon sa pagitan ng Magdalo at Magdiwang. Makapangyarihan ang posisyong Direktor ng Interyor at maaaring maging banta sa liderato ni Aguinaldo. Kaya ayaw nila itong mapunta kay Bonifacio at ginawang dahilan ang kawalan ng kuwalipikasyon ng huli. Noon man at ngayon, kontrobersiyal ang pamumuno sa Interyor ng estado.




Archives