July 23, 2010
Sa Pilipinas, bilang isang kumparatibong konserbatibong bansa, ang panlahatang panuntunan pa rin ay pag-iwas sa mga pormang-sining na gumagamit ng, o kinakailangan ang, kahubaran. Ganunpaman ang paggamit ng kahubaran sa di seksuwal na konteksto ay hindi rin naman laging mitsa ng mabangis na paghatol mula sa publiko. Sensura at Pagbabawal May mga napabalita noong araw na mga pelikulang nais diumano ng ilang hanay na ipagbawal na maipalabas sa mga sinehan sa pagtataglay, diumano, ng “malalaswang eksena”. “Schindler’s List” at “Belle Epoque” ang agad maaalala. Nakatatawa ang ‘bruhaha’ kung iisiping mahuhusay na pelikula ang mga ito at ang mga eksena ng kahubaran ay integral na bahagi ng salaysayin.
Sa huli’y pareho ring naipalabas ang “Schindler’s List” at “Belle Epoque” matapos ang napakaliit na ‘pagkatay’.
Madalas, ang mga insidenteng ganito ay nagiging kaduda-duda sa marami na maaaring inisyatiba ng mismong mga produser bilang publisidad na di papalya. Sa halip na sensura na pinaiiral sa panahon ng batas-militar ni Pangulong Marcos ay napalitan ng ‘rebyu’ at ‘klasipikasyon’ ang panghihimasok ng gobyerno sa mga pelikulang ipinalalabas sa mga sinehan. Sa teatro, nananatiling walang malinaw na regulasyon sapagkat hindi ito tulad ng pelikula na ang ‘master copy’ lang ang kailangang repasuhin.
Manaka-naka, may mga produksiyong pang-entablado na mapangahas at nagtatanghal ng hubo’t hubad na katawan ng mga aktor. Wala namang nagiging alingasngas sa nasabing produksiyon kung ito ay may magandang panlasa. Ngunit gaya nang nasabi’y bihira lang ang mga ito. Kung tubo ang hinahangad ay pang-general patronage pa rin ang nakatitiyak ng kita na pangteatrong produksiyon. Naroroon marahil ang joke vis-a-vis mga ‘moralista’ o hanay na nagsariling-atang ng tungkulin na magsilbing bantay na ‘kontra-kalaswaan’ sa publiko. Na maging mapangahas at lubus-lubusin ang kasiningan ng isang obra at sa huli ay walang maaalala rito ang publiko sa pangkahalatan kundi ang pagkakaroon ng hubaran. Pagtingin sa Kahubaran Sa bansang awtomatikong nalalapatan ng limitasyon ng popular na persepsiyon ng
seksuwalidad ang hubad na katawan ay mistulang sigaw sa ilang na maaari tayong magkaroon ng Makasining na Paningin sa Kahubaran. Na maaaring sipatin ang Kahubaran sa konteksto ng Pangkabuuang Reyalidad, at hindi bilang instrumento lamang ng pagpapainit ng laman na intensiyon ng mga obra na matatawag na ‘pseudo-sining’.
Nagpakita ako ng isang kopya ng “Playboy Magazine – Philippine Edition” sa mga nasa NPT. Ipinakita ko ang
centerfold nito na ang modelo ay naka-two piece bathing suit. Ito na, sabi ko sa kanila, ang sukdulang mailalagay sa magasin. Mas hubad pa ang mga modelo sa “Swimsuit Issue” ng The Sports Illustrated. Ngunit ito ay isang bansa na may sulok ding madidilim. Na ito’y isang bansa na may mga palabas na tinatawag na “toro” (o “toro-toro”) na may parehang nagtatalik sa gitna ng odyens. Na sa mga birhaws ay may mga mananayaw na naghuhubo’t hubad at sa tuwing ‘espesyal na gabi’ ay kumukuha ng lalaki sa odyens upang makatalik sa entablado.
Nagpapahiwatig ba ito ng reyalidad na umiiral sa kasalukuyan na tahasang taliwas sa kolektibong pagtingin natin sa ating kultura? Na may pinaiiral na pambansang ipokrisya? Na walang ipinag-iba sa mga tumatawag sa sariling mga “pambansang alagad ng sining” ngunit pawang nasa toreng garing at walang muwang sa mukha at lagay ng bayan? “Perpektong lokasyon ang Chicago para sa layunin ng National Pastime Theater Ensemble. Kasama ang odyens, aabutin namin ang sukdulan. Lilikha kami ng pagkagimbal, pagkagilalas, titibagin namin ang kawalan ng pakialam. Hindi lang mga tiket ang mabibili sa amin kundi mga pangarap.” Ito ang ‘misyon’ ng NPT na ang lokasyon ay isang dating ‘ballroom’ at ‘speakeasy’ noong mga unang taon ng ika-20 siglo na panahon din ng pagsisimula ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas. Teatro Bilang Sining at Industriya Sa mga panahon ding iyon, sa kabilang panig ng mundo, natagpuan ng mga Amerikano ang senaryo ng teatro sa Pilipinas na di nalalayo sa panahon ng ‘medival’ (medieval) sa Yuropa na naglalaman ng mahahabang berso at tumatalakay sa mga kuwento sa Bibliya.
Ngunit hindi naglaon, ang obsoletong porma ng dulang ito ang ginamit din ng mga makabayang Filipino upang
magpahayag ng pagtutol sa pananakop ng mga dayuhan. Nang matuklasan ito ng kolonyal na gobyerno ay ipiniit ang mga mandudula at ipinagbawal ang pagtatanghal ng dula sa wikang katutubo sa payak na rason na sila, mga banyaga, ay di ito nauunawaan.
May mahabang kasaysayan ang teatro bilang lunsaran ng kapangahasan sa maraming bansa. Bago ang pagdating ng panahon ng pelikula ay ito ang isa sa mga pangunahing libangan ng sangkatauhan. Sa Pilipinas, mula sa sarsuwela na bigkis sa lahat ng antas sa lipunan sa pagtatapos ng ika-19 na siglo ay may dalawang malawakang kaurian ng produksiyong pangteatro sa kasalukuyan. Ang una ay ang mga itinatanghal sa Folk Arts Theater, Meralco Theater, Cultural Center of the Philippines, at mga katulad na eleganteng venue. Sa isang banda, sa mga lalawigan ay patuloy, bagaman nababawasan na rin ang bilang, ang mga senakulo sa panahon ng kuwaresma at mga dulang halaw sa mga tradisyunal na epiko at kuwentong-bayan tuwing kapistahan na nagsasaad ng mga salaysaying hindi pa man nagsisimula’y alam na ng manonood ang katapusan. Kaylaki ng kaibahan ng senaryo ng sining-teatro sa US, sa Chicago partikular, sa aspeto ng diversidad at pagkamalikhain ng mga produksiyon. Sa ngayon ay isang maliit at menor na kumpanya ang NPT. Hindi nababago ang pagiging maliit nito ng matayog nitong bisyon sa magiging papel ng teatro sa lipunan. Pero babalik lang tayo sa punto na ang usapin ng mga ‘antas’ at pagiging ‘big-time’ o ‘small-time’ sa materyal at paimbabaw na sukatan ay insignipikante sa sining.
Hindi tulad sa Pilipinas, malaking industriya ang teatro sa US, sa mauunlad na bansa sa Yuropa, at ibang bansa sa Unang Daigdig. Mayabong ang pamumunga ng malikhaing guniguni kapag may kaakibat na posibilidad ng kasiya-siyang produksiyon at pagsuporta sa sining na ito. Kung pagbabalikan ng mga Filipino ang sariling kasaysayan at kultura, maraming maitatanong sa sarili habang pinagmamasdan ang kasalukuyang kalagayan ng teatro at sining sa Pilipnas.
Epilogo Bago lang akong nakapanood ng mga produksiyong pangteatro sa US at di ko maiwasan ang humanga sa ‘pasyon’ (passion) ng mga aktor sa pagganap laluna sa produksiyong tulad ng “Naked July” na nailalantad nila ang lahat-lahat nang walang pangingimi at tanging sa piniling sining nakatuon ang buong kamalayan. Hindi ‘one-way street’ ang teatro. Nakatungtong ang pasyon na ito sa tiwala sa kanilang odyens, na sa malawakang sipat ay kinakatawan ng taumbayan, na may taglay na Makasining na Paningin sa Kahubaran. Ang teatro ay isang paraan ng pakikipagtalastasan. Isang Lengguwahe. Nararapat bigyang-diin na unibersal ang Lengguwahe ng Teatro habang nasa lengguwaheng ito ang Kultura ng sangkatauhan at pagiging ganap na Tao.