ShareThis

  ESTADO

National Pastime Theater, Naked July (Teatro at Pagkamapangahas)


by Fermin Salvador.

July 16, 2010

Noon lang ako nakapanood nang ganoong pagtatanghal. Noon lang. Pero iyon din ang unang beses na
nakapanood ako sa teatro sa Chicago, osaanman sa buong US. Cliche na ang sabihing “ibang planeta”
ang US. Bagaman sinasabing ang Kulturang Amerikano ay kulturang globalismo na ang Pilipinas, bilang bahagi ng global na kumunidad, ay hindi maaaring hindi makisawsaw. Kilala ng mga Pinoy si Pangulong Obama, si Kobe Bryant, si Angelina Jolie, pinanonood ang mga Hollywood films, pinakikinggan ang mga musikang nasa Billboard Top 40, kumakain ng McDonald’s, nagbabasa ng Time Magazine, at tinatangkilik ang halos lahat nang produkto at konsepto ng mga Amerikano. Pero ang kultura ng mga Amerikano ay hindi pa rin kultura ng mga Filipino.

Dating ‘Speakeasy’ “Hidden behind the neon storefront is a room with a past and a space with a future. It is filled with life, filled with mystery, the perfect space for a theater.” Blurb ng National Pastime Theater (NPT) na matatagpuan sa kahabaan ng Broadway Avenuesa Ravenswood malapit sa Lincoln Park. Isang ‘hole in the wall’ na malamang na lampasan ng isang mabilis maglakad ang lagusan patungo sa NPT. Kahilera ang ilang maliliit na puwestong komersiyal sa ground floor ng isang lumang gusali na dating Hotel Buena Park.

Ang mismong lokasyon ng NPT ay isang ‘ballroom’ na ginawang ‘speakeasy’ noong 1923. Ang ‘speakeasy’ ay bansag sa isang establisimyento na ilegal na nagbebenta ng alak noong panahon ng tinatawag na “Prohibition” na ang paggawa, pagtitinda, at pagbiyahe ng anumang inuming nakalalasing ay ipinagbabawal saanman sa US. Naglipana ang mga speakeasy sa mga panahong iyon. Kadalasang may kaugnayan sa sindikato (mob) ang mga mag-ari ng speakeasy.
Kabilang sina Al Capone at Lucky Luciano sa mga gangster na yumaman sa operasyon ng mga speakeasy.

Niremodel ng kumpanya ng NPT ang dating speakeasy at ginawang modernong venue para sa mga produksiyong pangteatro. Bagaman maliit lang kung tingnan sa harapan, ang mismong tanghalan ng NPT ay may sukat 25×25 at kaya nito ang akomodasyon sa halos isandaang odyens. Nilagyan ng bagong facade habang ang istilong Baroque na kabuuan ng lugar ay naghahatid ng elegansiya ng pagiging antigo na ideyal sa isang teatro.

Mahilig ako sa mga makasaysayang lugar. Sa Pilipinas, hindi ko mabilang kung ilang beses kong napasyalan ang Fort Santiago sa Intramuros na malapit lang sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM). Nalulugod akong pagmasdan ang mga lumang gusali saanman. Sa Intramuros ay nakalulungkot isipin na marami sa mga matandang istruktura rito’y renobasyon na lang sapagkat nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa Kamaynilaan ay may ilang gusaling antigo pang nalalabi. Ang isang antigong edipisyo ay tulad ng isang tulay na nagdurugtong sa kasalukuyang panahon sa nakaraan.

Lunan at Kasaysayan Habang nasa loob ng NPT, hindi ko maiwasang paglaruin ang imahinasyon sa nakalipas nang era. May isang siglo na ang lumipas nang ang lugar na kinaroroonan ko ay isang bulwagan para sa magkakaparehang nagsasayaw. Na ito ay isang speakeasy na pinagpapalipasan ng oras ng mga lalaki at babaeng nais tumikim ng bawal na alak. Pagkatapos ay natawa ako sa sarili. Ano’t nasa isip ko ang isang banyagang kasaysayan?

Banyaga nga ba ang kasaysayan ng US sa mga unang taon ng ika-20 siglo? Di ba’t 1901 pa’y iisa na ang Pilipinas at ang Amerika? Nang unang dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas, ibang planeta ang nakita nila sa kultura ng mga Filipino. Wilingwili noon ang ating mga lolo sa talampakan sa mga relihiyosong pagtatanghal na naglalaman ng sa pananaw ng mga Amerikano ay mga ilohikal na salaysayin na binibigkas nang patula. Sarsuwela.

Ito ang natagpuan ng mga GI na paboritong panoorin ng publiko sa Pilipinas. Nang ginawang instrumento ng mga makabayang manunulat na Filipino ang entablado sa pagtatanghal ng mga dulang itinuring ng gobyernong Amerikano na ‘sedisyoso’ ay ipinagbawal ang mga ganitong pagtatanghal at ipiniit ang ilang manunulat ng dula. Sa kabila nito’y nagpatuloy ang sarsuwela at iba pang sariling paraan ng pagtatanghal ng mga Filipino tuwing may kapistahan at pati na rin sa mga teatro.

Sa kabilang banda’y ibinunsod ng pananakop ng mga Amerikano ang pagsilang ng panibagong pangteatrong pagtatanghal sa kapuluan. Ito ay ang tinawag na “bodabil” na mapapanood sa maraming teatro noon sa
Maynila gaya ng Manila Opera House at Clover Theater.

Nagsimula sa bodabil, nagsimulang maipakilala sa mga Pinoy ang istilong-Amerikano ng pagtatanghal na naging popular at tinangkilik nang husto sa kabila ng maraming batayang pagkakaiba ng kultura at historya ng dalawang lahi. Sumunod dito ang pelikula at brodkasting na lalo pang nagbigay-daan sa lubos na pagyakap ng mga Pinoy sa anumang kausuhan at kulturang Amerikano.

Misyon at Bisyon ng NPT “Perpektong lokasyon ang Chicago para sa layunin ng National Pastime Theater Ensemble. Kasama ang odyens, aabutin namin ang sukdulan. Lilikha kami ng pagkagimbal, pagkagilalas, titibagin namin ang kawalangpakialam. Hindi lang mga tiket ang mabibili sa amin kundi mga pangarap din.” Ito ang isinasaad ng bungad ng websayt ng NPT.

Tinutupad ng NPT ang sariling misyon sa pamamagitan ng pagprodyus ng dinamiko at mahusay na “live theater”. Tumutulong din ito sa pagtaguyod sa ibang kumpanya ng teatro sa Chicago. Hangad ng NPT na mapuno ang libu-libong upuan sa mga teatro ng bagong henerasyon ng mga manonood na gugulantangin nila mula sa komportableng kinalalagyan upang magkaroon ng aktibong puwang sa kani-kanilang pamayanan at sa buong daigdig.

May bagong tungkulin ang teatro, ayon sa NPT, na kanilang sisimulan. Kailangang baguhin ang pananaw na malambong ng henerasyon na nahirati at pinalaki sa mga pasibong anyo ng libangan. Saklaw ng “live theater” ang lahat ng henerasyon na gagabayan ng mga taga-teatro sa magiging aktibong papel sa mundo.

Sa ganitong kaligiran (background) at bisyon ng NPT ay nakakurus ko ito ng landas noong Hunyo. Para sa buwan ng Hulyo, buwan sa panahon ng tag-init, ay mapapanood sa NPT ang tinawag na “Hubad na Hulyo” (“Naked July”). Taunang pagtatanghal o pestibal ang “Naked July” sa NPT bagaman bawat taon ay magkakaibang dula ang ipinalalabas. Para sa 2010 ay sisimulan ang pestibal sa Hulyo 2 at magwawakas sa Agosto 2. Mapapanood ang mga sumusunod: “The Emperor’s New Clothes”, “The Living Canvass: Demons”, “The Tumultuous Tale of the Tragically Transparent Tunic”, at “Eros”.




Archives