ShareThis

  ESTADO

Mga Biro at Bulay-Bulay (Part 4) 



Kaugnay sa pagdalaw ni Papa Francis sa Amerika, mainam na pagbalikan ang ilan sa mga naganap sa loob ng limang araw na pagdalaw ni Papa Francis sa Pilipinas na ngayon pa lang nababatid. Halimbawa, alam ng lahat na habang nasa Vaticano ay hilig ni Papa Francis na gumala kapag gabi para makita ang tunay na kalagayan ng mahihirap na naninirahan sa siyudad. Isang gabi, matapos makipagpulong kay P-Noy at sa ibang matataas na opisyal sa Malakanyang ay sinabi niyang maglilibot-libot siya sa siyudad. Alam din natin na si Papa Francis ay isang macho na santo papa, naging bouncer noong kanyang kabataan at kahit ngayon ay naniniwala siyang kaya niyang pangalagaan ang sarili.
Gusto niya raw gamitin kung maaari ay simple at ordinaryong kotse. Agad pumapel si Mar Roxas, anya’y gamitin daw ang isa sa mga kotse niya, medyo luma na, at hindi ito pansinin. Ang totoo’y pamilyar ang kotse na iyon dahil iyon ang ginamit niya sa pagsundo noon kay Bong Revilla para dalhin sa pulong kay P-Noy sa kasagsagan ng impeachment proceeding laban sa noon ay supreme court chief justice Corona. Sasamahan na rin daw niya ang santo papa.
Hindi siyempre magpapatalo si VP Binay na agad ding nagboluntaryo at siya na raw ang magmamaneho sa kotse. Umangal si Mar: “Kotse ko ito, ako siyempre ang magmamaneho!” Bago mauwi sa pagtatalo ay sinabi ni Papa Francis na SIYA ang magmamaneho. Umupo si Papa Francis sa driver’s seat. Parang naalangan sina Mar at VP Binay, pero malumanay na sinabi ng santo papa na okey lang. Kahit sa sandaling panahon ay nais niyang makapaglingkod sa mga lider ng Pilipinas. Agad pumuwesto si VP Binay na mauupo sa tabi ng santo papa sa harapan ng kotse, pero umangal muli si Mar: “Kotse ko ito, ako dapat ang katabi ng santo papa!” Sinabi ng santo papa na para walang problema – maupo ang dalawang pulitiko sa likuran ng kotse para pantay sila bilang mga pasahero habang minamaneho ni Papa Francis ang kotse.
Sinimulan ni Papa Francis ang pag-iikot-ikot sa mga lansangan ng Maynila, halos madurog ang puso niya sa nakikita niyang mga nakatira sa mga barung-barong sa bangketa at sa gilid ng tulay at riles. Dahil di niya kabisado ang lahat ng regulasyon sa Maynila, nag-violate siya. Pinahinto siya ni PO1 Kulas. Si Kulas ay isa sa mga pulis na hinugot buhat sa probinsiya para tumulong sa seguridad sa Maynila habang nananatili ang santo papa. Si Kulas ay isang Katoliko sarado na kabisado ang mukha nina Papa Francis at Kardinal Tagle, pero wala siyang kahilig-hilig sa pulitika. Katunayan ay ni hindi niya alam ang mukha ng mga namumuno maliban kay P-Noy dahil pangulo ito. Nang lapitan ang kotse, nanlaki ang mga mata ni Kulas nang makitang si Papa Francis ang nasa manibela. Napaantada. Saka nagtalo ang isip: Titikitan ba niya ito dahil may paglabag? Napansin niyang may dalawang pasahero sa likuran. Sinino niya ang mga ito. Bigla siyang nangilabot nang makita ang dalawa, na parehong ngising-aso sa kanya. Muling napaantada si Kulas. Dali-daling sinenyasan si Papa Francis na dumiretso na. Kaya umalis ang kotse. Maya-maya ay dumating ang pulis na ka-buddy ni Kulas. 
Namumutla pa rin si Kulas, bago nagsalita. “Si Papa Francis… nagmamaneho at may violation…” 
“Si Papa Francis mismo? Wow! Anong ginawa mo?” Gulat na tanong ng kasama. 
Sagot ni Kulas: “Pinadiretso ko. Hindi dapat abalahin dahil emergency… May ginawa siyang papal operation…” 
“Papal operation?” 
“Oo, paris ng police operation natin. Sa kanya ay papal operation. Naghihirap ang Pilipinas dahil inaalilihan ng mga demonyo, at naririto si Papa Francis para tumulong. May nadakip na nga siyang dalawa!”  
***
May problemang pang-isipan ang mga namumuno sa gobyerno na walang aling-aling na pinapayagang makapasok sa sariling teritoryo ang trak-trak na mga basura ng ibang bayan habang istriktong binuburiki ang mga padalang kahon na naglalaman ng subsistensiya para sa mga kaanak ng sariling mga mamamayan na manggagawa na nasa ibang lupain.
***
Poe, Binay, at Mar Roxas.
The Girl, the Bad, and the Ugly?
***
Sa Espanyol, ang TUNA ay ATUN. Mapapansin na istilong-kanto ng mga Pinoy na pagbaligtad sa mga salita. TUNA = ATUN. Hindi ginagawa ng ating mga prekolonyal na ninuno ang ganito noon. Di kaya sa mga Kastila natin natutuhan ang mga pabalbal na pagbago sa mga salita?
***
Muntik palang ipatigil ni Pangulong Marcos ang siyuting sa Pilipinas noon ng pelikula ni Francis Ford Coppola na APOCALYPSE NOW. Nang itanong daw kasi ni Marcos kay Coppola ang pamagat ng pelikulang ginagawa nito, ang unang dinig niya ay: APO, ALIS NA.
***
Alam nating sobra ang bagal ng trapiko sa EDSA kaya umuubos ng maraming oras ang pagbagtas dito. Pero matanda pa sa nagpaliyab sa bulkan ang ekspresyon na “usad-pagong”. May mas bago na: “EDSA-EDSA pag may taym”.
***
Katwiran ng mga tagapagtanggol sa Terror de Manila na kondominyum na photobomber sa bantayog ni Gat Jose Rizal sa Luneta, hindi naman daw binabasa si Gat Rizal. Kaya naitanong ko – bakit, ‘yan bang Terror de Manila ay gawa sa mga libro?
***
Alam ba ninyo na isang taktika raw sa pagbabawas ng timbang ay ang PAG-INOM pag nakakaramdam ng gutom? Hindi kinakailangang agad na pinagbibigyan ang tawag ng tiyan na ngumata kung kumakain ka naman nang regular at nasa oras. Madalas, INOM lang ang katapat ng pagkalam ng tiyan upang iyan ay humupa. Paalala lang, hindi ipinapayo ang PAG-INOM na walang pinupulutan. Nasa inyo na rin kung ang gusto ninyong INUMIN ay serbesa, hinyebra, rum, o lambanog.
***
“Mahirap kumain sa labas pag ikaw ay walang kapera-pera. Pero mas mahirap kumain sa labas pag ikaw ay isang preso.” -Mga Pilosopiya, Tawa, at Luha ni Pilosopa Sisa




Archives