May isang istasyon sa telebisyon na ang ipinapalabas araw-gabi ay ang mga episod ng programang pinamagatang Forensic Files. Siyento-porsiyentong naghahatid-kaalaman sa mga manonood ang bawat episod na nagsasalaysay sa isang naganap na krimen, ang mga naging hakbang ng mga awtoridad sa pamahalaan upang malutas ito, at ang naging parusa sa salarin. Sa maluwag na saysay, ang palabas ay edukasyon hinggil sa sikolohiya ng mga partikular na kriminal, sa epekto ng krimen sa mga naiwang mahal sa buhay at sa responsabilidad ng biktima lalo kung ito’y napaslang, sa impact ng krimen sa kamalayan ng mga naninirahan sa isang kumunidad, at mga idinulot na pagbabago sa mga lehislasyon at patakarang pinaiiral. Ngunit higit sa lahat, mapapanood ang pagsisiwalat sa yaman ng mga posibilidad at istratehiyang maisasagawa ng mga alagad ng batas at katuwang na eksperto sa iba’t ibang larangan upang malutas ang misteryong nakapaloob sa bawat kaso ng krimen. Mailalagom ang mensahe ng Forensic Files sa isang pangungusap – sky is the limit sa maaaring maging diskarte ng mga imbestigador ng krimen sa tulong ng agham at mga makabagong kagamitan. Ang forensiks ay ang aplikasyon ng agham sa pagsagot sa mga katanungang may kaugnayan sa krimen at sa proseso ng paglilitis sa akusado.
Tatlong Bagay na Dapat Tandaan
Sa di mabilang na mga ‘quotable quotes’ na narinig ko sa iba’t ibang nakapanayam sa programa sa maraming episod nito, may tatlong mahalagang tandaan. Narito, ayon sa pagkaka-paraphrase ko:
1. “Ituring ang bawat lulutasing krimen na krimen ng siglo.” – Ibig sabihin, hindi kailangang mga selebridad o may popular na pigurang sangkot (biktima, akusado, o testigo) upang ang kaso ay pahalagahan at busisiin nang husto. Ang bawat krimen ay ituring na may sariling halaga at hamon sapagkat anumang krimen ang maganap ay saklaw ang kolektibong kaligtasan ng lahat ng mamamayan sa buong kumunidad at buong estado. Kaya nga sa kasong krimen ay “People” ang kalaban ng akusado at di isang indibidwal o grupo lang.
2. “Laging may limampung sablay o posibleng maging butas sa bawat nagawang krimen, at henyo ka nang salarin kung maaagapan mo ang maski dalawampu’t lima lang sa mga ito”. – Ibig sabihin, walang krimen na di malulutas kung nanaisin talagang malutas. Dahil may sablay gaano man kaingat ang salarin. Kung may mga tinatawag na “unsolved crime” o “perfect crime” ito’y di nakasalalay sa talino o abilidad lang ng salarin kundi sa “pagsasanib-puwersa ng uniberso” o sa ibang sabi’y may tumitiyak na di malulutas ang krimen sa kabila ng mga naging sablay. Ibig sabihin pa uli, maniobra lang ang magbibigay-daan upang hindi malutas ang krimen, hindi dahil sa wala talagang mga ebidensiyang masusuri. Kung ang nais ay ebidensiya, laging may matatagpuang ebidensiya.
3. “Minsan ay di maaasahan ang memorya o paningin, pandinig, at ibang mga pandama ng mga nakasaksi sa krimen, daig ng mga bagay o labi na ebidensiya na laging iisa at mas eksakto ang isasalaysay na tunay na naganap.” – Ang persepsiyon daw ng tao ay di ganap na maaasahan. Minsan ay mali ang pagtantiya e.g. sa sukat o taas o pangangatawan ng isang tao, o ang interpretasyon sa nakitang galaw o eksena. Bagaman ang mga ebidensiyang testimonyal ay mahalagang armas ng prosekyusyon, may mga pagkakataong ang mga pahayag ng testigo na hinugot sa mali o padalus-dalos na persepsiyon sa nasaksihan ay nakasasagabal imbis na makatulong sa pagsilo sa salarin. Ang layon ng Forensic Files ay ipakita sa publiko ang bagsik ng patotoo ng mga ebidensiya na nagsisilbing mga testigo na walang pandama o damdamin. Mga bagay na walang buhay ngunit mas eksakto ang mga isinisiwalat na pangyayari.
Obra-Maestra ng Sining
Ang paglutas sa misteryo sa bawat krimen, kung maisasagawa sa paraang malinis at ‘beyond reasonable doubt’ ay maihahalintulad sa pagbuo ng isang obra-maestra ng sining. Oras na natapos mo ito ay isang kahanga-hangang akomplisment, paris sa tinuran ng makatang si John Keats sa pagtukoy sa isang magandang bagay: a joy forever. Bilang salaysayin ay maipapasa ito sa bawat bagong henerasyon. May mga kuwento ng paglutas sa krimen na nagiging bestseller na aklat at naisasapelikula. Ang walang katumbas ay ang kasiyahan ng mga imbestigador at mga naging katuwang sa ambag sa pagtataguyod ng hustisya.
Ang importansiya ng kasong krimen ay di depende sa SINO ang sangkot kundi ANO ang sangkot. Laging unang prayoridad kapag ang sangkot ay buhay ng tao e.g. murder, homisidyo. Siyam sa bawat sampung kuwento sa Forensic Files ay sa insidente ng pagpaslang. Kasunod ang mga may sangkot na panggagahasa o matinding pananakit sa biktima. Bago ang mga krimeng may kaugnayan sa mga ari-arian. Pero ito’y sa konteksto ng pamumuhay sa US at depende pa rin sa ibang sirkumstansiya.
Maiaangat ang kapabilidad sa agham ng forensic kung maglalaan ang pamahalaan ng sapat na badyet. Kailangan ang sapat na bilang ng mga tauhan, pasilidad, kagamitan, hanay ng mga eksperto sa iba’t ibang larangang may kaugnayan sa forensic, pondo sa pananaliksik at eksperimentasyon, pag-apdeyt sa mga kagamitan, muling pagsasanay sa mga tauhan, atbpa. Dapat ay may pinakabagong makinang pangkilatis sa DNA, sa fingerprint, sa mga bakas ng kemikal at sari-saring mga elemento, mga laboratoryo, mga mikroskopyo, mga programang pangkompiyuter, namementinang database, akses sa impormasyon buhat sa mga satelayt na panghimpapawid, pagmonitor sa kumunikasyon, pati na sa pakikipagkoordinasyon at pagkonsulta sa mga eksperto sa ibang mga bansa. Esensiyal ang kultura ng pagpapahalaga ng lipunan sa sigasig ng mga imbestigador at mga tagapagsaliksik na gawin ang buong makakaya sa paglutas sa mga krimen. Sa konteksto naman ng korapsiyon sa Pilipinas, kailangang matiyak na hindi makukulimbat o mawawaldas ang pondong nakalaan.
May Batas, at May Butas ang Bawat Krimen
Tungkulin ng pamahalaan, pambansa hanggang sa mga lokal, na paangatin ang kapabilidad sa paglutas at pagsugpo sa kriminalidad. Hindi nagiging episyente ang paglutas sa mga krimen sa simpleng proseso ng lehislasyon na itinataas ang parusa sa mga krimen. May mga kriminal o grupong kriminal na sinasadyang hamunin ang kakayahan ng otoridad na ipatupad ang mga batas-pangkrimen. Sa bawat kabiguan nito na sila ay mausig at maparusahan ay pinagtatawanan nila ang sistema. Itinuturing ang mga tagapagpatupad ng batas na mga payaso sa kabanuan sa sinumpaang tungkulin.
Ang paglutas sa mga krimen ay isa sa pinakamahahalagang manipestasyon ng pagpapatupad sa batas, na may ngipin ang batas at di “butas”. Seseryosohin lang ang batas kung kayang tugisin ng mga tagapagpatupad nito ang mga lalabag dito. Kung matututong mahiya ang mga nasa pamahalaan at ituturing na personal na sampal sa kanila ang bawat krimen na di nalutas. Hindi katanggap-tanggap na mas marami ang hindi nalulutas kesa sa mga nalulutas na krimen. Ang bayan na naglipana ang mga salarin na di nadarakip ay masahol pa sa isang gubat. At kung nasa gubat ka rin lang naman, ano pa ang silbi ng gobyerno?