Isang anyo ng irasyunal na pag-iisip ang pagiging sobrang conscious pag nasa lugar na may ibang mga tao. Ang pakiwari ay laging may nagmamasid sa iyo. Bawat minuto, bawat segundo, walang patid na nakamasid. Kaya hindi makakilos nang normal. De-numero ang galaw, ang nasa isip ay may nakasubaybay nang nakasubaybay. Pero guniguni lang ‘yan. Ang totoo ay walang may kiber sa iyo, sa hitsura mo, mga galaw at kilos. Itanim sa isip na hindi ka superstar. Ordinaryong tao ka lang. Walang nakabuntot na mga tingin sa iyo. Walang interesado sa iyo. Oo, may ibang mga tao sa paligid pero hindi nila ilalaan ang oras nila para tutukan ka ng kanilang atensiyon. Sa isip mo lang ‘yan. Kaya relaks ka lang kahit pampubliko ang lugar na kinaroroonan mo. Kumilos ka nang ayon sa totoong ikinikilos mo. Gawin mo ang talagang ginagawa mo. Pero huwag kang mangungulangot. Dahil pag ginawa mo ‘yan sa pampublikong lugar, bukas VIRAL ka na.
***
Si Cory, Aquino. Si Miriam, Santiago. Si Imelda, Marcos. Si Vilma, Recto. Si Gloria, Arroyo. Si Leni, Robredo. Si Leticia, Shahani. Si Eva, Kalaw. Si Loy, Ejercito. Si Tessie, Oreta. Si Jinkee, Pacquiao. Si Hillary, Clinton. Si GRACE, bakit hindi LLAMANZARES?
***
Dahil buwan ng wika, narito ang isang pagsubok sa kakayahang lagyan ng angkop na salita o titik ang patlang para mabuo ang bagong salawikain.
1. Mukha’y magandang babae
Pero wala namang _ _ _ _
Ano ang apat na titik na salitang tumutugma sa salitang “babae”?
2. Sa seksing alindog
Ang nadama’y _ _ BOG
Ano ang dalawang titik na angkop na idugtong sa BOG?
3. Bunganga’y napuno
Sa _ _ _ _NG sinubo
Ano ang apat na titik na angkop para sa unahan ng NG?
Mga sagot: 1) ARTE; 2) KA; 3) KANI
***
Kung aminado naman pala si P-Noy na di siya perpekto at di perpekto ang kanyang pamumuno, ano ang problema niya sa mga PAGPUNA sa kanya? Dahil hindi man niya magawa nang perpekto ang kanyang tungkulin, magawa niya sana nang maayos-ayos naman at di sobrang despalinghado.
***
May nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng GRRR. ‘Kako, ito’y akronim ng Galit, Reresbak, Rereklamo, Rerekurso.
***
Madali ang mag-THOUGHT EXPERIMENT gaya ni Einstein. Basta may kapasidad ang utak na sumukat sa aktuwal na bilis ng punglo at umagapay sa lakbay ng tunog at liwanag. Madali rin ang mag-aral ng KABALA gaya ng mga Hudyong Rabi. Basta nakaranas nang magkaroon ng bisyon habang nasa bundok at makarinig ng tinig sa nagliliyab na talahiban.
***
Sa pagbabawas ng timbang, ang dapat ay maraming DO. Makipag-DO (slang sa pakikipagtalik) – kumukunsumo ‘yan ng kaloriya. DOmayb (dive) sa swimming pool, sa dagat, ilog o lawa. DOmausdos sa damuhan. DOmistansiya sa kotse at maglakad. Walang DONAT
***
Kung mautak lang ang mga bise-presidensiyabol, pipiliin nilang makatambal si VP Binay. Baka maparis siya kay Erap na nanalo man ay mahigit sa dalawang taon lang sa pagkapangulo dahil sa mga anomalya at katiwalian. OTOMATIK na mauupong pangulo ang kanyang bise. Walang kahira-hirap. Iyan naman ay payo lang ng dating pangulo at naging pangalawang pangulo na si Gloria Macapagal-Arroyo.
***
Paano mambalewala ang tanga? Panay ang kalabit sa tao na binabalewala at panay ang sabi rito na: “Ini-ignore kita. Naiintindihan mo? Nakuha mo ba? Ini-ignore kita. Ano? Wala ka man lang sasabihin? Hindi ka man lang maaapektuhan? Okey lang? Hello. Ini-ignore kita. Sabi nang ini-ignore kita. Hoy!”
***
Sabi ng mga babae kaugnay sa pagpapakasal, kalokohan daw ang kumuha ng isang buong baboy kung isang pirasong HOTDOG lang naman ang talagang kailangan. Sabi naman ng kalalakihan kaugnay pa rin sa pagpapakasal, lalo namang kalokohang gumastos sa isang sakong harina kung isang pares na MONAY lang ang kailangan mo. Sabi sa kanila ng bading: “Magsitigil nga kayo. Away kayo nang away. Kung hindi kayo magsa-SANDWICH, ubos ang mga lahi natin pare-pareho!”
***
Mayaman sa likas na kapaligiran ang Pilipinas. Ang kailangan na lang PAYAMANIN ay ang pananaw at pag-uugali ng mga nagmamay-ari sa mayamang kapuluang ito.
***
Ang komedyanteng si DAGUL na naging tanyag sa isang programa sa telebisyon na para sa mga bata ay isa nang LOLO SA BEWANG. Tama, lolo sa bewang. May lolo, may lolo sa tuhod, at may lolo sa talampakan. Si Dagul ay isang lolo na ang taas ay HANGGANG BEWANG lang ng apo niya. Kaya lolo sa bewang.
***
Hindi Madali ang Gumamit ng Martilyo
Hindi madaling gumamit ng martilyo
Lalo’t lumaking may mga mutsatso
Di kasingdali ng magpalitratong
May isdang hawak o pasan na sako
Sa tamang tayming, sa isang minuto;
Iba’ng facial expression ng obrero
Na tadhana ang magbanat ng buto
Sa araw at gabi, habang ang amo’y
Kapitalistang nag-aalburuto
Tauha’y sinisisi pag di husto’ng
Pasok sa baul ng kanyang dinero.
Hindi pinaglalaruan ang maso
O karit sa pag-ugit ng estado –
Mukha lang hangal ang aristokrato.
***
Sabi ng fortune cookie (part 84): “MABOTE kang tao. Ingat lang sa atay.”
***
Kung ang LINGGO NG SARILING WIKA ay LINGGO NG HIKA rin, pag pinagsama ito’y nagiging LINGGONG MAY WIKA PERO HINDI MAKAPAGSALITA.
***
Minsan sa loob ng klasrum, kalagitnaan ng klase, tinanong ako ng guro dahil wala naman siyang ipinasusulat ba’t daw sulat ako nang sulat. ‘Kako, instinct ko lang talagang magsulat pag nasa harap ng pader.
***
Sa Buwan ng Wika, itigil na muna ang “pabebe”. Pasanggol na muna. Itigil na muna ‘yang “e di, wow na ’yan”. E di, kahanga-hanga na muna.”Itigil muna ‘yang “pag may time”. Pag may panahon, ‘yan ang dapat gamitin. Wala muna ‘yang tangina this”. Ang sabihin ay “tangina nito”. Alisin na muna ‘yang rock and roll to the world. Palitan ng kundiman para sa sangakatauhan. Tanggalin ’yang “now na” at palitan ng “ngayon na”. Ngayon din. Iyang “walang forever” palitan ng “walang kailanman”. Iyang “pa more”, tama na ang “pa” lang. Pagbigyan ang sariling wika kahit sa loob lang ng isang buwan. May labing-isang buwan pa naman sa loob ng isang taon. Simula sa Setyembre, pakasawa uli tayo.
***
Bakit magulo ang TAGALOG? Ang couch ay salumpuwit. Ang diaper ay salumpuwit. Ang toilet bowl seat ay salumpuwit. Pero mas magulo ang FILIPINO. Ang salumpuwit ay maaaring kawts, maaaring dayaper, at maaari ring toyletbawlsit.
***
Parang may mali na ang mga TAO bilang mga sundalo ay may nakakabit na DOG TAG habang patungo sa gera samantalang ang mga ASO ay sinusuotan ng magagarang saplot, nasa kumportableng lugar at panay ang SELPI.
***
“Ang pagdiriwang sa lengguwahe bilang konsepto ay kadalasang paggunita rin sa OMERTA bilang reglamento.” – Mga Pilosopiya, Tawa, at Luha ni Pilosopa Sisa
***