ShareThis

  ESTADO

Paggunita sa SEATO



Ang di masyadong tahimik na tunggalian sa Kanlurang Karagatan ng Pilipinas o West Philippine Sea (WPS), na ang Tsina ay nagpapakita ng agresibo at unilateral na pagkilos tungo sa pag-angkin at okupasyon sa mga pulo at pulu-puluan dito ay nagbubunsod ng mga re-ebalwasyon sa mga pinaiiral na istratehiya at alyansahan ng mga bansang may interes sa mga teritoryong nasasangkot. Ang US ay nagpahayag na pagmonitor sa usapin kaugnay ng interes nito sa istatus sa nasabing karagatan na daanan ng mga barkong ang mga dalang kalakal ay umaabot sa mahigit sa trilyong dolyar kada taon. Ipinaaalala ng ganitong sitwasyon sa kasalukuyan ang itinatag noon na Southeast Asia Treaty Organization o SEATO sa kasagsagan ng Cold War. Ang SEATO ay isang alyansang pangseguridad ng grupo ng mga bansa na sa orihinal na layon ay maging katumbas ng NATO sa Asya.

Pumalyang Alyansa
Sa paglipas ng panahon, ang SEATO ay nagmistulang maliit pa sa talang-pantalampakan sa mga aklat ng kasaysayan. Sa pangkalatahan ay tuluyan nang itinuring na nawalan ng anumang relebansiya sa ugnayang-pandaigdig. Maling simula ng isang maling hakbang sa maling panahon ng mga maling partisipante. Maraming history book ang mga awtor na kanluranin na ni banggit ay wala tungkol sa SEATO na waring hindi ito umiral kailanman.
Ang SEATO ay binubuo ng US, Britanya, Pransiya, Australia, New Zealand, Pakistan, Tayland, at Pilipinas. Bagaman itinatag ito sa panahong magkahiwalay pa ang Hilagang Vietnam at Timog Vietnam na pro-US, hindi isinali ang Timog Vietnam sa SEATO. Hindi nagkaroon ng sariling hukbo ang SEATO na gaya ng NATO at nalimitahan ang pagsasanib-puwersa ng mga kasapi sa mga pinagsamang pagsasanay ng mga sundalo. Hindi pa independiyente ang Malaysiya at Singhapor habang ang Indonesiya ay nasa ilalim ng diktadura ni Sukarno sa panahon ng pagkakatatag ng SEATO. Ang senaryo sa Asya, partikular sa timog silangang bahagi, ay lubhang iba noong dekada singkuwenta kumpara sa kasalukuyan.
Itinatag ang SEATO sa Maynila noong 1955, tinawag ding Manila Pact, ngunit opisyal na idineklarang buwag na ito noong 1977. Tumagal lang nang mahigit sa dalawang dekada. Malayo sa naging kapalaran ng NATO sa Yuropa na umiiral pa hanggang ngayon bilang alyansang pangsandatahan ng mga bansa. Sa konteksto ng pagkakatatag at hinantungang pagkabuwag, maraming salik na waring nagpatadhana upang ang SEATO sa Asya ay hindi maging kasingtagumpay ng NATO. Una, ang SEATO ay isang misnomer sa heyograpiya. Obyus na wala sa Asya ang US, Britanya, at Pransiya. Tumpak na mapabilang ang mga ito sa NATO dahil ang tatlo ay nasa hilagang Atlantiko. Ang Pakistan ay wala rin sa timog-silangang Asya. Maging ang Australia at New Zealand. Ang Pakistan na kasapi sa SEATO ay may hiwalay na katunggaling bansa, ang Indiya, at di handa ang ibang miyembro ng SEATO na ituring na kaaway din ang Indiya kahit pa ang SEATO ay alyansahang pangmilitar sa teorya at sa papel. Sa NATO, ang salakay sa isang kasapi ay salakay sa buong kasapian. Napatunayan ito nang ituring na atake sa US ang naganap noong 9-11 kaya nagkabuklod ang NATO sa operasyong kontra-terorismo sa Afganistan. Nang sumiklab ang gera sa pagitan ng Indiya at Pakistan, dinurog ng una ang huli na di sinuportahan ng SEATO. Sa krisis sa Sabah noong dekada sisenta na napintong magdigmaan ang Pilipinas at Malaysiya, imbis na sa Pilipinas na ka-SEATO ay sa Malaysiya na dating kolonya nito nagbigay ng suporta ang Britanya.

Kumunismo Noon, Tsina Ngayon
Nang itatag ang SEATO, may pustura itong kaaway ng mga rehimeng kumunista sa Asya at sagka sa paglaganap ng makakaliwang ideyolohiya. Kagyat naramdaman ng Tsina na ito, higit sa Unyong Sobyet, ang pinahahagingan sa itinakdang mga layon ng alyansa. Matapos masaksihan ang kawalan ng kakayahan ng SEATO na malampasan ang mga hamon dito, tinawag ito ni Mao Zedong na “tigreng papel” o mabangis lang sa papel ngunit walang maipakitang pruweba sa harap ng mga aktuwal na krisis.
Ang marahil ay pinakamalaking rason upang maging irelebante ang SEATO ay ang pagiging magkaibigan ng US at Tsina sapul noong 1975 matapos dumalaw si Pangulong Nixon sa Beijing at nakadaop-palad si Mao. Para sa US, kung kaalyado mo na ang Tsina laban sa Unyong Sobyet, kakailanganin mo pa ba ang sandatahang-lakas ng mga bulilit na bansa sa Asya e.g. Pilipinas, Tayland, Pakistan?
Sa paglipas ng panahon, patuloy na naging relebante ang NATO sa Yuropa kahit natapos na ang Cold War. Sa ilalim ng liderato ni Putin, may mga di kanais-nais na interbensiyon ang Rusya sa mga karatig-bansa. Lalong humigpit ang pagkakapit-hukbo ng mga bansang kasapi sa NATO. Sa Asya, may bullying – mas malumanay na termino kesa sa agresyon – ang Tsina sa maliliit na karatig-bansa sa Dagat Tsina na nais nitong maangkin kahit walang sapat na basihan sa mga pandaigdigang panuntunan. Sa gawing hilaga (silangan ng Tsina), katunggali nito ang Hapon at Timog Koreya. Sa timog, ang Pilipinas, Vietnam, Malaysiya, Indonesiya, Singhapor, Brunei, at maging ang Taywan. Waring wakas na ang panahon ng pakikisama ng Tsina, sumusunod di sa alinmang bansa kundi sa mga pandaigdigang panuntunan na susi sa matiwasay na ugnayan ng mga bansa. Panlabas na palisi nito sapul 1975 nang maging kapartner nito sa kalakalan ang US at mga demokratiko-kapitalistang estado na naghatid dito ng pambihirang asenso’t yaman. Sa bawat hakbang ng isang bansa ay may kontra-hakbang ang ibang mga bansa. Isang opsiyon ng mas maliliit na bansang masasagasaan ng ngangayuning agresyon ng Tsina ang pagbuo ng alyansa ng kooperasyon o pagsasanib-sandatahan.

Ika-60 Anibersaryo (Sana)
Taon 2015 ang sana’y ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag ng SEATO o Manila Pact. Isang ironiya na ang kasalukuyang sitwasyon sa kanlurang karagatan ng Pilipinas ay nagbibigay ng panibagong relebansiya sa alyansahang tulad ng SEATO para sa mutuwal o balikang suporta ng mga bansang kasapi. Hindi na dahil sa banta ng paglaganap ng kumunismo sa Asya kundi sa pagharap sa mga hamon kaugnay ng indirekta at direktang agresyon ng Tsina na nagsisiga-sigaan sa rehiyon. Ang alyansahan per se ay di masama at walang layon na magpalala sa mainit nang sitwasyon. Ito’y pagpapatibay lang na ang agresyon ay di kinukunsinti bagkus ay handang harapin sa alinmang antas kung kinakailangan ng lipon ng mga bansa na maaapektuhan.




Archives