Sa teorya, ang konsepto ng kumander-in-tsip (KIT) ay sa militar lang dahil ang gera ay realmo ng pulitika. Sa pakikipagdigmaan ay puwedeng magpairal ng judgment call ang KIT. Sa pagpapatupad ng batas, walang poder ang KIT na baguhin ang itinadhana ng batas ayon sa kahatulan ng hudikatura. Kahit ang pangulo ay tagasunod lang sa proseso ng pagpapatupad ng batas, bagaman may antas siya ng kontrol sa magiging istratehiya at taktika sa pagpapatupad ng batas bilang nakasasaklaw sa mga ahensiyang paris ng PNP sa pamamagitan ng DILG at NBI sa pamamagitan ng DOJ. Dito sa aspeto ng law enforcement, bilang punong ehekutibo ay di maiwawaksi ng pangulo ang responsabilidad sa pagteteknikal na walang command responsibility ang pangulo sa pulisya.
Sibilyan ang Pulisya
Walang command responsibility ang pangulo sa mga unipormadong ahensiyang sibilyan paris ng PNP, NBI, BJMP, o Bucor dahil walang konsepto ng “command” sa antas ng mga sibilyan kahit pa ang mga ito’y unipormado at armado. Sibilyan ang mga miyembro ng PNP. Sibilyan ang mga miyembro ng SAF. Maaaring malakas pa sa armas ng mga sundalo ang dala ng mga SAF nang sumalakay sa Mamasapano pero hindi nito binabago ang katotohanan na sila ay mga sibilyan at di militar na ang misyon nang sumalakay ay walang kaugnayan sa usapin ng insurhensiya, rebelyon, o sesesyon (na pulitikal) kundi sa pagpapatupad ng batas – pagdakip sa isang akusadong terorista.
Sa ilalim ng saligang-batas ng US, nakasaad na ang pangulo ang magsisilbing KIT ng hukbong katihan (Army) at hukbong pandagat (Navy) ng US at sa “Militia” ng bawat estado. Itong tinaguriang “Militia” ang medyo masarap pag-usapan. Ayon sa The Oxford Essential Dictionary of the US Military, ang “militia” na napapasailalim sa KIT ay: 1) military force that is raised from the civil population to supplement a regular army in an emergency. 2) all able-bodied civilians eligible by law for military service. Pag hiningi ng sitwasyon, ang bawat mamamayan na may kakayahang humawak ng sandata ay maaaring maging bahagi ng hukbong-militar. Upang maging naturalized citizen ay kailangang manumpa na hahawak ka ng sandata kung kinakailangan para ipagtanggol ang US. Sa normal na sitwasyon ang mga pulis ay di militar, ngunit sa panahon ng gera ay nagiging puwersang pantulong o auxiliary ng militar. Kung itinuturing na gera ang pakikipaglaban ng gobyerno ng Pilipinas sa mga MILF, MNLF, o NPA, atbpa. kahit nasa magkaibang kagawaran ang mga PNP at AFP ay nagsasama at nagsasanib ang mga ito sa operasyong militar. Paano rin idinedepina ang banta ng mga organisadong armadong grupo sa estado? Maaalala na noong panahon ni FVR ay nagkaroon na ng tangkang ipihit ang palisi ng pambansang pamahalaan – na ang pakikipaglaban sa mga rebeldeng grupo ay ipasa nang buo sa kamay ng PNP, na ang SAF ang magiging haligi ng mga armadong operasyon, bilang pag-downgrade sa banta na dulot ng mga ito. Ibinaba na sa pagiging isyung krimen na lang. Sa ibang sabi, bago pa ang Mamasapano ay dati nang sinubok na iatang sa SAF, imbis na sa AFP, ang responsabilidad sa pagharap sa lahat ng rebeldeng organisasyon. Ngunit nang matuklasang di pa sapat ang kakayahan ng SAF ay kinailangang ipasang muli sa mga militar ang responsabilidad.
Ipinagbawal ang “Command”
Ang mga miyembro ba ng pulisya ay nagiging saklaw ng KIT at doktrina ng command responsibility oras na nagkaroon ng misyon na pangmilitar o may analohiya? Walang ganitong tanong sa panahon ng batas-militar ng rehimeng Marcos na ang mga pulis ay formal na kabilang sa mga militar. Ang pulis at militar ay iisa. Bukod sa tungkuling dumakip ng mga isnatser ay umaakyat din sa bundok ang mga pulis para humuli ng rebelde. Sa kabilang banda, ang mga marino ay ipinanghaharap sa mga mamamayang nagpoprotesta sa Mendiola. Pero naipahiwatig, nasa gobyerno lang kung paano nito inilalagay sa battle order ang mga armadong organisasyon. Maaari nitong ituring na banta sa kaayusan at saklaw ng pulisya o banta sa mismong estado at ipaubaya sa mga militar. Nagiging teknikal ang gobyerno depende sa kung ano ang kumbinyente para rito.
Sa napakahabang panahon ng ating kasaysayan ay bahagi ang pulisya ng establisimyentong militar. Napanday sa konsepto at doktrina ng command. Madalas gamitin ang salitang command o com. Sa panahon ng batas-militar, notoryoso ang mga pulis na miyembro ng Metrocom. Sa mga unang taon ng rehimeng Cory ay may Capcom. Hanggang sa nauso ang internet at nagkaroon ng dot.com. Pinasimulan ni Cory ang mga hakbang para maihiwalay ang pulisya sa militar. Inalis ang pulisya, na tinawag na PNP, sa ilalim ng Kagawaran ng Pambansang Tanggulan at inilagay sa Kagawaran sa Interyor at Lokal na Pamahalaan. Pinalitan ang mga dating pangmilitar na ranggo ng mga terminong tunog-posisyon sa burukrasya. Ang private hanggang kabo ay naging police officer 1, 2, at 3. Ang sarhento ay naging senior police officer. Ang tenyente ay naging inspector. Ang heneral ay naging chief superintendent. Na-ban ang salitang “command” sa bokabularyo ng pulisya o PNP. Ang dating “provincial police command” ay naging “provincial police office”. Ang dating “regional police command” ay naging “regional police office”. Kaya ang dating ekspresyon na “Your wish is my command” ay naging “Your wish is my office”. Ang “Ten Commandments” ay naging “Ten Office Regulations”. Kung sa mga militar ang tawag kay P-Noy ay KIT, sa hanay ng pulisya ano ang tawag sa kanya? Chief enforcer? Supremong Pulis? Kingpin?
Kasama sa Treyning
Ang konsepto at doktrina ng command responsibility ay nag-ugat sa kultura at panuntunang militar ngunit esensiyal na bahagi pa rin ng doktrinasyon sa pagsasailalim sa treyning ng mga umaanib sa mga sibilyang unipormadong organisasyon mula sa pulisya hanggang sa mga bantay-piitan. Sa lahat ng propesyon at empleyo sa ilalim ng serbisyo-sibil, ang mga nasa unipormadong hanay ang higit sa lahat ay may gawaing batbat ng panganib sa sariling buhay. Kaalinsabay ng pagtatanim ng diwa ng disiplina ang kakambal nitong command responsibility sa panig ng mga superyor. Malaking bagay ito sa morale, sa mga sundalo man o mga pulis. Itinataya ang buhay sa pagtupad sa tungkulin na dala hanggang sa hukay ang pananalig na may pananagutan at responsabilidad ang superyor sa mga kunsekuwensiya ng ibinigay na order.
Walang command responsibility si P-Noy sa mga SAF na namasaker sa Mamasapano. Pero siya ay may official responsibility. Terminolohiya. Tsk!