ShareThis

  ESTADO

Laban ng Siglo



Nasa ikalawang dekada pa lang ang ika-21 siglo para taguriang “Laban ng Siglo” sa boksing ang paghaharap sa ring ng ating pambansang kamao na kilala sa buong mundo sa tawag na Pacman at kampeon na wala pang talo na si Floyd Mayweather Jr. Natupad ang hiling ng lahat ng fan ng boksing sa buong mundo na maglaban ang dalawa. Marami pang dekada ang nalalabi sa kasalukuyang siglo, napakarami pang dakilang boksingero ang magkakampeyon sa loob ng mga panahong ito. Pero nakatitiyak na ng espasyo sina Pacman at Floyd sa kasaysayan ng boksing. Parehong future hall of famer. Sa mga Pinoy, si Pacman ang magiging pangatlo sa mga boksingerong hol-op-peymer ng mundo, kasunod nina Pancho Villa at Flash Elorde. Mabibilang sa mga daliri ng isang kamay ang mga bansa sa Asya na may mga boksingerong hol-op-peymer ng mundo. Hindi man isang higante ang Pilipinas sa larangan ng isport sa pangkabuuan, sa boksing ay superpower tayo sa Asya. Ipinakilala at nai-promote ng mahabang talaan ng ating mga kampeon na boksingero ang Pilipinas sa lahat ng lahi. Sa nakalipas na kalahating siglo, dalawang pigura lang na nagbuhat sa Pilipinas ang umimbulog sa daigdig at naging pamilyar sa lahat ng lahi. Ang una’y si Imelda Marcos. Pagkatapos, si Pacman. Si Imelda ay naging pamilyar sa mundo sa lahat ng maling rason. Diktadurang Marcos. Adiksiyon sa luho at sa yaman. Sangkaterbang sapatos. Obsesyon sa magagarang gusali na tinawag na ‘edifice complex’ at mga malapalasyong bakasyunan. Si Pacman ay halimbawa ng pag-angat buhat sa karalitaan sa pamamagitan ng determinasyon. Kinakatawan ang mga positibong bagay na katangi-tangi sa isang lahi. Imahe ng pagiging world class. Kung ang isang tao ay nagiging brand ng isang produkto, si Pacman ang pruweba na may kalidad ng Nike, Apple, Microsoft, Calvin Klein, Levi’s, o BMW ang mga Pilipino. Siya ang tanging selebridad na buhat sa Pilipinas na ang mga tagahanga ay mga international celebrity. Marami na akong naisulat na papuri kay Pacman pero sa huli, isang siglo mula ngayon, alam kong maaalala lang ang panahon na nabuhay ako dahil ito rin ang panahon na nabuhay si Pacman.

Bigtaym na Boksing
Hindi ko pa nakaharap nang personal o nakasama sa ilalim ng iisang bubong si Pacman. Wala akong planong pagsikapan – get out of my way, ‘ika nga – para makasama siya. Sapat na sa akin ang masubaybayan siya sa masmidya, bilang meme at tagapagmeme ng mga nakakalaban sa ring. Na sabay kaming nabuhay sa ibabaw ng lupa. Siya sa tanghalan at ako bilang karaniwang tagapanood. Nagsisimula ang kasalukuyang milenyo nang bumulaga si Pacman sa bigtime boxing nang pagulungin si Barrera na para sa mga Mehikano ay dangal ng kanilang lahi. Bago ang laban kay Barrera, pamilyar lang si Pacman sa mga apisyunado ng boksing sa Asya. Hindi siya kilala sa US. Isang halimbawa ng indibidwal na bigtaym ang talento ngunit sa una’y kapos sa bigtaym na eksposyur. Hindi sinayang si Pacman ang oportunidad na magpakilala ng sarili. Sa mga sumunod na laban ay pinatunayan niyang hindi siya isang tilamsik lang kundi awtentikong de-kalibreng boksingero. Elemento ng pagsikat niya ang publisidad sa kanyang atityud, ang kababaang-loob sa kabila ng tagumpay, ang pananatiling nakatungtong sa lupa, habang napakaraming superstar na boksingero ang nanak-awt ng sariling ego. Ironiya na isa sa masusugid niyang fan ang dating kampeon sa hebiweyt na si Mike Tyson, na ang naging paggagap sa sariling katanyagan ay kabaligtaran kay Pacman. Kahit Pinoy si Pacman, maraming retiradong boksingerong Amerikano ang mas fan ni Pacman kesa kanilang kapwa-Kano na si Floyd. Samantala, isang Canadian ang masugid na tagahanga ni Floyd – si Justin Bieber.
Si Pacman ay isang pigurang penomenon sa bawat siglo. Gaya ni Gat Jose Rizal noong ika-19 siglo. Kung nabuhay ka sa panahon na nabuhay din si Gat Rizal, maaaring walang pagkasaid ang balon ng mga maisusulat mo sa iba’t ibang anggulo at perspektiba hinggil sa iyong ginalawang panahon na kay Gat Rizal nakasentro. Di mo man siya nakaharap o nakasama sa ilalim ng iisang bubong, napakarami mong maisusulat na pagbubulay-bulay sa mga impluwensiya at impact niya sa iisa ninyong panahon.

Positibong Bagay sa Pilipino
Hindi ako tagahanga ni Pacman. Tagahanga ako ng mga positibong bagay sa bawat Pilipino. Sinumang Pinoy, o anumang lahi, na bukod sa biniyayaan ng natatanging katangian ay nagtataglay pa ng kalugod-lugod na pag-uugali, kababaang-loob, pagmamahal sa bayan at kapwa, may disiplina sa sarili at sa propesyon, responsable, may determinasyon sa bawat pinupursigi, may katapatan, may pagpupunyagi ay karapat-dapat sa pagsaludo. Sa isang mapagpakumbaba, walang papuri na sobra dahil hindi niya nililikom ang mga papuri bagkus ay agad ding iwinawaksi. Kung idyosingkrasiya niya na nais isali ang sarili sa lahat ng bagay na umantig sa personal niyang interes – pagkanta, pag-arte, pulitika, pagsusundalo, pangangaral, pagpapayo, basketbol, atbpa. – so be it. Kasabihan nga: what is Pacquiao for? Pribilehiyo niya iyon, isang bagay na di lahat ay maaaring magtamasa. Maaalala ang sinabi ni John Lennon noong nais siyang ideport ng FBI dahil sa diumano’y ilegal na pananatili sa US: “Sarili kong cash ang gamit ko.” Sabi naman ng isang binatilyong nagsasalsal: “At least, hindi ako nag-aadik!” May mga di pumapabor sa sandamakmak na ekstrakurikular ni Pacman. Pero sipatin natin siya sa konteksto ni Lennon at salsalerong binatilyo. Absinerong kongresman? Ilan ang kongresman na panay absent kahit full time na trabaho nila ang magkongresman, at naging kongresman lang dahil kahit alagang aso ay mahahalal basta dala ang pangalan ng dinastiyang angkan? Performing arts? Sino ang kokontra na mas magaling na aktor at singer si Pacman kesa sa maraming pulitiko sa panahon ng kampanya? Preacher? Relihiyosong tao siya, ang nanay niya, at ang boypren na bagets ng nanay niya. Personal na preperensiya ang relihiyon at may kalayaan sa ating bayan ang magtestimonya kaugnay ng sariling relihiyon. Hindi niya naman iniutos na kunan siya ng bidyo o tapatan ng mikropono ang bunganga niya sa mga sandaling sumasanib sa kanya ang ispiritu-santo. Basketbol? Sino ang makikipagdebateng may boksing din sa basketbol? Kaya hayaan si Pacman sa lahat ng bagay na makaliligaya sa kanya. Siya’y di opisyal na royalti sa ating bayan. Noong araw, ang mga sultan ay may harem pa nga na binubuo ng magagandang babae. Mga babaeng singganda nina Ara Mina at Krista Ranillo. Di kailangan ni Pacman ang harem. Mahilig sa basketbol, pero sapat na sa kanya si Jinkee. Pero ikaklaro ko, sa dami ng nasabi ko – wala akong sinabing Pacman for president.




Archives