ShareThis

  ESTADO

BBL – Batas na Basurahan ang Lagpak?



Ang mga naglipanang misteryo kaugnay ng naganap sa Mamasapano ang dapat unahing pagsikapang maipaliwanag ng pamahalaang Aquino imbis na tumuon sa walang patid na mga propaganda para makapangumbinsi sa kahalagahan diumano ng pagpasa ng Bangsamoro Basic Law o BBL para sa kapayapaan at pag-asenso ng Mindanaw.
Nagmamasid ang Taumbayan
Nagmamasid ang taumbayan. Napagmasdan ang usapang-pangkapayapaan sa pagitan ng Malakanyang at MILF. Nabatid ang isinagawang misyon sa Mamasapano ng mga operatibang miyembro ng SAF. Naluha sa kinahantungan ng 44. Nanlumo sa naging pagtuturuan sa isa’t isa at mga pagkakaila ng mga taong responsable. Pati na sa sumunod na sirkus sa lehislatura sa pagsasagawa ng pagdinig na diumano’y in aid of legislation. Namunini ang mga korporasyon sa pagbabalita sa mga nakapaglalaway na aroma ng mga intriga. Nagmamasid tayong mga karaniwang mamamayan. Bandang huli ay malamang na tayo pa ang mapaparatangan ng gobyerno na makukulit sa pagkakaroon ng kung anu-anong mga komento at haka-haka kaugnay sa naganap sa Mamasapano at naging reperkusyon nito sa BBL. Kumbaga, nakaharap ka sa isang entablado na silang mga tao sa gobyerno ang mga gumaganap, at may mga isinali sila sa ensemble i.e. MILF, na habang sama-sama silang nagtatanghal ay may natitisod sa kanila nang di sinasadya o maya’t mayang nadadapa dahil nagkakabuhol-buhol ang kanilang mga paa, nabubulol sila sa pagbibitiw ng mga linyang sasabihin – pagkatapos ay pagagalitan tayong odyens kapag tumatawa tayo at nagiging kritikal sa kanilang perpormans.
Ang malinaw, at di lingid sa persepsiyon ng sambayanang Pilipino, nagtutulungan ang rehimeng Aquino at ang MILF sa pagpapakawala ng mga propaganda hinggil sa importansiya ng pag-aproba sa BBL bilang programa at proyektong kailangang magmateryalisa. Isang papel na ang mga partido lang ay ang administrasyong P-Noy at ang MILF. Sa teorya at ayon sa self-proclamation niya, siya raw (P-Noy) ang ‘ama’ ng bayan. Pero nasa hustong gulang ang sambayanang Pilipino para magpasya kung kanino ito dapat magpakasal at kung napapanahon na bang magpakasal ito o marami pang nais unahing balak sa buhay. Hindi maaaring puwersahang ipinapakasal ng isang ama ang sariling anak. Lalo kung ang rason ng pagpapakasal ay para makaiwas sa bantang pambubulabog ng tao na gustong mapangasawa ang kanyang anak. Walang kuwentang ama ang gagawa nang ganoon, na isinasakripisyo ang kapakanan ng sariling anak.
Kulang sa Transparensi
Paano pagkakalooban ng sambayanan ng ganap na suporta ang isang maselang lehislasyon kung kapos sa transparensi ang panig ng pamahalaan sa mga nagaganap sa sangkot na erya? Malinaw na may mga inililihim ang Malakanyang. Di kailangang kasingtalino mo si Senador Vicente Sotto III para humantong sa ganitong kongklusyon. Kumbaga sa “eureka moment” ito ay “eat bulaga moment”. Ang daming tanong ng sambayanan, laging lihis ang mga sagot na iniluluwal ng kagawaran ng propaganda ng Malakanyang – nagdidibuho ng ‘utopya’ na makakamit pag nagwakas ang sigalot sa Mindanaw. Hindi naman kampanya ang gustong marinig ng sambayanan. Ano ang tunay na naganap sa Mamasapano?
Gaano (pa) kalakas ang masel sa galamay ng Malakanyang para mabraso ang mga lehislador na ipasa ang BBL? Marami-rami ang kailangang isakay ni Mar Roxas sa kanyang ‘knight rider’ para makakuha ng sapat na boto. Kung totoong naibasura na ang DAP, saan sila ikukuha ng pondo para sa ‘in aid of legislators’ na boboto? Kung ikaw ang mambabatas at wala rin lang cash-saling ibang kunsiderasyon sa iyong magiging boto – siyempre doon ka na sa gusto ng iyong mga konstituwente. Palitikarek pa ang dating.
Ang mga mambabatas, sa teorya, ay kumakatawan sa sambayanan. Mahalagang rekado ng proseso sa pagpasa ng batas ang pagtasa sa pulso ng sambayanang kinakatawan. Kapag tutol ang mas maraming konstituwente sa isang panukalang lehislasyon, inhustisya sa kanila kung boboto pa rin nang pabor dito ang kanilang mambabatas. Ang isang lehislador, sa teorya pa rin, ay di bumoboto nang ayon sa personal niyang sentimyento bagkus ang boto niya ay depende sa sentimyento ng kanyang mga kinakatawan. Di mahirap intindihin ito. Hindi ito kasingkumplikado ng istruktura ng uring nobilidad sa Inglatera. Di kailangan na cognoscenti ka. Di rin maaaring maging opsiyonal. Ito ay entropiya. Ito ay sine qua non. Sine dubio. In toto caelo.
Repasuhin ang Istratehiya
Gusto natin ng asenso. May namementinang growth rate ang Pilipinas kahit sa teorya ay may umiiral na armadong tunggalian sa Mindanaw – gobyerno at AFP laban sa MILF, MNLF, Abu Sayaf, BIFF, iba’t ibang mga terorista at bandidong Muslim, Kristiyano, mga tribung di Kristiyano at di Muslim. Sa kabila nito, nasa kamalayan ng mga mamamayang may ambisyon at talento na tubo at/o taga-Mindanaw – anuman ang relihiyon at tribu – na sa Mindanaw at sa alinmang bahagi ng kapuluan ay naghihintay sa kanila ang lahat ng kailangang oportunidad kung nais umasenso sa buhay bilang Pilipino. Puhunan ang edukasyon at pagsisikap, ang paglahok sa lahat ng proseso sa ilalim ng pambansa at mga lokal na pamahalaan. Hindi bilang separatistang Islamiko o instrumento sa perpetwasyon ng mas-pulitikal-kesa-panrelihiyong dibisyon sa Mindanaw na humihikayat sa pagbaling sa armas ‘at the expense’ ng mga palaging nananangan sa kapayapaan. Mag-isip, baka ang mismong Malakanyang ang nagbibigay ng inisyatiba na bumaling sa armas sa pagbibigay nito ng di deserving na gantimpala at maling ehemplo sa proseso nito ng pagdrowing ng kapayapaan sa Mindanaw. Ang Mindanaw ay di dapat ilagay sa ilalim ng pagpapasya ng mga armado na minorya bagkus sa mga mula’t sapul ay nagtataguyod ng kapayapaan na kumakatawan sa mayorya. Hindi dapat magkaroon ng prehuwisyo na ang Mindanaw ay para lang sa mga Muslim, o para sa mga Kristiyano na may hawak sa pulitikal na poder, o alinmang etnikong grupo. Sa mga lalawigang mayorya ang mga Muslim, lohikal na ang mga kaisang-pananalig nila ang mamumuno. Sa huli, ang Mindanaw ay para sa mga Pilipino bilang iisang lahi. Kaya mainam na muling repasuhin ang paraan ng pagtanaw o outlook sa Mindanaw at kaugnay nito‘y sa magiging istratehiya para matamo ang kapayapaan.
Baka imbis na ang 44 SAF lang ang makaranas ng kunsekuwensiya ng kanilang courage sans peur, ang buong sambayanan na ang binibigyan ng misyon ng Malakanyang na pumasok sa mga bagong uusbong na Mamasapano. Pagkatapos ay sasabayan lang ni P-Noy ng pag-iiskedyul ng pakikipagngitian at pakikipag-rubbing elbow sa mga negosyante sa inagurasyon ng pabrika ng armored car.




Archives