May panslayn (punchline) na nauso noong araw. Babatiin ang may kaarawan sa pagsasabi rito ng happy birthday sabay dugtong na “happy na, birthday pa”. Sa pagpapalit ng taon, puwedeng sabihin kasabay ng pagbating happy new year na “happy na, new year pa”. Seryoso, magkaibang bagay ang maging masaya na ay may bagong taon pa na naghihintay sa iyong buhay. Parehong biyayang hindi mapepresyuhan ang dalawang ito. Ang pagiging masaya ay nasa kakayahan nating ipihit ang atityud tungo sa pagkilala sa mga positibong bagay sa ating buhay. Ang pagdating ng panibagong taon sa ating buhay ay isang regalo na dapat ipagpasalamat. Ligaya at panahon. May higit pa ba sa mga ito bilang regalo?
Nagtatapos na mga Termino
Ang taon 2015 ang magiging huling buong taon sa termino nina P-Noy ng Pilipinas at Pangulong Obama ng US. Tiyak na magiging markado ang taon na ito sa dalawang nasabing lider. Medyo mas maganda ang sitwasyon ni P-Noy dahil nasa kontrol niya ang dalawang kapulungan ng kongreso habang si Obama ay nasa limbo ang mga adyendang lehislatibo dahil sa pamamayagpag ng partidong Republican sa kongreso ng US.
Sa 2015 din magsisimula ang termino ng mga nahalal na gobernador ng mga estado sa US. Makaaasang magkakaroon ng pagbabago o pihit sa istilo ng pamumuno sa pang-estadong antas. Harinawang ang pagbabago ay para sa ikabubuti ng mas nakararaming mamamayan at tumpak sa pangmatagalan ang magiging epekto. Ganoon din ang hiling natin para sa gobyernong federal. Sa kabila ng mga diperensiyang pampulitika sa pagitan ng liderato ng ehekutibo at lehislatura, sana’y ang tunay na makabubuti sa Amerika at sa buong mundo ang manaig.
Sa buong mundo, ang 2014 ay masasabing naging regular na araw sa opisina. May mga gera sa iba’t ibang lugar partikular sa Ukraine sa silangang Yuropa at sa Gitnang Silangan. Patuloy ang girian sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa Kanlurang Karagatan ng Pilipinas. May pakikipaggirian din ang Tsina kontra sa Vietnam, kontra sa Taywan, kontra sa Hapon, atbpa. kaugnay pa rin sa mga pinagtatalunang pagmamay-ari sa mga kanugnog ng teritoryo ng bawat isa. Habang nagkakaroon ng persepsiyon ng pagtamlay sa tinaguriang hard power ng US sa mundo sa waring tamilmil na pakikisangkot ng administrasyong Obama sa mga armadong tunggalian ng ibang mga bansa, kapansin-pansin naman ang pagiging agresibo pareho ng Rusya at Tsina sa mga palisi sa ugnayang-panlabas. Hindi masama ang taon 2014 sa ekonomiya ng US ngunit hindi rin nagbunsod ng ganap na pagbangon nito. Malaking hamon sa panlipunang aspeto ang mga tunggaliang panloob gaya ng isyu sa Ferguson.
Ebola At Mga Pambobola
Sa usaping pangkalusugan, markado ang 2014 sa banta ng salot na EVD (Ebola virus disease) na lumikha ng takot sa lahat ng lahi dahil sa naidudulot na agarang kamatayan. Batay sa mga pag-aaral, nagsimula ang EVD sa kanlurang Aprika. Sa panahon ng globalismo, walang lugar sa mundo na di isang hakbangan lang ang layo sa ibang bahagi dahil sa moderno at mabibilis na mga pamamaraan ng transportasyon at pakikipagkalakalan. Di na bago ang Ebola, natuklasan ito noon pang dekada sitenta, ngunit hanggang ngayo’y di pa alam ang tiyak na pinagmumulan nito. Gaya ng mga tao, ang mga unggoy at gorilya ay naaapektuhan ng EVD at maaaring maging tagapagdala ng bayrus nito.
Sa Pilipinas, nadagdag sa talaan ng mga napagtuunan ng pagtugis at agarang pagkundena ng sambayanan kaugnay ng pambansang krusada laban sa korapsiyon sina Philippine National Police Director-General Purisima at VP Binay. Sumambulat ang mga lihim na yaman ng dalawang mataas na opisyal. Ang pagtatamasa ng dalawa ng mga kaduda-dudang yaman ay makatwirang bulatlatin ng sambayanan. Kung mapapansin, ang kilusan laban sa korapsiyon ay humulagpos na buhat sa mga kamay ng administrasyong P-Noy. Mismong sambayanan na ang nag-iinisyatiba ng pagtugis. Kung hindi makapagbibigay ng kasiya-siyang paliwanag ang mga opisyal na nasasangkot ay walang ibang dapat sisihin kundi ang kanilang sarili kung hahatulan na sila ng gilti sa hukuman ng mga pananaw. Bagaman ewan din natin kung gaano kaepektibo ang istratehiya ni VP Binay na pag-iwas sa mga isyu laban sa kanya, marahil sa pangambang lalong dadami ang mga ipapaliwanag niya pag nagsimula siyang magpaliwanag. Kaya idinadaan na lang niya sa maagang pakikipagkamay sa mga botanteng itinuturing niyang nasa hanay ng masa na boboto sa kanya sa 2016 kahit nakaamba ang mga paratang ng katiwalian. Sa 2014 din nauso ang isang bagong salita: bobotante.
Patuloy sa pag-abante ang ekonomiya ng Pilipinas bagaman mas mababa sa inaasahan ang antas ng paglago o growth rate sa 2014. Isinisisi ng administrasyong P-Noy, at sumasang-ayon sa kanya ang ilang mga eksperto, na ang pagmenor ng takbo ng ekonomiya ay resulta ng pagkabimbin ng mga proyektong pang-imprastruktura matapos mawalan ng pondong magagamit sa ilalim ng DAP. Malawakang tinutulan ng sambayanan ang DAP at ito rin ay idineklara ng korte suprema na labag sa saligang-batas. Sa halip na malumanay na tanggapin ang desisyon ng isang malayang kapantay na institusyon, hindi nakatulong ang pa-tantrum na reaksiyon at pagtuligsa ni P-Noy at ng kagawaran ng ehekutibo sa kataas-taasang hukuman.
Yaman sa Gunita
Interesante ang 2015 sapagkat sa taon na ito makukumpirma kung may matindi-tindi bang mailalaban ang Partido Liberal sa halalan sa pagkapangulo sa 2016. Sinubok ng LP ang lahat ng madyik para maitaas ang tsansa ni DILG Sek. Mar Roxas; ibinigay ang lahat ng asistansiyang harapan at pailalim, pero nananatiling antipatiko si Roxas sa nakararaming mamamayan. Anuman ang gawin ng kampo ni Mar, ang laging nananaig ay ang persepsiyon ng ipokrisya at pagkaelitista na mga katangiang malamang sa hindi ay walang suporta sa hanay ng mga karaniwang mamamayan. Minsan pang napatunayan ito nang siya ang nasa kober ng isang magasin na tema ang paggunita sa unang taon ng pananalasa ng superbagyong Yolanda sa Tacloban. Dumagsa ang mga reklamo dahil hindi raw siya karapat-dapat maging mukha ng kagitingan at katatagan sa harap ng mapanghamong sitwasyon.
Taun-taon, may mga isinisilang at may mga lumilisan. May mga nagwawagi at may mga natatalo. May nagiging masasayang sandali at may mga di nagiging kasiya-siya. May mga naaakomplis at may mga nadidiskaril. Pero ang bawat taon na nalampasan ay ituring na biyaya at pandagdag-yaman sa baul ng mga gunita. Ang 2014 ay di lang isang lumipas na taon bagkus ay panahong na-invest natin sa ating buhay. Balikan natin ang lahat nang natutuhan at gamitin bilang patnubay sa 2015. Bumabati man tayo ng happy new year, hindi ibig sabihin na walang happy old year. Pero mas masaya ang bati sa pagsalubong sa 2015 – happy na, new year pa.