ShareThis

  ESTADO

Mga Tip Sa Panahon ng Taglamig



Taglamig na naman. Simula sa kalagitnaan ng Disyembre hanggang sa umpisa ng Marso ang itinuturing na panahon ng tagyelo o winter. Tatlong buwan na pinakamababa ang antas ng temperatura, kasagsagan ng pagbuhos ng niyebe, at may banta ng pananalasa ng blizard o daluyong ng niyebe na may kaakibat na malalakas na paghampas ng malamig na hangin.

Kahandaan
Malamig ang taglamig sa eryang Midwest na kinaroroonan ng estado ng Ilinoy. Batid na natin ito na matatagal nang naninirahan dito. Pero sa kulturang Amerikano, walang overkill pagdating sa pagbibigay-babala at paalala sa publiko ng sapat na paghahanda. Di baleng maging makulit huwag lang may mapahamak. Mapanganib ang taglamig. Nakamamatay. Ang tao ay malilimutin. Magbigay ng paulit-ulit na paalala sapagkat ito ang dapat.
Sa kabilang banda, ang supposedly paalala o babala o mga tip para maprotektahan ang sarili sa panahon ng taglamig ay anupa’t pawang sentido kumon. Magsuot ng makapal na kasuotan para maiwasan ang mga karamdamang posibleng maranasan bunga ng pagkababad sa lamig na gaya ng haypotermiya (hypothermia) at prosbayt (frostbite). Kailangan pa bang mga eksperto o ang kinauukulan ang magsabi nito? O dapat bang sabihin pa? Pero taun-taon sa tuwing sasapit ang taglamig ay inuulit ito. Paalala lang naman. Wala pa naman marahil namatay sa labis na paalala o sa kakulitan sa pagpapaalala ng mga tagapagtiyak sa kaligtasan ng publiko sa lahat ng panahon. Ang motto: mangulit na huwag lamang may manganib.
Kahandaan. Susing salita hindi lang sa pagharap sa pagdating ng winter at mga kasabay nito gaya ng blizard, kundi sa lahat ng haharaping matinding hamon ng kalikasan sa buong taon nasaang dako man ng mundo.

Climate Shock
Sa mga migrante buhat sa mga bansang tropikal gaya ng Pilipinas, ang pagsalta sa lupaing may estasyon (season) ng tagyelo o winter ay naghahatid ng – bukod sa “culture shock” – “climate shock”. May oryentasyon ang mga Pinoy sa senaryo na nagyeyelo ang paligid sa mga eksenang napapanood sa telebisyon at pelikula, sa mga larawan sa mga magasin, at sa mga akdang literatura na kaligiran at tagpuan ang mga lunan na may niyebe. Sa era ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas, nakubkob ang kamalayan ng mga Pinoy ng mga akda nina Longfellow, Melville, Hawthorne, Twain, Poe, Whitman, at John Greenleaf Whittier. Sa ikalawang bahagi ng ika-20 siglo na, theoretically, malaya na ang Pilipinas ay lalong nalulong ang maraming Pinoy sa lahat ng bagay na Amerikano na siyempre pa’y kabilang ang mga obra nina Sandburg, Saroyan, William Carlos Williams, Tennessee Williams, Faulkner, Eugene O’Neil, Malamud, at Robert Frost na awtor ng “Stopping by Woods on a Snowy Evening”. Pero ang kaalamang nakamit sa mga ito ay pahapyaw lang, panlabas at di panloob. Nang lumaon, nagkaroon ng tinawag na panitikang Pilipino sa wikang Ingles buhat sa mga Ingliserong manunulat na Pinoy na ang ilan ay naging beterano ng pakikipagsagupa sa niyebe matapos aktuwal na mamuhay sa mga taniman ng mansanas at asparagus. Ngunit hindi sapat ang maging kabisote ng mga luwal ng Hollywood o Greenwich Village para maging handa sa tunay na tekstura ng Amerika o niyebe.
Kung naromantisa sa impluwensiya ng mga Amerikano ang taglamig at niyebe, mas may reyalistikong anyo ang dalawa sa naging paglalahad ng karanasan ng mga Pinoy na patriyota na nasa Yuropa sa era ng pananakop ng mga Kastila. Nanginginig, tagos-buto ang lamig sa inuupahang kapirasong silid, hawak ni Gat Jose Rizal ang manuskrito ng Noli at muntik na itong gawing panggatong sa tsiminiya. Si Plaridel, namumulot sa lansangan ng mga upos na mapakikinabangan pa na sisindihan niya para makaamot dito ng init.
Sa propaganda ng mga Amerikano, imbis na malamig na disyerto ito ay isang “winter wonderland” para sa “postcard perfect” na “white Christmas”. Kaya sa sobrang naging rahuyo sa mga Pinoy ng paligid na nagyeyelo, may mga negosyong “snow experience” sa mga karnabal na sa tamang halaga ay makakapasok sa malakatedral na iladuhan o freezer. Doon, suot ang nirentahang makapal na saplot na galing sa ukay-ukay, lakad-lakad sa nagyeyelong sahig at ninanamnam ang nagyeyelong lamig. Pero kahit sa “winter” sa Pilipinas ay dapat ding mag-ingat. Mag-ingat sa mga magnanakaw, holdaper at isnatser sa paligid na tumutugaygay sa mga may sobrang pera na itinatapon sa walang katuturan.

Mga Dapat Tandaan
Kung ibubuod, ang mga sumusunod ang mga dapat tandaan sa panahon ng taglamig:
1. Magsuot ng maraming salansan ng saplot sa katawan. Mas mainam ay maiinit na tela gaya ng lana, seda, rayon, Dacron, Down o polyester.
2. Magsuot ng panlabas na saplot na “wind proof” at magpandong o maglagay ng balabal sa mukha. Gumamit ng bupanda. Magsuot ng guwantes para protektahan ang mga kamay. Kapag nasa labas ng bahay ay magsuot ng sombrero o gora.
3. Iwasang humawak sa malalamig na bagay lalo sa mga gawa sa metal.
4. Manatili lang hangga’t maaari sa loob ng bahay pag ang temperatura ay sero o mas mababa.
5. Kapag dalawang bloke o higit pa ang layo ng pupuntahang lugar, maipapayo na gumamit na ng sasakyan na may gumaganang heater.
6. Regular na sumubaybay sa pahayag sa lagay ng panahon at antas ng temperatura sa radyo o telebisyon.
7. Kung maaari, iwasan nang bumiyahe pag may low visibility condition o pag labis ang yelo sa kalsada.
8. Iwasan ang mga inuming alkoholiko at may caffeine dahil ang mga ito’y nagpapabilis sa pagkunsumo ng init sa katawan. Mas mainam ang paghigop ng mainit na sabaw at pag-inom ng karaniwang tubig na inumin.
9. Makabubuting ipasok sa loob ng bahay ang mga alagang-hayop maliban kung may sariling heater ang kanilang establo o kural.
10. Kung nasa Pilipinas, balewalain ang unang siyam. Puwedeng magkape.




Archives