ShareThis

  ESTADO

Gera sa Pagkagobernador ng Ilinoy



Di ko alam kung kailan huling naging medyor na paksa ng kampanya sa eleksiyong pampanguluhan sa Pilipinas ang tindig ng bawat kandidato sa karapatan sa pangkatang pakikipagtawaran (collective bargaining) ng lakas-bisig o labor force. Sa pribado man o publikong sektor, may mahabang kasaysayan at solidong tradisyon ang unyonismo sa estado ng Ilinoy. Mahirap maimadyin ang Ilinoy na walang umiiral na matatag na kultura ng pagpapahalaga sa mga manggagawa at empleyado. Nagbigay ng templeyt ang Ilinoy sa buong Amerika sa pagrespeto ng gobyerno sa mga obrero at organisasyon ng mga ito. Ang Ilinoy ay di kahalintulad at di dapat maging katulad ng Wisconsin, Indiyana, at ibang estado na ang karapatan sa pangkatang pakikipagtawaran ng lakas-bisig ay epektibong nasikil ng pamahalaang pang-estado. Sa gera sa pagkagobernador sa pagitan nina Gob. Pat Quinn at Bruce Rauner ay maraming paksang mahalagang talakayin, pag-usapan, at maipaalam sa mga botante ng Ilinoy. Isa na rito ang adyenda ng bawat isa tungkol sa unyonismo ng mga empleyado sa pribado at publikong sektor.

Mahigpit ang Laban
“It costs real money to blanket the state with wall-to-wall commercials, a fact borne out by the quarterly filings of the candidates running for governor. Republican Bruce Rauner spent 20.3 million in the months from July through September, according to the Illinois State Board of Elections.” Hango iyan sa diyaryong Chicago Sun Times petsang 10/16/14 na may pamagat na “Gov, Rauner camps spending liberally”.
Mahigpit ang laban sa pagkagobernador ng Ilinoy sa halalan sa Nobyembre. Bagaman tradisyunal na balwarte ng Partidong Democrat ang Ilinoy, hindi magpapadaig at madalas ay nakahihigit pa ang laki ng pampulitikang makinarya at pondo ng Partidong Republican para sa mga kandidato nito. Di gaya sa Pilipinas na ang pangangampanya ay sa pamamagitan ng pagdikit ng paskin o campaign materials sa mga pader at poste, sa US ay sa pamamagitan ng pagbayad ng kandidato/partido ng air time sa mga istasyon ng telebisyon at radyo. Na mas mainam dahil mas natatalakay ang mga isyu kesa sa payak na paskin na ang tanging laman ay mukha ng kandidato at islogan niya at partido.

Kabatiran sa Pagkatao ng Kandidato
Sa mga patalastas o political ad sa telebisyon at radyo ay nagkakaroon ng pangunahin at agarang kabatiran sa personal na kaligiran, paninindigan, at serbisyo sa publiko nina Quinn at Rauner. Dahil nakaluklok na gobernador, bukas na aklat ang buhay ni Quinn. Nabusisi na ang pagkatao niya sa mga nakalipas na kandidatura. Deka-dekada na rin na siya ay isang public official at public figure sa Ilinoy. Sa hanay ng mga Pinoy at Fil-Am, si Quinn ay maaalala sa naging masugid na suporta sa mga proyekto para sa pagbibigay-ayuda sa mga nasalanta ng superbagyong Yolanda noong nagdaang taon. Umabot sa puntong nag-alok pa siya na gamitin ang C-130 na pag-aari ng gobyerno ng Ilinoy para agarang maihatid sa Pilipinas ang mga donasyong ayuda sa mga nasalanta. Di lang ito nag-materialize dahil mangangailangan ng clearance sa gobyernong federal ang ganoong hakbang.
Kay Rauner hindi pamilyar ang marami. Siya ay isang bilyonaryo/negosyante na ang plataporma ay maibangon diumano ang pinansiya ng Ilinoy at mabura ang deficit sa badyet nito. Sa paanong paraan niya ito maisasakatuparan, iyan ang interesante.
Nakababahala ang mga naiuulat na bitiw ng salita ni Rauner partikular sa mga gagawin niyang tapyas sa badyet sa edukasyon, sa serbisyong pangkalusugan at medikal, at iba pang asistansiya ng pamahalaan sa mga mamamayan na mas nangangailangan nito. Vocal siya sa pagmamaliit sa saysay ng unyon para sa pagsusulong sa kapakanan ng maliliit na manggagawa/empleyado at karapatan ng mga ito sa disenteng buhay. Itinuturing niyang sobra-sobra ang sinasahod ng mga nasa Ilinoy kaya may panukalang bawasan ang minimum na pasahod sa Ilinoy tutal kahit bawasan ng isang dolyar ay mas mataas pa rin sa itinakda ng gobyernong federal na minimum. Itinuturing niyang masyadong malaki ang kasalukuyang tinatanggap na pensiyon ng mga nagreretiro sa Ilinoy. Nagbabanta siya ng pag-shutdown sa gobyerno ng estado kung kinakailangan. Sa ganitong paraan ba maisasaayos ang pananalapi ng isang estado? Ang isakripisyo ang kapakanan ng maliliit na mamamayan?

Marunong ang mga Taga-Ilinoy
Si Gob. Quinn ay habambuhay na karera ang serbisyo-sibil at kaugnay nito, o dahil dito, siya’y gaya ng isang karaniwang Amerikano sa antas ng yaman at sa taglay na sensibilidad. Kumpara kay Rauner na tradisyunal na entreprenyur, kapitalista, pinansiyer, at isang bilyonaryo. Sa Pilipinas, pag ang isang tao ay habambuhay na karera ang pagiging lingkod-bayan at suwelduhan sa gobyerno ay siya pa ang kadalasang superyaman. Sa US, maliban kung dati nang mayaman bago pumasok sa pulitika, wala halos yumaman sa pagpasok sa gobyerno bilang gobernador man ng estado gaya ni Quinn o pangulo gaya ni Pres. Obama. Mas transparent kasi nang ilang grado ang mga transaksiyon at tinag ng pondo ng bayan sa US kesa sa Pilipinas. Sa US, malamang sa hindi na mabisto ang anomalya lalo kung malakihang halaga ang sangkot o kapag mahimala ang pagdami ng ari-arian ng isang pablik-opisyal. Ngunit isyu ring panghalalan ang pagyaman ng isang kandidato kahit sa pribadong sektor siya nanggaling. May mahalagang papel ang moralidad at integridad ng pagkatao ng isang kandidato saanmang sektor siya nanggaling. Kaya hindi komo’t galing sa pribadong sektor ang isang kandidato ay absuwelto na siya sa mga bahid sa pagkatao. Kapansin-pansin din naman ang pagkakaiba nina Quinn at Rauner sa paraan ng pagsipat sa mga subordinate at constituent. Si Rauner ay mula sa itaas patungong ibaba. Si Quinn, na nagbuhat din sa mababa, ay may punto-de-bista na mula sa ibaba pataas at nang maging punong ehekutibo ng estado ay lumugar sa bandang gitna para nakikita ang magkabilang dulo at nababalanse ang interes ng lahat ng panig sa lipunan.
Sa mga patalastas sa telebisyon, idinidikit ng kampo ni Rauner ang persona ni Quinn sa dating gobernador na si Rod Blagojevich na napiit dahil sa pangongotong. Kumbaga’y nilalahat niya ang matatagal nang nasa gobyerno ng estado. Sentido kumon ang nagsasabing di parehas o unfair ang ganitong atake. Mas marunong ang mga taga-Ilinoy at di basta kakagat sa ilohikal na asosasyon na layon ng political ad. Sa huli, titimbangin ng mga taga-Ilinoy ang dalawang naglalaban ayon sa kanilang mga karakter at pagiging balido ng kanilang mga alok na solusyon sa mga problema ng estado. Sa panahon ng kampanya sa halalan, binobomba tayo ng magkakataliwas na propaganda at sa ganitong panahon ay nagiging napakahalaga ang maingat at wastong pagpapasya.




Archives