ShareThis

  ESTADO

Kulturang Kailangang Kalingain



Kapag narinig ang salitang “kultura”, ang unang pumapasok sa isip ay ang mga anyong-sining katulad ng oil painting, musikang klasikal, opera, ballet, at iba pang bagay na sa isip ng masang Pinoy ay mga luhong pangmayaman lamang. Mga pagtatanghal sa Philippine International Convention Center (PICC) o Cultural Center of the Philippines (CCP). Hindi pamilyar sa masa ang mga perpormer at wala sa puso at malay nila ang diwa ng palabas huwag nang sabihing hindi abot-kaya ang halaga ng tiket.
Kapag sinabing National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ay agad maiisip ang mga napili nitong magawaran na pambansang alagad ng sining na sa dinami-dami ng nasa listahan nito na mga pensiyonado ng bayan ay puro naman hindi sila kilala ng mismong taumbayan.

Kulturang Sali ang Masa
Ilang porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ang nakapasok na sa CCP? Ilan ang nakapanood na sa isa sa mga teatro nito o nakapagmasid sa alinman sa mga galeriya? Ang ‘galleria’ na alam ng masa ay ang mol ng Robinson sa EDSA.
Ba’t nagtatapon ng daan-milyong piso ang pamahalaan ng Pilipinas para sa tinatawag na “kultura” na laan lang sa mga nabibilang sa uri na una ring umaalipusta sa masa? Nilalait nila ang kultura ng masa katulad ng pagbabasa ng komiks at tabloyd, pakikinig sa mga popular na kanta sa radyo, o panonood sa mga programa sa telebisyon. Samantala’y kumakabig lang din naman sila mula sa pondo ng taumbayan na imbis sana sila’y ang masa ang nakikinabang.

Kolektibong Pagkilos at Pag-iisip
Hindi natin ibig balewalain ang saysay ng tinatawag na “mataas na kultura” at matataas na anyong-sining. Pero mahalagang pagtuunan din ang kultura sa katuturan nito na sangkot ang mga gawi at galaw ng buong sambayanan. Kulturang tumutukoy sa kolektibong pagkilos at pag-iisip ng isang lahi. Inilista ko ang sa tingin ko’y ilan sa mga kulturang karapat-dapat malinang o palakasin ng mga Pinoy.

1. Kultura ng Katapatan. – Seryosong bagay at malalim na usapin ito. Ang pagkawala ng pagpapahalaga sa pagiging matapat ng maraming Pinoy ang kadalasang nagbibigay sa mga Filipino ng bansag na lahing may malalang panlahing problema o may ‘damaged gene’. Mahabang kuwento kung isasalaysay ko ang mga naging personal na karanasan kaugnay sa pagtitiwala. May mga nagsasabing ang Pilipinas daw ay parang isang ‘black hole’ na ang mga ipinagtiwalang halaga, perang-gobyerno man o pribado, ay naglalaho at di mo na malalaman saan ito napunta o ano ang nangyari rito. Kailan pa matatanggal sa ‘dishonor’ roll ng listahan ng “most corrupt nations” ang Pilipinas? Ang pambansang katapatan ay nagsisimula sa indibidwal bilang payak na mamamayan o bilang opisyal sa gobyerno.
Magpairal ng makatao at angkop na reward and punishment system sa pagbibigay-diin sa importansiya ng pagiging matapat. Perverted ang isang lahi na mas marami ang pumapanig sa mga magnanakaw kesa sa mga taong tapat. Ibalik ang pagpapahalaga sa pagtitiwala sapagkat ang katapatan ay nananatili habampanahon habang ang perang ninakaw ay mauubos sa isang iglap.

2. Kultura ng Kasipagan. – Walang bayan na umasenso na di nagpamalas ng ekstra-ordinaryong kasipagan ang mga mamamayan. Kung hindi magpapatulo ng pawis at kikilos nang pantay-pantay ang lahat ng Filipino, ilusyon lang sa habampanahon na magiging maunlad na bayan ang Pilipinas. Kumilos ang mga namumuno nang magkaroon ng rason kumilos ang mga pinamumunuan.

3. Kultura ng Pagtitimpi. – Bawasan ang pagiging mapusok at OA. Hindi ka nagiging sikat sa pamamagitan ng eksaherasyon. Road rage at pakitang-gilas na wala sa lugar, wala nito sa hanay ng mga sibilisadong tao.

4. Kultura ng Pangangalaga sa Kalikasan. – Ang kapaligiran at likas na yaman ay di para sa panahon lang na umiiral tayo bagkus ay para rin sa lahat nang darating pang salinlahi. Matapos ang isang siglo ay nasira ang halos siyamnapung porsiyento ng kagubatan sa Pilipinas. Ganoon din ang halos kalahati ng erya ng karagatan at ibang anyong-tubig. Kailangang gamitin ang mga likas-yaman para sa mga hakbanging pangkabuhayan pero dapat ay “sustainable development”.

5. Kultura ng Paniniwala sa Sarili. – Bawasan ang paghanga at pamimilog ng mga mata sa akomplisment ng mga banyaga. Maniwala sa sarili pero dapat reyalistik. Gamitin ang sariling wika. Maging progresibo pero magkaroon ng tolerasyon sa nakikitang kahinaan ng iba. Maging ‘catalyst’ sa wastong paraan.

6. Kultura ng Inobasyon. – Kuwestiyunin ang lahat ng umiiral na prinsipyo, pamamaraan, at aralin. Tumuon sa pagbabagong nagpapagaan, nagpapabilis, at nagpapasimple sa proseso at paggawa ng mga bagay. Maging malikhain sa bawat aspeto ng pang-araw-araw na buhay. Palakasin ang inisyatiba sa inobasyon ng sistemang pang-edukasyon.

7. Kultura ng Mulat na Kababaang-Loob. – Huwag maging utak-alipin pero huwag ding maging utak-panginoon.

8. Kultura ng Pagsisinop. – Di masama ang bongga (lavish) pero mas di masama kung kayang gawing markado (memorable) ang isang bagay pero sa mas matipid na paraan. Magresaykel. Bawas-basura, bawas-angas.

9. Kultura ng Pakikipagsapalaran. – Ang mga OFW ay nakikipagsapalaran sa ibang bayan. Ngunit kahit ang mga naiiwan sa Pilipinas ay makatatagpo ng sari-saring pakikipagsapalaran sa iba’t ibang aspeto ng pamumuhay sa ginagalawang kapaligiran. Harapin ang mga hamon sa kabuhayan. Humarap sa ibang hamon sa trabaho at negosyo. Maging abenturoso sa linya ng agrikultura, inhinyera, paglikha ng iba’t ibang produktong maibebenta sa sariling bayan at ibayong-dagat. Di pangingibang-bayan ang pangunahing hamon sa bawat lahi kundi ang pagbangon ng sariling lupain.

10. Kultura ng Pagkalinga. – Mahalaga sa isang lahi ang pagiging mapagkalinga. Kalinga sa kapwa-tao, sa mga bata, sa mahihina, at may kapansanan. Kilala ang mga Pinoy sa world class na serbisyo bilang healthcare worker. Kailangang world class din ang mga programa sa bansa sa paghahatid ng kalingang pangkalusugan at pangkarapatan sa mga batayang pangangailangan.




Archives