ShareThis

  ESTADO

Ang Pagsasanga ng Landas Patungong Fasismo sa Pelikula ni Lav Diaz – Rebyu ni Felipe Furtado



Napagwagian ng pelikula ni Lav Diaz na may pamagat na “Mula sa Kung Ano ang Noon” ang prestihiyosong Golden Leopard Award sa ika-67 Pestibal ng Pelikula sa Locarno, Switzerland. Narito ang salin ko sa isa sa mga rebyu sa pelikula:
Sa sinematograpo ni Lav Diaz ay nakapaloob ang masalimuot na tagulaylay sa isang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas. Ang makasaysayang yugto ng diktadura ni Ferdinand Marcos ay nagsisilbi, at nananatili, na palihan ni Diaz sa kanyang mga pelikula. Ang Mula sa Kung Ano ang Noon ay isa sa mga obra niya na naglalayon na direktang mailahad ang mga panahon ng mismong rehimeng Marcos sa halip na ang mga kunsekuwensiya lang ng mga panahong ito. May pagsasanga sa mga salaysayin sa pelikula, na ang kumikintal ay ang pagkakahati sa bago at matapos ibaba ni Marcos ang dikreto na nagsasailalim sa bansa sa batas-militar. Ang dalawang kahatian na ito sa pelikula ay nagsasalikop para makamit ang mataas na antas ng sinematograpo na naiugnay na kay Diaz: ang kakayahang magpahiwatig ng mga bagay na higit o lampas sa mga napapanood na sitwasyon at ang rahuyo sa pagsasalansan ng mga detalye na nagbibigay-katarungan sa kahabaan ng pelikula. Ang natatanging dalawang hati sa pelikula ay nagtutulungan sa pagbibigay ng dramatiko at estetikong imahe sa tinatalakay na piryud ng bansa.
Dumarami ang pumapansin sa mga pelikula ni Diaz – na lalo pang nadagdagan matapos ang pagwawagi ng Mula sa Kung Ano ang Noon ng Golden Leopard – at kasabay nito’y ang mga pagtutunggaliang-pananaw sa haba ng mga ito, ang mga eksena ng karahasan dito, at hatid na pagkamangha sa mga manonood. Ang tinaguriang Slow Cinema ang pinakaiiwasan na uri sa mga kontemporaryong makasining na pelikula ngunit si Diaz ay di atas lang ng fetish sa tagal o haba bagkus ay itinuturing itong kasangkapan. Ang layon ng kanyang sinematograpo ay dramaturhikal habang ang durasyon o kabuuang haba ay bahagi ng drama, na kaparis ay pagtatanghal sa iskrin ng isang dakilang nobela na walang kinaligtaang isa mang pangungusap. Hindi kaakibat ng Mula sa Kung Ano ang Noon ang mga gumugulantang na sandali na kasing-igting at kasingdalas na nasilayan sa Norte, Hangganan ng Kasaysayan (2013), subalit may sapat na pagbibigay-diin sa mga ito. Hindi marapat na sipatin nang literal sa mga pelikula ni Diaz ang mga tagpong mararahas at nag-uudyok ng pagkahabag. Sa Mula sa Kung Ano ang Noon, ang tangka ay tungo sa pagbibigay-anyo sa prosesong pangkasaysayan na may makasining na pagdulog sa mga karahasan at kapanglawan.
Pamumuhay sa Ilalim ng Batas-Militar
Tinutunghayan natin ang isang liblib na baryo, sinusubaybayan ang iba’t ibang naninirahan dito, ang kanilang mumunting mga drama sa buhay, ang mga kakaibang ugnayan sa isa’t isa. Gaya sa Mula sa Kung Ano ang Noon, matatagpuan sa ibang obra ni Diaz halimbawa’y sa Batang West Side (2002) ang mga kaisipang nakakasa hinggil sa mga aninong nakalimlim sa isang kumunidad. Naroon ang pagkabagabag, na walang patid, sa pagkakasaklot dito (kumunidad) ng isang animo’y primordiyal na malidad o kasamaan na wala itong kakayahang makahulagpos. Sa punto ng drama, nahaharap tayo sa lipon ng mga mumunting lihim, mga hidwaan, mga banggaan ng saloobin sa isang tipikal na pamayanan, subalit ang hantungan sa kuwento ay di ang tipikal na sabon-kusot-banlaw, o pagkakaroon ng kagulat-gulat na eksplosyong katartiko. Sa halip, ang sasalubong ay ang wari’y palasak na panghihimasok ng pag-iral ng batas-militar sa panloob at panlabas na mga kamalayan. Tayo ang gagawa ng conteo (countdown) habang umaagapay sa ritmo ng mga pangyayari sa baryo, partikular ang pagdating ng mga militar dito. Sanay si Diaz na magpahiwatig ng pagkalas habang ipinipinta ang balangkas ng ikalawang bahagi na may kilapsaw ng mga puwersang pangdiktadura at panghimagsikan.
Sa kabuuang saysay nito, ang Mula sa Kung Ano ang Noon ay tumatayo bilang kaligiran ng Pilipinas – na karaniwang elemento ng mga pelikula ni Diaz. Kaya lang, ang Mula sa Kung Ano ang Noon ay nagkaroon ng mas radikal na tahakin. Ito’y may higit na makabagbag na arko ng estetika sa mabagal na hakbang ng pagbabago sa lunan na binibigyang-buhay. Sa unang bahagi, ang landskeyp ay napakalawak, mistulang may sariling persona bilang saksi sa mga pantaong drama, na nahahawig sa Norte, bago ang mabisang unti-unting pagpiga ni Diaz sa mga dadaloy ng sandali. Pagsapit sa puntong ang pelikula ay sumanib sa kasaysayan, ang lunan o espasyo nito ay nagbanyuhay, nagtamasa ng katangiang mitolohikal sa isang banda at teatral (theatrical) sa isa pa. Ang Mula sa Kung Ano ang Noon ay nagiging entabladong pinagtatanghalan ng mga ugnayan at tanawin na gumagagad sa bagong reyalidad kasabay ng kakayahan nitong mag-alegorya at maging didaktiko o makapagbigay-aral.
Pelikulang Didaktiko
Sa pelikula, ang pagdating ng mga militar ay nag-aanyaya ng pagmumuni-muni sa pamumuhay sa isang estadong-pulisya (police state) at ang dagdag na bigat na dulot nito sa bawat interaksiyon. Nagpapaalala sa pagwawakas sa Melancholia (2008) na makapangyarihang nailahad ang nakatadhanang kapanganyayaan ng isang pangkat ng mga gerilya. May pagkakahawig sa mabagal at masalimuot na proseso nang pagbunot ng kumunidad sa mga nabaon sa kolektibong kamalayan ng presensiya ng mga hukbo ni Marcos. Ang waring kawalan ng focus sa unang bahagi ay nagkaroon ng redireksiyon habang kinakaharap ng mga karakter ang litis-militar, sa pagkakaroon ng masasamang hinala sa isa’t isa at pagbibigay-interpretasyon sa bawat maging galaw. Ang Mula sa Kung Ano ang Noon ay may didaktikong hain o alok sa mga manonood.
Ang may pagsasangang istruktura ng pelikula ay nagbigay-pahintulot kay Diaz na mailatag sa paraang kongkreto ang daloy ng salaysayin mula sa pagiging abstrakto. Ang mga panlabas na kaligiran, ang mga palagiang malaise, ang pagkakaroon ng batas-militar, ang mga reyalidad sa pamumuhay sa estadong-pulisya. Nakapaloob ang mga kapabayaan na nagbibigay-puwang sa pagtatagumpay ng fasismo. Ito’y isang pelikula na nagtatangkang sumaling sa lagay ng pag-iisip sa paraang natural at walang pagpupumilit. Ang bawat pelikula ni Diaz ay isang palihan. Hindi ipinapayo ang payak na pagtungtong sa isang pamayanan at sa kapaligiran nito. Ang bawat espasyo ay nagkakaroon ng pag-iiba ng kahulugan buhat sa pambungad patungo sa pagwawakas. Ang Mula sa Kung Ano ang Noon ay isang panibagong hakbang ni Diaz sa pagbibigay-hubog sa pambansang trauma at ang salaysayin niyang ito hinggil sa pagkahulog sa totalitaryanismo ay di naging oskuro.




Archives