ShareThis

  ESTADO

Rizal Underground, Rizal’s Background



Kabilang sa sangkaterbang bandang sumulpot noong dekada nubenta ang kuwartet na Rizal Underground (RUG) na pinaglideran ng magkapatid na Mike, punong gitarista, at Angelo Villegas, tanging bahista. Para mapabilang sa RUG, kumalas si Angelo sa The Jerks na bandang mas mahilab ang kita, mas taga-sa-panahon at (dahil sa) mas may pangalan at humigit-kumulang permanenteng mga groupie. Pero kailangan niyang sumugal sa isang bagong-tatag na grupong wala pang pruweba at, higit sa lahat, wala pang mga groupie. Nasubaybayan ko ang unang album nilang self-titled hanggang sa ikalawang istudyo-album na Diskaril. Kahit nagpapaka-fab four ay umaangat ang timplang kayumanggi sa kanilang mga liriko, tunog, at areglo.

Si Lapu Lapu at ang Ocean Park
Simula nang unang dekada ng ika-21 siglo nang maging kontrobersiyal ang pagtatayo ng dambuhalang monumento ni Lapu Lapu sa Luneta na isa ako sa mga unang bumatikos sa artikulong “Lapu Lapu sa Luneta” sa arawang kolum ko noon na may pamagat na Serbisyo sa defunct na tabloyd na Swabe. Hindi sa ayaw ko kay Lapu Lapu. Pero wala siyang relebansiya sa Luneta. Mas may relebansiya pa sa kanya sa Maynila ang isa ring magiting na lider-Muslim na si Raha Soliman. Marami-rami rin ang ibang pumuna pero naituloy ang pagtatayo sa nasabing monumento ni Lapu Lapu na mas malaki kesa sa bantayog ni Gat Rizal.
Ang ibig kong sabihin, ginawa nang Payatas ng mga bantayog at istrukturang pangkomersiyo ang Luneta. Lahat nang gustong mapansin, o para makasiguro ng kikitain, sa Luneta gustong ilagay. Bago naging Manila Ocean Park, dinebelop ang lokasyon nito sa pagtatayo ng malawak na boardwalk para raw mas malaki ang espasyo sa mga nais makasagap ng hanging-dagat. Pagkatapos ay biglang naglaho ang boardwalk, sa lokasyon nito’y biglang nagkaroon ng gusali ng Manila Ocean Park. Bibigyan daw ng mas malaking libreng pasyalan ang mga mamamayan ‘yun pala’y lalo lang pagkakaitan!

Sacrificial Lamb ang mga Parke
Kakaiba sa lahat ang mga Pinoy. Kapag kailangan ng mga ekstrang lote sa loob ng metropolis, ang unang isinasakripisyo ay ang mga parke o likas na liwaliwan. Sa pagsisimula ng ika-20 siglo, maraming ambag na ideya si Daniel Burnham sa magiging disenyo ng Maynila kaugnay sa tahak nitong maging world class city na sa hinaharap ay ang industriya ng turismo ang isa sa magiging pangunahing pagkukunan ng rebenyu. Si Burnham ay pamosong city planner at tagadisenyo ng mga parke na ang bakas ng kamay ay makikitang buhay at masigla sa mga lungsod sa US at sa buong mundo. Maraming ipinangalan sa kanya bilang parangal. May Burnham Park sa Baguio at may Burnham Park din sa Chicago. Bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binansagan ang Maynila na Paris ng Asya. Nabura ang Maynila sa mapa sa pagtatapos ng WW II. May mabuti at masama sa nangyari. Sa masama, nawasak ang mga imprastruktura, mga antigong edipisyo, ang marami sa mga lumang simbahan, ang buong Intramuros. Sa mabuti, naging bakanteng papel ang lupain ng Maynila na nasa atin na kung paano ito muling lalagyan ng laman.
Kalansay na nababalutan ng mga saplot na basahan, ganito na ang Maynila na minsang naging musa ni Burnham. Laging may hanay na tumututol sa bawat bagong istrukturang idinadagdag sa Luneta at mga karatig-lugar nito. Sa dapat ay open space na lunan ng pangunahing bantayog ng pambansang bayani, ilang hakbangan lang ay may fasfud na nagbebenta ng tipikal na pagkaing Pinoy na hamburger at prensprays. Jolly gee! Langhap-sarap ang pagka-jolog ng ating lahi. Pero tumigil na nga tayo. Hindi nakikinig ang mga opisyal ng gobyerno hangga’t hindi sila gugutayin ng di-mahulugang karayom na mga nagpoprotesta. Laging mas maingay ang perang pumupuno sa kanilang mga sikretong lukbutan. Ilang dagdag na komersiyal na istruktura na lang at makakaribal na ng Luneta ang Divisoria.
Halos lahat na nga ng bagay sa Pilipinas ay pangit. Ang pangunahing rason nito’y pinapapangit natin ang lahat ng magaganda. Likas na kapaligiran. Mga gawang-tao sapul sa panahon ng ating mga ninuno. Pinapapangit. Mahigit limampung taon lang ang nakararaan – saglit lang ito sa kalendaryo ng kalikasan – kabilang sa pinakamagaganda at kahanga-hanga sa mundo ang ating mga birheng kagubatan. Ano na ngayon? Kung hindi larawan ng disyerto ay naging mga real property na lokasyon ng mga bagong plantasyon ng mga datihang angkang mayayaman o mga korporasyong kahati sa pagmamay-ari ang mga namumuno sa bayan noon at ngayon. Itinuring ng maraming bantog na oceanographer na nangunguna sa buong planeta ang ating mga karagatan, mga hayop at halamang-dagat, sa ibabaw at sa ilalim nito. Pinapangit natin.

May Mga Lugar na Sagrado
Sa mga progresibong bayan, may mga lugar na pinaninindigang sagrado at anuman ang sabihing rason ay di rason para mabahiran ang nasabing lugar ng anumang komersiyalisasyon. Hindi maaaring ang lahat na lang ng lugar sa ating bayan ay repleksiyon ng kapangitan ng budhi ng ating mga pulitiko. Sir Erap, tutal ay minsan mo nang ginawa ang umatras buhat sa puwesto mo bilang pangulo para sa bayan, magagawa mo ring paatrasin ang pagtatayo ng toreng kondominyum na natatanaw sa likuran ni Gat Rizal. Intensiyon talaga ng korporasyon sa likod ng toreng iyan na babuyin ang imahe ni Gat Rizal. Batid nilang libo-libo ang nagbibidyo, nagpapalitrato o nagsel-selfie kada araw sa harap ng bantayog ni Gat Rizal, mga larawan na makikita sa lahat nang anyo ng midya. Kaya bawat araw ay bilyong piso ang katumbas ng matatamasa nila sa libreng advertising ng kanilang istruktura. Isa ring paalala, sa pagiging simbolikal ay maganda ring target ang toreng iyan sa layon ng terorismo sa mga darating na panahon. Makapangyarihan ang epektong-biswal na umaapoy-apoy iyan bilang background sa bantayog ni Gat Rizal. Pero hindi iyan ang talagang isyu. Kasalaulaan mo bilang lider at delicadeza ng mga Pilipino bilang lahi.
Isa sa mga unang hain ng RUG ang kantang “Ya Naman” na nagsasalaysay sa buhay-musikero sa masayang melodiya sa tradisyon ng “I Get Around” ng The Beach Boys pero may mas madilim na teksto. Naaalala ko pa rin ang liriks ng kanta nilang Diskaril na natugtog din ng grupo kong And Aguinaldo As Helmsman (AAAH) sa ilang jamming at gig. Sabi sa kanta: “Diskaril muna tayo / sa riles na ito / ang kapalarang dinatnan / tayo’ng magpatakbo”
Diskaril na naman tayo sa nagaganap sa Rizal Park!




Archives