Ang kakanggata at sapal na rin ng emosyonal na depensa ng Malakanyang sa usapin ng DAP na idineklara ng korte suprema na labag sa saligang-batas ay ang diumano’y asensong pang-ekonomiya na bunsod ng diumano’y matapat at mahusay na paggamit sa pondong-bayan sa pamamagitan nga ng DAP. Ginamit ko ang pariralang emosyonal na depensa o depensang pang-emosyon, alinman ang mas magandang pakinggan. Pag sa emosyon umaapila ang isang tao o grupo ng mga tao lalo pa’t sila’y mga pulitiko para makakuha ng mga kakampi at suporter sa publiko di maiiwasang may agarang hatol na iyon ay propaganda. Ano’ng ‘isteyk’ (take) ninyo rito? Hilaw, mahilaw-hilaw, o lutong-luto? Hindi puwedeng tama na ang BAKA. Ang usapin ng DAP ay mas malalim kesa sa emosyonal na depensa. Ang pinal na pasya kung pahihintulutan ito, palalampasin ang mga paglabag kaugnay nito, o ganap na papatayin ito ngayon pa lang ay maaaring magbalik bilang multo o bagay na dapat ipagpasalamat sa mga darating na panahon.
Higit Pa sa Ginto
Ang emosyon ay panandalian. Para sa agarang layunin. Instant na kumbinyensiya. Walang sapat na pagmumuni-muni at pagtitimbang-timbang. May mga wonder drug na sa una’y parang madyik na papalis sa mga iniindang sakit sa maikling panahon at pagkatapos ay sisipa ang mga sayd-epek nito na dodoble sa batahin.
Hindi mahirap maunawaan ang pinaghuhugutan ng sampalataya at nagpapatuloy na suporta kay P-Noy nang – batay sa mga huling sarbey – mahigit sa kalahati pa rin ng populasyon ng bansa. Malalim na naibaon sa persepsiyon ng marami ang imahe niya na isang tapat na pangulo, kumpara kay Marcos, Ramos, Erap, at Macapagal-Arroyo. Bunsod ng talamak nang kultura ng pandaraya, pagnanakaw, pandarambong, panlilinlang, at mga kagaya sa loob at labas ng pulitika, itinuring nating higit pa sa ginto ang mga tilamsik ng katapatan na nasasaksihan sa halimbawa’y pagsasauli ng drayber ng taksi sa walet na naiwan ng pasahero, o janitor sa bag na natagpuan, o pulis na nairekord sa bidyo ang pagtanggi sa suhol ng inaaresto. Kung tutuusin, ang mga ganitong tagpo ng pagpapakita ng katapatan ay di mistulang penomenon bagkus ay normal dapat sa isang lipunan pagkat ang katapatan ang dapat ay general rule sa halip na naging exception to the. Pero sa bayan natin ay katapatan ang naging eksepsiyon at ang mga kabaligtaran nito ang panuntunan. Kumbaga sa law of supply and demand, napakakonti ang suplay ng katapatan sa Pilipinas. Halos sero na nga kung sa hanay ng mga pulitiko ang pag-uusapan. Sabik na sabik tayo sa mga palabas na makakapanood tayo ng matapat na gawa. Kung ang katapatan ay ang tanging pagkain, hayok na tayo sa gutom. Ang isang hayok daw ay kadalasang nababawasan ang kakayahang masusing magsuri at kumakapit sa ilusyon kaparis ng isang naghihingalo sa disyerto sa ‘mirage’ ng oasis. Ganito rin ang mga gutom sa katapatan na kumakagat sa mga organisadong projection ng katapatan ng mga pulitiko.
Dagdag-Gastos Dahil sa Duda
Noon ko pa nasabi, maraming dagdag-gastos sa isang lipunan kung may malalang kultura ng panlilinlang. Sa US, pag pinapunuan sa iyo ang bio data form, ilagay mo lahat ang gusto mong ilagay at tatanggapin ito nang buong-buo. Ilagay mong siyentista ka ng agham-kohete. Ilagay mong tatlo ang PhD. mo. Walang tanong. Ang presumsiyon ay pawang katotohanan lang ang isinaad mo. Sa Pilipinas, kung di idodobol o ititripol-tsek ang kredensiyal ng mga aplikante, hire at your own risk. Sa Recto, harap-harapan ang tawaran sa mga pekeng diploma na kadalasang ginagamit para makapag-abroad. Kaya sa US, kung taga-Malaysiya o Singhapor ka, sapat na ang kopya ng transcript of records (TOR) sa paaralang pinasukan mo sa pinanggalingang bayan. Pero kung Pilipino, kailangan pa ang sertipikasyon ng mismong paaralang pinagtapusan na ang mismong paaralan ang magpapadala. Ganito katindi ang naging imahe ng mga Pinoy bilang mga mandurugas. Sa konteksto ng ating burukrasya, imultiplay ang maraming dagdag-proseso at rekisitos sa lahat ng erya ng serbisyo-sibil at sa mga tanggapang pangregulasyon na ang epekto ay dagdag-multimilyon o bilyong pisong dagdag-gastos dahil sa di na tayo naniniwala sa isa’t isa at peligrosong paniwalaan natin ang isa’t isa.
Tanggap na ng mga pulitiko na ang katauhan nila’y inihahalintulad kung hindi sa mga buwaya o barakuda na uring predator ay sa mga baboy na puro tiyan at walang utak. Okey lang ito basta tuloy ang ligaya sa poder at porkbarel. Ni di na nila ikinakaila ito. Kaya rebolusyonaryong maituturing ang opisyal na islogan ni P-Noy na “matuwid na daan” na mistulang sariwang hangin kumpara sa mga nakakahikab nang “pagkain sa bawat hapag” ni Arroyo o “justice, economy, environment, peace” (JEEP) ni Erap o “Philippines 2000” ni FVR. Pagkamatuwid. Pagkamatapat. Ito lang, bilang plataporma, ay kumpletos-rekados na. Dahil kung wala raw korap ay wala ring DAP este mahirap.
Naakomplis ni P-Noy ang misyon na walang korap? Talaga? Na ito ang rason kaya pumaspas ang growth rate ng bansa? Maaaring nabawasan. Nabawasan nang katiting ang mga korap. Dahil sa mismong mga oras na ito, habang binabasa ninyo ito, milyon-milyong pisong pondo ng bayan ang nasa aktong isinasalin sa pribadong lukbutan ng mga nakaupo sa iba’t ibang tanggapan at ahensiya ng pamahalaan. Niloloko tayo ni P-Noy sa pagpustura niya ng kalinisan, tagumpay, at konsistensi sa kanyang islogan. Mas maniniwala pa tayo kung sasabihin niyang ginagawa niya ang makakaya. Sabay pag-amin na talamak pa rin ang katiwalian sa pamahalaan. Di ito alam ng mga karaniwang mamamayan subalit common knowledge na ito sa hanay ng mga nasa gobyerno.
Di Personal Kay P-Noy
Huwag nating kalilimutan na ang desisyon ng korte suprema ay di isang hampas sa aksiyon ng administrasyon ni P-Noy sa partikular kundi sa lahat ng ookupa sa Malakanyang na magtatangkang gumawa ng kagayang pagsyortkat sa disposisyon sa pondo ng bayan. Nagbibigay ang desisyon ng presedensiya (precedence) na magagamit o maiaaplay sa lahat ng mga susunod na presidente na ang iba ay posibleng maging mga bagong Marcos at Arroyo.
Tayo ba’y bayan na lubhang desperado sa katapatan na waring mamarapatin ng ibang mamamayan ang syortkat na proseso ng DAP, na labag sa saligang-batas, at balewalain ang pangmatagalan o long-term na mga implikasyon nito sa halip na sundin ang fundamental na patakaran ng demokrasya? Na para bang ang mismong pagsyortkat sa tamang proseso ay di nangangahulugan ng paglabag din sa mismong prinsipyo ng pagkamatapat?
Kung aalisin natin ang mga salitang good faith at growth rate ng bansa, ang ginawa ng mga nasa Malakanyang ay pagdispalko sa pondo ng bayan. Ang mabababang lingkod-bayan o empleyado ng pamahalaan ay di nagagamit ang mga salitang good faith at growth rate ng bansa kapag humarap sa kaso ng pagdispalko sa pondong ipinagkatiwala sa kanila. Kailangan ba talagang iba ang pamantayan pag ang lingkod-bayan ay sa Malakanyang nag-oopisina? Gaya rin na ibang pamantayan ang nakasanayang gamitin sa mga akusado ng pandarambong na sa espesyal na lugar idinedetine sa halip sa mga regular na kulungan na pinaglalagyan sa mga karaniwang mamamayan?