Hangga’t maaari ay ayoko sanang sumawsaw pa sa “pang-intelligentsia” na isyu hinggil sa pagtuturo ng wikang “Pilipino” sa mga kolehiyo na nasa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED). Hindi lang isang beses nating babanggitin: ang soberanya ay nasa taumbayan. Walang permanenteng bagay sa loob ng isang demokratikong estado maliban sa katotohanan na nasa taumbayan ang soberanya. Lahat ay maaaring mabago kung ito ang hinihingi ng nakararaming mamamayan. Maaaring palitan ang saligang-batas o alinmang bahagi o nilalaman nito. Maaaring palitan ang mga pambansang sagisag. Maaaring ang tinatawag na pambansang wika ngayon ay di na pambansang wika bukas kung ito ang sentimyento ng sambayanan.
Usapin ng Kapangyarihan
Bilang pauna, hindi ko sinasabing pabor ako na huwag ituro ang sinasabing wikang Pilipino sa kolehiyo. Pero hindi rin ibig sabihing tutol ako. Ang pagtuturo nito o pag-alis sa kurikulum ay payak na usapin ng pulitikal na kapangyarihan at burukrasya gaya rin sa alamat ng pagkakalikha ng tinawag ngang wikang Pilipino. Bilang payak na mamamayan, hindi ko lalabanan ang itinakda nang ayon sa proseso sa pamamagitan ng lehislasyon ng kongreso o regulasyon ng mga tanggapang ehekutibo. Bagaman bilang mamamayan din na kasosyo o part-owner ng soberanya sa bayan ay magpapahayag ako ng saloobin at pananaw sa mga galaw ng mga nasa gobyerno. Sa usapin ng (pagtuturo ng wikang) Pilipino sa kolehiyo, hindi ako sasamang lumundag sa kumunoy ng metapisika ng kaibahan ng sinasabing wikang Pilipino sa wikang Tagalog, kaangkupan ng Pilipino bilang wikang pambansa, bentaha at problema sa MLE, o sa pagtitistis sa mga istruktura ng wika. Ang babalikan ko ay ang big bang ng isyu at, paris ng bawat Pinoy sa lansangan, susuriin ang isyu sa pinakapayak nitong konteksto.
Ang wikang Pilipino sa opisyal na titulo nito bilang isa sa dalawang wikang pambansa ayon sa 1987 Konstitusyon ay isang ideya na isinungalngal sa sambayanan bilang kunsekuwensiya ng ratipikasyon ng nasabing saligang-batas. Ang nasabing konstitusyon ay di binuo ng mga delegadong halal ng bayan kundi mga tao na pinagdadampot isa-isa ng rehimeng Cory at hinirang upang maging komisyong pangkonstitusyon. Ang mga sinundan nitong saligang-batas partikular ang 1935 Konstitusyon at 1973 Konstitusyon ay binuo ng mga delegadong halal ng bayan sa kumbensiyong pangkonstitusyon.
Balikan ang Kasaysayan
Masayang balikan ang kasaysayan. Ina ni P-Noy ang promotor ng 1987 Konstitusyon na nagsasaad na diumano’y ang wikang Pilipino ang magiging isa sa mga wikang pambansa. Mahigpit na tinutulan ang ratipikasyon nito hindi lang ng hanay ng mga maka-Marcos kundi lahat nang hindi bilib sa liderato ni Cory. Kabilang na rito ang – hampas ng langit! – ilan sa mga nakaluklok ngayon sa mga ahensiyang-pamahalaan sa ilalim ng rehimen ni P-Noy. May mga nariyan na nagkaroon ng opisyal na tungkulin na paigtingin ang pag-aangas sa mga bagay-bagay hinggil sa wikang Pilipino (na one-liner sa 1987 Konstitusyon) na walang hiya-hiyang isinusungalngal sa sambayanan bilang ang wikang pambansa na nga sa ilalim ng ilusyon ng pagkakahon dito na iba at hiwalay na wika sa Tagalog o sa sinundang Pilipino na noo’y opisyal na wikang pambansa.
May magsasabing water under the bridge na ito dahil naitakda na nga matapos maratipikahan ang 1987 Konstitusyon na ang wikang Pilipino ang wikang pambansa. Tapos na raw ang debate, ayon sa isang dayhard ng wikang Pilipino. Nagwakas ba ang debate nang itakda ng 1935 Konstitusyon na Pilipino ang wikang pambansa? Sa pamamagitan ng referendum, ang boto ng mga mamamayan bilang mga indibidwal ang nagbibigay ng agaran, direkta, at otomatikong kapangyarihan sa isang saligang-batas para magkaroon ng bisa at maipatupad. Idibuho ninyo sa isip ang anyo ng isang saligang-batas ng isang republika. Libo-libo ang nilalaman nitong mga salita mula sa preambulo hanggang sa mga transitory provision, na ang bawat isang salita ay napakahalaga, kumakatawan sa libong kahulugan at humihingi ng mas marami pang paliwanag, huwag na ang tamang interpretasyon kung walang direktang paliwanag. Nang ratipikahan ng sambayanan ang 1987 Konstitusyon, ang laro ay all or nothing. Tanggapin ito nang buong-buo o ibasura lahat. Sa panahong si Cory ay namumuno bilang diktador, walang sinumang nanaising manatiling nasa limbo ang poder sa bayan – walang depinisyon at mga limitasyon ang kapangyarihan ng mga namumuno – tatanggapin mo ba o tututulan ang iniaalok niyang saligang-batas? Sasagot ka ba ng “No” dahil lang sa may linya rito, na mistulang tumor, na nagsasaad na ang wikang pambansa ay “Filipino”? Nang maratipikahan ang 1987 Konstitusyon, kasamang nabigyang-kapangyarihan ang nabanggit na ‘tumor’ na tuluyan nang lumago. Sa unang hain pa lang ng 1987 Konstitusyon, mayorya ng mga eksperto sa batas ay nagsabing may mga problema rito. Hindi angkop bilang saligang-batas dahil masyadong makitid ang world view, pang-short term, at nearsighted. Sapul sa panahon ni Pangulong FVR ay may intensiyon nang galawin ang mga nilalaman nito pero laging nakokontra dahil sa huli ang nananaig ay ang takot na ang pagbago ay magbigay-daan sa panibagong diktadura. Hindi baleng nakasalaksak ito sa atin ngayon bunga ng diktaduryal ding proseso. Kung probisyon sa wika rin lang naman ang babaguhin, bakit pa? Ibig sabihin, sino ba sa Pilipinas ang interesado pang pag-usapan ang isyu ng wikang pambansa maliban sa mga may higher education at may pitsa kung hindi sa opisyong may kaugnayan sa higher education ay sa negosyo tungkol sa higher education? Kung noon pa man sa era ng wikang Pilipino – na pangalawa sa pinakaasensado sa Asya ang Pilipinas – ay matumal ang partisipasyon ng mga mamamayan sa pangkalahatan sa isyu ng wika, sino ang mambobola na nagkaroon na ito nang higit na relebansiya ngayong mas maraming Pinoy ang nagugutom, uunahin ang sikmura, habang walang opsiyon ang mga pulitikal na lider ngayon at sa marami pang taon na darating kundi ang yumakap sa globalisasyon?
Di Magwawakas ang Debate
Ang ibig kong sabihin, kahit sina Hitler o Stalin sa pinakatugatog ng kanilang diktadura ay di naringgan ng pahayag na tapos na ang debate. Dahil sa prinsipyo ng soberanyang nasa taumbayan ay di magwawakas ang debate sa wikang pambansa hangga’t umiiral ang isang lahi at ang estado ng lahing ito. Kahit ang 1987 Konstitusyon o baha-bahagi ng nilalaman nito ay di panghabampanahon. Ang lakbay ng alinmang lahi sa mundo ay di lang sinisipat bilang ebolusyon bagkus ay eksperimentasyon din at sakbibi ng mga trial and error na maaaring mapayapa o madugo. Ang pagtatalu-talo hinggil sa anyo at saysay ng idineklarang opisyal na wikang pambansa ay isang indikasyon ng kasiglahan ng mga aktibidad na pang-intelektuwal – huwag nang sabihing pang-highly educated – sa kaibuturan ng isang lahi. Maganda ring pagtalunan ang merito ng ideya na magkaroon o magsalaksak ng idineklarang wikang pambansa para magsilbing instrumento o katalista ng pagbubuklod.