Naging usap-usapan ang naiulat na ginawa ng tinawag na reyna ng kababuyan o pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles na diumano’y listahan ng mga sangkot sa pandarambong sa porkbarel ng mga lehislador. Naglalaman daw ang nasabing listahan ng mga pangalan na – bukod sa batid na ng lahat na Tres Porkiteros – ibang nilalang sa loob at labas ng gobyerno na dawit sa pagnanakaw sa porkbarel.
Kaduda-dudang Manlilikha
Ewan ko kung anong antas ng pagkaseryoso ang angkop ibigay sa nasabing listahan na gawa ng isang akusado na mula’t sapul ay walang tiyak at malinaw na direksiyon ang istratehiya ng pag-atake sa mga kasong kriminal na kinakaharap. Una, hindi basta tuso este tao ang maging isang prinsipal na kasabwat sa dambungan ng pondo ng bayan na bilyon-bilyon ang halaga. Na ang mga katransaksiyon ay di lang mga dakila at pinagpipitaganang miyembro ng senado – ang dalawa sa mga ito’y propesyunal na artista habang ang ikatlo’y umakting para magkaroon ng basihan ang pagdedeklara ni Pangulong Marcos ng batas-militar sa bansa.
Palasak na ang ekspresyon na “talaang ginto” para gamitin ito sa talaan na binuo ni Napoles. Kaya lang, hindi rin maikakailang ginto sa kaban ng bayan ang sangkot sa usapin ng nasabing talaan. Di basta ilang gramo o onsa ng ginto ang sangkot kundi kilo-kilo at marahil ay tone-tonelada. Iyon ang talaan ng mga ‘nakaginto’ sa pondo ng bayan.
Maraming masasamang konotasyon sa kasaysayan ng daigdig ang mga lista-listahan. Itinuturo ng kasaysayan na dapat tayong maging alisto sa mga lista-listahan. Ang paglalabas ng listahan, bilang isang galaw, ay maraming posibleng layon. Maaaring bahagi ng istratehiya. Bagaman scrap of paper lamang, may madamdaming pagtalab ang isang listahan para mag-udyok ng histerya. Ang isang walang matinong mapagpalipasan ng oras ay maaaring bumuo ng talaan nang para sa kanya’y pinakadakilang mga personalidad. Pero kung mag-iisip, may saysay ba ang listahan? Opinyon lang iyon. Ang opinyon ay opinyon. Sa kabilang banda, may mga listahan na pinag-aanyong testamento ng partikular na katotohanan. Halimbawa, matapos magrebolusyon ang mga Katipunero ay binuweltahan nila ang mga ilustrado na ayaw sumuporta sa kanila. Bumuo sila ng listahan ng diumano’y mayayamang may kaugnayan sa Katipunan. Pinalabas na ang listahan ay aksidenteng nakuha sa kanila ngunit ang totoo’y sinadya nila na mapasakamay ito ng mga Kastila. Sa unang nabanggit ang talaan ay upang magbigay-bunyi habang sa ikalawa ay manirang-puri. May epekto ang isang listahan na bumago sa takbo ng pag-iisip ng iba/marami, sa pagtingin sa kapwa o sa sitwasyon.
Mga Gumugulong na Ulo
Sa panahon ng rebolusyon ng mga Pranses, naging free-for-all ang palitang-hatol sa pagiging kontra-rebolusyon na pinakamatinding krimen at may katapat na parusang kamatayan. Depende sa husay mangumbinsi, ang kahit sino’y maaaring lumikha ng listahan ng mga inaakusahang kaaway ng bayan at ng rebolusyon. May sariling listahan si Marat, meron din si Robespierre. Sa huli, nakaramdam na ng umay ang mga mamamayan sa kapapanood ng mga gumugulong na ulo. Umusbong na rin ang matinding paranoya sa isa’t isa kung sino na ang susunod na malalagay sa listahan. May pumatay kay Marat. Nagpatuloy si Robespierre at ibang lider-rebolusyon sa kagagawa ng listahan ng mga taong may krimen laban sa rebolusyon, na dapat bitayin, na ang pinanggagalingan ay maaaring sabi-sabi o bulung-bulungan. Sa pinakahuling pagbabanta ni Robespierre na may bago siyang listahan ay inunahan na siya at kinuyog. Kumbaga, ang nakasulat sa imbisibol na tinta na huling pangalan sa listahan ng mga dapat magilutin na binuo niya ay ang kanya palang sarili.
Hindi rin kuwentong pambata ang ginawang pagpurga ni Joseph Stalin sa Unyong Sobyet para makamit ang supremong dominasyon bilang diktador. Milyon-milyon ang nabitay nang dahil sa mga listahan ng kung anu-anong paratang patungkol sa kung kani-kanino.
Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, isinilang ang tunggalian sa pagitan ng US at Unyong Sobyet. Tiwala sa sarili ang US dahil alas nito ang bomba-atomika. Ngunit isang umaga’y ginulat ito ng pagtesting ng USSR ng sariling bomba-atomika. Nanakaw ang formula sa sandatang nukleyar ng mga espiyang Ruso sa tulong ng mga siyentistang Amerikanong nabayaran o may simpatya sa kaliwa. Nagkaroon ng tinawag na “red scare” o irasyunal na takot na nagwawagi na ang kumunismo sa loob mismo ng US. Isang dating hindi kilalang senador mula sa Wisconsin, si Joseph McCarthy, ay namayani sa eksena. Sa isang talumpati, sinabi niyang may hawak siyang listahan ng 205 na mga empleyado ng gobyerno na miyembro ng Partido Kumunista. Sa isang iglap, nakuha ni McCarthy ang atensiyon ng buong US. Matapos ang mabusising pagsisiyasat ng sub-komite ng senado ay umamin si McCarthy na gawa-gawa niya lang ang listahan ng 205 na miyembro ng Partido Kumunista. Pero hindi pa siya tapos. Nagpangalan siya ng siyam na tao na anya’y may malinaw na basihan na mga kumunista. Sa loob ng dalawang taon ay nagpatuloy ang smear campaign at mga innuendo ni McCarthy sa mga anya’y kaaway ng bayan. Dahil wala naman talagang malalim na pinaghuhugutan ang krusada – at mga listahan – ni McCarthy ay nauwi sa kangkungan. Pero naitanim na sa bokabularyo ang pangalan niya sa terminong McCarthyism na nagpapahiwatig ng kahunghangan na pagtugis.
Pagwawaldas sa Pambansang Atensiyon
Noon pa man ay kakaba-kaba na ang mga opisyal na batid sa sarili na sila’y naghapunan sa restawran ng katiwalian. Nakapag-isip na ng palusot noon pa man. Hindi usapin ang usig ng budhi. Ang ikinatatakot nila’y ang madamdaming reaksiyon ng taumbayan. Na nagaganap sa tuwing may pagbubulgar ng mga mandarambong sa pamahalaan. Kung nasa anyong listahan, madalas ay walang pagsasaalang-alang ang publiko sa pinanggalingan/bumuo ng listahan at posibleng rason sa likod ng pagpapalabas ng ganoong listahan.
Isang pagwawaldas ng pambansang atensiyon ang bruhaha sa listahan ni Napoles o Luy o sinuman kung hindi ito hahantong sa formal na pag-usig sa korte at agarang pagbilanggo sa mga nasasangkot. Tandaan nating sa distraksiyon nakakaeskapo ang mga nakokorner na pusakal na kriminal sa hanay man ng mga pulitiko o karaniwang mamamayan. Ang kailangan ay sama-samang paigtingin ang paggiit na ilipat si Napoles sa ordinaryong bilangguan at maibilanggo agad sa mga ordinaryo ring bilangguan ang mga sangkot na pulitiko nang walang mahabang balitaktakan, Gawin ito may listahan man o wala na sali sa satsatan. Tapusin ang mga dagdag na kuwentong pangbarberyahan.